“Pambungad,” Ministeryo sa Bilangguan (2023)
“Pambungad,” Ministeryo sa Bilangguan
Pambungad
Ang iyong pagkakulong ay hindi kailangang maging pinakamalaking bahagi ng buhay mo na huhubog sa pagkatao mo. Ang iyong identidad bilang anak ng Diyos ay walang hanggan, kahit na nabilanggo ka. Ang pagsulong nang may pananampalataya at pagtitiwala kay Jesucristo ay tutulong sa iyo na maging katulad ng nais Niyang maging ikaw. Tutulungan ka Niya na mamuhay nang matagumpay at makabuluhan.
Ang buhay habang nakabilanggo at matapos mabilanggo ay maaaring mahirap. Ang paghahanap ng trabaho at pabahay, pagpapatibay ng mga relasyon, at maraming iba pang mga aspekto ng pamumuhay sa araw-araw ay maaaring maging kumplikado dahil sa rekord ng krimen. Sa kabila ng mga paghihirap na ito, hindi ka nag-iisa. Sa pagsunod sa mga turo ni Cristo, mapagbubuti mo ang iyong sarili at matatalikuran ang mga sandali ng kahinaan, maling pagpili, at mahihirap na naranasan sa nakaraan. Hindi ka pababayaan ng Diyos kailanman. Ang Kanyang pagmamahal, mga pagpapala, at tiwala sa iyo ay maaaring pagmulan ng lakas araw-araw sa panahon ng anumang pagsubok (tingnan sa Mateo 11:28–29).
Bukod sa Diyos Ama at kay Jesucristo, ang iyong pamilya, mga kaibigan, at Simbahan ay maaaring mapagkunan ng tulong. Marami ding mabubuting tao sa komunidad at mga ahensiya ang nag-organisa ng mga resource na nakatuon sa iyong pangmatagalang tagumpay. Gayunpaman, tandaan na laging nasa iyo ang paggawa ng mga tamang pagpili na makakatulong sa iyo na umunlad.
Narito ang ilang pag-uugali na tutulong sa iyo na makipagtulungan sa Tagapagligtas upang magbago at bumuti:
-
Panatilihing malapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagninilay. Ang mga simpleng gawaing ito ay magbibigay-inspirasyon sa iyo na gumawa ng mga tamang pagpili at tutulong sa iyo na maunawaan si Jesucristo at magtiwala sa Kanya bilang iyong Tagapagligtas at kaibigan.
-
Magkaroon ng koneksyon sa Simbahan. Makipag-ugnayan sa mga lokal na lider ng Simbahan tulad ng bishop, branch president, elders quorum president (para sa kalalakihan), o Relief Society president (para sa kababaihan). Ibahagi sa kanila ang iyong paglalakbay sa buhay, kabilang ang iyong pagbabalik-loob at ang iyong mga inaasam para sa hinaharap. Matutulungan ka ng mga lider na ito na patatagin ang iyong buhay at makibahagi sa Simbahan.
-
Patuloy na sumunod sa lahat ng legal na obligasyon, restriksiyon, at kahihinatnan. Huwag lumahok sa anumang mga gawain na maaaring lumabag sa mga tuntunin ng iyong paglaya, parole, o probation o humantong sa muling pagkabilanggo. Makipag-usap nang madalas sa mga namamahalang awtoridad tungkol sa iyong pag-unlad, pangangailangan, at hangarin.
-
Iwasan ang mga kaibigan, lugar, o pamumuhay na maaaring humantong sa pagkabilanggo. Maghanap ng mga kaibigang susuporta sa iyo habang naghahangad kang gumawa ng mga positibong pagbabago sa iyong buhay. Maghanap ng trabaho at pabahay sa isang bahagi ng iyong komunidad na aakma sa iyong mga mithiing magpakabuti at tutugon sa iyong mga legal na kinakailangan. Gamitin ang panahong ito ng iyong buhay sa paghubog ng iyong hinaharap. Humingi ng payo sa iyong mga lider sa Simbahan tungkol sa mga lugar na matitirhan at ligtas na mga kapaligiran sa lipunan.
Tandaan—mahal ka ng Diyos, at hihikayatin ka Niya, bibigyan ka ng lakas na magtrabaho, at aakayin ka sa mga taong makakatulong (tingnan sa 1 Nephi 17:3).