Kabanata 11
Namayani sa buhay ng mga Jaredita ang mga digmaan, pagtiwalag, at kasamaan—Ipinropesiya ng mga propeta ang lubusang pagkalipol ng mga Jaredita maliban kung sila ay magsisisi—Tinanggihan ng mga tao ang mga salita ng mga propeta.
1 At nagkaroon din ng maraming propeta sa mga araw ni Com, at ipinropesiya ang pagkalipol ng mga yaong makapangyarihang tao maliban kung sila ay magsisisi, at babaling sa Panginoon, at tatalikdan ang kanilang mga pagpaslang at kasamaan.
2 At ito ay nangyari na tinanggihan ng mga tao ang mga propeta, at sila ay nagsitakas patungo kay Com upang mapangalagaan, sapagkat hinangad ng mga tao na patayin sila.
3 At sila ay nagpropesiya ng maraming bagay kay Com; at pinagpala siya sa lahat ng nalalabi niyang mga araw.
4 At siya ay nabuhay sa mainam na katandaan, at isinilang sa kanya si Siblom; at si Siblom ay nagharing kahalili niya. At ang kapatid na lalaki ni Siblom ay naghimagsik laban sa kanya, at nagsimulang magkaroon ng napakasidhing digmaan sa buong lupain.
5 At ito ay nangyari na iniutos ng kapatid na lalaki ni Siblom na nararapat patayin ang mga propetang nagpropesiya tungkol sa pagkalipol ng mga tao;
6 At nagkaroon ng masidhing sakuna sa buong lupain, sapagkat sila ay nagpatotoo na isang kakila-kilabot na sumpa ang sasapit sa lupain, at gayundin sa mga tao, at na magkakaroon ng isang matinding pagkawasak sa kanila, na isa na hindi pa nangyari kailanman sa balat ng lupa, at ang kanilang mga buto ay matutulad sa mga bunton ng lupa sa ibabaw ng lupain maliban kung sila ay magsisisi ng kanilang kasamaan.
7 At hindi nila pinakinggan ang tinig ng Panginoon, dahil sa kanilang masasamang pagsasabwatan; kaya nga, nagsimulang magkaroon ng mga digmaan at alitan sa buong lupain, at gayundin ng maraming taggutom at salot, hanggang sa magkaroon ng isang matinding pagkawasak, na isa na hindi pa kailanman nababatid sa balat ng lupa; at ang lahat ng ito ay nangyari sa mga araw ni Siblom.
8 At ang mga tao ay nagsimulang magsisi ng kanilang kasamaan; at yamang ginawa nila ito, ang Panginoon ay naawa sa kanila.
9 At ito ay nangyari na napatay si Siblom, at si Set ay nadala sa pagkabihag, at namalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw.
10 At ito ay nangyari na si Ahas, na kanyang anak na lalaki, ang nagtamo ng kaharian; at siya ay naghari sa mga tao sa lahat ng kanyang mga araw. At ginawa niya ang lahat ng uri ng kasamaan sa kanyang mga araw, kung saan pinapangyari niya ang pagdanak ng maraming dugo; at kakaunti ang kanyang mga araw.
11 At si Etem, dahil sa inapo siya ni Ahas, ay natamo ang kaharian; at ginawa rin niya ang yaong masama sa kanyang mga araw.
12 At ito ay nangyari na sa mga araw ni Etem, nagkaroon ng maraming propeta, at muling nagpropesiya sa mga tao; oo, nagpropesiya sila na ang Panginoon ay lubusan silang lilipulin mula sa balat ng lupa maliban kung magsisisi sila ng kanilang mga kasamaan.
13 At ito ay nangyari na pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, at tumangging makinig sa kanilang mga salita; at ang mga propeta ay nagdalamhati at nagsilayo mula sa mga tao.
14 At ito ay nangyari na nagpatupad si Etem ng kahatulan sa kasamaan sa lahat ng kanyang mga araw; at isinilang sa kanya si Moron. At ito ay nangyari na naghari si Moron na kahalili niya; at ginawa ni Moron ang yaong masama sa harapan ng Panginoon.
15 At ito ay nangyari na nagkaroon ng himagsikan sa mga tao, dahil sa yaong lihim na pagsasabwatan na itinatag upang makakuha ng kapangyarihan at makinabang; at may lumitaw na isang makapangyarihang lalaki sa kasamaan sa kanila, at nakidigma kay Moron, kung saan napabagsak niya ang kalahati ng kaharian; at napanatili niya ang kalahati ng kaharian nang maraming taon.
16 At ito ay nangyari na napabagsak siya ni Moron, at muling natamo ang kaharian.
17 At ito ay nangyari na may isa pang makapangyarihang lalaki ang lumitaw; at siya ay isang inapo ng kapatid ni Jared.
18 At ito ay nangyari na napabagsak niya si Moron at natamo ang kaharian; kaya nga, si Moron ay namalagi sa pagkabihag sa lahat ng nalalabi niyang mga araw; at isinilang sa kanya si Coriantor.
19 At ito ay nangyari na namalagi si Coriantor sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw.
20 At sa mga araw ni Coriantor ay nagkaroon din ng maraming propeta, at nagpropesiya ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay, at nangaral ng pagsisisi sa mga tao, at maliban kung sila ay magsisisi, ang Panginoong Diyos ay magpapatupad ng kahatulan laban sa kanila hanggang sa kanilang lubusang pagkalipol;
21 At na ang Panginoong Diyos ay magpapadala o magsusugo ng ibang mga tao upang angkinin ang lupain, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, alinsunod sa pamamaraan kung paano niya dinala ang kanilang mga ama.
22 At kanilang tinanggihan ang lahat ng salita ng mga propeta, dahil sa kanilang lihim na samahan at masasamang karumal-dumal na gawain.
23 At ito ay nangyari na isinilang kay Coriantor si Eter, at siya ay namatay, matapos mamalagi sa pagkabihag sa lahat ng kanyang mga araw.