I-assess ang Iyong Pagkatuto 7
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo, ang natutuhan mo, at ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.
Maaari bang magbago ang mga tao?
Ipagpalagay na sinabi sa iyo ng kaibigan mo na may mga bagay siyang gustong baguhin sa kanyang sarili, ngunit iniisip niya na hindi niya magagawa ang mga pagbabagong iyon.
-
Paano ka tutugon?
-
Paano nakakaapekto sa iyong buhay na alam mong maaari kang magbago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?
Pagnilayan ang mga kuwento mula sa aklat ng Mga Gawa na naglalarawan kung paano maaaring magbago sa kabutihan ang mga tao kapag lumalapit sila kay Cristo at naging Kanyang mga disipulo.
Kung kinakailangan, maaari mong rebyuhin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na halimbawa.
-
Mga taong sumapi sa Simbahan: Mga Gawa 2:14, 36–47
-
Ang eunuko na taga-Etiopia: Mga Gawa 8:26–40
-
Si Saulo (na naging si Pablo): Mga Gawa 9:1–22
-
Cornelio: Mga Gawa 10:1–8, 24–25, 44–48
-
Ang bantay sa bilangguan na nagbabantay kina Pablo at Silas: Mga Gawa 16:25–36
Ang iyong pagbabalik-loob kay Jesucristo
Pagnilayan ang sarili mong pagbabalik-loob kay Jesucristo. Pag-isipan ang mga paanyayang magbago o magpakabuti na nadama mo mula sa Panginoon nang pag-aralan mo ang aklat ng Mga Gawa. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal.
-
Ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo na naghihikayat sa iyong mahalin at sundin Siya nang mas lubusan?
-
Nitong mga nakalipas na buwan o mahigit pa, anong mga pagbabago ang ipinahiwatig sa iyo ng Espiritu Santo na dapat mong gawin? Paano ka tumugon?
-
Paano ka pinagpala ng Ama sa Langit para sa mga pagsisikap mo? Ano ang ginawa mo na nakagawa ng pinakamalaking kaibahan?
-
Ano, kung mayroon man, ang dahilan kung bakit ka nahirapang tanggapin ang mga paanyayang magbago at magpakabuti? Paano ka makahihingi ng karagdagang tulong mula sa Ama sa Langit?
Patuloy na humingi ng inspirasyon mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito. Sikaping tukuyin ang nais Niyang ipagawa sa iyo upang magbago at mas magbalik-loob ka kay Jesucristo. Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad na gagawin mo habang pinagninilayan mo kung paano mas mapapalapit kay Cristo.
Aktibidad A: Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo
Sa Mga Gawa, maraming tao ang tumanggap ng tulong mula sa langit upang magbago at mas magbalik-loob kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo.
Ipinaliliwanag ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan kung paano tayo tinutulungan ng mga alituntunin at ordenansang ito na magbalik-loob kay Jesucristo.
Nalulubos ang pagbabalik-loob dahil sa pagsisisi, pagpapabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, pagtanggap sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, at patuloy na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang isang likas na tao ay mababago sa isang bagong nilikha na pinabanal at dinalisay, isinilang na muli kay Cristo Jesus (2 Cor. 5:17; Mosias 3:19).
(Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)
Pagnilayan ang salaysay na pinili mo na naglarawan ng isang taong nagbago sa tulong ng Panginoon.
Pag-isipan ang mga isasagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Anong papel ang ginampanan ng mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo sa kanilang pagbabalik-loob?
-
Paano nakatulong sa iyo o sa iba ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo upang mas magbalik-loob ka sa Tagapagligtas?
Ipagpalagay na humihingi ng tulong sa iyo ang mga lokal na missionary sa isang taong tinuturuan nila. Nais nilang ibahagi mo kung paano makatutulong ang mga unang alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo upang mapalakas ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at maanyayahan ang Kanyang tulong na gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa ating buhay. Sumulat ng paliwanag para sa taong ito na para bang direkta kang nakikipag-usap sa kanya. Gumamit ng kahit isang halimbawa mula sa Mga Gawa at anumang personal na karanasan na sa palagay mo ay magiging kapaki-pakinabang.
Aktibidad B: Pag-aaral ng banal na kasulatan at pagbabalik-loob
Ang isang mahalagang magagawa natin upang mapalakas ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo ay ang patuloy na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Pag-isipan kung paano ipinapakita ng mga sumusunod na salaysay mula sa aklat ng Mga Gawa ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagbabalik-loob.
-
Si Felipe at ang lalaking taga-Etiopia: Mga Gawa 8:26–40
-
Si Pablo at ang mga Banal sa Tesalonica at Berea: Mga Gawa 17:1–14
Pagnilayan kung paano nakatulong ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pagbabalik-loob mo sa Tagapagligtas.
Ipagpalagay na hiniling sa iyo ng iyong Lider sa Young Men o Young Women na tulungan ang mga kabataan sa inyong ward o branch na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at palakasin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Anong resource ang magagawa mo upang mahikayat sila? Maglaan ng ilang minuto upang ibalangkas ang iyong resource sa iyong study journal. Maaaring ito ay isang video, artikulo, mensahe, website, o iba pang resource.
Maaaring kabilang sa iyong resource ang alinman sa mga sumusunod:
-
Isang halimbawa mula sa Mga Gawa o isa pang aklat ng banal na kasulatan na nagpapakita ng kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Isang halimbawa o huwaran ng isang kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na ginagamit mo na nakatutulong sa iyo, o deskripsyon kung paano ka nag-aaral.
-
Isang paglalarawan ng isang karanasan kung saan nakatulong ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa iyo o sa isang taong kilala mo na mas magbalik-loob sa Tagapagligtas.
-
Ang iyong personal na patotoo tungkol sa kapangyarihan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang isinusulat mo ang anumang gawain na sa palagay mo ay kailangan mong gawin upang mas magbalik-loob kay Jesucristo. Tutulungan ka ng Tagapagligtas habang nagsisikap kang sundin ang mga impresyong ito. Maaari mong ibahagi ang iyong mga impresyon sa isang magulang o pinagkakatiwalaang lider ng Simbahan. Hilingin sa kanila na tulungan kang gawin ang mga impresyong ito.