Seminary
Mateo 5:13–16


Mateo 5:13–16

“Kayo ang Ilaw ng Sanlibutan”

nakasinding kandila

Sino ang naging mabuting halimbawa ng matwid na pamumuhay sa iyo? Paano ka mas napalapit sa Diyos dahil sa kanilang halimbawa? Pagkatapos Niyang ituro ang beatitudes, na tumulong sa ating maunawaan ang likas na katangian ng Diyos, itinuro ni Jesucristo na mapagpapala ang ibang tao sa pamamagitan ng ating mabubuting halimbawa. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maipamuhay ang katotohanang ito at masuri ang iyong mga kilos at pag-uugali upang mas maipakita ang kadakilaan ni Jesucristo.

Asin ng lupa

Madalas na gumagamit ang Tagapagligtas ng mga paghahambing o metapora upang magturo ng mga simpleng ideya na may malalalim na kahulugan. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang mga bagay na binanggit ni Jesus upang maunawaan ang itinuro Niya.

Basahin ang Mateo 5:13, at alamin kung paano inilarawan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo.

  • Paano naaapektuhan ng asin ang lasa ng pagkain?

  • Maliban sa paggamit nito upang mapasarap ang lasa ng ating pagkain, saan pa magagamit ang asin?

Ang asin ay matagal nang ginagamit na pampreserba, pampalasa, at panlinis. Mayroon ding banal na kahulugan ang asin para sa mga Israelita. … Kapag tumabang ang asin, nawawalan ito ng bisa, o “wala na itong kabuluhan” (Mateo 5:13). Nangyayari ito kapag ito ay hinaluan o kontaminado ng iba pang mga elemento.

(Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan [2019], 31)

icon ng pagsusulat sa journal1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Ano sa palagay mo ang itinuturo ng Tagapagligtas sa paghahambing ng Kanyang mga disipulo sa asin?

  • Ano ang ilang partikular na bagay na maaaring magparumi sa atin sa espirituwal?

Maglaan ng ilang sandali upang mapagnilayan sa iyong puso kung paano mo, bilang asin ng lupa, matutulungan ang mga tao sa paligid mo na maging pinakamabuting bersiyon ng kanilang sarili. Pag-isipan din kung anong mga tukso ang kinakaharap mo at kung paano mo mapapanatiling dalisay ang iyong sarili. Kung natulutan mo ang anumang karumihan sa iyong buhay, maaalis ang mga ito sa pamamagitan ng kaloob na pagsisisi na matatamo sa pamamagitan ni Jesucristo.

Ilaw ng Sanlibutan

Basahin ang Mateo 5:14–16, at alamin kung ano ang inaasahan ni Jesucristo sa atin bilang Kanyang mga disipulo.

icon ng Doctrinal Mastery Ang Mateo 5:14–16 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito.

Mula sa Mateo 5:14–16 maaaring may natukoy kang alituntuning tulad nito: Ang ating mabuting halimbawa ay makahihikayat sa iba na luwalhatiin ang Ama sa Langit.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng luwalhatiin ang Ama sa Langit?

Noong kasama ng muling nabuhay na Tagapagligtas ang mga Nephita, marami Siyang itinuro sa kanila tungkol sa ilaw na dapat itaas ng Kanyang mga disipulo. Maaari mong i-cross-reference o iugnay ang Mateo 5:14–16 sa 3 Nephi 18:24–25.

Basahin ang 3 Nephi 18:24–25, at alamin kung ano ang ilaw na dapat itaas ng mga tunay na disipulo.

Si Jesucristo ang tunay na Ilaw ng Sanlibutan, at kapag sinunod natin Siya at naging higit na katulad Niya, ipinapakita natin ang liwanag na ibinibigay Niya sa atin. (Tingnan sa Juan 1:4, 9; 8:12; Doktrina at mga Tipan 50:24; 93:2.)

Simbolismong ginamit ng Tagapagligtas

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na pag-isipan pa nang mas malalim ang tungkol sa simbolismong ginamit ng Tagapagligtas sa Mateo 5:14–16.

icon ng pagsusulat sa journal2. Pumili ng isa sa mga sumusunod na metapora mula sa Mateo 5:14–16, at sagutin ang mga kaukulang tanong sa iyong study journal.

Isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol:

lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol
  • Sa paanong paraan magiging mahirap itago ang pagsunod kay Jesucristo, tulad ng isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol?

  • Noong unang panahon, itinatayo ang mga lunsod sa tuktok ng mga burol bilang proteksyon laban sa mga posibleng pag-atake. Paano makapagbibigay ng proteksyon laban sa masasamang impluwensya ang walang takot na pamumuhay nang ayon sa ebanghelyo?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng metaporang ito tungkol sa paraan ng pamumuhay na inaasahan ng Tagapagligtas sa iyo, bilang Kanyang disipulo?

Isang kandila:

nakasinding kandila
  • Paano ka magiging katulad ng isang kandila sa isang madilim na silid at paano mo paliliwanagin ang ilaw ng Tagapagligtas upang makita ng lahat?

