Kabanata 1
Kailangan Natin ang mga Buhay na Propeta
Pambungad
Mula pa noong panahon ni Adan, isa sa mga paraan ng Panginoon sa pagpapabatid ng Kanyang kalooban sa Kanyang mga anak ay sa pamamagitan ng mga propeta (tingnan sa Amos 3:7). Itinuturo sa atin ng mga propeta ang kalooban ng Diyos at inihahayag ang Kanyang banal na pagkatao. Sila ay mga mangangaral ng kabutihan at tumutuligsa sa kasalanan, at kapag binigyang-inspirasyon, ang mga propeta ay nagbabadya ng darating na mga pangyayari. Ang pinakamahalaga, ang mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo. Nangako ang Panginoon na kung “tatalima” tayo sa mga salita ng propeta, “ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa [atin]; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan [natin], at payayanigin ang kalangitan para sa [ating] ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:4, 6). Sa paggabay sa atin ng mga propeta, makatitiyak tayo sa kalooban ng Diyos hinggil sa atin. Makatitiyak tayo na kapag sinusunod natin ang payo ng mga buhay na propeta, mas maayos tayong makapaglalakbay sa buhay sa magulong panahon nating ito.
Komentaryo
1.1
Inihahayag ng Panginoon ang Kanyang Kalooban sa mga Buhay na Propeta Ngayon Tulad ng Ginawa Niya Noon
Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na mula kay Adan hanggang sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan, ang mga propeta ay naging mahalagang bahagi na ng plano ng Panginoon:
“Ang unang [dispensasyon ng ebanghelyo] ay noong panahon ni Adan. Pagkatapos ay sumunod ang dispensasyon nina Enoc, Noe, Abraham, Moises, at iba pa [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Dispensasyon”]. Bawat propeta ay may banal na tungkuling ituro ang tungkol sa kabanalan at doktrina ng Panginoong Jesucristo. Sa bawat panahon ang mga turong ito ay naglayong tulungan ang mga tao. Ngunit ang kanilang pagsuway ay humantong sa apostasiya. …
“Kaya nga isang ganap na panunumbalik ay kinailangan. Tinawag ng Diyos Ama at ni Jesucristo si Propetang Joseph Smith na maging propeta ng dispensasyong ito. Lahat ng banal na kapangyarihan ng mga naunang dispensasyon ay ipanunumbalik sa pamamagitan niya” (Ang Pagtitipon ng Ikinalat na Israel,” Ensign, o Liahona, Nob. 2006, 79–80; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang huling dispensasyon ng ebanghelyo ay nagsimula sa pagtawag ng isang propeta—si Joseph Smith. Tulad noong mga nakaraang dispensasyon, ang kalooban ng Diyos ay ipinararating sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng proseso ng paghahayag.
Tinalakay ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan ang pangangailangan para sa patuloy na paghahayag:
“Marami sa paghahayag na natanggap, sa panahong ito at gayon din noong unang panahon, ay tungkol sa doktrina. Ilan sa mga ito ay tungkol sa pamamalakad at mga dapat gawin ng Simbahan. Marami sa mga ito ay hindi nakamamangha. Paalala sa atin ni Pangulong John Taylor: ‘Hindi ipinahayag kay Adan na tagubilinan si Noe na gumawa ng arka; o ipinahayag kay Noe na sabihin kay Lot na lisanin ang Sodom; o nagsalita ang isa sa kanila tungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel mula sa Egipto. Silang lahat ay nakatanggap ng paghahayag para sa kanilang sarili’ (Millennial Star, 1 Nob. 1847, 323)” (Continuing Revelation,” Ensign, Ago. 1996, 5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ikinuwento ni Pangulong Hugh B. Brown (1883–1975) ng Unang Panguluhan ang pag-uusap nila ng isang miyembro ng British House of Commons at dating hukom ng Supreme Court ng England, na hindi miyembro ng Simbahan, tungkol sa pangangailangan para sa mga buhay na propeta at sa paghahayag na natatanggap nila:
“[Sinabi ko,] ‘Seryoso kong sinasabi sa iyo na pangkaraniwan na sa panahon ng Biblia na makipag-usap ang Diyos sa tao.’
“[Sagot niya,] ‘Sa tingin ko tatanggapin ko iyan, pero di-nagtagal ay tumigil ito pagkatapos ng unang siglo ng Kristiyanismo.’
“‘Sa palagay mo, bakit tumigil ito?’
