Seminary
Galacia 6


Galacia 6

“Ang Anumang Ihasik ng Tao, ay Siya Rin Niyang Aanihin”

Babae at batang babae na nag-aani at naghahalaman sa Ecuador.

Iniisip mo ba kung ang mga pagsisikap mong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hahantong sa iyong mga walang-hanggang mithiin? Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Galacia upang tulungan sila na maunawaan na nakakaimpluwensya ang paraan ng pamumuhay natin sa bawat araw sa pagkakaloob ng Tagapagligtas sa atin ng “buhay na walang hanggan” (Galacia 6:8). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga kailangan mong gawin upang makamit ang iyong mga walang-hanggang mithiin.

Mga walang-hanggang mithiin

Ibinahagi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang hindi malilimutang pakikipag-usap niya sa isang binatilyo.

Panoorin ang video na “Pumili nang May Katalinuhan,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 3:03 hanggang 4:52, o basahin ang sumusunod na pahayag. Alamin kung ano ang mga mithiin ng binatilyong ito at kung ano ang mga maaaring naging mali niyang pagkaunawa tungkol sa pagkakamit ng mga ito.

15:19

Pumili nang May Katalinuhan

Mensahe ni Elder Quentin L. Cook sa Pangkalahatang Kumperensya ng Oktubre 2014.

Opisyal na larawan ni Elder Quentin L. Cook. Tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 6, 2007.

Kamakailan ay may nakilala akong isang mabait na binatilyo. Ang kanyang mga mithiin ay makapagmisyon, makapag-aral, makasal sa templo, at magkaroon ng tapat at maligayang pamilya. Tuwang-tuwa ako sa kanyang mga mithiin. Ngunit habang nag-uusap kami, naging malinaw sa akin na ang kanyang pag-uugali at mga pasiya ay hindi nakaayon sa kanyang mga mithiin. Nadama ko na talagang gusto niyang magmisyon at umiiwas siyang magkasala nang mabigat na hahadlang sa kanya na magmisyon, ngunit ang ginagawa niya araw-araw ay hindi naghahanda sa kanya sa pisikal, emosyonal, sosyal, intelektuwal, at espirituwal na mga hamon na haharapin niya. Hindi siya natutong magsikap. Hindi siya seryoso sa pag-aaral o sa seminary. Nagsisimba siya, pero hindi nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Nag-uukol siya ng maraming oras sa video games at social media. Akala niya ay sapat na ang makapagmisyon siya.

(Quentin L. Cook, “Pumili nang May Katalinuhan,” Liahona, Nob. 2014, 47)

  • Ano kaya ang maling pagkaunawa ng binatilyong ito tungkol sa pagkamit ng kanyang mga mithiin?

Sa iyong study journal, gumawa ng maikling listahan ng iyong mga mithiin na itinuturing mo na walang hanggan ang kahalagahan. Isipin kung bakit gusto mong makamit ang mga mithiing ito. Isipin kung paano ka inaakay ng iyong pag-uugali sa araw-araw patungo o palayo sa mga mithiing ito na may walang hanggang kahalagahan. Sa iyong pag-aaral, alamin ang mga katotohanang makatutulong sa iyo na mas maiayon ang iyong mga ikinikilos araw-araw sa hinahangad mo na mahahalagang resulta na pangwalang-hanggan.

Ang batas ng pag-ani

Ang mga Banal sa Galacia ay nalantad sa mga maling turo na naging dahilan upang maligaw ng landas ang marami (tingnan sa Galacia 1:6–9). Ang ilan ay pinaniwalaan at itinuro ang maling doktrina na kailangang ipatuli ang mga nagbalik-loob na Gentil (tingnan sa Galacia 6:12; Mga Gawa 15:1). Ang iba ay naniwala na ang biyaya ni Cristo ay nagbigay sa kanila ng kalayaang magkasala (tingnan sa Galacia 5:13). Matapos ituwid ang mga maling paniniwalang ito at hikayatin ang mga Banal na tulungan ang mga taong espirituwal na nalihis ng landas, itinuro ni Pablo ang isang mahalagang katotohanan upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang epekto ng kanilang mga ginawa.

Basahin ang Galacia 6:7–8. Alamin ang katotohanang itinuro ni Pablo na makakaimpluwensya sa mga ginagawa natin sa araw-araw. Tandaan na ang paghahasik ay tumutukoy sa pagtatanim.

  • Paano mo ipaliliwanag ang mga turo ni Pablo gamit ang iyong sariling mga salita?

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Galacia 6:7 ay anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin. Tinatawag kung minsan ang ideyang ito na batas ng pag-aani.

  • Anong mga halimbawa ng katotohanang ito ang nakita mo sa iyong buhay o sa buhay ng iba?

  • Paano makakaapekto ang pag-unawa sa katotohanang ito sa mga desisyong ginagawa mo sa iyong buhay?

Ang mga turo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton sa Aklat ni Mormon ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga walang hanggang implikasyon ng batas ng pag-aani, o ang tinukoy ni Alma bilang “plano ng panunumbalik.” Basahin ang Alma 41:3–6, 10–15, at alamin ang mga katotohanang mas nagpaunawa sa iyo sa mga turo ni Pablo.

  • Anong mga salita o parirala ang naging makabuluhan para sa iyo mula sa mga talatang ito? Bakit?

  • Matapos rebyuhin ang itinuro ni Alma kay Corianton, paano naaangkop ang turong ito sa mga salita ni Pablo na “ang anumang ihasik ng [lalaki o babae], ay siya rin niyang aanihin”? (Galacia 6:7).

