Mga Banal na Kasulatan
Jacob 5


Kabanata 5

Sinipi ni Jacob si Zenos hinggil sa talinghaga ng mga nilinang at mga ligaw na punong olibo—Kahalintulad ang mga ito ng Israel at ng mga Gentil—Ang pagkakalat at pagtitipon ng Israel ay ibinadya—Nagkaroon ng mga pagbanggit sa mga Nephita at sa mga Lamanita at sa buong sambahayan ni Israel—Ang mga Gentil ay ihuhugpong sa Israel—Sa huli ay susunugin ang olibohan. Mga 544–421 B.C.

1 Dinggin, aking mga kapatid, hindi ba ninyo natatandaang nabasa ang mga salita ng propetang si Zenos, na kanyang sinabi sa sambahayan ni Israel, sinasabing:

2 Makinig, O kayong sambahayan ni Israel, at pakinggan ang mga salita ko, na isang propeta ng Panginoon.

3 Sapagkat dinggin, ganito ang wika ng Panginoon, ihahambing kita, O sambahayan ni Israel, sa isang nilinang na punong olibo, na itinanim at inalagaan ng isang lalaki sa kanyang olibohan; at tumubo ito, at gumulang, at nagsimulang mabulok.

4 At ito ay nangyari na ang panginoon ng olibohan ay humayo, at nakita niya na ang kanyang punong olibo ay nagsimulang mabulok; at kanyang sinabi: Aking pupungusin ito, at bubungkalin ang palibot nito, at aalagaan ito, na baka sakaling tubuan ito ng mga sariwa at murang sanga, at hindi ito matutuyot.

5 At ito ay nangyari na kanya itong pinungusan, at binungkal ang palibot nito, at inalagaan ito alinsunod sa kanyang salita.

6 At ito ay nangyari na sa paglipas ng maraming araw ay nagsimulang tubuan ito ng kaunting mga sariwa at murang sanga; subalit dinggin, ang pinakatalbos niyon ay nagsimulang matuyot.

7 At ito ay nangyari na nakita ito ng panginoon ng olibohan, at sinabi sa kanyang tagapagsilbi: Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito; kaya nga, humayo at pumutol ng mga sanga mula sa isang ligaw na punong olibo, at dalhin dito sa akin; at ating puputulin ang mga yaong punong sanga na nagsisimulang matuyot, at itatapon natin ang mga yaon sa apoy upang ang mga ito ay sunugin.

8 At dinggin, wika ng Panginoon ng olibohan, kukunin ko ang marami sa mga yaong sariwa at murang sanga, at ihuhugpong ko ang mga ito saan ko man naisin; at hindi na mahalaga kung sakali mang matuyot ang ugat ng punong ito, maiimbak ko ang bunga niyon para sa aking sarili; kaya nga, kukunin ko ang mga sariwa at murang sangang ito at ihuhugpong ko ang mga ito saan ko man naisin.

9 Iyong kunin ang mga sanga ng ligaw na punong olibo, at ihugpong ang mga ito sa pinagkunan niyon; at itong aking mga pinutol ay itatapon ko sa apoy at susunugin ang mga ito upang hindi makasagabal ang mga ito sa aking olibohan.

10 At ito ay nangyari na ginawa ng tagapagsilbi ng Panginoon ng olibohan ang naaayon sa salita ng Panginoon ng olibohan, at inihugpong ang mga sanga ng ligaw na punong olibo.

11 At iniutos ng Panginoon ng olibohan na dapat itong bungkalin sa palibot, at pungusan, at alagaan, sinasabi sa kanyang tagapagsilbi: Ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito; anupa’t baka sakaling mapangalagaan ko ang mga ugat niyon upang hindi matuyot ang mga ito, upang maalagaan ko ang mga yaon para sa aking sarili, kung kaya’t ginawa ko ang bagay na ito.

12 Anupa’t humayo ka; bantayan ang puno, at alagaan ito, alinsunod sa aking mga salita.

13 At ang mga ito ay ilalagay ko sa pinakamalayong dako ng aking olibohan, saan ko man naisin, hindi na ito mahalaga sa iyo; at gagawin ko ito upang mapangalagaan ko para sa aking sarili ang mga likas na sanga ng puno; at gayundin, upang makapag-imbak ako ng mga bunga sa panahon niyon, para sa aking sarili; sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang punong ito at ang bunga niyon.

