Ikaapat na Nephi
Ang Aklat ni Nephi
Na Anak ni Nephi—Isa sa mga Disipulo ni Jesucristo
Isang ulat tungkol sa mga tao ni Nephi, ayon sa kanyang tala.
Kabanata 1
Nagbalik-loob sa Panginoon ang lahat ng Nephita at Lamanita—Sila ay may pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay, gumagawa ng mga himala, at umunlad sa lupain—Pagkaraan ng dalawang daang taon, lumitaw ang mga paghahati-hati, kasamaan, huwad na simbahan, at pag-uusig—Pagkaraan ng tatlong daang taon, kapwa masasama na ang mga Nephita at ang mga Lamanita—Ikinubli ni Amaron ang mga banal na talaan. Mga A.D. 35–321.
1 At ito ay nangyari na lumipas ang ikatatlumpu’t apat na taon, at gayundin ang ikatatlumpu’t lima, at dinggin, ang mga disipulo ni Jesus ay nagtatag ng simbahan ni Cristo sa lahat ng lupain sa paligid. At kasindami ng lumapit sa kanila, at tunay na nagsisi ng kanilang mga kasalanan, ang bininyagan sa pangalan ni Jesus; at sila rin ay tumanggap ng Espiritu Santo.
2 At ito ay nangyari na sa ikatatlumpu’t anim na taon, ang lahat ng tao ay nagbalik-loob sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay nakitungo nang makatarungan sa isa’t isa.
3 At may pagkakapantay-pantay sila sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkakasalo sa handog na mula sa langit.
4 At ito ay nangyari na lumipas din ang ikatatlumpu’t pitong taon, at nagpatuloy pa rin ang kapayapaan sa lupain.
5 At may mga dakila at kagila-gilalas na gawaing ginawa ang mga disipulo ni Jesus, kaya nga sila ay nagpagaling ng may karamdaman, at bumuhay ng patay, at pinangyaring makalakad ang pilay, at matanggap ng bulag ang kanilang paningin, at makarinig ang bingi; at lahat ng uri ng himala ay ginawa nila sa mga anak ng tao; at wala silang nagawang mga himala maliban kung ang yaon ay sa pangalan ni Jesus.
6 At sa gayon lumipas ang ikatatlumpu’t walong taon, at gayundin ang ikatatlumpu’t siyam, at ikaapatnapu’t isa, at ikaapatnapu’t dalawa, oo, maging hanggang sa lumipas ang ikaapatnapu’t siyam na taon, at gayundin ang ikalimampu’t isa, at ang ikalimampu’t dalawa; oo, at maging hanggang sa lumipas ang ikalimampu’t siyam na taon.
7 At lubos silang pinaunlad ng Panginoon sa lupain; oo, hanggang sa muli silang nakapagtayo ng mga lungsod kung saan may mga lungsod na nasunog.
8 Oo, maging ang dakilang lungsod ng Zarahemla ay pinangyari nilang maitayong muli.
9 Ngunit maraming lungsod ang lumubog, at mga tubig ang pumalit sa mga lugar niyon; kaya nga, ang mga lungsod na ito ay hindi na naipanumbalik.
10 At ngayon, dinggin, ito ay nangyari na naging malakas ang mga tao ni Nephi, at napakabilis na dumami, at naging labis na kaaya-aya at kalugud-lugod na mga tao.
11 At sila ay nagpakasal, at ipinakasal, at pinagpala alinsunod sa maraming pangakong ginawa ng Panginoon sa kanila.
12 At hindi na sila lumakad pa sa pagsunod sa mga gawain at ordenansa ng batas ni Moises; sa halip, sila ay lumakad alinsunod sa mga kautusang natanggap nila mula sa kanilang Panginoon at kanilang Diyos, nagpapatuloy sa pag-aayuno at panalangin, at sa madalas na pagtitipong magkakasama kapwa upang manalangin at makinig sa salita ng Panginoon.
13 At ito ay nangyari na hindi nagkaroon ng alitan sa lahat ng tao sa buong lupain; sa halip, may mga kamangha-manghang himalang ginawa sa mga disipulo ni Jesus.
14 At ito ay nangyari na lumipas ang ikapitumpu’t isang taon, at gayundin ang ikapitumpu’t dalawang taon, oo, sa madaling salita, hanggang sa lumipas ang ikapitumpu’t siyam na taon; oo, maging lumipas ang isandaang taon, at ang mga disipulo ni Jesus, na kanyang pinili, ay pumaroon nang lahat sa paraiso ng Diyos, maliban sa tatlong mananatili; at may mga ibang disipulo na inordeng kahalili nila; at marami rin sa salinlahing yaon ang pumanaw.
