“Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magturo sa pamamagitan ng Espiritu (2023)
“Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Magturo sa pamamagitan ng Espiritu
Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Magturo sa pamamagitan ng Espiritu
Lumikha ng mga kapaligiran at oportunidad upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral.
Kasanayan
Lumikha ng pagsusuri sa sarili para sa mga estudyante tungkol sa isang doktrina, katotohanan, o alituntunin.
Ipaliwanag
Ang pagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu ay kinapapalooban ng pagtulong sa mga estudyante na pag-isipan ang sarili nilang mga pananaw, damdamin, at karanasan na may kaugnayan sa mga partikular na katotohanan. Ang personal na pagsusuri sa sarili ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na tulungan ang bawat estudyante na makita ang mga bagay “kung ano talaga ang mga ito, at … kung ano talaga ang [magiging ito]” (Jacob 4:13) sa kanilang buhay. Ang epektibong pagsusuri sa sarili ay tutulong sa mga estudyante na pag-isipan (1) ang sarili nilang kasalukuyang pagkaunawa sa isang partikular na katotohanan, (2) kung bakit ang mga katotohanang ito ay nauugnay sa sarili nilang buhay at sitwasyon, at (3) kung paano mas maipamumuhay ang mga katotohanang ito. Maaari mong anyayahan ang pagsusuri sa sarili anumang oras sa oras ng klase sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, kabilang na ang pagsusulat, mga tanong sa talakayan, at mga paanyaya na ipamuhay ang doktrina at mga alituntunin.
Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.
Ipakita
Narito ang ilang halimbawa kung paano ka makagagawa ng mga pagsusuri sa sarili para sa mga estudyante:
-
Sa simula ng klase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maikling isulat sa isang journal ang kasalukuyan nilang pagkaunawa sa batas ng ikapu.
-
Sa pagtatapos ng klase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan: “Paano nagbago ang pagkaunawa ninyo sa batas ng ikapu mula pa sa simula ng klase?”
-
Matapos matukoy nang sama-sama ang iba’t ibang alituntunin mula sa isang scripture block, maaari mong itanong sa mga estudyante, “Paano ninyo pagsusunud-sunurin ang mga alituntuning ito sa inyong buhay ayon sa kahalagahan ng mga ito?”
-
Sa isang talakayan sa klase, maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nakaapekto ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay hanggang sa puntong ito.
-
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila: “Isipin kung paano ninyo isinasaalang-alang sa kasalukuyan ‘[si Cristo] sa bawat pag-iisip’ (Doktrina at mga Tipan 6:36). Isulat kung ano sa palagay ninyo ang susunod na hakbang upang mas mapagbuti ninyo ang inyong ugnayan sa Kanya na may kinalaman dito.”
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
Gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod upang mapahusay ang kakayahan mong gumawa ng mga pagsusuri sa sarili para sa iyong mga estudyante:
-
Tingnan ang susunod na lesson plan. Pumili ng isang doktrina na plano mong pagtuunan ng pansin. Magpraktis sa pagsulat ng dalawa o tatlong simpleng pagsusuri sa sarili na magagamit ng mga estudyante para mapag-isipan ang kanilang kasalukuyang pagkaunawa sa doktrinang ito o kung paano nagbago ang kanilang pagkaunawa dahil sa natutuhan nila.
-
Pumili ng isang bahagi sa susunod na lesson kung saan plano mong magkaroon ng talakayan sa klase. Magpraktis sa pagsulat ng dalawa o tatlong tanong na makatutulong sa mga estudyante na masuri ang sarili nilang pananaw at karanasan na nauugnay sa isang alituntunin na tutukuyin.
-
Humanap ng pagkakataon sa susunod na lesson plan kung saan magtutuon ka sa pagsasabuhay ng alituntunin. Sa halip na sabihin lamang sa mga estudyante na ipamuhay ang isang partikular na doktrina o alituntunin, magpraktis sa pagsulat ng dalawa o tatlong paanyaya na tutulong sa kanila na suriin ang kanilang kasalukuyang pagsasabuhay ng doktrina o alituntunin at kung paano patuloy na bubuti.
Talakayin o Pagnilayan
Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa karanasang ito. Marahil ay maaari mong isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa isang study journal. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nagawa ko na noon para matulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang sarili?
-
Ano ang natutuhan ko sa karanasang ito na maaaring magpahusay sa kakayahan kong tulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang sarili?
-
Ano ang gagawin ko para patuloy na humusay?
