Juan 6:22–58
“Ako ang Tinapay ng Buhay”
Kinabukasan matapos ang himala ng pagpapakain sa limang libo, hinanap ng marami si Jesus, “hindi dahil sa nakakita [sila] ng mga tanda, kundi dahil sa [sila’y] kumain ng tinapay,” at sila ay nangagutom na muli (Juan 6:26). Itinuro sa kanila ng Tagapagligtas, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom” (Juan 6:35). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matukoy ang mga paraan kung paano ka makalalapit sa Tagapagligtas upang matugunan Niya ang iyong mga espirituwal na pangangailangan.
“Ako ang tinapay ng buhay”
Kung maaari, maghanap ng isang piraso ng tinapay. Kainin ito habang pinagninilayan mo ang mga sumusunod na tanong.
-
Sa iyong palagay, gaano karaming tinapay ang kaya mong kainin?
-
Gaano man karaming tinapay ang kainin mo ngayon, ano ang mangyayari kalaunan?
Nang pakainin ng Tagapagligtas ang mahigit limang libong tao gamit lamang ang limang tinapay at dalawang isda, tumugon ang ilan sa himalang ito sa pamamagitan ng paghahanap sa Kanya upang makatanggap muli sila ng pagkain sa halip na para sa mga espirituwal na kadahilanan (tingnan sa Juan 6:5–14). Pinangaralan ni Jesus ang mga naghahanap sa Kanya para humingi pa ng tinapay sa halip na hanapin Siya para sa buhay na walang hanggan na maibibigay Niya. Pinagdudahan nila ang Kanyang identidad at kakayahang bigyan sila ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 6:30, 41–42).
Basahin ang Juan 6:32, 35 upang malaman kung paano pinangaralan ng Tagapagligtas ang mga tao. Maaari mong markahan sa iyong mga banal na kasulatan ang mga titulo ng Tagapagligtas na “[ang] tunay na tinapay na galing sa langit” at “ang tinapay ng buhay.” Maaari mong idagdag ang mga titulong ito sa iyong journal entry na “Mga Titulo at Ginagampanan ni Jesucristo.” (Maaaring nasimulan mo na ang entry na ito sa lesson para sa Juan 1:1–51.)
-
Sa iyong palagay, bakit tinutukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang “[ang] tunay na tinapay na galing sa langit” o “ang tinapay ng buhay”?
-
Ano ang natutuhan mo mula kay Jesucristo sa talata 35?
Itinuro sa Juan 6:35 na kung lalapit tayo kay Jesucristo at maniniwala sa Kanya, matutugunan Niya ang ating espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan mo si Jesucristo araw-araw? Sa paanong mga paraan ka kasalukuyang “nagugutom” sa espirituwal?
-
Ano ang kasalukuyan mong ginagawa upang humingi ng tulong sa Tagapagligtas upang matugunan ang pagkagutom na iyon? Ano ang magandang nangyayari? Ano ang hindi?
Habang nagpapatuloy ka sa iyong pag-aaral, hingin ang impluwensya ng Espiritu Santo upang matulungan kang matukoy ang mga paraan kung paano ka makalalapit sa Tagapagligtas upang matugunan Niya ang iyong espirituwal na pagkagutom.Basahin ang Juan 6:47–58, at alamin kung ano ang ipinagagawa sa atin ng Tagapagligtas at kung ano ang ipinapangako Niya bilang kapalit. Pag-isipan kung paano nakatutulong sa iyo ang mga paanyaya at pangakong ito upang mas maunawaan mo kung paano matatanggap ang kaloob ng Tagapagligtas na matugunan ang iyong espirituwal na pagkagutom at pagkauhaw. Maaari kang gumawa ng isang chart na tulad sa sumusunod upang matulungan ka.
Ang mga paanyaya ng Tagapagligtas |
Ang mga pangako ng Tagapagligtas |
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng Kanyang mga paanyaya at pangako tungkol sa Kanya?
Pagtanggap sa laman at dugo ng Tagapagligtas
Maraming taong nakarinig sa pangangaral ng Tagapagligtas ang may mga tanong tungkol sa ibig sabihin ng pagkain sa laman ng Tagapagligtas at pag-inom ng Kanyang dugo (tingnan sa Juan 6:52, 60).
