Mga Gawa 22–26
Ang Patotoo ni Pablo
Habang nahaharap sa mga maling paratang at pisikal na pagmamalupit, hindi mapapatahimik si Pablo. Nakagapos man siya o iniharap sa mga pinuno at mga hari, matapat na ibinahagi ni Pablo ang kanyang malakas na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan kang magkaroon ng mas matinding hangaring tularan ang halimbawa ni Pablo sa pagpapatotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa iyong buhay sa araw-araw.
Pagbabahagi ng patotoo
Sa panrelihiyon o espirituwal na kahulugan, ang pagpapatunay o pagpapatotoo ay karaniwang tumutukoy sa pagbabahagi ng mga personal na paniniwala tungkol sa espirituwal na kaalaman na ibinigay ng Espiritu Santo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Magpatotoo ” at “ Patotoo ”).
-
Kailan mo nadama ang kapangyarihan ng pagbabahagi ng sarili mong patotoo o pakikinig sa iba na nagbabahagi ng kanilang patotoo? Paano ito nakaimpluwensya sa iyo?
-
Gaano ka kahandang ibahagi ang iyong patotoo sa iba? Bakit maaaring mag-alinlangan ang isang tao na ibahagi ang kanyang patotoo?
-
Ano ang mga tanong at alalahanin mo tungkol sa pagpapatotoo sa iba tungkol sa iyong mga paniniwala?
Sa lesson na ito, pag-aaralan mo ang patotoo ni Pablo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano nakaimpluwensya ang Tagapagligtas sa buhay ni Pablo. Malalaman mo rin kung ano ang reaksyon ng iba sa patotoo ni Pablo. Sa iyong pag-aaral, isipin kung paano mapagpapala ng Tagapagligtas ang iyong buhay kapag handa kang ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo, gaano man kalakas sa inaakala mo ang iyong patotoo.
Ang patotoo ni Apostol Pablo
Sa kabila ng paghagupit, pagbato, at maling pagbilanggo sa kanya, paulit-ulit na ibinahagi ni Pablo ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Habang binabasa mo ang kuwento ni Pablo, ilarawan sa iyong isipan kung ano ang nangyayari sa kuwento.
Ang mga sumusunod na talata ay naglalaman ng mga bahagi ng patotoo ni Pablo at mga reaksyon ng mga taong nakarinig sa kanya. Pumili ng isa sa mga scripture passage na babasahin, at isipin kung paano ka maaaring naapektuhan ng kanyang patotoo kung naroon ka.
Patotoo ni Pablo |
Ang reaksyon ng mga tao |
---|---|
Patotoo ni Pablo Iginapos ng tanikala si Pablo pagkatapos siyang dakpin sa Jerusalem. Pinahintulutan siyang magsalita sa mga tao habang nakatayo sa labas ng Muog ng Antonia. Basahin ang Mga Gawa 22:6–16. | Ang reaksyon ng mga tao |
Patotoo ni Pablo Dinakip si Pablo sa labas ng templo sa Jerusalem at pagkatapos ay dinala siya sa harap ng mga pinunong Judio. Kinuwestiyon siya ng mga pinunong Judio at ibinilanggo. Nalaman ng kapitang Romano na dumakip kay Pablo ang tungkol sa pagsasabwatan sa isang pangkat ng mga Judio upang patayin si Pablo, kaya ipinadala niya si Pablo sa Cesarea. Sa Cesarea, pinahintulutan si Pablo na magsalita upang ipagtanggol ang kanyang sarili sa harap ng gobernador ng Roma na si Felix. Basahin ang Mga Gawa 24:10–16. | Ang reaksyon ng mga tao |
Patotoo ni Pablo Pagkalipas ng dalawang taong pagkakabilanggo, humarap si Pablo sa bagong gobernador at hiningi ang pagkakataong magpatotoo sa harap ni Cesar. Sinabi ni Haring Agripa na gusto niyang marinig ang patotoo ni Pablo bago siya maglakbay patungong Roma. Basahin ang Mga Gawa 26:1–3, 13–23. | Ang reaksyon ng mga tao |
Basahin ang sumusunod na pahayag, at pagnilayan kung paano ito makatutulong sa iyo na magkaroon ng tapang na magpatotoo tulad ng ginawa ni Pablo.
Bagama’t binibigyang-diin na ang pagbabahagi ng ating patotoo sa iba ay hindi kailangang maging perpekto at nangangailangan ng pagsasanay, ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod.
Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. …
Dapat ninyong maunawaan na hindi ninyo trabaho ang i-convert ang mga tao. Iyan ang papel ng Espiritu Santo. Ang papel ninyo ay ibahagi ang nasa puso ninyo at mamuhay nang naaayon sa inyong pinaniniwalaan.
(Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Abr. 2019, 17)
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Saan ko matututuhan pa ang tungkol sa kung ano ang patotoo at paano palalakasin ang sarili kong patotoo?
Para matulungan kang maunawaan kung ano ang patotoo at kung paano palalakasin ang sarili mong patotoo, basahin ang artikulo na “Patotoo” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org).
Para sa mga halimbawa tungkol sa kung paano napapalakas ng iba ang kanilang patotoo, maaari mong panoorin ang video na “Increase Your Testimony” (4:59), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.
Bakit mahalagang maging matatag sa aking patotoo?
Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang pagiging “matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus” [ Doktrina at mga Tipan 76:79 ] ang simple at mahalagang pagsubok sa pagitan ng mga magmamana ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal at ng mga mapupunta sa kahariang terestriyal. …
Ang pagiging matatag sa pagpapatotoo natin kay Jesus ay isang tuntungan sa pagiging karapat-dapat sa biyaya ng Tagapagligtas at sa kahariang selestiyal.
(Quentin L. Cook, “Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus,” Liahona, Nob. 2016, 43)
Paano ko maibabahagi ang aking patotoo sa mga likas at karaniwang paraan?
Para sa mga halimbawa kung paano mo ibabahagi ang iyong patotoo sa mga likas at karaniwang paraan, maaari mong panoorin ang video na “Sharing Your Beliefs” (2:02), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mo ring saliksikin ang web page na “Share the Gospel: Share Online,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, o basahin ang artikulong “Mga Alituntunin ng Ministering: Paano Ibahagi ang Patotoo sa Mas Natural na Paraan” (Liahona, Mar. 2019, 8–11).