“‘Hindi ko alam.’
“‘Sa palagay mo ba ay hindi na nakipag-usap ang Diyos magmula noon?’
“‘Hindi na sa pagkakaalam ko.’
“‘Magmumungkahi ako ng ilang posibleng dahilan kung bakit hindi siya nangusap sa tao. Siguro hindi na niya kaya. Nawalan na siya ng kapangyarihan.’
“Sinabi niya, ‘Iyan ay maituturing na kalapastanganan.’
“‘Kung gayon, kung hindi mo tanggap iyan, marahil kaya hindi na siya nakikipag-usap sa tao ay dahil hindi na niya tayo mahal. Hindi na siya interesado sa gawain ng mga tao.’
“‘Hindi,’ sabi niya, ‘mahal ng Diyos ang lahat ng tao, at hindi siya nagtatangi ng mga tao.’
“‘Kung gayon, … ang tanging posibleng sagot na nakikita ko ay hindi na natin siya kailangan. Mabilis ang pag-unlad natin sa edukasyon at siyensya kaya hindi na natin kailangan ang Diyos.’
“At pagkatapos ay sinabi niya, at ang kanyang tinig ay nanginginig nang maisip niya ang nagbabantang digmaan [Ikalawang Digmaang Pandaigdig], ‘Ginoong Brown, kailanman ay hindi pa nagkaroon ng panahon sa kasaysayan ng mundo na ang tinig ng Diyos ay higit na kinakailangan na tulad ng pangangailangan natin sa ngayon. Marahil masasabi mo sa akin kung bakit hindi siya nangungusap sa tao.’
“Ang sagot ko ay, ‘Siya ay nangungusap sa tao, siya ay nagsalita; ngunit kailangan ng tao ng pananampalataya upang marinig siya.’
“Pagkatapos ay pinag-usapan namin ang matatawag kong ‘profile ng isang propeta.’ …
“Ang hukom ay naupo at nakinig na mabuti. Nagtanong siya ng ilang tuwiran at masusing katanungan, at sinabi niya sa pagtatapos ng pag-uusap namin, ‘Ginoong Brown, iniisip ko kung napahahalagahan ng iyong mga tao ang kabuluhan ng iyong mensahe. Ano sa palagay mo?’ Sinabi niya, ‘Kung totoo ang sinabi mo sa akin, ito na ang pinakadakilang mensahe na dumating sa mundong ito magmula noong ibalita ng mga anghel ang pagsilang ni Cristo’” (sa Conference Report, Okt. 1967, 118, 120; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa “The Profile of a Prophet” [Brigham Young University devotional, Okt. 4, 1955], 2–3, 5, 8, speeches.byu.edu; o “The Profile of a Prophet,” Ensign, Hunyo 2006, 36–37, 39).
1.2
Ang mga Problema Ngayon ay Natutugunan ng mga Solusyon Mula sa Diyos
Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44) na kailangan natin ng patuloy na patnubay ng Diyos na “akma sa kalagayan” ng mga tao sa dispensasyong ito (sa History of the Church, 5:135). Itinuro din niya na “iba ang ating kalagayan sa ibang mga taong nabubuhay sa mundong ito” at, kung gayon, kailangan natin ng kakaibang mga paghahayag at patnubay (sa History of the Church, 2:52; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 227). “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:9).
Sa isang paghahayag noong 1883 na ibinigay sa pamamagitan ni Pangulong John Taylor (1808–87), nangako ang Panginoon na patuloy Niyang pagpapalain ang Simbahan ng mga paghahayag:
“Ihahayag ko sa inyo, sa pana-panahon, sa pamamagitan ng aking itinalaga, ang lahat ng bagay na kakailanganin para sa hinaharap na pag-unlad at pagiging perpekto ng aking Simbahan, para sa pagsasaayos at paglaganap ng aking kaharian, at para sa pagtatayo at pagtatatag ng aking Sion” (sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [1965], 2:354).
Ipinaalala ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang hindi pagbabago at pagbabago sa Simbahan ay kapwa iniuutos sa pamamagitan ng paghahayag:
“May mga pagbabagong gagawin sa hinaharap tulad noong lumipas na panahon. Kung ang mga Kapatid [na mga propeta at apostol] ay gagawa man ng mga pagbabago o pipigilan ang mga ito ay nakasalalay nang buo sa mga tagubilin na natatanggap nila sa pamamagitan ng paghahayag na itinatag sa simula pa.
