Seminary
Mga Gawa 12:1–19


Mga Gawa 12:1–19

Isang anghel ang tumutulong kay Pedro sa kanyang paglaya mula sa bilangguan. Ang mga bantay sa bilangguan ay walang malay na nasa lapag.

Ang mga Apostol ay sinalungat nang sikapin nilang ipagpatuloy ang gawain ng Tagapagligtas. Si Santiago ay pinaslang sa utos ni Herodes, habang ibinilanggo si Pedro ngunit iniligtas siya ng isang anghel bilang sagot sa mga panalangin ng mga miyembro ng Simbahan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ka na magkaroon ng mas malaking tiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga sagot sa panalangin.

Magkakaibang resulta

Isipin ang iba’t ibang paraan kung paano maaaring tumugon ang mga tao sa mga sumusunod na sitwasyon:

Isang binatilyo ang masigasig na nananalangin nang maraming taon para mapagaling ang kanyang ama mula sa kanser, ngunit hindi gumagaling ang kanyang ama.

Isang dalagita ang taimtim na nananalangin para mapagaling ang kanyang ina mula sa kanser, at pagkalipas ng maraming taon ng paghihirap, mahimalang gumaling ang kanyang ina.

  • Kailan hindi nasagot sa paraang inaasahan mo o ng ibang tao ang inyong mga panalangin?

  • Paano ka tumugon?

  • Paano nakaimpluwensya sa tugon mo ang antas ng iyong pagtitiwala sa Ama sa Langit?

Sa iyong study journal, tukuyin ang mga himala o pagpapalang hinahangad mo. Isipin kung paano magdudulot ng magandang impluwensya sa iyong buhay ang pagkakaroon ng mas malaking tiwala sa Diyos. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga katotohanan at halimbawa na makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas malaking tiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga sagot sa mga panalangin.

Pag-uusig sa mga miyembro ng Simbahan

Habang patuloy na lumalaganap ang ebanghelyo, ang mga miyembro at lider ng Simbahan ay inusig ng mga pinunong Romano at Judio. Ang ilang lider ng Simbahan, tulad nina Pedro at Juan, ay mahimalang iniligtas ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 5:17–21), habang ang iba, tulad ni Esteban, ay hindi iniligtas (tingnan sa Mga Gawa 7:54–60).

Ipagpalagay na miyembro ka ng Simbahan noong nangyayari ang mga kaganapang ito habang binabasa mo ang Mga Gawa 12:1–4. Ang ibig sabihin ng salitang pagmalupitan ay apihin o saktan. Ang talata 4 ay nangangahulugang nagtalaga si Herodes ng 16 na kawal upang bantayan si Pedro habang pinaplano niyang patayin ito sa harap ng mga tao kalaunan.

  • Ano kaya ang mga madarama at maitatanong mo bilang miyembro ng Simbahan sa panahong ito?

Basahin ang Mga Gawa 12:5, at alamin kung paano tumugon ang mga miyembro ng Simbahan.

  • Bakit kaya mahirap na manampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal para kay Pedro?

  • Ano sa palagay mo ang naunawaan ng mga miyembro ng Simbahan tungkol sa Ama sa Langit na nakahikayat sa kanila na gawin ito?

Basahin ang Mga Gawa 12:6–11, at alamin kung paano sinagot ang mga panalangin ng mga miyembro ng Simbahan.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.

  • Ano kaya ang madarama o maiisip mo kung nasaksihan mo ang sagot na ito sa panalangin?

  • Paano maaaring makaapekto ang ganitong pangyayari sa pagtitiwala mo sa Ama sa Langit?

  • Anong mga katotohanan tungkol sa panalangin ang matututuhan natin mula sa salaysay na ito?

Taos-puso at taimtim na panalangin

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa salaysay na ito ay ang ating taos-puso at taimtim na mga panalangin ay nag-aanyaya ng mga himala at pagpapala ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao.

Ang mga himalang dulot ng tapat na panalangin ay kadalasang maliliit at simple sa halip na malalaki at kapansin-pansin.

Maaari mong panoorin ang “Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin” mula sa time code na 12:17 hanggang 13:07, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang sumusunod na pahayag upang makakita ng isang himala mula sa panalangin sa buhay ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol.

15:1

Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin

Itinuro sa atin ni Pangulong Ballard na manalangin para sa kaligtasan at kapayapaan ng ating mga bansa, mga pamilya, at mga lider ng Simbahan.

Opisyal na larawan ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2004.

Alam ko ang kapangyarihan ng panalangin dahil sa aking sariling karanasan. Nitong nakaraan ay mag-isa ako sa aking opisina. Katatapos lamang operahan ang aking kamay. Ito ay pasa-pasa, namamaga, at masakit. Habang nakaupo sa tabi ng aking mesa, hindi ako makapagtuon sa mahalaga at kritikal na mga bagay dahil sa sakit na aking nadarama.

Lumuhod ako sa panalangin at hiniling ko sa Panginoon na tulungan akong makapagtuon sa aking ginagawa upang matapos ko ito. Tumayo ako at binalikan ko ang tumpok ng mga papel sa aking mesa. Halos agad-agad ay naging malinaw ang aking isipan, at nagawa kong tapusin ang mahahalagang bagay na nasa aking harapan.

(M. Russell Ballard, “Subalit Maging Handa Kayo sa Bawat Panahon, na Nananalangin,” Liahona, Nob. 2020, 79)

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 2. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.