15 At ito ay nangyari na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.
16 At walang mga inggitan, ni mga sigalutan, ni mga kaguluhan, ni mga pagpapatutot, ni mga pagsisinungaling, ni mga pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang higit na maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.
17 Walang mga tulisan, ni mga mamamatay-tao, ni walang mga Lamanita, ni anumang uri ng mga -ita; sa halip sila ay iisa, mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.
18 At labis silang pinagpala! Sapagkat pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng kanilang mga gawain; oo, maging sila ay pinagpala at pinaunlad hanggang sa lumipas ang isandaan at sampung taon; at ang unang salinlahi mula kay Cristo ay pumanaw, at hindi nagkaroon ng alitan sa buong lupain.
19 At ito ay nangyari na si Nephi, siya na nag-ingat nitong huling tala, (at kanyang isinulat ito sa mga lamina ni Nephi) ay namatay, at ang kanyang anak na si Amos ang humalili sa kanyang mag-ingat nito; at isinulat niya rin iyon sa mga lamina ni Nephi.
20 At iningatan niya ito nang walumpu’t apat na taon, at mayroon pa ring kapayapaan sa lupain, maliban sa isang maliit na bahagi ng mga tao na naghimagsik sa simbahan at dinala nila sa sarili ang pangalang mga Lamanita; kaya nga muling nagkaroon ng mga Lamanita sa lupain.
21 At ito ay nangyari na namatay na rin si Amos, (at ito ay isandaan at siyamnapu’t apat na taon mula nang pumarito si Cristo) at ang kanyang anak na si Amos ang humalili sa kanya na nag-ingat ng talaan; at iningatan din niya iyon sa mga lamina ni Nephi; at iyon ay naisulat din sa aklat ni Nephi, kung alin ay ang aklat na ito.
22 At ito ay nangyari na dalawang daang taon ang lumipas; at ang ikalawang salinlahi ay nangamatay na lahat maliban sa iilan.
23 At ngayon, ako, si Mormon, ay nagnanais na inyong malaman na dumami ang mga tao, hanggang sa sila ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain, at yumaman sila nang labis, dahil sa kanilang kasaganaan kay Cristo.
24 At ngayon, sa ikadalawang daan at isang taong ito ay nagsimulang magkaroon sa kanila ng mga yaong iniangat sa kapalaluan, tulad ng pagsusuot ng mamahaling kasuotan, at ng lahat ng uri ng maiinam na perlas, at ng maiinam na bagay ng daigdig.
25 At mula sa panahong yaon, ang kanilang mga ari-arian at kanilang mga kabuhayan ay hindi na naging para sa kanilang lahat.
26 At sila ay nagsimulang mahati sa mga uri; at sila ay nagsimulang magtayo ng mga simbahan para sa kanilang sarili upang makakuha ng yaman, at nagsimulang itatwa ang tunay na simbahan ni Cristo.
27 At ito ay nangyari na nang lumipas ang dalawang daan at sampung taon, nagkaroon ng maraming simbahan sa lupain; oo, nagkaroon ng maraming simbahan na nagpahayag na kilala si Cristo, at sa kabila nito, kanilang itinatwa ang malaking bahagi ng kanyang ebanghelyo, kung kaya nga’t sila ay tumanggap ng lahat ng uri ng kasamaan, at ibinahagi ang yaong banal sa kanya na pinagbawalan dahil sa pagiging hindi karapat-dapat.
28 At ang simbahang ito ay labis na dumami dahil sa kasamaan, at dahil sa kapangyarihan ni Satanas na nahawakan ang kanilang mga puso.
29 At muli, may isa pang simbahan na itinatwa si Cristo; at kanilang inusig ang tunay na simbahan ni Cristo, dahil sa kanilang pagpapakumbaba at kanilang paniniwala kay Cristo; at kinamuhian nila sila dahil sa maraming himalang ginawa sa kanila.
30 Samakatwid, sila ay gumamit ng kapangyarihan at karapatan sa mga disipulo ni Jesus na nanatili sa kanila, at sila ay kanilang itinapon sa bilangguan; ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita ng Diyos na taglay nila, nahati sa dalawa ang mga bilangguan, at sila ay humayong gumagawa ng mga kahanga-hangang himala sa kanila.
31 Gayunpaman, at sa kabila ng lahat ng himalang ito, pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, at naghangad na patayin sila, maging tulad ng mga Judio sa Jerusalem na naghangad na patayin si Jesus, ayon sa kanyang salita.
32 At kanila silang inihagis sa mga hurno ng apoy, at sila ay lumabas na hindi nasaktan.
33 At kanila rin silang inihagis sa mga lungga ng mababangis na hayop, at sila ay nakipaglaro sa mababangis na hayop tulad ng isang musmos sa isang kordero; at sila ay lumabas mula sa kanila, na hindi nasaktan.