14 At ito ay nangyari na ang Panginoon ng olibohan ay humayo na, at itinago ang mga likas na sanga ng nilinang na punong olibo sa mga pinakamalayong dako ng olibohan, ang ilan sa isang dako at ang iba ay sa ibang dako, alinsunod sa kanyang kalooban at kasiyahan.

15 At ito ay nangyari na lumipas ang mahabang panahon, at sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Halina, bumaba tayo sa olibohan, upang makagawa sa olibohan.

16 At ito ay nangyari na ang Panginoon ng olibohan, at gayundin ang tagapagsilbi, ay bumaba sa olibohan upang gumawa. At ito ay nangyari na sinabi ng tagapagsilbi sa kanyang panginoon: Masdan, tumingin dito; masdan ang puno.

17 At ito ay nangyari na ang Panginoon ng olibohan ay tumingin at namasdan ang puno kung saan inihugpong ang mga ligaw na sanga ng olibo; at tumubo ito at nagsimulang mamunga. At namasdan niyang mainam ito; at ang bunga niyon ay tulad ng likas na bunga.

18 At sinabi niya sa tagapagsilbi: Masdan, nakakuha ang mga sanga ng ligaw na puno ng halumigmig sa ugat niyon, na nakapagbigay ng labis na lakas sa ugat niyon; at dahil sa labis na lakas ng ugat niyon, ang mga ligaw na sanga ay namunga ng nilinang na bunga. Ngayon, kung hindi natin inihugpong ang mga sangang ito, ang punong yaon ay natuyot na sana. At ngayon, dinggin, makapag-iimbak ako ng maraming bunga, na ibinunga ng punong yaon; at ang bunga niyon ay iiimbak ko para sa darating na panahon, para sa aking sarili.

19 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi: Halina, magtungo tayo sa pinakamalayong dako ng olibohan, at masdan kung hindi rin namunga nang marami ang mga likas na sanga ng puno, upang maiimbak ko ang mga bunga niyon para sa darating na panahon, para sa aking sarili.

20 At ito ay nangyari na nagtungo sila sa kung saan itinago ng panginoon ang mga likas na sanga ng puno, at sinabi niya sa tagapagsilbi: Masdan ang mga ito; at namasdan niya ang una na namunga ito nang marami; at kanya ring namasdan na mainam ito. At sinabi niya sa tagapagsilbi: Kunin ang mga bunga niyon, at iimbak ito para sa darating na panahon, upang ito ay aking maiimbak para sa aking sarili; sapagkat dinggin, sinabi niya, inalagaan ko ito sa mahabang panahong ito, at namunga ito nang marami.

21 At ito ay nangyari na sinabi ng tagapagsilbi sa kanyang panginoon: Bakit po kayo nagtungo rito upang itanim ang punong ito, o ang sangang ito ng puno? Sapagkat masdan, ito ang pinakatigang na dako sa lahat ng lupain ng inyong olibohan.

22 At sinabi sa kanya ng Panginoon ng olibohan: Huwag mo akong payuhan; nalalaman ko na ito ay isang tigang na dako ng lupa; anupa’t sinabi ko sa iyo, inalagaan ko ito sa mahabang panahong ito, at namasdan mong namunga ito nang marami.

23 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Tumingin dito; masdan, nagtanim ako ng isa pang sanga ng puno; at nalalaman mo na ang dakong ito ng lupa ay higit na tigang kaysa sa una. Subalit, masdan ang puno. Inalagaan ko ito sa mahabang panahong ito, at namunga ito nang marami; kaya nga, tipunin ito, at iimbak para sa darating na panahon, upang maiimbak ko ito para sa aking sarili.

24 At ito ay nangyari na muling sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Tumingin dito, at masdan ang isa pa ring sanga, na aking itinanim; masdan, ito rin ay inalagaan ko, at namunga ito.