  • Ano ang mga naging karanasan mo o ng iba kung saan sinagot ng Diyos ang mga panalangin?

  • Ano ang itinuro sa iyo ng mga karanasang ito tungkol sa mga hangarin at nadarama ng Ama sa Langit para sa iyo at sa iba?

  • Paano nakaimpluwensya ang mga karanasang ito sa iyong hangarin at kakayahang magtiwala sa Ama sa Langit?

Pagtitiwala sa Diyos

Basahin ang Mga Gawa 12:12–17 upang malaman kung paano nagtapos ang salaysay na ito. Isaisip na ang Santiago na binanggit sa talata 17 ay hindi ang Santiago na binanggit sa talata 2.

Kung minsan ay hindi sinasagot ang mga panalangin sa paraang inaasahan natin. Ang pagpaslang kay Santiago ay maaaring isang halimbawa nito. Ang mga Banal sa panahong ito ay malamang na nanalangin din para kay Santiago, ngunit pinatay pa rin siya ni Herodes (tingnan sa Mga Gawa 12:2).

Pagnilayan ang mga sitwasyon mula sa simula ng lesson at ang mga panahon sa sarili mong buhay na hindi sinagot ng Diyos ang iyong mga panalangin sa paraang inasahan mo.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Ama sa Langit na makatutulong sa iyo na magtiwala sa Kanya sa mga sitwasyong ito?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang isang bagay na makatutulong kapag hindi nasasagot ang ating mga panalangin sa paraang inaasahan natin. Maaaring gusto mong panoorin ang “Healing the Sick” mula sa time code na 15:19 hanggang 16:55, o basahin ang sumusunod na pahayag.

17:35

Healing the Sick

We have this priesthood power, and we should all be prepared to use it properly.

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Bilang mga anak ng Diyos, batid ang Kanyang dakilang pag-ibig at sukdulang kaalaman kung ano ang mainam para sa ating walang hanggang kapakanan, nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ang [ibig sabihin ng] pananampalataya ay pagtitiwala. Nadama ko ang pagtitiwalang iyan sa mensaheng ibinigay ng pinsan ko sa burol ng isang babaeng tinedyer na namatay sa malubhang karamdaman. Sinambit niya ang mga salitang ito, na ikinamangha ko noong una at nagpasigla sa akin kalaunan: “Alam ko na kalooban ng Panginoon na mamatay siya. Naalagaan siya nang husto. Nabigyan siya ng mga basbas ng priesthood. Nasa temple prayer roll ang pangalan niya. Daan-daan ang nanalangin na manumbalik ang kanyang kalusugan. At alam ko na sapat ang pananampalataya ng pamilyang ito na gagaling siya maliban kung kalooban ng Panginoon na iuwi na siya ngayon.” Nadama ko ang pagtitiwalang iyon sa mga salita ng ama ng isa pang natatanging babaeng tinedyer na namatay [sa kanser] kamakailan. Ipinahayag niya, “Ang pananampalataya ng aming pamilya ay na kay Jesucristo, at hindi batay sa mga kahihinatnan.” Ang mga turong iyon ay akma sa akin. Ginagawa natin ang lahat para gumaling ang isang mahal sa buhay, pagkatapos ay nagtitiwala tayo sa Panginoon sa kahihinatnan niyon.

(Dallin H. Oaks, “Pagpapagaling ng Maysakit,” Liahona, Mayo 2010, 50)

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Oaks na sa palagay mo ay mahalagang tandaan? Bakit?

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 3. Gawin ang sumusunod.

Batay sa natutuhan mo ngayon, sumulat ng isang journal entry na tumatalakay sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na prompt:

  1. Ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit na nagpapalakas ng iyong tiwala sa Kanya

  2. Ang natutuhan mo tungkol sa panalangin na nais mong tandaan

  3. Mga impresyong natanggap mo mula sa Espiritu Santo tungkol sa kung paano pagbubutihin ang sarili mong mga panalangin o kung paano mo mas sisikaping magtiwala sa Ama sa Langit

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa? 

Ano ang kailangan nating maunawaan kapag tila hindi dumarating ang mga sagot sa panalangin?

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Huling opisyal na larawan ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, 2004. Pumanaw noong Setyembre 22, 2015.

Kapag tila hindi dumarating ang mga sagot sa mahalagang panalangin, maaaring hindi natin nauunawaan ang ilang katotohanan tungkol sa panalangin o hindi natin napapansin ang mga sagot kapag dumarating ang mga ito. …

… Pinakikinggan Niya ang bawat panalangin at sinasagot ito sa Kanyang paraan.

(Richard G. Scott, “Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 30–31)

Paano mapagpapala ng aking mga panalangin ang mga lider ng Simbahan ngayon?

Nalaman natin sa mga banal na kasulatan na ang Unang Panguluhan ay pinagtitibay ng “pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:22). Habang naglilingkod bilang Pangulo ng Simbahan, ibinahagi ni Thomas S. Monson (1927–2018), “Tulad ng binanggit ko sa mga nakaraang kumperensya, salamat sa inyong mga dalangin para sa akin. Kailangan ko ang mga ito; at nadarama ko ang mga ito” (“Patnubayan Nawa Kayo ng Diyos Hanggang sa Muli Nating Pagkikita,” Liahona, Nob. 2012, 111).