34 Gayunpaman, pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, sapagkat sila ay naakay ng maraming saserdote at mga bulaang propeta na magtayo ng maraming simbahan, at gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. At kanilang sinaktan ang mga tao ni Jesus; ngunit ang mga tao ni Jesus ay hindi gumanti. At sa gayon sila nanghina sa kawalang-paniniwala at kasamaan, sa taun-taon, maging hanggang sa lumipas ang dalawang daan at tatlumpung taon.
35 At ngayon, ito ay nangyari na sa taong ito, oo, sa ikadalawang daan at tatlumpu’t isang taon, nagkaroon ng malaking pagkakahati sa mga tao.
36 At ito ay nangyari na sa taong ito, may lumitaw na mga tao na tinawag na mga Nephita, at sila ay mga tunay na naniniwala kay Cristo; at sa kanila ay may mga yaong tinawag ng mga Lamanita—na mga Jacobita, at mga Josefita, at mga Zoramita;
37 Samakatwid, ang mga tunay na naniniwala kay Cristo, at ang mga tunay na sumasamba kay Cristo, (kasama rito ang tatlong disipulo ni Jesus na mananatili) ay tinawag na mga Nephita, at mga Jacobita, at mga Josefita, at mga Zoramita.
38 At ito ay nangyari na sila na mga tumanggi sa ebanghelyo ay tinawag na mga Lamanita, at mga Lemuelita, at mga Ismaelita; at sila ay hindi nanghina sa kawalang-paniniwala, kundi sila ay hayagang naghimagsik laban sa ebanghelyo ni Cristo; at itinuro nila sa kanilang mga anak na hindi sila dapat maniwala, maging tulad ng kanilang mga ama, mula sa simula, ay nanghina.
39 At ito ay dahil sa kasamaan at karumal-dumal na gawain ng kanilang mga ama, maging tulad sa simula. At sila ay tinuruang mapoot sa mga anak ng Diyos, maging tulad ng itinuro sa mga Lamanita na mapoot sa mga anak ni Nephi mula sa simula.
40 At ito ay nangyari na dalawang daan at apatnapu’t apat na taon ang lumipas, at gayon ang mga pangyayari sa mga tao. At ang higit na masasamang bahagi ng mga tao ay lumakas, at naging higit na marami kaysa sa mga tao ng Diyos.
41 At sila ay patuloy na nagtayo ng mga simbahan para sa kanilang sarili, at ginayakan nila ang mga yaon ng lahat ng uri ng mamahaling bagay. At sa gayon lumipas ang dalawang daan at limampung taon, at gayundin ang dalawang daan at animnapung taon.
42 At ito ay nangyari na muling nagsimulang itatag ng masamang bahagi ng mga tao ang mga lihim na sumpa at pagsasabwatan ni Gadianton.
43 At gayundin ang mga tao na tinawag na mga tao ni Nephi ay nagsimulang maging palalo sa kanilang mga puso, dahil sa kanilang labis na kayamanan, at naging mapagmalaki na tulad ng kanilang mga kapatid na mga Lamanita.
44 At magmula sa panahong ito, ang mga disipulo ay nagsimulang malungkot dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan.
45 At ito ay nangyari na nang lumipas ang tatlong daang taon, kapwa ang mga tao ni Nephi at ang mga Lamanita ay naging napakasasama, ang isa tulad ng isa.
46 At ito ay nangyari na kumalat ang mga tulisan ni Gadianton sa ibabaw ng buong lupain; at wala ni isa mang matwid maliban sa mga disipulo ni Jesus. At maraming ginto at pilak ang kanilang inimbak, at nangalakal ng lahat ng uri ng kalakal.
47 At ito ay nangyari na matapos lumipas ang tatlong daan at limang taon, (at ang mga tao ay nanatili pa rin sa kasamaan) si Amos ay namatay; at ang kanyang kapatid na si Amaron ang humalili sa kanya na nag-ingat sa talaan.
48 At ito ay nangyari na nang lumipas ang tatlong daan at dalawampung taon, si Amaron, na napilit ng Espiritu Santo, ay ikinubli ang mga talaan na mga banal—oo, maging lahat ng banal na talaang ipinasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi, na mga banal—maging hanggang sa ikatatlong daan at dalawampung taon mula nang pumarito si Cristo.
49 At kanyang ikinubli ang mga ito para sa Panginoon, upang ang mga ito ay muling mabalik sa mga labi ng sambahayan ni Jacob, alinsunod sa mga propesiya at sa mga pangako ng Panginoon. At sa gayon nagwawakas ang tala ni Amaron.