Mga Banal na Kasulatan
Eter 1


Ang Aklat ni Eter

Ang tala ng mga Jaredita, na hinango mula sa dalawampu’t apat na laminang natagpuan ng mga tao ni Limhi noong mga araw ni Haring Mosias.

Kabanata 1

Pinaikli ni Moroni ang mga isinulat ni Eter—Inilahad ang talaangkanan ni Eter—Hindi nilito ang wika ng mga Jaredita sa Tore ng Babel—Ang Panginoon ay nangakong aakayin sila patungo sa isang piling lupain at gagawin silang isang dakilang bansa.

1 At ngayon, ako, si Moroni, ay nagpapatuloy sa pagbibigay ng ulat tungkol sa mga yaong sinaunang nanirahan na nilipol ng kamay ng Panginoon sa ibabaw nitong hilagang bayan.

2 At hinango ko ang aking ulat mula sa dalawampu’t apat na laminang natagpuan ng mga tao ni Limhi, na tinatawag na Aklat ni Eter.

3 At sapagkat inaakala ko na ang unang bahagi ng talaang ito, na nangungusap hinggil sa paglikha ng daigdig, at gayundin kay Adan, at sa isang ulat mula sa panahong yaon hanggang sa mataas na tore, at sa anumang bagay na naganap sa mga anak ng tao hanggang sa panahong yaon, ay nasa mga Judio—

4 Samakatwid, hindi ko isusulat ang mga bagay na yaon na naganap mula noong mga panahon ni Adan hanggang sa panahong yaon; sapagkat ang mga ito ay nasa mga lamina; at kung sinuman ang makahahanap sa mga yaon, siya rin ay magkakaroon ng kakayahang makuha niya ang buong ulat.

5 Subalit dinggin, hindi ko ibibigay ang buong ulat, kundi isang bahagi ng ulat ang ibibigay ko, mula sa tore hanggang sa sila ay malipol.

6 At sa ganitong paraan ko ibibigay ang ulat. Ang siyang sumulat ng talang ito ay si Eter, at inapo siya ni Coriantor.

7 Si Coriantor ay anak ni Moron.

8 At si Moron ay anak ni Etem.

9 At si Etem ay anak ni Aha.

10 At si Aha ay anak ni Set.

11 At si Set ay anak ni Siblon.

12 At si Siblon ay anak ni Com.

13 At si Com ay anak ni Coriantum.

14 At si Coriantum ay anak ni Amnigadas.

15 At si Amnigadas ay anak ni Aaron.

16 At si Aaron ay isang inapo ni Het, na anak ni Hertum.

17 At si Hertum ay anak ni Lib.

18 At si Lib ay anak ni Kis.

19 At si Kis ay anak ni Corom.

20 At si Corom ay anak ni Levi.

21 At si Levi ay anak ni Kim.

22 At si Kim ay anak ni Morianton.

23 At si Morianton ay isang inapo ni Riplakis.

24 At si Riplakis ay anak ni Shez.

25 At si Shez ay anak ni Het.

26 At si Het ay anak ni Com.

27 At si Com ay anak ni Coriantum.

28 At si Coriantum ay anak ni Emer.

29 At si Emer ay anak ni Omer.

30 At si Omer ay anak ni Shul.

31 At si Shul ay anak ni Kib.

32 At si Kib ay anak ni Orihas, na anak ni Jared;

33 Na siyang Jared na lumisan kasama ang kanyang kapatid na lalaki at kanilang mga mag-anak, kasama ang ilan pang iba at kanilang mag-anak, mula sa mataas na tore, sa panahong nilito ng Panginoon ang wika ng mga tao, at sumumpa sa kanyang kapootan na sila ay ikakalat sa balat ng lupa; at alinsunod sa salita ng Panginoon, ang mga tao ay nakalat.

34 At sapagkat ang kapatid ni Jared ay isang malaki at malakas na lalaki, at isang lalaking labis na kinasihan ng Panginoon, sinabi sa kanya ni Jared na kanyang kapatid: Magsumamo ka sa Panginoon, na huwag niya tayong lituhin nang hindi natin maunawaan ang ating mga salita.

35 At ito ay nangyari na nagsumamo sa Panginoon ang kapatid ni Jared, at ang Panginoon ay nahabag kay Jared; kaya nga hindi niya nilito ang wika ni Jared; at si Jared at ang kanyang kapatid ay hindi nalito.

36 Sa gayon, sinabi ni Jared sa kanyang kapatid: Muli kang magsumamo sa Panginoon, at kung maaari ay alisin niya ang kanyang galit mula sa kanila na mga kaibigan natin, upang huwag niyang lituhin ang kanilang wika.

37 At ito ay nangyari na nagsumamo sa Panginoon ang kapatid ni Jared, at ang Panginoon ay nahabag sa kanilang mga kaibigan at gayundin sa kanilang mga mag-anak, kung kaya’t hindi sila nalito.

38 At ito ay nangyari na muling nangusap si Jared sa kanyang kapatid, sinasabing: Humayo at magtanong sa Panginoon kung paaalisin niya tayo sa lupain, at kung paaalisin niya tayo sa lupain, magsumamo ka sa kanya kung saan tayo patutungo. At sino ang hindi nakaaalam na dadalhin tayo ng Panginoon sa isang piling lupain sa buong mundo? At kung magkagayon, tayo ay maging tapat sa Panginoon upang matanggap natin ito bilang ating mana.

39 At ito ay nangyari na nagsumamo sa Panginoon ang kapatid ni Jared alinsunod sa yaong binigkas ng bibig ni Jared.

40 At ito ay nangyari na dininig ng Panginoon ang kapatid ni Jared, at nahabag sa kanya, at sinabi sa kanya:

41 Humayo at sama-samang tipunin ang inyong mga kawan, kapwa lalaki’t babae, ng bawat uri; at ang mga binhi rin ng lupa ng bawat uri; at ang inyong mga mag-anak; at si Jared din na iyong kapatid at ang kanyang mag-anak; at gayundin ang iyong mga kaibigan at ang kanilang mga mag-anak, at ang mga kaibigan ni Jared at ang kanilang mga mag-anak.

42 At kapag nagawa mo na ito ay hahayo ka sa unahan nila pababa sa lambak na pahilaga. At doon kita katatagpuin, at ako ay hahayo sa harapan ninyo patungo sa isang piling lupain sa lahat ng lupain sa mundo.

43 At doon ay pagpapalain kita at ang mga binhi mo, at magbabangon para sa akin, mula sa iyong mga binhi, at sa mga binhi ng iyong kapatid, at sa kanilang sasama sa iyo, ng isang dakilang bansa. At wala nang hihigit pa sa kadakilaan ng bansang ibabangon ko mula sa iyong mga binhi, sa buong balat ng lupa. At gayon ang gagawin ko para sa iyo dahil sa mahabang panahong ito na nagsumamo ka sa akin.