Mga Banal na Kasulatan
Eter 14


Kabanata 14

Ang kasamaan ng mga tao ay nagdala ng sumpa sa lupain—Nakipagdigma si Coriantumer laban kay Gilead, pagkatapos ay kay Lib, at pagkatapos ay kay Shiz—Binalot ng dugo at pagkatay ang lupain.

1 At ngayon, nagsimulang magkaroon ng masidhing sumpa sa buong lupain dahil sa kasamaan ng mga tao, kung saan, kapag inilagay ng isang lalaki ang kanyang kagamitan o kanyang espada sa kanyang lalagyan, o sa lugar kung saanman niya ito itinatago, dinggin, sa kinabukasan, hindi na niya ito matagpuan, napakasidhi ng naging sumpa sa lupain.

2 Samakatwid, ang bawat lalaki ay hinahawakang mahigpit ang sa kanya, ng kanyang mga kamay, at hindi manghihiram ni hindi siya magpapahiram; at bawat lalaki ay pinananatili ang puluhan ng kanyang espada sa kanyang kanang kamay, sa pagtatanggol ng kanyang ari-arian at kanyang sariling buhay at kanyang mga asawa at anak.

3 At ngayon, makalipas ang dalawang taon, at matapos ang pagkamatay ni Sared, dinggin, nag-aklas ang kapatid na lalaki ni Sared at siya ay nakidigma kay Coriantumer, kung saan siya ay nagapi ni Coriantumer at tinugis siya sa ilang ng Akis.

4 At ito ay nangyari na nakidigma sa kanya ang kapatid ni Sared sa ilang ng Akis; at ang digmaan ay naging napakasidhi, at maraming libu-libo ang bumagsak sa pamamagitan ng espada.

5 At ito ay nangyari na pinaligiran ni Coriantumer ang ilang; at ang kapatid ni Sared ay humayong palabas ng ilang kinagabihan, at pinatay ang isang bahagi ng hukbo ni Coriantumer, habang sila ay mga lango.

6 At siya ay nagtungo sa lupain ng Moron, at iniupo ang kanyang sarili sa trono ni Coriantumer.

7 At ito ay nangyari na namalagi si Coriantumer sa ilang kasama ang kanyang hukbo sa loob ng dalawang taon, kung saan siya nakatanggap ng labis na lakas sa kanyang hukbo.

8 Ngayon, ang kapatid ni Sared, na ang pangalan ay Gilead, ay nakatanggap din ng labis na lakas sa kanyang hukbo, dahil sa mga lihim na pagsasabwatan.

9 At ito ay nangyari na pinaslang siya ng kanyang mataas na saserdote habang nakaupo siya sa kanyang trono.

10 At ito ay nangyari na pinaslang siya ng isa mula sa mga lihim na pagsasabwatan sa isang lihim na daanan, at natamo para sa kanyang sarili ang kaharian; at ang pangalan niya ay Lib; at si Lib ay isang lalaking may malaking pangangatawan, higit kaysa sa sinumang lalaki sa lahat ng tao.

11 At ito ay nangyari na sa unang taon ni Lib, si Coriantumer ay nagtungo sa lupain ng Moron, at nakidigma kay Lib.

12 At ito ay nangyari na nakipaglaban siya kay Lib, kung saan siya ay nataga ni Lib sa kanyang bisig kung kaya’t nasugatan siya; gayunpaman, ang hukbo ni Coriantumer ay sumalakay kay Lib, kung kaya’t tumakas siya sa mga hangganan sa dalampasigan.

13 At ito ay nangyari na tinugis siya ni Coriantumer; at si Lib ay nakidigma sa kanya sa dalampasigan.

14 At ito ay nangyari na pinahirapan ni Lib ang hukbo ni Coriantumer, kung kaya’t sila ay muling nagsitakas patungo sa ilang ng Akis.

15 At ito ay nangyari na tinugis siya ni Lib hanggang sa makarating siya sa kapatagan ng Agas. At isinamang lahat ni Coriantumer ang mga tao sa kanya nang siya ay tumakas sa harapan ni Lib sa dakong yaon ng lupain kung saanman siya tumakas.

16 At nang marating niya ang kapatagan ng Agas, siya ay nakidigma kay Lib, at kanyang pinagsasaksak siya hanggang sa siya ay mamatay; gayunpaman, ang kapatid na lalaki ni Lib ay sumalakay na kahalili niya laban kay Coriantumer, at naging napakasidhi ng digmaan, kung saan si Coriantumer ay muling tumakas sa harapan ng hukbo ng kapatid ni Lib.

