“Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang partisipasyon at mga ibinabahagi,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo (2023)
“Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang partisipasyon at mga ibinabahagi,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Lumikha ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at alam nilang pinahahalagahan ang kanilang partisipasyon at mga ibinabahagi.
Kasanayan
Ipaalam na pinahahalagahan mo ang mga estudyante bago pa man sila magkomento o kapag itinaas nila ang kanilang kamay para magkomento.
Ipaliwanag
Maipapakita natin ang pagmamahal sa ating mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na pinahahalagahan natin ang kanilang partisipasyon at mga ibinabahagi. Kung minsan kapag nagsasalita ang mga estudyante, mukhang hindi tayo interesado o maaaring hindi tayo nakatuon sa sinasabi nila dahil nag-iisip na tayo kung ano ang susunod nating sasabihin. Madaling tumingin sa malayo o magsimulang tingnan ang ating mga banal na kasulatan habang iniisip natin kung paano tutugon. Mahalagang tandaan na nais ng mga estudyante na madamang naririnig, kinikilala, at nakikita sila. Matutulungan natin ang mga estudyante na madama ito sa pamamagitan ng lubos na pagtutuon sa kanila habang nagbabahagi sila ng mga komento. Ang isang paraan para magawa ito ay humarap ka sa kanila, tumingin sa kanilang mga mata, at magtuon sa kanila hanggang sa matapos sila sa kanilang sinasabi. Ang isa pang paraan ay ipahayag na pinahahalagahan mo ang kanilang ibinahagi bago pa man sila magsalita. Kapag nagtaas ng kamay ang isang estudyante, maaari mong sabihing, “Jordan, gustung-gusto naming pinakikinggan ka. Sabihin mo sa amin kung ano ang iniisip mo,” o, “Thabo, sabik kaming matuto mula sa iyo. Ano ang gusto mong ibahagi?” Ang mga simpleng gawaing ito ay maaaring magpahiwatig sa mga mag-aaral na ang kanilang mga ibinabahagi ay mahalaga sa pagkatuto.
Ipakita
Tingnan ang kilos ng gurong ito habang nakikinig siya sa komento ng isang estudyante. Siya ay nakaharap at nakatingin sa estudyante. Hindi siya nakapokus sa iba pang estudyante, sa mga banal na kasulatan, o anumang bagay. Ano pa ang matututuhan mo mula sa larawang ito tungkol sa kung paano ipararamdam sa mga estudyante na pinahahalagahan sila?
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
-
Sa linggong ito, praktisin ang kasanayang ito sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa pakikipag-usap mo sa ibang tao at pagsasabi na pinahahalagahan mo ang kanilang mga ibinabahagi. Humarap sa tao at tingnan siya sa mata habang kinakausap mo siya. Alisin ang anumang mga gambala, at lubusang magtuon sa indibiduwal.
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng nonverbal at verbal na uri ng komunikasyon sa pagpapahayag sa iba na pinahahalagahan mo sila?
-
Ano ang ilang iba pang paraan na maipapahayag mo sa mga estudyante na pinahahalagahan mo ang kanilang mga komento?
-
Mag-ukol ng ilang sandali at isipin ang mga pagkakataon na ipinakita ng Tagapagligtas ang kasanayang ito.
Isama
-
Sa susunod mong lesson, gamitin ang kasanayang ito na pagharap sa iyong mga estudyante, paglapag sa mesa ng iyong mga banal na kasulatan, at pagtingin sa mata ng mga estudyante habang nagbabahagi sila ng mga komento.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Topics and Questions, “Communication,” topics.ChurchofJesusChrist.org
-
Mark Ogletree, “Magsalita, Makinig, at Magmahal,” Liahona, Peb. 2014, 14–17
Kasanayan
Ipaalam sa mga estudyante na hindi lamang sila malugod na tinatanggap kundi kailangan din sila.
Ipaliwanag
Kailangang madama ng mga estudyante na kailangan sila. Nakasaad sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: “Malamang na halos lahat ng tinuturuan mo, sa iyong tungkuling magturo, ay nahihirapang madama na iginagalang at pinahahalagahan sila. Sa paraan ng pagmamahal at paggalang mo sa kanila, maipadarama mo na hindi lamang sila tinatanggap kundi kailangan din sila.” Maraming paraan para matulungan ng isang guro ang estudyante na madama na kailangan siya sa klase. Ang isang paraan ay ang simpleng pagpapahayag ng damdamin sa mga salita. Magagawa ito anumang oras sa pamamagitan ng taos-pusong pakikipag-usap sa isang estudyante nang isa-isa, o sa buong klase, kung paano napabuti ng presensya o pakikilahok ng estudyante ang karanasan sa klase.
Ipakita
-
Ibinahagi ni Beth sa klase kung bakit mahilig siyang magbasa ng mga banal na kasulatan. Sinabi ni Brother Singh, “Mga kapatid, nagpapasalamat ako na kabilang sa klase natin si Beth para tulungan tayong lahat na mabigyang-inspirasyon na mahalin ang mga banal na kasulatan.”
-
Binati ni Sister Villar si María sa pagsasabing, “Natutuwa ako na narito ka. Nagpapasaya ng araw ko ang ngiti mo.”
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
Paano mo maipapahayag na kailangan ang isang estudyante habang inoobserbahan mo ang sumusunod na mga sitwasyon?
-
Nagboluntaryo si Marco na mag-alay ng pambungad na panalangin.
-
Hindi gaanong sumasali si Sondra sa talakayan, pero lagi siyang maaga sa klase.
-
Niyaya ni Amara ang isang kaibigan sa klase.
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang karanasan mo sa pagpapraktis ng kasanayang ito, at ano ang natutuhan mo?
-
Matapos praktisin ang kasanayang ito, ano sa palagay mo ang pagkakaiba ng pakiramdam na malugod kang tinatanggap at pakiramdam na kailangan ka?
Isama
-
Tukuyin ang kahit isang estudyante sa linggong ito kung kanino mo sasabihin na kailangan siya. Patuloy na gawin ito nang lingguhan o nang mas madalas, kung maaari.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Jean B. Bingham, “Dadalhin Ko ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Aking Tahanan,” Liahona, Nob. 2016, 6–9
-
Quentin L. Cook, “Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa,” Liahona, Nob. 2020, 18–21