Kabanata 4
Ang lahat ng propeta ay sumamba sa Ama sa pangalan ni Cristo—Ang pag-aalay ni Abraham kay Isaac ay kahalintulad ng Diyos at ng Kanyang Bugtong na Anak—Kinakailangang ipagkasundo ng mga tao ang kanilang sarili sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala—Tatanggihan ng mga Judio ang saligang bato. Mga 544–421 B.C.
1 Ngayon, dinggin, ito ay nangyari na ako, si Jacob, matapos mangaral nang husto sa aking mga tao sa salita, (at hindi ko maisusulat maliban sa maliit na bahagi ng aking mga salita dahil sa hirap ng pag-uukit ng aming salita sa mga lamina) at nalalaman namin na ang mga bagay na aming isinusulat sa mga lamina ay kinakailangang manatili;
2 Subalit anumang mga bagay na aming isinusulat sa alinmang bagay maliban sa mga lamina ay masisira at mawawala; subalit makasusulat kami ng ilang salita sa mga lamina, na makapagbibigay sa aming mga anak, at gayundin sa aming mga minamahal na kapatid, ng kaunting kaalaman hinggil sa amin, o hinggil sa kanilang mga ama—
3 Ngayon, kami ay nagsasaya sa bagay na ito; at masigasig kaming nagsusumikap na maiukit ang mga salitang ito sa mga lamina, umaasang tatanggapin ang mga yaon ng aming mga minamahal na kapatid at aming mga anak nang may pasasalamat sa kanilang mga puso, at sasaliksikin ang mga yaon upang malaman nila nang may kagalakan at hindi sa kalungkutan, ni paghamak, ang hinggil sa kanilang mga unang magulang.
4 Sapagkat sa hangaring ito, isinulat namin ang mga bagay na ito, upang kanilang malaman na alam namin ang hinggil kay Cristo, at nagkaroon kami ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian maraming daang taon bago pa ang kanyang pagparito; at hindi lamang kami ang nagkaroon ng pag-asa sa kanyang kaluwalhatian, kundi maging ang lahat ng banal na propetang nauna sa amin.
5 Dinggin, sila ay naniwala kay Cristo at sinamba ang Ama sa kanyang pangalan, at amin ding sinasamba ang Ama sa kanyang pangalan. At sa hangaring ito namin sinusunod ang batas ni Moises, itinuturo nito ang aming mga kaluluwa sa kanya; at sa kadahilanang ito ibinibilang ito na katwiran sa amin, maging tulad ng pagbibigay-sulit kay Abraham sa ilang na maging masunurin sa mga utos ng Diyos sa pag-aalay ng kanyang anak na si Isaac, na isang kahalintulad ng Diyos at ng kanyang Bugtong na Anak.
6 Samakatwid, aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming paghahayag at ang diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito, kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag, kung kaya nga’t tunay na nakapag-uutos kami sa pangalan ni Jesus at sinusunod kami maging ng mga punungkahoy, o ng mga bundok, o ng mga alon sa dagat.
7 Gayunpaman, ipinaaalam sa amin ng Panginoong Diyos ang aming kahinaan upang malaman namin na dahil sa kanyang biyaya, at kanyang dakilang pagpapakababa sa mga anak ng tao, kung kaya’t may kapangyarihan kaming gawin ang mga bagay na ito.
8 Dinggin, dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon. O kayhirap tarukin ang kalaliman ng kanyang mga hiwaga; at hindi maaaring malaman ng tao ang lahat ng kanyang pamamaraan. At walang sinuman ang nakaaalam ng kanyang mga pamamaraan maliban kung ihahayag ito sa kanya; kaya nga, mga kapatid, huwag hamakin ang mga paghahayag ng Diyos.
9 Sapagkat dinggin, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita ay isinilang ang tao sa ibabaw ng mundo, na mundong nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Samakatwid, kung ang Diyos ay may kakayahang magsalita at nagkaroon ng daigdig, at nagsalita at nalikha ang tao, O kung gayon, bakit hindi magagawang utusan ang mundo, o ang likha ng kanyang mga kamay sa ibabaw nito, alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan?
10 Samakatwid, mga kapatid, huwag hangaring payuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay. Sapagkat dinggin, kayo na rin sa inyong sarili ay nalalamang nagpapayo siya sa karunungan, at sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa, sa lahat ng kanyang gawa.
11 Samakatwid, mga minamahal na kapatid, makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang kanyang Bugtong na Anak, at maaaring matamo ninyo ang pagkabuhay na mag-uli, alinsunod sa kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli na na kay Cristo, at maihandog bilang mga unang bunga ni Cristo sa Diyos, na may pananampalataya, at magtamo ng mabuting pag-asa sa kaluwalhatian na nasa kanya bago niya ipakita ang sarili sa laman.
12 At ngayon, mga minamahal, huwag mamanghang sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito; sapagkat bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo, at magkamit ng ganap na kaalaman tungkol sa kanya, tulad ng pagkamit ng kaalaman tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, at sa susunod na daigdig?
13 Dinggin, aking mga kapatid, siya na nagpopropesiya, hayaan siyang magpropesiya sa ikauunawa ng mga tao; sapagkat ang Espiritu ay nagsasabi ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Samakatwid, nagsasabi ito tungkol sa mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at tungkol sa mga bagay kung ano talaga ang kahahantungan nito; kaya nga, ipinaalam sa amin ang mga bagay na ito nang malinaw, para sa kaligtasan ng ating mga kaluluwa. Subalit dinggin, hindi kami nag-iisang mga saksi sa mga bagay na ito; sapagkat sinabi rin ng Diyos ang mga yaon sa mga propeta noon.
14 Subalit dinggin, ang mga Judio ay mga taong matitigas ang leeg; at hinamak nila ang mga salita ng kalinawan, at pinatay ang mga propeta, at naghangad ng mga bagay na hindi nila maunawaan. Anupa’t dahil sa kanilang pagkabulag, na pagkabulag na dumating sa pamamagitan ng pagtingin nang lampas sa tanda, talagang kinakailangan silang bumagsak; sapagkat inalis ng Diyos ang kanyang kalinawan mula sa kanila, at ibinigay sa kanila ang maraming bagay na hindi nila maunawaan, sapagkat ito ang ninais nila. At dahil sa ito ang kanilang ninais kung kaya’t ginawa ito ng Diyos, upang sila ay matisod.
15 At ngayon, ako, si Jacob, ay inaakay ng Espiritu sa pagpopropesiya; sapagkat nahiwatigan ko sa pamamagitan ng pamumukaw ng Espiritu na nasa akin, na bunga ng pagkakatisod ng mga Judio ay kanilang tatanggihan ang bato kung saan sila makapagtatayo at magkakaroon ng ligtas na saligan.
16 Subalit dinggin, ayon sa mga banal na kasulatan, ang batong ito ang magiging dakila, at huli, at tanging tiyak na saligan, kung saan makapagtatayo ang mga Judio.
17 At ngayon, aking mga minamahal, paano mangyayari na ang mga ito, matapos tanggihan ang tiyak na saligan, ay makapagtatayo rito kailanman, upang ito ay maging kanilang batong panulok?
18 Dinggin, mga minamahal kong kapatid, aking ilalahad ang hiwagang ito sa inyo; kung hindi ako, sa anumang pagkakataon, ay mayayanig mula sa aking katatagan sa Espiritu, at matitisod dahil sa aking labis na pag-aalala sa inyo.