  • Ano ang maaaring dahilan kung bakit itinatago ng ilang tao sa ilalim ng isang basket (takalan) ang ilaw na ibinibigay sa kanila ng Diyos?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng metaporang ito tungkol sa paraan ng pamumuhay na inaasahan ng Tagapagligtas sa iyo, bilang Kanyang disipulo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, at alamin kung ano ang matututuhan mo tungkol sa liwanag ni Jesucristo.

Elder Dieter F. Uchtdorf

Sa tuwing itinutuon ninyo ang inyong mga puso sa Diyos sa pagdarasal nang may pagpapakumbaba, nararanasan ninyo ang Kanyang liwanag. Sa tuwing hinahangad ninyo ang Kanyang salita at kalooban sa mga banal na kasulatan, lalong tumitindi ang liwanag. Sa tuwing napapansin ninyo ang isang taong nangangailangan at isinasakripisyo ang inyong sariling kaginhawahan upang makatulong nang may pagmamahal, lalong lumiliwanag at nadaragdagan ang liwanag. Sa tuwing tinatanggihan ninyo ang tukso at pinipili ang kadalisayan, tuwing naghahangad o nagpapatawad kayo, tuwing matapang kayong nagpapatotoo tungkol sa katotohanan, itinataboy palayo ng liwanag ang kadiliman at inaakit ang iba na naghahangad din ng liwanag at katotohanan.

(Dieter F. Uchtdorf, “Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanag,” Liahona, Nob. 2017, 80)

Alalahanin na tuwirang itinuro sa atin ni Jesus na maging “asin ng lupa” at “ilaw ng sanlibutan” pagkatapos Niyang ituro ang Beatitudes—ang mga katangiang tulad ng kay Cristo na tumutulong sa atin na maging higit na katulad Niya (tingnan sa Mateo 5:3–12).

icon ng pagsusulat sa journal3. Sagutin ang kahit isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagiging katulad ni Cristo sa ating mga kilos at pag-uugali upang mahikayat ang iba na mas lumapit sa Ama sa Langit?

  • Anong mga bagay ang magagawa mo upang maging mabuting halimbawa ng Tagapagligtas sa ibang tao?

  • Kung pumili ka ng isa sa mga Beatitudes sa nakaraang lesson na ipamumuhay mo, paano makatutulong ang katangiang iyon sa iyo upang maging isa kang asin ng lupa o ilaw ng sanlibutan?

Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Paano nakaaapekto ang mga kilos ko sa aking lasa bilang asin ng lupa?

Itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:

Pangulong James E. Faust

Ang mga espirituwal na sustansya, na nagpapalusog sa ating espiritu, ay maaaring mawalan ng bisa at lakas kung hindi tayo namumuhay nang karapat-dapat sa banal na patnubay na kailangan natin. … Kailangang panatilihin nating malinis ang ating isipan at katawan mula sa lahat ng uri ng pagkalulong at polusyon. Hindi natin pipiliin kailanman na kumain ng panis o maruming pagkain. Kung ganito tayo kapili, dapat tayong maging maingat na huwag basahin o panoorin ang anumang hindi maganda. Marami sa espirituwal na polusyon na dumarating sa ating buhay ang nagmumula sa Internet, mga laro sa computer, palabas sa telebisyon at pelikula na talagang nagpapahiwatig ng kahalayan o nagpapakita ng mababang uri ng pagkatao. Dahil nabubuhay tayo sa ganitong kapaligiran, kailangan nating dagdagan ang ating espirituwal na lakas.

(James E. Faust, “Mga Espirituwal na Sustansya,” Liahona, Nob. 2006, 55)

Paano ko madaragdagan ang aking liwanag?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring:

Pangulong Henry B. Eyring

Sa tuwing pipiliin ninyong sikaping mamuhay nang higit na katulad ng Tagapagligtas ay lalakas ang inyong patotoo. Darating kayo sa puntong malalaman ninyo na Siya ang Ilaw ng Sanlibutan. Madarama ninyong lalo iyong nagliliwanag sa inyong buhay. Hindi ito darating nang walang pagsisikap. Ngunit darating ito habang lumalago ang inyong patotoo at pinipili ninyong pangalagaan ito. Narito ang tiyak na pangako mula sa Doktrina at mga Tipan: “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” [Doktrina at mga Tipan 50:24]. Kayo ang magiging liwanag sa sanlibutan sa pagbabahagi ng inyong patotoo sa iba. Maipakikita ninyo sa iba ang liwanag ni Cristo sa inyong buhay. Hahanap ng paraan ang Panginoon upang maantig ng liwanag na iyon ang mga mahal ninyo sa buhay.

(Henry B. Eyring, “Isang Buhay na Patotoo,” Liahona, Mayo 2011, 128)

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson:

Pangulong Thomas S. Monson

Bawat isa sa atin ay naparito sa lupa na taglay ang Liwanag ni Cristo. Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas at namuhay at nagturo tayo na katulad Niya, ang liwanag na iyan ay mag-aalab sa ating puso at tatanglawan ang daan para sa iba.

(Thomas S. Monson, “Maging Huwaran at Liwanag,” Liahona, Nobyembre 2015, 86)