Mateo 5:1–12
Ang mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes
Upang masimulan ang Sermon sa Bundok, itinuro ng Tagapagligtas kung paano magiging maligaya at mapagpapala ang mga tao. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) na “sa katunayan ay taglay ng mga [turong] ito ang konstitusyon para sa perpektong buhay” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 234). Tutulungan ka ng lesson na ito na makatukoy ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at makagawa ng plano upang mataglay ang mga ito sa pagsisikap mong matamo ang kaligayahan at pagiging perpekto.
Nag-iibayo ang kaligayahan
-
Kailan ka naging pinakamaligaya?
-
Nagtagal ba ang kaligayahang iyan? Sa iyong palagay, bakit ito nagtagal o hindi nagtagal?
Sa pagsisimula ng Tagapagligtas sa Kanyang ministeryo, nagbigay Siya ng sermon malapit sa Dagat ng Galilea. Ang sermon na ito ay karaniwang tinatawag na Sermon sa Bundok at nakatala sa Mateo 5–7. Nang dalawin ng Panginoon ang mga Nephita, nagbigay Siya ng katulad na sermon (tingnan sa 3 Nephi 12–14).
Ang Mateo 5:1–12 ay kilala bilang Mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes, na nagmula sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay “pinagpala” o “maligaya”. Sa mga talatang ito, tinukoy ni Jesus ang mga katangiang taglay Niya at ng Kanyang Ama na umaakay patungo sa tunay na kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating. Makatutulong ang pagkakaroon ng mga katangiang ito upang maging higit na katulad ka ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.
Basahin ang Mateo 5:1–12, at hanapin at markahan ang mga katangiang itinuro ng Tagapagligtas at ang mga ipinangakong pagpapala para sa bawat katangian.
Ang isang alituntunin na matutukoy natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagkaroon tayo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo, mas magiging maligaya tayo.
-
Sa iyong palagay, paano nakatutulong ang paraan ng pamumuhay ng Tagapagligtas sa Kanyang kaligayahan?
Pag-aralan ang tungkol sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na katangian. Pagnilayan kung paano makatutulong ang pagtataglay ng katangian at pagtanggap sa ipinangakong pagpapalang kaugnay nito upang maging maligaya ka.
Ang mga Lubos na Pagpapala o Beatitudes | |
Reperensya |
Katangian |
Dukha sa espiritu. Pagiging mapagpakumbaba, o “pagkilala nang may pasasalamat na umaasa tayo sa Panginoon—na nauunawaang palagi nating kailangan ang Kanyang tulong. Ang pagpapakumbaba ay pagkilala na ang ating mga talento at kakayahan ay mga kaloob ng Diyos” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pagpapakumbaba,” topics.ChurchofJesusChrist.org). | |
Nahahapis. Nakadarama at nagpapakita ng kalungkutan tungkol sa isang bagay. Maaaring mahapis ang isang tao dahil sa mga pagsubok ng mortalidad na nararanasan niya at ng iba pa. Maaari ding mahapis ang isang tao dahil sa kasalanan. | |
Mapagpakumbaba [Maamo]. Pagiging “‘may takot sa Diyos, matwid, mapagpakumbaba, natuturuan, at matiisin sa pagdurusa’ [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ‘Maamo, Kaamuan,’ scriptures.ChurchofJesusChrist.org]. Ang mga nagtataglay nito ay handang sumunod kay Jesucristo, at ang kanilang ugali ay mahinahon, maamo, mapagpaubaya, at masunurin” (Ulisses Soares, “Maging Maamo at May Mapagpakumbabang Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 9). | |
Nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Pagkakaroon ng matinding hangarin na malaman at magawa ang kalooban ng Diyos. | |
Mahabagin. Pagiging “mahabagin, magalang, mapagpatawad, mahinahon, at matiisin, kahit alam natin ang mga pagkukulang ng iba” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Awa,” topics.ChurchofJesusChrist.org). | |
May malinis na puso. Maibibilang sa mga taong “nagmamahal sa Panginoon, naghahangad na tularan Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan, nagsisikap na mamuhay nang marangal at matapat at nagtitiis hanggang wakas. Ang mga taong may malinis na puso ay kinokontrol ang kanilang pag-iisip upang hindi sila makaisip at makagawa ng mga bagay na imoral” (Sheldon F. Child, “Words of Jesus: Chastity,” Ensign o Liahona, Ene. 2003, 44). | |
Mapagpayapa. “Tumutulong sa tao na makita ang pagkakatulad nila kapag nakikita nila ang pagkakaiba-iba nila” (Henry B. Eyring, “Pagkatuto sa Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 63). | |
Inuusig dahil sa katuwiran. Handang sundin at ipagtanggol si Jesucristo at ang Kanyang mga turo, kahit hamakin o tratuhin tayo nang masama dahil sa paggawa nito. |
1.
-
Paano naipakita ng Tagapagligtas ang isa o higit pa sa mga katangiang ito sa mga banal na kasulatan o sa iyong buhay?