“Ang mga doktrina ay mananatiling hindi nagbabago, walang-hanggan; ang mga organisasyon, programa, at pamamaraan ay babaguhin sa patnubay Niya na nagmamay-ari ng simbahang ito” (“Revelation in a Changing World,” Ensign, Nob. 1989, 16).
Nagsalita si Pangulong John Taylor (1808–87) tungkol sa pangangailangan sa paghahayag sa panahong ito bilang bahagi ng tunay na relihiyon ng Panginoon:
“Naniniwala tayo na mahalagang may komunikasyon ang tao sa Diyos; na kailangan niyang makatanggap ng paghahayag mula sa kanya, at maliban na mapasailalim siya sa impluwensiya ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, wala siyang malalaman tungkol sa Diyos. … Sino na ang nakarinig tungkol sa isang tunay na relihiyon na hindi nakatatanggap ng paghahayag mula sa Diyos? Para sa akin ang bagay na ito ang pinakawalang kabuluhang bagay na iisipin ng tao. Hindi ako nagtataka, na sa pangkalahatan ay tinatanggihan ng tao ang alituntuning ukol sa paghahayag sa kasalukuyan, dahil sa umiiral na nakagagambalang paglaganap ng kawalang paniniwala at hindi paniniwala sa Diyos. Hindi ako nagtataka na ganoon na lamang ang paghamak ng maraming tao sa relihiyon, at itinuturing na hindi ito marapat sa atensiyon ng isang matalinong tao, ngunit kung walang paghahayag magmimistulang panunuya at huwad ang relihiyon. …
“Ang alituntunin ng paghahayag sa kasalukuyan ang siyang saligan ng ating relihiyon” (“Discourse by Elder John Taylor,” Deseret News, Mar. 4, 1874, 68; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: John Taylor [2002], 188–190).
1.3
Ang Paghahayag ay Patuloy sa Dispensasyong Ito
Nagpatotoo si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na ang pagdaloy ng paghahayag ay patuloy sa ating dispensasyon:
“Sinasabi ko nang may lubos na pagpapakumbaba, gayundin sa pamamagitan ng kapangyarihan at lakas ng patotoo na nag-aalab sa aking kaluluwa, na mula sa propeta ng Panunumbalik hanggang sa kasalukuyang propeta, patuloy pa rin ang komunikasyon, patuloy ang awtoridad, ang isang liwanag na maningning at tumatagos ay patuloy na nagliliwanag. Ang tinig ng Panginoon ay isang walang katapusang himig at dumadagundong na pagsamo” (“Revelation: The Word of the Lord to His Prophets,” Ensign, Mayo 1977, 78; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 285–86).
Itinuro ni Pangulong George Q. Cannon (1827–1901) ng Unang Panguluhan:
“Ang Simbahang ito magmula noong araw na maorganisa ito hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi kailanman nagkaroon ng kahit isang oras, oo, masasabi kong kahit isang sandali lamang na walang paghahayag, na walang isang tao sa ating kalipunan na makapagsasabi sa atin ng isipan at kalooban ng Diyos, na makapagtuturo sa atin ng dapat nating gawin, na makapagtuturo sa atin ng mga doktrina ni Cristo, na makapagsasabi sa atin kung ano ang hindi totoo at mali, at makapagbibigay sa atin ng mahahalagang payo at tagubilin sa lahat ng bagay na dinaranas natin, at kinakailangang gawin. Ganito na noon pa man” (“Discourse by President George Q. Cannon,” Deseret News, Ene. 21, 1885, 3; idinagdag ang pagbibigay-diin).
1.4
Ang Simbahan ng Panginoon ay Nakasalig sa Pundasyon ng mga Apostol at Propeta
Nagpatotoo si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo. Tayong mga miyembro ay mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpapatotoo tayo na nabuksan ang kalangitan, na nahawi ang tabing, na nagsalita ang Diyos, at nagpakita mismo si Jesucristo, kasunod ng [pagkakaloob] ng banal na awtoridad.
“Si Jesucristo ang batong panulok ng gawaing ito, at itinayo ito sa ibabaw ng ‘kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta’ (Mga Taga Efeso 2:20)” (“Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2002, 81).
Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ang pundasyon ng mga apostol at propeta ay kailangan ngayon:
“Ang pundasyon ng mga apostol at propeta ng Simbahan ang magpapala sa lahat ng oras, ngunit lalo na sa oras ng pagsubok o panganib, sa oras na dama nating mga bata tayo, lito o hilo, marahil ay medyo takot, sa oras na ang kahalayan ng tao o masamang hangarin ng diyablo ay magtatangkang manggulo o magligaw. … Sa panahon ng Bagong Tipan, sa panahon ng Aklat ni Mormon, at sa makabagong panahon, ang mga opisyal na ito ang bumubuo sa saligang bato ng totoong Simbahan, na nakapaligid at tumatanggap ng lakas mula sa pangulong bato sa panulok, na ‘bato ng ating Manunubos, na si [Jesu]Cristo, ang Anak ng Diyos’ [Helaman 5:12]” (“Mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 7).
1.5
Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag
Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang ibig sabihin ng pagsang-ayon natin sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag:
“Lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ay regular na sinasang-ayunan bilang mga ‘propeta, tagakita, at tagapaghayag.’ … Ibig sabihin nito ang sinumang apostol, na hinirang at inordenan, ay makapamumuno sa Simbahan kung siya ay ‘pinili ng pangkat [na pinapakahulugang tumutukoy sa buong Korum ng Labindalawa], itinalaga at inordenan sa tungkuling yaon, at pinagtibay ng pagtitiwala, pananampalataya, at panalangin ng simbahan.’ Ito’y bilang pagbanggit sa paghahayag tungkol sa paksang ito, sa isang kondisyon, at ito’y ang kanyang pagiging pinakamatagal na nanunungkulan na miyembro, o Pangulo, ng pangkat na iyon. (Tingnan sa D at T 107:22.)” (sa Conference Report, Abr. 1970, 123; o Improvement Era, Hunyo 1970, 28; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2001], 97).
Ipinaliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961) ng Unang Panguluhan:
“Ilan sa mga General Authority [ang mga Apostol] ay binigyan ng espesyal na tungkulin; taglay nila ang isang natatanging kaloob; sila ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na espirituwal na kaloob na may kaugnayan sa kanilang pagtuturo sa mga tao. Sila ay may karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang isipan at kalooban ng Diyos sa kanyang mga tao, sa ilalim ng buong kapangyarihan at awtoridad ng Pangulo ng Simbahan” (“When Are Church Leaders’ Words Entitled to Claim of Scripture?” Church News, Hulyo 31, 1954, 9; idinagdag ang pagbibigay-diin).
1.6
Ano ang mga Propeta, Tagakita, at Tagapaghayag?
1.6.1
Propeta
Ang propeta ay “isang tao na tinawag at nangungusap para sa Diyos. Bilang isang sugo ng Diyos, ang isang propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan, propesiya at paghahayag mula sa Diyos. Ang kanyang tungkulin ay ipaalam ang kalooban at tunay na katangian ng Diyos sa sangkatauhan at [ipakita] ang kahulugan ng kanyang pakikitungo sa kanila. Binabatikos ng isang propeta ang kasalanan at inihahayag niya ang kahihinatnan nito. Isa siyang tagapangaral ng kabutihan. May pagkakataon na ang mga propeta ay binibigyang-inspirasyon na maghayag ng mangyayari sa hinaharap para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Ang una niyang tungkulin, gayunman, ay magpatotoo kay Cristo. Ang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang propeta ng Diyos sa mundo ngayon. Ang mga kasapi ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol ay [sinasang-ayunan] bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta,” scriptures.lds.org; idinagdag ang pagbibigay-diin).
1.6.2
Tagakita
Ang tagakita ay “isang taong pinahintulutan ng Diyos na makita sa pamamagitan ng espirituwal na mga mata ang mga bagay na itinago ng Diyos mula sa sanlibutan (Moises 6:35–38). Siya ay isang tagapaghayag at propeta (Mosias 8:13–16). Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Ammon na ang tagakita lamang ang makagagamit ng espesyal na mga pansalin, o ang Urim at Tummim (Mosias 8:13; 28:16). Nalalaman ng isang tagakita ang nakaraan, kasalukuyan, at ang hinaharap. Noong unang panahon, madalas na tawaging tagakita ang isang propeta (I Sam. 9:9; II Sam. 24:11).
