Mateo 20:1–16
Ang Talinghaga tungkol sa Mga Manggagawa sa Ubasan
Itinanong ni Pedro, “Iniwan namin ang lahat, at sumunod sa iyo; ano naman ang makakamit namin?” (Mateo 19:27). Sumagot ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbibigay ng talinghaga tungkol sa mga manggagawa sa ubasan. Itinuturo ng talinghagang ito na ang lahat ng pumipiling ilaan ang kanilang buhay sa Kanya ay makatatanggap ng ipinangakong gantimpala, kailan man sila nagsimulang tumahak sa landas ng tipan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng pag-asa na matatanggap mo ang mga pagpapalang ibinibigay ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Isipin ang sumusunod na sitwasyon:
Kamakailan lang ay sumapi si Marisol sa Simbahan, kasama ang kanyang ina at lolo’t lola. Hindi nagtagal, pumanaw ang kanyang lolo. Iniisip ni Marisol kung matatanggap din ng kanyang lolo ang mga pagpapalang natatanggap niya, kahit kalaunan lang tinanggap ng kanyang lolo ang ebanghelyo sa buhay nito.
-
Ano ang sasabihin mo kay Marisol?
Itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol ang isang talinghaga na nagpapakita ng Kanyang pagmamalasakit sa lahat ng pumipiling sumunod sa Kanya. Sa buong oras ng lesson na ito, hingin ang inspirasyon ng Espiritu Santo habang naghahanap ka ng mga katotohanan na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga naisin ng Tagapagligtas para sa atin.
Ang mga manggagawa sa ubasan
Habang pinag-aaralan mo ang talinghagang ito, makatutulong na malaman na ang isang karaniwang araw ng trabaho sa panahon ng Bagong Tipan ay malamang na nasa humigit-kumulang 12 oras, na nagsisimula nang maaga sa umaga at natatapos nang gabi. Ang salitang barya sa mga talatang ito ay tumutukoy sa isang denario, ang barya ng Roma na karaniwang ginagamit bilang bayad sa isang manggagawa para sa isang buong araw ng pagtatrabaho.
Basahin ang Mateo 20:1–7, at alamin kung paano inupahan ng panginoon ng ubasan ang mga manggagawa.
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa panahong iyon ng Tagapagligtas, ang karaniwang manggagawa at kanyang pamilya ay umaasa lamang sa kita nila sa maghapon. Kung hindi ka nag-ani o nangisda o nagtinda, malamang na wala kang kakainin.
(Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 31)
-
Sino sa palagay mo ang kinakatawan ng panginoon ng ubasan at ng mga manggagawa?
-
Ano sa palagay mo ang pakiramdam ng maging isa sa mga unang manggagawang inupahan sa maghapon?
-
Ano sa palagay mo ang naiisip at nadarama ng mga manggagawang naghihintay na maupahan sa paglipas ng araw?
Basahin ang Mateo 20:8–16, at alamin kung paano nagtapos ang araw para sa lahat ng manggagawa.
Maaaring makatulong na malaman na ang maupahan ng panginoon ng ubasan sa talinghagang ito ay maaaring simbolo ng pakikipagtipan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang bayad ay maaaring simbolo ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.
1. Sagutin sa iyong study journal ang kahit dalawa sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang madarama mo sa panginoon ng ubasan kung isa ka sa mga unang inupahan? isa sa mga huling inupahan?
-
Sa paanong paraan ipinakita ng panginoon ng ubasan ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa lahat ng manggagawa?
-
Kapag naunawaan mo na ang panginoon ng ubasan ay maaaring kumatawan sa Ama sa Langit o kay Jesucristo, anong mga banal na katangian ang nakikita mo sa kanya?
-
Anong mga aral ang matututuhan mo sa talinghagang ito?
Ang awa ng Panginoon
Nagbahagi si Elder Jeffrey R. Holland ng mahahalagang katotohanan na matututuhan natin tungkol sa Panginoon mula sa talinghagang ito. Maaari mong panoorin ang video na “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” na makikita sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 10:02 hanggang 11:42 o basahin ang sumusunod na teksto.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Ano ang layunin ng paggawa sa ubasan ng Panginoon?
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:
Ang gantimpala ng [Panginoon] sa Huling Paghuhukom ay hindi ibabatay sa kung gaano tayo katagal na nagtrabaho sa kanyang ubasan. Hindi natin nakakamit ang makalangit na gantimpala sa pamamagitan lamang ng pagtatala ng bilang ng oras ng paggawa. Ang mahalaga ay kung paano na ang ating pagtatrabaho sa pagawaan ng Panginoon ay naging dahilan para magkaroon tayo ng kahihinatnan. Para sa ilan sa atin, kakailanganin nito ng mas maraming oras kaysa sa iba. Ang [mahalaga ay] kung ano ang naging kinahinatnan natin sa bandang huli.
(Dallin H. Oaks, ““Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,”,” Ensign, Nob. 2000, 34)
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Pinatototohanan ko ang nagpapabagong kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos at ang himala ng Kanyang biyaya. Ang mahalaga sa Kanya ay ang pananampalatayang kakamtin ninyo, hindi kung kailan ninyo ito natamo.
Kaya kung nakipagtipan na kayo, tuparin ninyo ang mga ito. Kung hindi pa, makipagtipan na kayo. Kung nakipagtipan na kayo at nilabag ninyo ang mga ito, magsisi at iwasto ang mga ito. Hindi pa huli kailanman hangga’t sinasabi ng Panginoon ng ubasan na may oras pa. … Huwag magpaliban. Baka mahuli na ang lahat.
(Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 33)