-
Sa iyong palagay, paano makadaragdag sa iyong kaligayahan ang pagtataglay ng katangian o mga katangiang pinili mo? Bakit?
Pagtukoy ng mga katangian ni Cristo na taglay mo sa iyong sarili
Sagutan ang sumusunod na survey. Layunin nito na matulungan kang matukoy ang mga katangiang ipinapakita mo at ang mga katangiang maaari mo pang mas mapagbuti.
Maglagay ng numero mula 1 hanggang 5 sa tabi ng bawat isa sa mga sumusunod na katangiang tulad ng kay Cristo (Ang 1 ay nangangahulugang “hindi pa gaanong napagbubuti” at ang 5 naman ay “lubos na napagbuti”).
__ Ako ay dukha sa espiritu.__ Ako ay nalulungkot para sa iba kapag nahahapis sila at nakadarama ako ng labis na kalumbayan kapag nagkakasala ako.__ Ako ay mapagpakumbaba.__ Ako ay nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.__ Ako ay mahabagin.__ Ako ay may malinis na puso.__ Ako ay mapagpayapa.__ Ako ay tapat kahit inuusig ako dahil sa aking mga paniniwala.
Tukuyin ang mga katangiang napagbubuti mo, at magpasalamat sa Diyos na sumusulong ka upang maging higit na katulad Niya at ni Jesucristo. Pag-isipan ang mga katangiang gusto mo pang mas lubos na mapagbuti, at hilingin sa Diyos na tulungan kang mapagbuti ang mga ito.
Kung nahihirapan kang tukuyin ang mga katangiang napagbubuti mo na o kailangan mo pang pagbutihin, maaaring makatulong na kausapin ang iyong mga magulang o ang iba pang taong pinagkakatiwalaan mo. Hilingin sa kanila na tukuyin ang mga katangian ni Cristo na nakikita nila sa iyo at ang mga katangiang maaari mo pang mas mapagbuti.
Ang ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong na mapagbuti pa ang mga katangiang tulad ng kay Cristo
Kailangan natin ang tulong ng Tagapagligtas upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga katangian ni Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos. Hindi ito makakamit nang walang tulong mula sa Kanya. Ang isang tulong na kailangan nating lahat ay ibinigay sa atin nang libre sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ay nangangahulugan ng lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pag-ibig. Napapasaatin ang mga katangian ni Cristo sa matwid na paggamit ng ating kalayaan. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Kapag may pananampalataya tayo kay Cristo, sapat ang tiwala natin sa Panginoon para sundin ang Kanyang mga utos—kahit hindi natin lubos na nauunawaan ang mga dahilan nito. Sa paghahangad na maging higit na katulad ng Tagapagligtas, kailangang regular nating suriin ang ating buhay at magtiwala, sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, sa kabutihan ni Jesucristo at sa mga biyaya ng Kanyang Pagbabayad-sala.
(Dieter F. Uchtdorf, “Mga Katangian ni Cristo—Ang Hangin sa Ilalim ng Ating mga Pakpak,” Ensign o Liahona, Nob 2005, 102–3)
-
Ano ang napansin mo sa pahayag na ito na makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo?
Gumawa ng plano
2. Gawin ang sumusunod na assignment sa iyong study journal.
Bumuo ng isang planong gagawin upang maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Magsama ng mga partikular na gagawin mo sa araw-araw na sa palagay mo ay makatutulong. Huwag kalimutang hingin ang tulong ng Tagapagligtas. Maaari mong hilingin sa mga pinagkakatiwalaan mong kapamilya o mga kaibigan na suportahan ka sa iyong mga pagsisikap. Maaari mo ring itala ang iyong plano ng mga gagawin sa iyong Gabay na Aklat para sa mga Kabataan o sa study journal.
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Paano tayo tinuturuan ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang mga katangian sa Sermon sa Bundok?
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):
Si Cristo ay pumarito sa mundo hindi lamang upang gawin ang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan kundi upang ipakita sa mundo ang halimbawa ng pamantayan ng pagiging perpekto ng batas ng Diyos at ng pagsunod sa Ama. Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto, … at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sariling buhay.
(Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 233–234)
Ano ang ibig sabihin ng mapupuspos ang mga nauuhaw sa kabutihan?
Nang ibigay ng Tagapagligtas ang Sermon sa Bundok sa lupain ng Amerika, sinabi Niya na yaong mga nagugutom at nauuhaw sa kabutihan “ay mapupuspos ng Espiritu Santo” (3 Nephi 12:6).
Ano pa ang ibang katangiang tulad ng kay Jesucristo?
Maaari mong panoorin ang video na “Christlike Attributes” (2:53), na mapapanood sa ChurchofJesusChrist.org. Ang video na ito ay tumutukoy sa mas marami pang katangiang taglay at ipinakita ng Tagapagligtas sa Kanyang buhay.