I-assess ang Iyong Pagkatuto 5
Mateo 21–26; Marcos 11–14; Lucas 19–21; Juan 12–13
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pansariling pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.
Ano ang natutuhan mo?
Maglaan ng ilang sandali upang pag-isipan ang natutuhan mo kamakailan mula sa pag-aaral mo ng Bagong Tipan. Ang mga sumusunod na larawan ay maaaring makatulong sa iyo. Maaari ring maging kapaki-pakinabang na tingnan ang mga isinulat mo kamakailan sa iyong study journal. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na suriin ang iyong pag-unlad dahil sa natututuhan mo.
1. Pag-isipan at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang natutuhan mo kamakailan tungkol kay Jesucristo na naging pinakamakabuluhan sa iyo? Anong mga salaysay sa banal na kasulatan ang nakatulong sa iyo na maunawaan ito tungkol sa Kanya?
-
Ano ang mga ginawa mo upang maging mas tapat na disipulo ni Jesucristo?
-
Anong (mga) susunod na hakbang ang maaari mong gawin upang maging mas mabuting tagasunod ng Tagapagligtas?
Ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa
Napag-aralan mo kamakailan ang turo ni Jesus na ang dalawang pinakadakilang utos ay ibigin natin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip natin at ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili (tingnan sa Mateo 22:36–39).
Kung may pagkakataon kang kausapin ang isang taong malapit sa iyo, hilingin sa kanya na sagutin ang sumusunod na tanong upang magkaroon ka ng mga karagdagang kaalaman. Kung mag-isa ka lang, isipin kung paano mo sasagutin ang tanong.
-
Sa palagay mo, bakit ang mga ito ang dalawang pinakadakilang utos?
Natutuhan mo rin kamakailan ang tungkol sa paghuhugas ni Jesus ng mga paa ng Kanyang mga disipulo at pagbibigay sa kanila ng bagong utos na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila (tingnan sa Juan 13).
Sa dalawang karanasan na ito sa pag-aaral, maaaring pinagawa ka ng isang plano upang maipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas at matularan ang Kanyang halimbawa.
2. Sagutin sa iyong study journal ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong:
-
Kumusta ang iyong naging karanasan sa pagsunod mo sa mga turo ng Tagapagligtas?
-
Ano ang nadama mo tungkol sa pagmamahal ni Jesucristo para sa iyo at sa iba nang tumugon ka sa mga paanyayang ibinigay sa klase?
-
Ano ang gusto mong gawin o patuloy na gawin dahil sa mga turo ng Tagapagligtas?
Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo
Ang isang magandang paraan upang mapasimple ang mga turo ng ebanghelyo ay ipaliwanag ang mga ito sa paraang mauunawaan ng isang bata. Upang matulungan kang maipaliwanag ang mahahalagang aspekto ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas sa sarili mong mga salita, sumulat ng buod na para bang isinusulat mo ito para sa isang bata.
Ang layunin ng iyong buod ay sagutin ang dalawang tanong:
-
Ano ang maaari nating gawin upang maging handa para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo?
-
Bakit magiging maluwalhati ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? (Alalahanin na sa nakaraang lesson, maaaring nabasa mo ang paanyaya ni Elder Neil L. Andersen na isipin at paghandaan ang mga maluwalhating kaganapan kaugnay ng Ikalawang Pagparito [tingnan sa “Dumating Nawa ang Kaharian Mo,” Ensign o Liahona, Mayo 2015, 122].)
Ang sumusunod na resources ay maaaring makatulong sa iyo na rebyuhin ang natutuhan mo.
-
Joseph Smith—Mateo 1:22–23, 28–36, gayundin ang iyong mga tala sa iyong study journal
-
“Palatandaan ng Panahon, Mga” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl)
-
“Ikalawang Pagparito ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan)
3. Isulat ang iyong buod sa iyong study journal. Tiyakin na masasagot ng iyong buod ang dalawang tanong na nakalista sa simula ng aktibidad na ito.