“Si Joseph Smith ang dakilang tagakita sa mga huling araw (D at T 21:1; 135:3). Bukod pa rito, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawa ay sinang-ayunan bilang mga propeta, tagakita at tagapaghayag” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Tagakita,” scriptures.lds.org; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ipinaliwanag ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Ang isang tagakita ay isang taong nakakikita sa pamamagitan ng espirituwal na mga mata. Nauunawaan niya ang ibig sabihin ng mga bagay na tila malabo sa iba; kaya nga, siya ay isang tagapagsalin at tagapagbigay-linaw sa walang-hanggang katotohanan. … Sa madaling salita, siya ay isang taong nakakikita, lumalakad sa liwanag ng Panginoon na bukas ang mga mata [tingnan sa Mosias 8:15–17]” (Evidences and Reconciliations, arr. G. Homer Durham, 3 tomo sa 1 [1960], 258).
Inilarawan ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang isa sa kanyang mga tagapayo na isang taong nagtataglay ng kaloob na makakita:
“Si Pangulong Harold B. Lee ay isang haligi ng katotohanan at kabutihan, isang tunay na tagakita na may kahanga-hangang espirituwal na lakas at kaalaman at karunungan, at ang kaalaman at pang-unawa niya tungkol sa Simbahan at mga pangangailangan nito ay hindi mahihigitan ng sinumang tao” (sa Conference Report, Abr. 1970, 114; o Improvement Era, Hunyo 1970, 27).
1.6.3
Tagapaghayag
Bilang mga tagapaghayag, ipinaaalam ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang kalooban ng Panginoon para sa Simbahan at para sa buong sangkatauhan. Inihahayag nila ang Kanyang kalooban sa mga espirituwal at temporal na gawain, bagama’t lahat ng bagay ay espirituwal sa Panginoon (tingnan sa D at T 29:34). Itinuturo nila ang doktrina, pinamamahalaan ang mga korum ng priesthood, ginagabayan ang mga auxiliary, pinangangasiwaan ang pagtatayo ng mga meetinghouse at templo, at ginagawa ang anumang kailangan upang “ang ebanghelyo ay [lumaganap] hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo” (D at T 65:2).
Itinuro ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952):
“Ipinaaalam ng tagapaghayag, sa tulong ng Panginoon, ang isang bagay na hindi nalalaman noon. Maaaring ito ay bago o nalimutang katotohanan, o isang bago o nalimutang pagsasabuhay ng katotohanan na ipinaalam para sa pangangailangan ng tao” (Evidences and Reconciliations, 258).
1.7
Tinutulungan Tayo ng mga Propeta na Magkaroon ng Pananampalataya kay Jesucristo
Ang pakikinig at pagsunod sa mga salita ng buhay na propeta ay nagpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Mga Taga Roma 10:17). Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44), “Natatamo ang pananampalataya sa pakikinig sa salita ng Diyos, sa pamamagitan ng patotoo ng mga tagapaglingkod ng Diyos; ang patotoong iyon ay lagi nang dinadaluhan ng Espiritu ng propesiya at paghahayag [tingnan sa Apocalipsis 19:10]” (sa History of the Church, 3:379; idinagdag ang pagbibigay-diin). Inihahayag ng mga propeta ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng diwa ng propesiya nang sa gayon ang mga nakikinig ay mananampalataya kay Jesucristo.
Dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak, at “nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo” (D at T 1:17), ang Ama sa Langit ay naglaan ng isang solusyon: ipinanumbalik Niya ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sa paggawa nito, inihanda ng Panginoon ang daan upang “ang pananampalataya … ay maragdagan sa mundo” (D at T 1:21). Ipinangako niya, “Bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38). Kapag pinakinggan natin ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta at nasasaksihan ang katuparan ng mga ito, ang ating pananampalataya ay lumalaki. Ang pananampalatayang iyan ang nagdadala sa atin ng kapayapaan, pag-asa, at kagalakan, kahit pa sa isang mundong pinahihirapan ng pag-aalinlangan, kasamaan, at kalamidad.
