Kabanata 10
Isang hari ang humahalili sa isa pa—Matwid ang ilan sa mga hari; masasama ang iba—Kapag namamayani ang katwiran, ang mga tao ay pinagpapala at pinauunlad ng Panginoon.
1 At ito ay nangyari na si Shez, na isang inapo ni Het—sapagkat si Het ay nasawi dahil sa taggutom, at ang buo niyang sambahayan maliban kay Shez—kaya nga, muling nagsimulang buuin ni Shez ang isang nagkawatak-watak na mga tao.
2 At ito ay nangyari na naalala ni Shez ang pagkalipol ng kanyang mga ama, at nagtayo siya ng isang matwid na kaharian; sapagkat naalala niya kung ano ang ginawa ng Panginoon sa pagdadala kay Jared at sa kanyang kapatid na lalaki patawid ng malawak na kailaliman; at lumakad siya sa mga landas ng Panginoon; at siya ay nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae.
3 At ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki, na Shez ang pangalan, ay naghimagsik laban sa kanya; gayunpaman, si Shez ay sinaktan ng kamay ng isang manloloob, dahil sa kanyang labis na kayamanan, na muling nagdulot ng kapayapaan sa kanyang ama.
4 At ito ay nangyari na nagtayo ang kanyang ama ng maraming lungsod sa ibabaw ng lupain, at muling nagsimulang kumalat ang mga tao sa ibabaw ng buong lupain. At si Shez ay nabuhay hanggang sa labis na katandaan; at isinilang sa kanya si Riplakis. At namatay siya, at si Riplakis ay nagharing kahalili niya.
5 At ito ay nangyari na hindi ginawa ni Riplakis ang yaong tama sa paningin ng Panginoon, sapagkat siya ay nagkaroon ng maraming asawa at kalunya, at iniatang sa balikat ng mga tao ang yaong napakabigat na pasanin; oo, kanyang pinatawan sila ng mabibigat na buwis; at sa pamamagitan ng mga buwis, siya ay nagpatayo ng maraming maluwang na gusali.
6 At siya ay nagpatayo ng isang napakagandang trono para sa kanyang sarili; at siya ay nagpatayo ng maraming bilangguan, at sinuman ang hindi paiilalim sa mga buwis ay ipinatatapon niya sa bilangguan; at sinuman ang hindi nakababayad ng buwis ay ipinatatapon niya sa bilangguan; at iniutos niya na nararapat silang patuloy na gumawa para sa kanilang ikabubuhay; at sinuman ang tumangging gumawa ay ipinapapatay niya.
7 Samakatwid, nakuha niya ang lahat ng kanyang maiinam na gayak, oo, maging ang kanyang maiinam na ginto ay iniutos niyang ilantay sa bilangguan; at lahat ng uri ng maiinam na pagkakayari ay iniutos niyang isagawa sa bilangguan. At ito ay nangyari na pinahirapan niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga pagpapatutot at karumal-dumal na gawain.
8 At nang makapaghari na siya sa loob ng apatnapu’t dalawang taon, ang mga tao ay nag-aklas sa paghihimagsik laban sa kanya; at nagsimulang magkaroong muli ng digmaan sa lupain, hanggang sa napatay si Riplakis, at ang kanyang mga inapo ay itinaboy palabas ng lupain.
9 At ito ay nangyari na matapos lumipas ang maraming taon, si Morianton, (siya na isang inapo ni Riplakis) ay nangalap ng isang hukbo ng mga itinakwil, at humayo, at nakidigma sa mga tao; at nakuha niya ang kapangyarihan sa maraming lungsod; at ang digmaan ay naging napakasidhi, at tumagal sa loob ng maraming taon; at nakuha niya ang kapangyarihan sa buong lupain, at iniluklok ang kanyang sarili bilang hari ng buong lupain.
10 At matapos niyang iluklok ang kanyang sarili bilang hari ay pinagaan niya ang mga pasanin ng mga tao, sa gayon ay nakuha niya ang pagsang-ayon sa mga paningin ng mga tao, at kanilang hinirang siya na maging hari nila.
11 At siya ay naging makatarungan sa mga tao, subalit hindi sa kanyang sarili dahil sa kanyang maraming pagpapatutot; kaya nga, siya ay nahiwalay mula sa harapan ng Panginoon.
12 At ito ay nangyari na nagtayo si Morianton ng maraming lungsod, at ang mga tao ay naging napakayayaman sa ilalim ng kanyang paghahari, kapwa sa mga gusali, at sa ginto at pilak, at sa pagpapatubo ng mga butil, at sa mga kawan ng tupa, at mga kawan ng baka, at sa gayong mga bagay na ibinalik sa kanila.
13 At si Morianton ay nabuhay sa labis na katandaan, at sa gayon ay isinilang sa kanya si Kim; at naghari si Kim na kahalili ng kanyang ama; at naghari siya nang walong taon, at ang kanyang ama ay namatay. At ito ay nangyari na hindi naghari si Kim sa katwiran, kaya nga, hindi siya kinasihan ng Panginoon.
