“Makinig sa mga Young Single Adult,” Pagpapalakas ng mga Young Single Adult (2022)
Makinig sa mga Young Single Adult
Para matulungan ang iba na madama na minamahal sila, kailangan mo silang tulungang madama na pinapakinggan sila. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Maging totoo. Makipag-usap nang taos-puso. Itanong ninyo sa mga kaibigang ito kung ano ang pinakamahalaga sa kanila. Ano ang itinatangi nila, at ano ang kanilang pinakamamahal? At pagkatapos ay makinig. … Kung makikinig tayo nang may pagmamahal, hindi na natin iisipin kung ano ang sasabihin. Ibibigay ito sa atin ng—Espiritu at ng ating mga kaibigan” (“Witnesses Unto Me,” Ensign, Mayo 2001, 15).
Maraming young adult ang may pag-aalinlangan sa kanilang pananampalataya. Ang ilan ay may mga tanong at pagdududa; ang ilan ay hindi nadarama na gusto sila o kabilang sila sa Simbahan. Ang una at mahalagang hakbang sa pagtulong sa mga young single adult ay kausapin sila at pakinggan. Bilang mga miyembro ng Simbahan, kailangan natin ang mga kaloob, inspirasyon, at pananaw ng lahat. Kailangan natin ang isa’t isa.
Bago kayo mag-usap-usap bilang isang komite tungkol sa mga solusyon na makatutugon sa mga pangangailangan ng mga young single adult, hangarin munang maunawaan sila, pati na ang mga maaaring nanghihina sa kanilang pananampalataya at patotoo. Kapag ginawa ninyo ito, mamahalin din ninyo sila. Makinig nang walang pinapanigan at walang panghuhusga. Dapat madama ng mga young single adult na kausap mo na sila ay naririnig, iginagalang, nauunawaan, at minamahal.
Sa iyong paglilingkod sa YSA committee, dapat kang makinig sa mga YSA na may iba’t ibang pinagmulan at sitwasyon hangga’t maaari. Sa katunayan, dapat patuloy itong ginagawa.
Resources na makatutulong sa iyo na makinig sa mga YSA:
-
Mga Alituntunin sa Pakikinig
-
Gumawa ng Plano tungkol sa Pakikinig
Mga Alituntunin sa Pakikinig
-
Gawing komportable at di-pormal ang lugar para makahikayat ng natural at tapat na pag-uusap. Isipin ang mga bagay na tulad ng tono ng pananalita mo, pananamit mo, at kung saan kayo nag-uusap.
-
Kilalanin sila—ang kanilang pananampalataya, inaasam, paghihirap. Kapag mas kilala mo sila, magkakaroon ka ng mas maraming impormasyon na gagabay sa iyong pag-iisip at espirituwal na mga pahiwatig.
-
Magbigay ng mga tanong na nag-aanyaya sa mga YSA na ibahagi ang kanilang mga iniisip, nadarama, inaasam, at hamon (tingnan sa “Gumawa ng Plano tungkol sa Pakikinig”). Mas makinig kaysa magsalita.
-
Isama ang mga YSA na magkakaiba ang kasarian, edad, background, at antas ng pagkaaktibo sa Simbahan. Kapag mas magkakaiba ang mga YSA na nakakausap mo, mas mabuti iyon. Tingnan kung may kilala silang ibang tao na maaaring magbahagi ng iba’t ibang pananaw.
-
Kung nasasabi nila ang kanilang mga paghihirap o kabiguan, huwag husgahan, iwasto, pilitin, o subukang “ayusin” ang mga YSA na kinakausap mo. Makinig nang may paggalang, kabaitan, at pagdamay. Ulitin muli ang narinig mo para matiyak na tama ang pagkaunawa mo, at itanong kung may iba pa. Pasalamatan sila sa kanilang katapatan at ipaalam sa kanila na nagmamalasakit ka.
-
Kahit sinisimulan mo nang gawin ang mga solusyon, mag-ukol ng oras na tulungan at pakinggan ang mga YSA para maunawaan kung paano nakakaapekto ang mga solusyon sa kanilang karanasan.
-
Huwag ituring na pareho ang karanasan ng isang tao sa nararanasan ng lahat. Kung makikipagpulong ka sa isang grupo, tiyaking naririnig ang lahat at hindi isa o dalawang tao lang ang palaging nagsasalita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:122).
Gumawa ng Plano tungkol sa Pakikinig
Sino ang Gusto Mong Makausap?
Tumulong sa mga young single adult na may magkakaibang pinagmulan, karanasan, pananaw sa relihiyon, antas ng pagkaaktibo sa Simbahan, at iba pa.
Ano ang Tatalakayin Mo?
Maaaring kabilang sa mga paksang tatalakayin ang sumusunod:
-
Kailan, saan, at paano natin nararamdaman na lubos tayong nakakonekta sa Diyos
-
Mga hamon na may kinalaman sa relihiyon na maaaring makaharap natin sa estadong ito ng ating buhay
-
Ang kahalagahan ng ebanghelyo sa ating buhay
-
Bakit nilisan ng mga kaibigan o kapamilya ang Simbahan
-
Paano matutulungan ang iba na malaman na kailangan sila at pinahahalagahan ang kanilang mga kontribusyon
-
Ang ebanghelyo ni Jesucristo at kung paano makatutulong sa atin ang pagtupad ng mga tipan para maisentro ang ating buhay kay Jesucristo.
-
Pag-uugali at mga talento na tutulong sa ating komunidad na maging higit na katulad ni Cristo
-
Mga paksa at pinahahalagahan sa ebanghelyo na sa palagay natin ay maaaring lubos na makatutulong sa ating henerasyon
-
Mga aktibidad at karanasan na makatutulong sa ating lahat na mas mapalapit kay Cristo at sa isa’t isa, kapwa sa araw ng Linggo at sa buong linggo
Kailan Ka Makikinig?
Pag-isipan kapwa ang maikling pakikinig at pangmatagalang pakikinig at patuloy na pakikinig. Nang may pahintulot mula sa taong kausap mo, itala o isulat ang natututuhan mo para maibahagi mo ito sa mga pulong ng komite sa hinaharap. Pumili ng oras na hindi kailangang madaliin ang pag-uusap.
Paano Ka Makikinig?
Ang pakikinig ay lubos na nangyayari sa isang sitwasyon na nagtutulot sa tapat at bukas na talakayan. Maaari kang makinig kasama ang mga grupo o nang sarilinan. Maaari kang makinig sa isang tahanan, sa simbahan, o saanmang lugar na komportable at walang gaanong makagagambala.