Mga Banal na Kasulatan
Eter 3


Kabanata 3

Nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon habang hinihipo Niya ang labing-anim na maliliit na bato—Ipinakita ni Cristo ang Kanyang katawang espiritu sa kapatid ni Jared—Ang mga yaong may ganap na kaalaman ay hindi maaaring pigilan sa loob ng tabing—Naglaan ng mga pansalin upang madala sa liwanag ang talaan ng mga Jaredita.

1 At ito ay nangyari na ang kapatid ni Jared (ngayon, ang bilang ng mga sasakyang-dagat na inihanda ay walo) ay humayo sa bundok, na kanilang tinawag na bundok Selem dahil sa labis na taas nito, at tumunaw mula sa isang bato ng labing-anim na maliliit na bato; at ang mga ito ay mapuputi at malilinaw, maging tulad ng nanganganinag na salamin; at dinala niya ang mga ito sa kanyang mga kamay sa itaas ng bundok, at muling nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:

2 O Panginoon, sinabi po ninyong tiyak na palilibutan kami ng mga baha. Ngayon, dinggin, O Panginoon, at huwag pong magalit sa inyong tagapaglingkod dahil sa kanyang kahinaan sa inyong harapan; sapagkat nalalaman po namin na kayo ay banal at naninirahan sa kalangitan, at na hindi kami karapat-dapat sa inyong harapan; dahil sa pagkahulog, ang aming katauhan ay naging patuloy na masama; gayunpaman, O Panginoon, binigyan po ninyo kami ng kautusan na kinakailangan kaming manawagan sa inyo, upang mula sa inyo ay makatanggap kami alinsunod sa aming mga naisin.

3 Dinggin, O Panginoon, pinarusahan po ninyo kami dahil sa aming kasamaan, at itinaboy kami, at sa loob ng maraming taong ito ay nasa ilang po kami; gayunpaman, naging maawain kayo sa amin. O Panginoon, masdan po ninyo ako nang may habag, at pawiin ninyo ang inyong galit mula sa mga tao ninyong ito, at huwag pahintulutang humayo sila sa nagngangalit na kailaliman sa kadiliman; kundi masdan po ang mga bagay na ito na aking tinunaw mula sa bato.

4 At nalalaman ko po, O Panginoon, na taglay ninyo ang lahat ng kapangyarihan at magagawa ang anumang naisin ninyo para sa kapakanan ng tao; kaya nga hipuin po ninyo ang maliliit na batong ito, O Panginoon, ng inyo pong daliri, at ihanda ang mga ito upang ang mga ito ay kuminang sa kadiliman; at ang mga ito po ay magbibigay-liwanag sa amin sa mga sasakyang-dagat na inihanda namin upang magkaroon po kami ng liwanag habang tumatawid kami sa dagat.

5 Dinggin, O Panginoon, magagawa po ninyo ito. Nalalaman po namin na kayo ay may kakayahang magpakita ng dakilang kapangyarihan, na tila maliit sa pang-unawa ng tao.

6 At ito ay nangyari na nang sabihin ng kapatid ni Jared ang mga salitang ito, dinggin, iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang maliliit na bato nang isa-isa ng kanyang daliri. At ang tabing ay naalis sa mga mata ng kapatid ni Jared, at nakita niya ang daliri ng Panginoon; at ito ay tulad ng daliri ng tao, tulad ng laman at dugo; at ang kapatid ni Jared ay nagpatirapa sa harapan ng Panginoon, sapagkat napuspos siya ng takot.

7 At nakita ng Panginoon na ang kapatid ni Jared ay nagpatirapa sa lupa; at sinabi ng Panginoon sa kanya: Bumangon, bakit ka nagpatirapa?

8 At sinabi niya sa Panginoon: Nakita ko po ang daliri ng Panginoon, at ako po ay natatakot na baka parusahan niya ako; sapagkat hindi ko po alam na ang Panginoon ay may laman at dugo.

9 At sinabi ng Panginoon sa kanya: Dahil sa iyong pananampalataya ay nakita mong magkakaroon ako ng laman at dugo; at kailanman ay wala pang lumapit na tao sa akin nang may gayong labis na pananampalataya tulad ng mayroon ka; sapagkat kung hindi dahil dito, hindi mo sana nakita ang aking daliri. Nakakikita ka ba ng higit pa rito?

10 At tumugon siya: Hindi po; Panginoon, ipakita po ninyo ang inyong sarili sa akin.

11 At sinabi ng Panginoon sa kanya: Maniniwala ka ba sa mga salitang sasabihin ko sa iyo?

12 At tumugon siya: Opo, Panginoon, nalalaman ko po na nagsasabi kayo ng totoo, sapagkat kayo ay Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling.