17 Ngayon, ang pangalan ng kapatid na lalaki ni Lib ay tinatawag na Shiz. At ito ay nangyari na tinugis ni Shiz si Coriantumer, at nasakop niya ang maraming lungsod, at pinagpapatay niya ang kapwa kababaihan at mga bata, at pinagsusunog niya ang mga lungsod.

18 At lumaganap ang takot kay Shiz sa lahat ng dako ng buong lupain; oo, isang daing ang lumaganap sa lahat ng dako ng lupain—Sino ang makatitindig sa harapan ng hukbo ni Shiz? Dinggin, winawalis niya ang lupa sa kanyang harapan!

19 At ito ay nangyari na nagsimulang sama-samang magtipon ang mga tao sa mga hukbo, sa ibabaw ng buong lupain.

20 At nahahati sila; at ang isang bahagi nila ay nagtungo sa hukbo ni Shiz, at ang isang bahagi nila ay nagtungo sa hukbo ni Coriantumer.

21 At napakasidhi at walang katapusan ang digmaan, at napakatagal ng tagpo ng pagdadanak ng dugo at pagkatay, kung kaya’t ang ibabaw ng buong lupain ay nakalatan ng mga katawan ng mga patay.

22 At napakabilis at napakatulin ng digmaan kung kaya’t walang naiwan upang ilibing ang mga patay, subalit humayo sila mula sa pagpapadanak ng dugo sa pagpapadanak ng dugo, iniiwan ang mga katawan ng kapwa kalalakihan, kababaihan, at mga bata nang nakakalat sa ibabaw ng lupain, upang maging pagkain ng mga uod ng laman.

23 At ang amoy niyon ay umalingasaw sa ibabaw ng lupain, maging sa ibabaw ng buong lupain; kaya nga, ang mga tao ay nabagabag sa gabi’t araw, dahil sa amoy niyon.

24 Gayunpaman, si Shiz ay hindi tumigil sa pagtugis kay Coriantumer; sapagkat siya ay nangakong ipaghihiganti niya ang sarili kay Coriantumer dahil sa dugo ng kanyang kapatid, na napatay, at naghayag ang salita ng Panginoon kay Eter na si Coriantumer ay hindi mapababagsak sa pamamagitan ng espada.

25 At sa gayon natin nakikita na dinalaw sila ng Panginoon sa kaganapan ng kanyang kapootan, at ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ang nagbigay ng daan para sa kanilang walang katapusang pagkawasak.

26 At ito ay nangyari na tinugis ni Shiz si Coriantumer pasilangan, maging hanggang sa mga hangganang malapit sa dalampasigan, at doon siya nakidigma kay Shiz sa loob ng tatlong araw.

27 At labis na kakila-kilabot ang naging pagkalipol sa mga hukbo ni Shiz kung kaya’t ang mga tao ay nagsimulang matakot, at nagsimulang magsitakas sa harapan ng mga hukbo ni Coriantumer; at sila ay tumakas patungo sa lupain ng Corihor, at winalis ang mga naninirahan sa harapan nila, lahat ng yaong tumangging umanib sa kanila.

28 At itinayo nila ang kanilang mga tolda sa lambak ng Corihor; at itinayo ni Coriantumer ang kanyang mga tolda sa lambak ng Shur. Ngayon, ang lambak ng Shur ay malapit sa burol ng Comnor; kaya nga, kinalap ni Coriantumer ang kanyang mga hukbo sa burol ng Comnor, at nagpatunog ng trumpeta sa mga hukbo ni Shiz upang anyayahan silang makidigma.

29 At ito ay nangyari na sumalakay sila, subalit muling naitaboy; at sila ay sumalakay sa ikalawang pagkakataon, at muli silang naitaboy sa ikalawang pagkakataon. At ito ay nangyari na muli silang sumalakay sa ikatlong pagkakataon, at naging napakasidhi ng digmaan.

30 At ito ay nangyari na pinagsasaksak ni Shiz si Coriantumer kaya nga kanyang nabigyan siya ng maraming malalim na sugat; at si Coriantumer, dahil sa kawalan niya ng dugo, ay nawalan ng malay, at dinalang palayo na tila bang patay na siya.

31 Ngayon, ang pagkawala ng kalalakihan, kababaihan at mga bata sa magkabilang panig ay napakarami kung kaya’t inutusan ni Shiz ang kanyang mga tauhan na huwag na nilang tugisin pa ang mga hukbo ni Coriantumer; kaya nga, sila ay nagsibalik sa kanilang kuta.