I-assess ang Iyong Pagkatuto 1
Mateo 1–2; Lucas 1–2; Juan 1
Ito ang una sa ilang periodic assessment lesson na lalahukan mo sa buong taon ng pag-aaral mo ng Bagong Tipan. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan nullka na suriin o i-evaluate ang iyong mga mithiin, pagkatuto, at pansariling pag-unlad.
Ang layunin ng mga assessment lesson
Magdrowing ng simpleng larawan ng isang halaman sa iba’t ibang yugto ng paglaki nito. Makatutulong sa iyo ang ipinakitang larawan. Habang nagdodrowing ka, pag-isipan kung paano mo sasagutin ang sumusunod na tanong. Kapag natapos mo na ang iyong larawan, isulat ang sagot mo sa tanong sa papel ding iyon.
-
Paano natutulad ang iyong espirituwal na pag-unlad sa paglaki ng halaman?
Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang ilang hakbang na magagawa natin upang mapalago ang ating espirituwal na pag-unlad at makatuon tayo sa ating mga walang-hanggang layunin:
Sa paglipas ng mga taon, napuna ko na ang mga taong may pinakamaraming nagagawa sa mundong ito ay ang mga taong may pangarap sa buhay, may mga mithiing nakatuon sa kanilang pangarap at mga plano kung paano makakamit ang mga ito. Kapag alam ninyo kung saan kayo patungo at paano ninyo inaasahang makarating doon, magkakaroon kayo ng kahulugan, layunin, at tagumpay sa buhay. …
Ang makabalik sa kinaroroonan [ng Diyos] at makatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala na nagmumula sa paggawa at pagtupad ng mga tipan ang pinakamahahalagang mithiing maitatakda natin. …
Nalaman ko na para manatiling nakatuon sa pagbalik at pagtanggap ng ipinangakong mga pagpapala, kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, “Kumusta na ako?”
Para itong personal at pribadong pag-interbyu sa sarili ninyo. At kung kakaiba iyan sa inyo, pag-isipan ninyo ito: sino sa mundong ito ang mas nakakakilala sa inyo kaysa sa sarili ninyo? Alam ninyo ang inyong mga iniisip; ginagawa; hangarin; at inyong mga pangarap, mithiin, at plano. At mas alam ninyo kaysa sinuman kung sumusulong kayo sa landas tungo sa pagbalik at pagtanggap.
(M. Russell Ballard, “Makabalik at Makatanggap,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 62–64)
-
Ano ang natutuhan mo mula kay Pangulong Ballard tungkol sa paminsan-minsang pagsuri sa iyong espirituwal na pag-unlad?
Para matulungan kang masuri nang regular ang iyong pag-unlad, ang ilan sa iyong mga lesson ay magsisilbing mga assessment sa pagkatuto. Maaaring ituring ang mga lesson na ito bilang mga pagkakataon na mapagnilayan at ikatuwa ang pagkatuto at paghusay mo. Maaari ding maging pagkakataon ang mga ito upang matukoy ang mga bagay na kailangan mo pang matutuhan o ang mga paraan kung paano ka pa huhusay.
Paglapit kay Jesucristo at pagiging disipulo Niya
Isa sa mga pangunahing layunin ng seminary ang tulungan kang mas lubos na lumapit kay Jesucristo at maging Kanyang disipulo, o Kanyang tagasunod. Ang pakikinig sa mga salita ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral natin ng banal na kasulatan at personal na paghahayag ay mahalagang bahagi ng pagsunod kay Jesucristo.
Maglaan ng ilang minuto para suriin ang iyong personal na pag-aaral ng banal na kasulatan at mga pagsisikap na makatanggap ng personal na paghahayag. Isulat ang mga naisip mo sa iyong study journal. Narito ang ilang tanong na makatutulong sa iyong pagsusuri:
-
Kumusta na ang personal na pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan? Ano ang mga ginawa mo para paghusayin pa ang iyong kakayahan sa pag-aaral at pagsasabuhay ng salita ng Panginoon? Anong aspekto ng pag-aaral mo ng banal na kasulatan ang naging mahirap o hindi maayos na gusto mong pagbutihin pa?