1.8
Nagtuturo ang mga Propeta para sa Ating Kapakanan
Sa mga natuksong hindi tanggapin ang mga payo at babala ng mga propeta, ito ang tiniyak ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Dapat ninyong malaman na ang aming mga pagsamo ay hindi bunsod ng anumang pansariling hangarin. Dapat ninyong malaman na ang aming mga babala ay may kahulugan at dahilan. Dapat ninyong malaman na ang mga desisyon na magsalita tungkol sa iba’t ibang paksa ay hindi napagpasiyahan nang hindi masusing pinag-isipan, pinag-usapan, at ipinagdasal. Dapat ninyong malaman na ang hangad lamang namin ay tulungan ang bawat isa sa inyo sa inyong mga problema, sa inyong mga pagsisikap, sa inyong pamilya, sa inyong buhay. …
“Wala kaming pansariling hangarin … maliban sa pagnanais na makitang maging maligaya ang aming mga kapatid, na ang kapayapaan at pagmamahal ay madama sa kanilang mga tahanan, na sila ay pagpalain ng kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos sa kanilang iba-ibang gawain sa kabutihan” (“The Church Is on Course,” Ensign, Nob. 1992, 59–60).
1.9
Ang Kaligtasan ay Nagmumula sa Pagkakaroon ng Kaalaman sa mga Turo ng mga Buhay na Propeta at Pagsasabuhay Nito
Ang mga temporal at espirituwal na panganib na nararanasan natin sa mundo ngayon ay katibayan kung gaano natin kailangan ang patnubay ng propeta. Inilarawan ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan kung paano tayo magiging ligtas sa mga panganib na iyon:
“Ipinangako sa atin na ang Pangulo ng Simbahan, bilang tagapaghayag para sa Simbahan, ay tatanggap ng patnubay para sa ating lahat. Nakasalalay ang ating kaligtasan sa pakikinig sa mga sinasabi niya at pagsunod sa kanyang mga payo” (Continuing Revelation,” Ensign, Ago. 1996, 6; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Si Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng halimbawa kung paano napoprotektahan ng pagtuturo ng mga propeta ang matatapat na miyembro ng Simbahan mula sa panganib:
“May inspirasyon ang mga propeta na magbigay sa atin ng mga priyoridad para protektahan tayo mula sa mga panganib. Bilang halimbawa, si Pangulong Heber J. Grant, ang propeta mula 1918 hanggang 1945, ay nagkaroon ng inspirasyon na bigyang-diin ang pagsunod sa [Word of Wisdom] [tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Heber J. Grant (2002), 211–20], ang alituntunin na may pangako na inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph [tingnan sa D at T 89]. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng hindi paninigarilyo at pag-inom ng nakalalasing na inumin at inatasan ang mga bishop na repasuhin ang alituntuning ito kapag nag-iinterbyu para sa temple recommend.
“Noong panahong iyon ang paninigarilyo ay tinatanggap ng lipunan na angkop at kawili-wiling bisyo. Tinanggap ng larangan ng medisina nang may kaunting pag-aalala ang paninigarilyo dahil ang mga siyentipikong pag-aaral na iniuugnay ang paninigarilyo sa ilang uri ng kanser ay hindi pa naisasagawa noon. Masigasig na nagpayo si Pangulong Grant, at tayo ay nakilala bilang mga taong umiiwas sa pag-inom ng alak at paninigarilyo. …
“Ang pagsunod sa [Word of Wisdom] ay nagbigay sa ating mga miyembro, lalo na sa kabataan, ng bakunang panlaban sa paggamit ng droga at ang bunga nitong mga problema sa kalusugan at panganib sa moralidad” (“Tumalima sa mga Salita [ng mga Propeta],” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 48; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nagbabala si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na dahil matatagpuan ang kaligtasan sa pagsunod sa mga salita ng buhay na propeta, dapat maging alisto tayo sa mga balakid na humahadlang sa ilang tao sa pagsunod sa mga salita ng propeta:
“Napakahalaga, mga kapatid, na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating kalipunan. … Kapag naririnig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at mabilis ang ating pagtugon. Makikita sa kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan sa pagtugon sa payo ng mga propeta tulad ng ginawa ni Nephi noon: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon’ (1 Nephi 3:7).
“Alam natin ang tungkol sa karanasan ni Naaman, na nagkaroon ng ketong at kalaunan ay nakipag-ugnayan sa propetang si Eliseo at iniutos nito sa kanya na ‘yumaon at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis’ (II Mga Hari 5:10).
“Noong una, ayaw sundin ni Naaman ang payo ni Eliseo. Hindi niya maunawaan ang ipinagagawa sa kanya—na maligo nang makapitong ulit sa ilog ng Jordan. Sa madaling salita, ang kanyang kapalaluan at katigasan ng ulo ang humahadlang sa kanya sa pagtanggap ng pagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Sa huli ay lumusong siya at ‘sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Diyos: at ang kanyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya’y naging malinis’ (II Mga Hari 5:14).
