Mateo 14:22–33
“Huwag Kayong Matakot”
Naglakad si Jesucristo sa ibabaw ng tubig at inanyayahan si Pedro na gawin din ito. Nang mapansin ni Pedro ang bagyo at mga alon, nagsimula siyang lumubog at humingi siya ng tulong sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyong matularan ang halimbawa ng paghingi ng tulong ni Pedro sa Tagapagligtas kapag nahaharap ka sa mga nakatatakot o mahihirap na sitwasyon.
Mapapanatag tayo ni Jesus sa gitna ng mga unos ng buhay
Ang larawang ito ay nagpapakita ng nakatatakot na sandali sa buhay ni Apostol Pedro. Nakasaad sa Mateo 14:30, “Natakot [si Pedro], at nang siya’y papalubog na ay sumigaw siya, Panginoon, iligtas mo ako!”
-
Anong mga sitwasyon sa makabagong panahon ang maaaring magpadama sa mga kabataan ngayon ng naramdaman ni Pedro noon?
-
Mayroon bang anumang bagay sa iyong buhay na nagdudulot sa iyo ng takot o pakiramdam na parang lumulubog ka?
Pag-isipan sandali kung saan o kanino ka karaniwang humihingi ng tulong at kapayapaan kapag ganito ang nadarama mo.Pagkatapos Niyang mahimalang pakainin ang mahigit limang libong tao, “pinasakay” ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo “sa bangka, at pinauna niya sa kabilang ibayo” ng Dagat ng Galilea (Mateo 14:22).
Basahin ang Mateo 14:23–33, at hanapin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na makatutulong sa iyong bumaling sa Kanya kapag natatakot ka o nadarama mong parang lumulubog ka. Bigyang-pansin ang mga saloobin at damdaming nagmumula sa Espiritu Santo. Matutulungan ka Niyang makita kung paano magagamit ang mga katotohanang ito sa nararanasan mo sa iyong buhay. Isulat sa iyong study journal o sa iyong mga banal na kasulatan ang mga katotohanang matutukoy mo. (Tandaan: Ang “madaling araw” ay mula 3:00 n.u. hanggang 6:00 n.u.)
Answer the following questions in your study journal:
1.
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan mo sa salaysay na ito?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na maaaring makatulong sa iyong bumaling sa Kanya kapag natatakot o nahihirapan ka?
Tumuon sa Tagapagligtas
Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Pedro kung ano ang dapat nating pagtuunan. Alalahanin ang nangyari kay Pedro nang magtuon siya kay Jesucristo at kung ano ang nangyari nang ibaling niya ang kanyang tuon sa bagyo sa paligid niya (tingnan sa mga talata 28–31). Magsulat sa isang piraso ng papel ng isang bagay sa iyong buhay o sa hinaharap na maaaring maging mahirap para sa iyo. Ilagay ang papel na ito sa bandang kaliwa mo. Ngayon, maglagay ng larawan ni Jesucristo o ng iba pang bagay na nagpapaalala sa iyo sa Kanya sa bandang kanan mo. Magpalipat-lipat sa pagtutuon ng iyong isipan at mga mata sa mahirap na sitwasyon at sa larawan ni Jesucristo.
2.
-
Paano makatutulong sa iyo ang pagtutuon sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa iyo kapag nahaharap ka sa mahihirap na sitwasyon?
-
Ano ang ilang paraan upang makatuon ka sa Tagapagligtas sa panahon ng mga pagsubok?
Upang tapusin ang lesson na ito, itala ang mga pahiwatig na natanggap mo. Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo, at bakit dapat tayong bumaling sa Kanya kapag lumulubog o nahihirapan tayo? Ano ang plano mong gawin upang makahingi ng tulong sa Kanya?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano nagbabago ang ating mga buhay kapag tumutuon tayo kay Jesucristo?
Itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95):
Matibay ang paniniwala ko na kung magagawa natin bilang mga indibiduwal, pamilya, komunidad, at bansa, gaya ni Pedro, na ipako ang ating tingin kay Jesus, baka tayo man ay tagumpay na makalakad sa ibabaw ng “napakalalaking alon ng kawalan ng pananampalataya” at “hindi masindak sa gitna ng paparating na mga hangin ng pag-aalinlangan.” Ngunit kung hindi natin itutuon ang ating mga mata sa kanya na kailangan nating paniwalaan, na napakadaling gawin at gustung-gustong gawin ng mundo, kung aasa tayo sa kapangyarihan at lakas ng kahindik-hindik at mapanirang mga elemento sa paligid natin sa halip na sa kanya na makakatulong at makapagliligtas sa atin, tiyak na lulubog tayo sa dagat ng pagtatalo at kalungkutan at dalamhati.
(Howard W. Hunter, “The Beacon in the Harbor of Peace,” Ensign, Nob. 1992, 19)
Mateo 14:27. Paano natin magagawang “lakasan ang [ating] loob” kapag dumaranas tayo ng mga paghihirap?
Ipinaliwanag ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Hindi tayo maaaring “magalak” [Doktrina at mga Tipan 68:6] at matigilan dahil sa takot. Ang dalawa—galak at takot—ay hindi natin maaaring maramdaman nang magkasabay. …
Ang magalak ay nangangahulugang magtiwala kay [Jesucristo] kapag hindi nangyayari ang mga bagay tulad ng inaasahan natin. Nangangahulugan ito na magpatuloy kahit may mahihirap na sitwasyon na nagpapabago sa ating mga buhay at kahit tila hindi na posible ang mga nais nating mangyari dahil sa mga pagsubok. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Panginoon, “Sa daigdig na ito ang inyong kagalakan ay hindi lubos, subalit sa akin ang inyong kagalakan ay lubos” [Doktrina at mga Tipan 101:36].
(Ronald A. Rasband, “Si Jesucristo ang Sagot,” [gabi kasama ang isang General Authority, Peb. 8, 2019], 1–2)
Paano nagiging hadlang ang takot sa pagtanggap natin ang mga pagpapalang ibibigay ng Tagapagligtas?
Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na pahayag:
Ipinapaalala sa atin ng salaysay na ito na ang unang hakbang sa paglapit kay Cristo—o sa kanyang paglapit sa atin—ay maaaring makapagpadama sa atin ng malaking takot. Hindi dapat ganito, ngunit kung minsa’y nangyayari ito. Isa sa malaking kabalintunaan ng ebanghelyo ay ang katotohanang kung alin pa ang inaalok sa atin na mapagkukunan ng tulong at kaligtasan ay siya pa nating tinatanggihan, dahil sa kitid ng ating pananaw sa buhay na ito. Sa anupamang dahilan, nakakita na ako ng mga investigator na ayaw magpabinyag, nakakita na ako ng mga elder na ayaw magmisyon, nakakita na ako ng mga magkasintahan na ayaw magpakasal, at nakakita na ako ng mga bagong kasal na takot bumuo ng pamilya at sa mangyayari sa hinaharap. Kadalasan na napakarami sa atin ang umaayaw sa mismong mga bagay na siyang magpapala at magliligtas at magbibigay ng kapanatagan sa atin. Napakadalas nating ituring ang mga pangakong maging tapat sa ebanghelyo at mga kautusan na isang bagay na dapat katakutan at talikuran.
(Jeffrey R. Holland, “Come unto Me” [Brigham Young University devotional, Mar. 2, 1997], 8, speeches.byu.edu)