13 At nang sabihin niya ang mga salitang ito, dinggin, ipinakita ng Panginoon ang kanyang sarili sa kanya, at sinabi: Dahil nalalaman mo ang mga bagay na ito, natubos ka na sa pagkahulog; kaya nga naibalik ka sa aking harapan; kaya nga ipinakikita ko ang aking sarili sa iyo.

14 Dinggin, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig na tubusin ang aking mga tao. Dinggin, ako si Jesucristo. Ako ang Ama at ang Anak. Sa akin, ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at ng yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan; at sila ay magiging aking mga anak na lalaki at babae.

15 At kailanman ay hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa taong aking nilikha, sapagkat kailanman ay hindi pa naniwala ang tao sa akin na tulad mo. Nakikita mo bang nilikha ka alinsunod sa aking sariling wangis? Oo, maging ang lahat ng tao ay nilikha noong simula alinsunod sa aking sariling wangis.

16 Dinggin, ang katawang ito, na iyong namamasdan ngayon, ay ang katawan ng aking espiritu; at ang tao ay nilikha ko alinsunod sa katawan ng aking espiritu; at maging tulad ng pagpapakita ko sa iyo sa espiritu ay magpapakita rin ako sa aking mga tao sa laman.

17 At ngayon, tulad ng sinabi ko, si Moroni, na hindi ako makagagawa ng buong ulat ng mga bagay na ito na nasusulat, kaya nga sapat na sa akin ang sabihing ipinakita ni Jesus ang kanyang sarili sa taong ito sa espiritu, maging alinsunod sa uri at sa pagkakatulad ng yaon ding katawan noong ipakita niya ang kanyang sarili sa mga Nephita.

18 At siya ay naglingkod sa kanya maging tulad ng paglilingkod niya sa mga Nephita; at lahat ng ito, upang malaman ng taong ito na siya ang Diyos, dahil sa maraming dakilang gawaing ipinakita ng Panginoon sa kanya.

19 At dahil sa kaalaman ng taong ito ay hindi siya maaaring pagbawalang makakita sa loob ng tabing; at nakita niya ang daliri ni Jesus, na, nang makita niya, siya ay napatirapa sa takot; sapagkat nalalaman niya na ito ang daliri ng Panginoon; at hindi na siya nagkaroon pa ng pananampalataya, sapagkat nalalaman na niya, nang walang pag-aalinlangan.

20 Samakatwid, taglay ang ganap na kaalaman tungkol sa Diyos, hindi siya maaaring pagbawalan sa loob ng tabing; kaya nga nakita niya si Jesus; at siya ay naglingkod sa kanya.

21 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon sa kapatid ni Jared: Dinggin, huwag mong pahihintulutan na ang mga bagay na ito na iyong nakita at narinig ay kumalat sa sanlibutan, hanggang sa dumating ang panahong dadakilain ko ang aking pangalan sa laman; kaya nga, paka-iingatan mo ang mga bagay na iyong nakita at narinig, at hindi mo ito ihahayag sa kaninuman.

22 At dinggin, kapag makikipagtagpo ka sa akin, isusulat mo ang mga ito at tatatakan ang mga yaon, upang walang sinumang makapagbigay-kahulugan sa mga ito; sapagkat isusulat mo ang mga ito sa isang wika na hindi nila mababasa.

23 At dinggin, ang dalawang batong ito ay ibibigay ko sa iyo, at tatatakan mo rin ang mga ito kasama ng mga bagay na iyong isusulat.

24 Sapagkat dinggin, ang wikang iyong isusulat ay nilito ko; kaya nga papapangyarihin ko sa aking sariling takdang panahon na ang mga batong ito ay lilinawin sa mga mata ng tao ang mga bagay na ito na iyong isusulat.

25 At nang sabihin ng Panginoon ang mga salitang ito, ipinakita niya sa kapatid ni Jared ang lahat ng nanirahan sa mundo noon, at gayundin ang lahat ng susunod pa; at hindi niya sila ipinagkait sa kanyang paningin, maging hanggang sa mga dulo ng mundo.

26 Sapagkat sinabi niya sa kanya sa mga panahong lumipas, na kung siya ay maniniwala sa kanya na maipakikita niya sa kanya ang lahat ng bagay—ito ay ipakikita sa kanya; kaya nga ang Panginoon ay hindi makapagkakait ng anumang bagay sa kanya, sapagkat nalalaman niyang maipakikita ng Panginoon sa kanya ang lahat ng bagay.

27 At sinabi ng Panginoon sa kanya: Isulat ang mga bagay na ito at tatakan ang mga ito; at ipahahayag ko ang mga ito sa mga anak ng tao sa aking sariling takdang panahon.

28 At ito ay nangyari na inutusan siya ng Panginoon na nararapat niyang tatakan ang dalawang bato na kanyang natanggap, at huwag itong ipakikita, hanggang sa ipakita ang mga ito ng Panginoon sa mga anak ng tao.