“Nakapagpakumbaba marahil kay Naaman ang pangyayaring iyon nang matanto niya na muntik nang mahadlangan ng kanyang kapalaluan at hindi pakikinig sa payo ng propeta ang pagtanggap niya ng gayong kadakila at nakapagpapagaling na pagpapala. At nakapagpapakumbaba sa atin ang maisip kung gaano karami sa atin ang hindi nakatatanggap ng mga dakila at ipinangakong pagpapala dahil hindi natin pinakikinggan at ginagawa ang mga simpleng bagay na ipinagagawa sa atin ng ating propeta ngayon. …
“Ngayon ay nangangako ako sa inyo. Simple lang ito, pero totoo. Kung makikinig kayo sa buhay na propeta at mga apostol at susundin ang payo namin, hindi kayo maliligaw” (“His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65–66; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Pinaalalahanan tayo ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan na ang mga pagpapala ay dumarating kapag kumikilos tayo ayon sa mga sagot na ibinigay sa atin ng propeta:
“Tayo ay may buhay na propeta sa balat ng lupa. … Alam niya ang ating mga pagsubok at pangamba. Mayroon siyang mga inspiradong kasagutan. …
“Ang mga propeta ay nagsasalita sa atin nang buong linaw sa pangalan ng Panginoon. Tiniyak sa Aklat ni Mormon, ‘ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa; sapagkat siya ay nagsasalita sa mga tao alinsunod sa kanilang wika, sa kanilang ikauunawa’ (2 Nephi 31:3).
“Responsibilidad natin hindi lamang ang makinig kundi ang kumilos din ayon sa Kanyang salita, nang sa gayon ay makamtan natin ang mga pagpapala ng mga ordenansa at tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sinabi niya, ‘Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako’ (D at T 82:10).
“Maaaring may mga pagkakataon na nahihirapan tayo, nasasaktan, o halos panghinaan na ng loob habang nagsisikap tayo nang husto na maging mga perpektong miyembro ng Simbahan. Magtiwala, may balsamo sa Galaad. Pakinggan natin ang mga propeta ng ating panahon habang tinutulungan nila tayo na magtuon sa mga bagay na mahalaga sa plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“The Global Church Blessed by the Voice of the Prophets,” Ensign, Nob. 2002, 12; idinagdag ang pagbibigay-diin).
1.10
Isa sa Pinakakailangang Gawin Natin ay Sumunod sa mga Propeta
Ipinaliwanag ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang kahalagahan ng pagsunod sa payo ng propeta, iba man ang sarili nating mga pananaw sa payong iyon:
“Ang tanging kaligtasan natin ngayon bilang mga miyembro ng simbahang ito ay ang gawin mismo ang sinabi ng Panginoon sa Simbahan noong araw na itatag ang Simbahan. Kailangan tayong matutong makinig sa mga salita at kautusan na ibibigay ng Panginoon sa kanyang propeta, ‘tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko; … na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.’ (D at T 21:4–5.) May ilang bagay na mangangailangan ng pagtitiis at pananampalataya. Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan.’ (D at T 21:6.)” (sa Conference Report, Okt. 1970, 152–53; o Improvement Era, Dis. 1970, 126; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee, 99–100).
Tiniyak ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kalayaan natin mula sa mga “hindi kailangang pasakit” kung susundin natin ang payo ng propeta:
“Kung susundin natin ang payo ng mga propeta, magkakaroon tayo ng buhay sa mortalidad kung saan hindi tayo magdadala sa ating sarili ng hindi kailangang pasakit at pagsira sa sarili. Hindi ibig sabihin nito na hindi tayo magkakaroon ng mga problema. Tiyak na magkakaroon tayo nito. Hindi ibig sabihin nito na hindi tayo susubukan. Susubukan tayo, dahil ito ay bahagi ng ating layunin sa lupa. Ngunit kung susundin natin ang payo ng ating propeta, tayo ay mas lalakas at makakayanan ang mga pagsubok ng mortalidad. Magkakaroon tayo ng pag-asa at kagalakan. Lahat ng payo na nagmula sa mga propeta ay ibinigay upang mapalakas tayo at nang sa gayon ay mapasigla at mapalakas din natin ang iba” (“Hear the Prophet’s Voice and Obey,” Ensign, Mayo 1995, 17; tingnan din sa Mosias 2:41; D at T 59:23).