Ang Aklat ni Jacob
na Kapatid ni Nephi
Ang mga salita ng kanyang pangangaral sa kanyang mga kapatid. Tinulig niya ang isang lalaking naghahangad na lupigin ang doktrina ni Cristo. Ilang salita hinggil sa kasaysayan ng mga tao ni Nephi.
Kabanata 1
Hinangad nina Jacob at Jose na hikayatin ang mga tao na maniwala kay Cristo at sundin ang Kanyang mga kautusan—Si Nephi ay namatay—Namayani ang kasamaan sa mga Nephita. Mga 544–421 B.C.
1 Sapagkat dinggin, ito ay nangyari na limampu at limang taon na ang lumipas mula ng panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem; anupa’t ibinigay ni Nephi sa akin, kay Jacob, ang isang kautusan hinggil sa maliliit na lamina, kung saan ang mga bagay na ito ay nakaukit.
2 At ibinigay niya sa akin, kay Jacob, ang isang kautusan na dapat kong isulat sa mga laminang ito ang ilan sa mga bagay na itinuturing kong pinakamahalaga; na hindi ko dapat talakayin, maliban kung bahagya lamang, ang hinggil sa kasaysayan ng mga taong ito na tinatawag na mga tao ni Nephi.
3 Sapagkat sinabi niya na ang kasaysayan ng kanyang mga tao ay dapat iukit sa isa pa niyang mga lamina, at na dapat kong ingatan ang mga laminang ito at ipasa ang mga ito sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi.
4 At kung may mga pangangaral na banal, o paghahayag na dakila, o pagpropesiya, na dapat kong iukit ang mahahalagang paksa nito sa mga laminang ito, at talakayin ang mga ito hangga’t maaari, alang-alang kay Cristo, at para sa kapakanan ng aming mga tao.
5 Sapagkat dahil sa pananampalataya at sa labis na pag-aalala, tunay na ipinaalam sa amin ang hinggil sa aming mga tao, kung ano ang mga bagay na mangyayari sa kanila.
6 At nagkaroon din kami ng maraming paghahayag, at ng diwa ng labis na pagpopropesiya; kaya nga, nalalaman namin ang tungkol kay Cristo at sa kanyang kahariang darating.
7 Anupa’t masigasig kaming gumagawa sa aming mga tao, upang mahikayat namin silang lumapit kay Cristo, at makibahagi sa kabutihan ng Diyos, upang makapasok sila sa kanyang kapahingahan, na baka dahil sa anumang kadahilanan ay isusumpa niya sa kanyang kapootan na hindi sila makapapasok, tulad sa pang-uudyok sa mga araw ng panunukso habang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang.
8 Samakatwid, hangad namin sa Diyos na aming mahikayat ang lahat ng tao na huwag maghimagsik laban sa Diyos, upang pukawin siyang magalit, kundi maniwala kay Cristo ang lahat ng tao, at isaalang-alang ang kanyang kamatayan, at batahin ang kanyang krus at tiisin ang kahihiyan ng sanlibutan; kaya nga, ako, si Jacob, ay tinanggap sa sarili na sundin ang kautusan ng aking kapatid na si Nephi.
9 Ngayon, si Nephi ay nagsimulang tumanda, at napagtanto niyang malapit na siyang mamatay; kaya nga, nagtalaga siya ng isang lalaki upang maging hari at tagapamahala sa kanyang mga tao sa ngayon, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari.
10 Sa labis na pagmamahal na iniukol ng mga tao kay Nephi, siya na naging dakilang tagapagtanggol nila, na nagwasiwas ng espada ni Laban sa pagtatanggol sa kanila, at nagpakapagod nang buong panahon niya para sa kanilang kapakanan—
11 Samakatwid, labis na naghangad ang mga tao na panatilihin sa alaala ang kanyang pangalan. At sinuman ang humaliling kapalit niya ay tinatawag ng mga tao na ikalawang Nephi, ikatlong Nephi, at gayon na nga, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari; at sa gayon sila tinawag ng mga tao, hayaan kung anumang pangalan ang naisin nila.
12 At ito ay nangyari na namatay si Nephi.
13 Ngayon, ang mga taong hindi mga Lamanita ay mga Nephita; gayunpaman, tinawag silang mga Nephita, Jacobita, Josefita, Zoramita, Lamanita, Lemuelita, at Ismaelita.
14 Subalit ako, si Jacob, ay hindi sila kikilalanin mula ngayon sa mga ganitong pangalan, kundi tatawagin ko silang mga Lamanita na naghahangad na lipulin ang mga tao ni Nephi, at ang yaong malalapit kay Nephi ay tatawagin kong mga Nephita, o ang mga tao ni Nephi, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari.
15 At ngayon, ito ay nangyari na ang mga tao ni Nephi, sa ilalim ng paghahari ng pangalawang hari, ay nagsimulang maging matigas sa kanilang mga puso, at halos nagpasasa sila sa masasamang gawa, tulad ni David noon na naghahangad ng maraming asawa at mga kalunya, at gayundin si Solomon na kanyang anak.
16 Oo, at nagsimula rin silang maghanap ng maraming ginto at pilak, at nagsimulang umangat nang bahagya sa kapalaluan.
17 Samakatwid, ako, si Jacob, ay ipinahayag sa kanila ang mga salitang ito habang tinuturuan ko sila sa templo, matapos kong matanggap ang aking tungkulin mula sa Panginoon.
18 Sapagkat ako, si Jacob, at ang aking kapatid na si Jose ay itinalagang mga saserdote at guro ng mga taong ito ng kamay ni Nephi.
19 At tinupad namin ang aming mga tungkulin sa Panginoon, sa pagtanggap ng pananagutan, sa pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo kung hindi namin sila tuturuan ng salita ng Diyos nang buong pagsusumigasig; kaya nga, sa pamamagitan ng puspusang pangangaral ay hindi marurumihan ng kanilang dugo ang aming mga kasuotan; kung hindi ay marurumihan ng kanilang mga dugo ang aming mga kasuotan, at hindi kami matatagpuang walang bahid-dungis sa huling araw.