Mateo 15:1–9
Kayo ba ay “lumalabag … sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon”?
Nang itanong ng mga eskriba at Fariseo kung bakit hindi sinunod ng mga disipulo ni Jesus ang kanilang mga tradisyon, tumugon ang Tagapagligtas na pinagsasabihan ang mga gumagamit ng tradisyon bilang dahilan upang labagin ang mga utos ng Diyos. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na malaman kung alin sa iyong mga tradisyon ang tumutulong sa iyo na maging higit na katulad ni Jesucristo at kung alin ang maaaring naghihiwalay sa iyo mula sa Kanya.
Mga Tradisyon
Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon.
-
Ang pamilya ng isang dalagita ay may tradisyon na lubos na seryosohin ang pag-aaral. Inaasahan na gagawin niya ang kanyang mga assignment at pagbubutihin ang pagsusulit.
-
Sa loob ng maraming henerasyon, priyoridad ng pamilya ng isang binatilyo na manalangin tuwing umaga at tuwing gabi.
-
May paparating na malaking social event kung saan maraming batang babae ang nagsusuot ng mahahalay na kasuotan. Kailangang magpasya ng isang dalagita kung paano siya magdadamit para sa okasyon.
-
Sa loob ng maraming taon, marami sa mga kabataan sa isang partikular na ward ang hindi tapat na nakikibahagi sa kanilang mga klase sa Sunday School. Kabilang dito ang pagpasok nang huli, hindi pakikinig, at pagte-text o paglalaro ng mga game sa kanilang mga telepono sa oras ng klase.
-
Tradisyon sa isang paaralan na pahirapan ng mga nakatatandang estudyante ang mga mas nakababatang estudyante.
Sagutin ang mga sumusunod na tanong, na may kaugnayan sa mga naunang sitwasyon.
-
Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang ating mga tradisyon?
-
Paano maaaring makaapekto ang ating mga tradisyon sa kakayahan nating maging katulad ni Jesucristo?
-
Bakit maaaring maging mahirap para sa isang tao na suriin ang kanyang mga tradisyon o baguhin ang kanyang mga maling tradisyon?
Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, matututuhan mo ang ilan sa mga turo ni Jesucristo tungkol sa mga tradisyon. Ang mga tradisyon ay “mga paniniwala at kaugalian na nagpasalin-salin sa bawat sali’t salinlahi” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kaugalian, Mga,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Sa iyong study journal, maglista ng ilang tradisyon na bahagi ng iyong buhay.
Mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa mga tradisyon
Upang maunawaan ang itinuro ng Tagapagligtas, makatutulong na malaman ang konteksto, o background, ng Mateo 15.
Basahin muna ang Mateo 15:1–9. Pagkatapos ay basahin ang sumusunod na tulong sa konteksto, at pagkatapos ay muling basahin ang parehong mga banal na kasulatan, at pansinin ang kaibahang nagagawa ng pag-unawa sa konteksto.
Tulong sa konteksto para sa Mateo 15: Noong panahon ng Tagapagligtas, itinuro ng mga pinunong Judio ang nakasulat na batas ni Moises gayundin ang isang pasalitang batas na hindi ibinigay ng Diyos ngunit tradisyon ng mga tao. Kabilang dito ang mga bagay tulad ng pagbibilang ng mga hakbang sa Sabbath at labis na paghuhugas ng mga kamay bago kumain, na kumakatawan sa espirituwal na kadalisayan ng isang tao. May mga bahagi ng tradisyonal na batas na ginagamit para sa makasariling mga dahilan. Halimbawa, ang paggalang sa iyong ama at ina ay isang utos sa batas ni Moises (tingnan sa Exodo 20:12), ngunit ginamit ng ilang indibiduwal ang pasalitang batas upang pangatwiranan ang paglabag sa utos na ito sa pamamagitan ng pagsasabing ang kanilang pera o resources ay “ipinagkaloob” na sa Diyos (Mateo 15:5) at dahil dito ay hindi magagamit upang makatulong sa pangangalaga sa kanilang mga magulang na matatanda na. Ang mga pagbabagong ito ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng batas at ng mga kautusan at hindi kasiya-siya sa Diyos.
Basahin ang Mateo 15:1–9, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga tradisyon.
-
Sa iyong palagay, ano ang itinuturo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? Tumukoy ng isa o dalawa sa mga katotohanang nakita mo.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang ilang makamundong tradisyon na maaaring kailanganin kong alisin sa buhay ko?
Sa kanyang mensaheng “Pagsisisi at Pagbabago” (Ensign o Liahona, Nob. 2003, 39), nagbigay si Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ng maraming halimbawa ng “[mga] elemento ng … pag-uugali na [maaaring] salungat sa mga utos, tipan, at kultura ng ebanghelyo.” Ang ating pag-uugali ay maaaring naiiba sa mga tradisyon ng mundo kapag ang pinag-uusapan ay ang mga bagay na tulad ng kalinisang-puri at pornograpiya, pagsisimba, katapatan, at katayuan sa lipunang ito.
Sa kanyang mensaheng “Ang Kultura ni Cristo” (Ensign o Liahona, Nob. 2020, 48–50), inihambing ni Elder William K. Jackson ng Pitumpu ang mga kultura ng mundo sa kultura ni Cristo. Maaari mong panoorin o basahin ang buo o mga bahagi ng kanyang mensahe, na makikita sa https://www.churchofjesuschrist.org/study/general-conference/2020/10/27jackson?lang=tgl.
Maaari ko bang mapanatili ang aking mga tradisyon sa kultura at masunod pa rin ang Tagapagligtas?
Ang sumusunod na video ay nagbibigay ng isang halimbawa kung paano mapapanatili ang mga tradisyon sa kultura at masusunod pa rin ang Tagapagligtas.