Isama
-
Para sa bawat lesson plan sa linggong ito, gumamit ng ibang pagsusuri sa sarili para matulungan ang mga estudyante na matuto mula sa Espiritu Santo. Mag-ukol ng oras upang tukuyin ang natutuhan mo mula sa karanasang ito, at muling magpraktis sa iyong paghahanda at sa iyong mga klase. Patuloy na magpraktis, matuto, at pagbutihin ang iyong mga pagsisikap upang mapaganda ang mga karanasan ng iyong mga estudyante at mahikayat ang kanilang patuloy na paglago at pag-unlad.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Jeffrey R. Holland, “Mga Anghel at Panggigilalas” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion, Hunyo 12, 2019), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
-
“Invite Diligent Learning,” Teaching in the Savior’s Way (2016), 29–30
-
“Invite Diligent Learning” (3:35) (video), ChurchofJesusChrist.org
Kasanayan
Gumamit ng sagradong musika. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga linya at parirala sa sagradong musika na may kaugnayan sa mga katotohanang natututuhan nila.
Ipaliwanag
Sinabi ng Unang Panguluhan: “Ang mga himno ay nag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon, nagdadala ng mapitagang pakiramdam, napagkakaisa tayo bilang mga miyembro, at nagdudulot ng paraan para sa atin na makapag-alay ng mga papuri sa Panginoon” (Mga Himno, vii). Ang sagradong musika ay magagamit sa isang debosyonal para magsimula ng klase. Magagamit din ito sa klase na may espesyal na mga pagtatanghal ng mga estudyante, sa pamamagitan ng sama-samang pagkanta ng mga himno, o sa tahimik na pagbabasa ng mga titik ng isang awitin. Sa tuwing ginagamit ang musika, maaanyayahan ng mga guro ang mga estudyante na tukuyin ang mga katotohanan ng ebanghelyo at palalimin ang kanilang pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-anyaya sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita at parirala sa isang awitin na nagtuturo sa kanila ng iba pa tungkol sa Tagapagligtas at sa mga katotohanang itinuturo sa klase.
Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.
Ipakita
Nasa ibaba ang ilang halimbawa ng mga tanong na maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan habang nakikinig o kumakanta ng isang awitin:
-
Ano ang paborito mong salita o parirala mula sa himnong ito? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo?
-
Katatalakay pa lang natin ng alituntunin sa Juan 15, Ipinapakita natin ang ating pagmamahal kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Maghanap ng isang linya sa isang himno na nagtuturo sa inyo ng higit pa tungkol sa alituntuning ito. Maaari ninyong hanapin ang salitang “Pagmamahal” sa bahaging “Mga Paksa” ng himnaryo.
-
Ano ang itinuturo sa inyo ng himnong ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Paano makatutulong sa inyo ang himnong ito na mas maunawaan at mas mapahalagahan ang mga katotohanang tinatalakay natin sa klase?
-
Sino ang kilala ninyo na kailangang marinig ang himnong ito ngayon? Anong mga katotohanan ang itinuro sa himnong ito na gusto ninyong malaman ng taong iyon?
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
-
Tingnan ang susunod na lesson sa kurikulum at tukuyin ang isa sa mga alituntuning ituturo mo. Pumili ng isa o dalawang tanong mula sa halimbawa sa itaas o mag-isip ng sarili mong mga tanong para anyayahan ang mga estudyante na ikonekta ang isang himno sa alituntunin.
Talakayin o Pagnilayan
-
Isipin ang nagawa mo noon para maisama ang sagradong musika sa iyong mga lesson. Gaano ka kadalas gumamit ng sagradong musika sa klase? Paano mo ito mas magagamit pa?
-
Kailan ka nagkaroon sa klase ng magandang karanasan sa musika?
-
Isipin kung paano mapagpapala ang iyong mga estudyante ng patuloy na paggamit mo ng sagradong musika sa klase. Anong mga ideya ang naiisip mo?
Isama
-
Sabihin sa isang estudyante na mapanalanging pumili ng isang himno para sa darating na debosyonal na nag-uugnay sa katotohanang gusto niyang ituro.
-
Isipin ang iba pang mga paraan na magagamit mo ang sagradong musika para ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Saliksikin ang Sacred Music app para makita ang resources na magagamit sa klase. Ang ilang halimbawa ay ang Youth Albums, Face to Face Music, Music from General Conference, at Music from For the Strength of Youth.
-
Dallin H. Oaks, “Worship through Music,” Ensign, Nov. 1994, 9–12