  • Ano ang ipinaunawa sa iyo ng mga turong napag-aralan mo na hanggang sa araw na ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang paanyaya ni Pablo sa mga taga Galacia

Tinapos ni Pablo ang kanyang mga turo tungkol sa batas ng pag-aani nang may paanyaya. Basahin ang Galacia 6:9–10, at alamin kung ano ang paanyaya ni Pablo na gawin ng mga Banal.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti”? (Galacia 6:9).

  • Paano naging perpektong halimbawa nito si Jesucristo?

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na tayo ay aani “sa takdang panahon” (Galacia 6:9) kapag nagsisikap tayong gumawa ng mabuti para sa iba? Bakit mahalagang maunawaan ito?

Pagpapamuhay ng natutuhan mo

Hinikayat tayo ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na pag-isipan kung saan tayo dadalhin ng bawat isa sa mga pinipili natin (tingnan sa “Saan Ito Hahantong?,” Liahona, Mayo 2019, 60–62).

Para masunod ang payo na ito ni Pangulong Oaks, gawin ang sumusunod na aktibidad.

Pagsusulat sa isang papel gamit ang bolpen o lapis. 1. Para masunod ang payo na ito ni Pangulong Oaks, gawin ang sumusunod na aktibidad sa iyong study journal. Isama lamang ang mga bahagi ng iyong chart na hindi masyadong personal para maibahagi.

Gumawa ng isang chart na katulad ng sumusunod:

Ang inihasik mo (mga gawaing regular mong ginagawa)

Ano ang aanihin mo o inaasahan mong aanihin sa hinaharap (kahahantungan ng mga ginagawa mo)

Sa kaliwang bahagi, ilista ang ilan sa mga bagay na pinaglalaanan mo ng oras o gusto mong simulang gawin nang regular.

Sa kanang bahagi, isulat kung ano sa palagay mo ang magiging mga resulta ng regular na paggawa ng mga bagay na iyon. Isipin ang mga resultang maaari mong matanggap kung regular mong inuulit ang mga bagay na ito sa loob ng isang linggo, isang buwan, isang taon, limang taon, o maging sa buong buhay mo.

Isipin ang anumang pahiwatig na natanggap mo mula sa Espiritu Santo sa pag-aaral mo ngayon. Sa ibaba ng iyong chart, isulat ang anumang pagbabago na nadama mong dapat mong gawin sa iyong buhay na tutulong sa iyo na maging mas karapat-dapat na matanggap ang mga pagpapalang nais mo. Tutulungan ka ng Diyos kapag ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 123:17).

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa? 

Galacia 6:8. Ano ang ibig sabihin ng kung ang isang tao ay “naghahasik sa Espiritu” o “naghahasik para sa kanyang sariling laman”?

Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol:

9:5

Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!

Ang dapat nating itanong sa araw-araw ay, “Ang mga ginagawa ko ba ay naglalagay sa akin sa teritoryo ng Panginoon o sa teritoryo ng kaaway?”

Elder Ulisses Soares, opisyal na larawan ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang ibig sabihin ng maghasik ng sa Espiritu ay na lahat ng ating iniisip, sinasabi, at ginagawa ay dapat mag-angat sa atin sa antas ng kabanalan ng ating mga magulang sa langit. Gayunman, tinutukoy sa mga banal na kasulatan ang laman bilang pisikal o makamundong katangian ng likas na tao, na nagtutulot sa mga tao na maimpluwensyahan ng silakbo ng damdamin, paghahangad, pagnanasa, at udyok ng laman sa halip na maghanap ng inspirasyong mula sa Espiritu Santo. Kung hindi tayo mag-iingat, ang mga impluwensyang iyon pati na ang pag-uudyok ng kasamaan sa mundo ay maaaring magtulak sa atin sa magaspang at masamang pag-uugaling maaaring maging bahagi ng ating pagkatao. Para maiwasan ang masasamang impluwensyang iyon, kailangan nating sundin ang bilin ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na patuloy na maghasik ng sa Espiritu: “Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).

(Ulisses Soares, “Manatili sa Teritoryo ng Panginoon!,” Liahona, May 2012, 39)

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Opisyal na Larawan ni Pangulong Dallin H. Oaks na kuha noong Marso 2018.

Kung malululong tayo sa droga o pornograpiya o iba pang kasamaang tinatawag [ni] Apostol [Pablo] na pagpapalayaw sa laman, nakasaad sa walang hanggang batas na aani tayo ng kasamaan sa halip na buhay na walang hanggan. Iyan ang katarungan ng Diyos, at hindi maaagaw ng awa ang katarungan. Kung masuway ang isang walang hanggang batas, may parusang kaakibat ang batas na iyon na kailangang pagdusahan. Maaaring sakupin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ilan dito, ngunit ang maawaing paglilinis ng isang makasalanan ay nangyayari lang matapos ang pagsisisi (tingnan sa Alma 42:22–25), na sa ilang kasalanan ay pinahaba at masakit na proseso.

(Dallin H. Oaks, “Huwag Palinlang,” Liahona, Nob. 2004, 45)

Paano mababago ng maliliit na pagsisikap ang buhay ko at ang buhay ng iba?

Panoorin ang “Of Seeds and Soils” mula sa time code na 7:06 hanggang 9:11 para makakita ng halimbawa ng maliliit na gawain na nagpapabago ng buhay ng napakarami. Ang video na ito ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

16:50

Of Seeds and Soils

We particularly want you young men to have a strong testimony, with solid roots, because only then will it be an unerring compass for you.