-
Paano mo nadama ang pagtuturo o paghihikayat sa iyo ng Espiritu Santo ngayong taon? Ano ang mga tanong mo tungkol sa pagtanggap ng personal na paghahayag? Ano ang magagawa mo para makahanap ng mas marami pang pagkakataon para madama ang tinig ng Espiritu?
Ipakita ang iyong natutuhan
Piliing gawin ang isa o lahat ng sumusunod na aktibidad upang maipakita ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga ginagampanan mula sa iyong pag-aaral ng Mateo 1–2; Lucas 1–2; at Juan 1. Maaari mong rebyuhin ang iyong study journal para maipaalala sa iyo ang mga katotohanang natutuhan mo.
Opsiyon A: Isang gawang nag-aanyaya sa iba na masdan o “narito ang Kordero ng Diyos”
Sa Juan 1, nabasa natin ang paanyaya ni Juan na Tagapagbautismo sa kanyang mga tagasunod na masdan o “narito ang Kordero ng Diyos” (Juan 1:36). Ang isang kahulugan ng salitang narito ay masdan, pansinin, o pagtuunan ng pansin ang isang bagay o ang isang tao.
Para sa aktibidad na ito, gumawa ng bagay na makatutulong sa mga tao na “[masdan] ang Kordero ng Diyos,” o huminto sandali at isipin Siya at ang mga ginawa Niya sa ating buhay. Magsimula sa pag-iisip ng mga katangian, ginagampanan, at mga pangalan ni Cristo na natutuhan mo. Hanapin ang mga scripture passage kung saan mo natutuhan ang mga katotohanang ito tungkol kay Jesucristo. Maaari kang gumamit ng banal na kasulatan bilang tema ng gagawin mo. Para sa aktibidad na ito, maaari mong gawin ang isa sa mga sumusunod na proyekto:
-
Gumawa ng isang masining na paglalarawan ng isang katangian, ginagampanan, pangalan, o titulo ni Cristo na makabuluhan para sa iyo, at magbigay ng paliwanag tungkol sa ginawa mo.
-
Magsulat ng isang personal na karanasan na nakatulong sa iyo na mas maunawaan ang Tagapagligtas.
-
Hilingin sa mga kaklase, kaibigan, o kapamilya na magbahagi ng mga bagay na nakita nila tungkol kay Cristo. Gamitin ang kanilang mga ideya sa ginagawa mo. Kabilang sa ilang halimbawa ang isang journal entry, isang masining na paglalarawan, o isang na-edit na video ng mga ibinahagi nila.
Opsiyon B: Pagpapakilala kay Jesucristo
Maglista ng tatlong titulo ng Tagapagligtas na gagamitin mo para ipakilala si Jesucristo sa isang tao. Tukuyin at banggitin ang mga scripture passage kung saan mo natagpuan ang mga ito. Magsama ng maikling paliwanag tungkol sa kahulugan ng bawat titulong ito at kung paano maiiba ang buhay ng isang tao kung alam niya ang kahalagahan ng mga titulong ito.
Magsama ng isang kuwento mula sa banal na kasulatan o personal na karanasan kung saan ipinamalas ng Tagapagligtas ang bawat titulong napili mo. Halimbawa, maaari mong ilista ang titulong “Emmanuel,” na nangangahulugang “kasama natin ang Diyos” (Mateo 1:23). Maaari kang magbigay ng mga halimbawa mula sa iyong buhay o sa buhay ng ibang tao kung saan “kasama” mo o nila ang Tagapagligtas.
Maaaring isagawa ang aktibidad na ito bilang isang masining na paglalarawan (gaya ng drowing, painting, o iskultura) o di kaya’y sa pagsulat lamang. Maaari kang maghanap ng mga paraan na patuloy na makahanap ng mga titulo ng Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang Bagong Tipan ngayong taon.
1. Magbahagi ng paliwanag tungkol sa ginawa mo. Ipaliwanag kung ano ang ginawa mo at bakit mo ito ginawa. Bilang alternatibo, maaari kang mag-email ng isang larawan sa iyong titser o klase, o magbahagi ng isang video sa kanila sa susunod na pagkikita ninyo.