14 At ang kanyang kapatid na lalaki ay nag-aklas sa paghihimagsik laban sa kanya, sa gayong paraan ay nadala niya siya sa pagkabihag; at nanatili siya sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae sa pagkabihag, at sa kanyang katandaan ay isinilang sa kanya si Levi; at namatay siya.
15 At ito ay nangyari na nagsilbi si Levi sa pagkabihag matapos ang kamatayan ng kanyang ama, sa loob ng apatnapu’t dalawang taon. At siya ay nakidigma laban sa hari ng lupain, sa gayong paraan ay nakuha niya para sa kanyang sarili ang kaharian.
16 At matapos niyang makuha ang kaharian para sa kanyang sarili, ginawa niya ang yaong matwid sa paningin ng Panginoon; at ang mga tao ay umunlad sa lupain; at siya ay nabuhay sa mainam na katandaan, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae; at isinilang din sa kanya si Corom, na siyang hinirang niyang hari bilang kahalili niya.
17 At ito ay nangyari na ginawa ni Corom ang yaong mabuti sa paningin ng Panginoon sa lahat ng kanyang mga araw; at siya ay nagkaroon ng maraming anak na lalaki at babae; at matapos siyang mabuhay nang maraming araw, siya ay namatay, maging tulad ng iba pa sa mundo; at si Kis ay nagharing kahalili niya.
18 At ito ay nangyari na namatay rin si Kis, at si Lib ay nagharing kahalili niya.
19 At ito ay nangyari na ginawa rin ni Lib ang yaong mabuti sa paningin ng Panginoon. At sa mga araw ni Lib ay napuksa ang mga makamandag na ahas. Samakatwid, sila ay nagtungo sa lupaing katimugan, upang mangaso ng pagkain para sa mga tao ng lupain, sapagkat ang lupain ay puno ng mga hayop ng kagubatan. At si Lib din ay naging mahusay na mangangaso.
20 At sila ay nagtayo ng isang dakilang lungsod sa may makitid na daanan ng lupain, sa dako kung saan hinahati ng dagat ang lupain.
21 At inilaan nila ang lupaing katimugan na isang ilang, upang makapangaso. At ang buong ibabaw ng lupaing kahilagaan ay napuno ng mga naninirahan.
22 At sila ay lubhang masisipag, at sila ay bumibili at naglalako at nakikipagkalakalan sa isa’t isa upang kumita sila.
23 At sila ay humubog ng lahat ng uri ng inang mina, at nagmina sila ng ginto, at pilak, at bakal, at tanso, at lahat ng uri ng metal; at hinukay nila ang mga ito mula sa lupa; kaya nga, sila ay nagtambak ng malalaking bunton ng lupa upang kumuha ng inang mina, ng ginto, at ng pilak, at ng bakal, at ng tumbaga. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng maiinam na pagkakayari.
24 At sila ay may mga sutla, at maiinam na hinabing lino; at sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kayo, upang madamitan nila ang kanilang sarili mula sa kanilang kahubaran.
25 At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kagamitan upang bungkalin ang lupa, kapwa upang mag-araro at magtanim, upang umani at mag-asarol, at gayundin upang gumiik.
26 At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng kagamitan na isinisingkaw nila sa kanilang mga hayop.
27 At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan. At sila ay gumawa ng lahat ng uri ng pagkakayaring labis na mahuhusay ang pagkakagawa.
28 At kailanman ay wala pang mga taong higit na pinagpala kaysa sa kanila, at higit na pinaunlad ng kamay ng Panginoon. At sila ay nasa isang lupaing pinili sa lahat ng lupain, sapagkat winika ito ng Panginoon.
29 At ito ay nangyari na nabuhay si Lib nang maraming taon, at nagkaroon ng mga anak na lalaki at babae; at isinilang din sa kanya si Hertum.
30 At ito ay nangyari na naghari si Hertum na kahalili ng kanyang ama. At noong si Hertum ay makapaghari na nang dalawampu’t apat na taon, dinggin, inagaw mula sa kanya ang kaharian. At siya ay nanilbihan nang maraming taon sa pagkabihag, oo, maging sa lahat ng nalalabi niyang mga araw.
31 At isinilang sa kanya si Het, at si Het ay namuhay sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw. At isinilang kay Het si Aaron, at si Aaron ay namalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Amnigadas, at si Amnigadas ay namalagi rin sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Coriantum, at si Coriantum ay namalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Com.
32 At ito ay nangyari na nahimok ni Com palayo ang kalahati ng kaharian. At siya ay naghari sa kalahati ng kaharian nang apatnapu’t dalawang taon; at nakidigma siya laban sa haring si Amgid, at naglaban sila sa loob ng maraming taon, kung saan ay nakakuha ng kapangyarihan si Com kay Amgid, at natamo ang kapangyarihan sa nalalabi pa sa kaharian.
33 At sa mga araw ni Com ay nagsimulang magkaroon ng mga tulisan sa lupain; at sinunod nila ang mga lumang plano, at ipinasumpa ang mga sumpa alinsunod sa pamamaraan ng mga sinauna, at muling naghangad na wasakin ang kaharian.
34 Ngayon, si Com ay labis na nakipaglaban sa kanila; gayunpaman, siya ay hindi namayani laban sa kanila.