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol upang mas maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mga salita ng Tagapagligtas at kung paano natin matatanggap ang Kanyang paanyaya.
Ang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay isang di-karaniwang paraan para maipakita kung paano magiging lubos na bahagi ng ating buhay ang Tagapagligtas—sa ating pagkatao–upang tayo ay maging isa. …
… Kinakain natin ang Kanyang laman at iniinom ang Kanyang dugo kapag tinatanggap natin mula sa Kanya ang kapangyarihan at mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Nakasaad sa doktrina ni Cristo kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang nagbabayad-salang biyaya. Iyon ay ang maniwala at manampalataya kay Cristo, magsisi at magpabinyag, at tanggapin ang Espiritu Santo, “at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo” [2 Nephi 31:17]. …
Binanggit ko ang tungkol sa pagtanggap ng nagbabayad-salang biyaya ng Tagapagligtas na mag-aalis ng ating mga kasalanan at ng mga batik ng mga kasalanang iyon sa atin. Ngunit ang matalinghagang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay may mas malalim na kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo sa ating buhay, hubarin ang likas na tao at maging mga Banal “sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” [Mosias 3:19]. …
… Ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ni Cristo ay magsikap na matamo ang kabanalan.
(D. Todd Christofferson, “Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 36–38)
-
Paano mo ipaliliwanag ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ng Anak ng Diyos?
-
Kailan mo sinunod, o ng iba pang tao, ang payo ni Elder Christofferson at nadama na tinugunan ng Tagapagligtas ang espirituwal na pagkagutom mo? Ano ang ginawa mo sa mga karanasang ito na sa iyong palagay ay nag-anyaya sa Tagapagligtas na tugunan ang pagkagutom na iyon?
1. Gawin ang sumusunod sa iyong study journal:
Isipin kunwari na naroon ka sa panahon ng pangangaral ng Tagapagligtas sa Juan 6:22–58. Sumulat ng isang journal entry na parang naroon ka. Isama ang sumusunod sa iyong entry:
-
Ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas at ang natutuhan mo mula sa Kanya
-
Anumang karanasan mo tungkol sa pagtugon ni Jesucristo sa iyong mga espirituwal na pangangailangan (o anumang karanasan ng iba)
-
Mga gagawin na ipinahiwatig sa iyo ng Espiritu Santo na gawin mo at bakit
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Bakit kaya itinuon ni Jesus ang mga tao sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan sa halip na sa kanilang mga pisikal na pangangailangan?
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder Carlos H. Amado:
Bilang isang Simbahan, dapat nating pakainin ang nagugutom, paginhawain ang maysakit, damitan ang hubad, at bigyan ng matitirhan ang dukha. Gamit ang mga handog-ayuno naiibsan natin ang pangunahin at agarang mga pangangailangan ng mga miyembro, at sa planong pangkapakanan natutugunan ang pangmatagalan nilang mga pangangailangan. Kapag may mga kalamidad, sa pamamagitan ng mga serbisyong-pantao, tumutulong tayo sa ating mga kapatid na hindi miyembro ng Simbahan.
Hindi pinababayaan ang mga temporal na pangangailangang ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa utos ng Panginoon, ay patuloy sa pinakadakila at masigasig na paglilingkod, na pagpalain ang lahat ng tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng doktrina ni Cristo at pag-anyaya sa kanila na tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa upang matamo nila ang “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Mosias 1:39).
(Carlos H. Amado, “Paglilingkod, Isang Banal na Katangian,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 35–36)
Juan 6:56. Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang itinuro Niya na mananatili Siya sa atin?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Mahalagang malaman na naparito si Jesucristo sa lupa upang mamatay para sa atin—iyan ay mahalagang bahagi ng doktrina ni Cristo. Ngunit kailangan din nating pasalamatan na hangad ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala at kapangyarihan ng Espiritu Santo, na mapasaatin—hindi lamang patnubayan tayo kundi palakasin din tayo.
(David A. Bednar, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Ensign, Abril 2012, 42)