25 At sinabi niya sa tagapagsilbi: Tumingin dito at masdan ang huli. Masdan, itinanim ko ito sa isang mainam na dako ng lupa; at inalagaan ko ito sa mahabang panahong ito, at isang bahagi lamang ng puno ang namunga ng nilinang na bunga, at ang ibang bahagi ng puno ay namunga ng ligaw na bunga; dinggin, inalagaan ko ang punong ito na tulad ng iba.

26 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi: Putulin ang mga sangang hindi namunga ng mabuting bunga, at itapon ang mga ito sa apoy.

27 Subalit dinggin, sinabi ng tagapagsilbi sa kanya: Pungusan natin ito, at bungkalin ang palibot nito, at alagaan ito nang kaunti pang panahon, na baka sakaling mamunga ito ng mabuting bunga para sa inyo, upang makapag-imbak kayo para sa darating na panahon.

28 At ito ay nangyari na inalagaan ng Panginoon ng olibohan at ng tagapagsilbi ng Panginoon ng olibohan ang lahat ng bunga sa olibohan.

29 At ito ay nangyari na lumipas ang mahabang panahon, at sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Halina, bumaba tayo sa olibohan, upang muli tayong makagawa sa olibohan. Sapagkat dinggin, nalalapit na ang panahon, at ang katapusan ay malapit nang dumating; kaya nga, kinakailangan kong mag-imbak ng bunga para sa darating na panahon, para sa aking sarili.

30 At ito ay nangyari na bumaba sa olibohan ang Panginoon ng olibohan at ang tagapagsilbi; at nagtungo sila sa puno na pinutulan ng mga likas na sanga, at hinugpungan ng mga ligaw na sanga; at dinggin, napuno ang puno ng lahat ng uri ng bunga.

31 At ito ay nangyari na tinikman ng Panginoon ng olibohan ang bunga, bawat uri ayon sa bilang nito. At sinabi ng Panginoon ng olibohan: Masdan, inalagaan natin ang punong ito sa mahabang panahong ito, at nakapag-imbak ako para sa aking sarili ng maraming bunga para sa darating na panahon.

32 Subalit masdan, sa pagkakataong ito ay namunga ito ng maraming bunga, at wala ni isa man dito ang mainam. At masdan, may lahat ng uri ng masasamang bunga; at walang silbi ito sa akin, sa kabila ng lahat ng ating pagpapagal; at ngayon, ikinalulungkot kong mawala ang punong ito.

33 At sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi: Ano ang ating gagawin sa puno, upang muli kong maiimbak ang mainam na bunga niyon para sa aking sarili?

34 At sinabi ng tagapagsilbi sa kanyang panginoon: Masdan, dahil inyong inihugpong ang mga sanga ng ligaw na punong olibo ay pinagyaman nito ang mga ugat, kung kaya’t nabuhay ang mga ito at hindi natuyot; kaya nga, namasdan ninyo na ang mga ito ay mainam pa rin.

35 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Ang punong ito ay walang silbi sa akin, at ang mga ugat niyon ay walang silbi sa akin habang ito ay namumunga ng masamang bunga.

36 Gayunpaman, nalalaman ko na ang mga ugat ay mabuti, at pinangalagaan ko ang mga ito para sa aking sariling layunin; at dahil sa kanilang labis na lakas, namunga ang mga ito, mula sa mga ligaw na sanga, ng mabuting bunga.

37 Subalit masdan, ang mga ligaw na sanga ay tumubo at nadaig ang mga ugat niyon; at dahil sa nadaig ng mga ligaw na sanga ang mga ugat niyon, namunga ito ng maraming masamang bunga; at dahil sa namunga ito ng maraming masamang bunga ay namasdan ninyong nagsimula itong matuyot; at malapit na itong mahinog, upang maitapon sa apoy, maliban kung gagawa tayo ng anumang paraan upang ito ay maligtas.

38 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanyang tagapagsilbi: Halina’t bumaba tayo sa mga pinakamalayong dako ng olibohan, at masdan kung namunga rin ng masasamang bunga ang mga likas na sanga.

39 At ito ay nangyari na bumaba sila sa mga pinakamalayong dako ng olibohan. At ito ay nangyari na namasdan nilang nangabulok din ang bunga ng mga likas na sanga; oo, ang una at ang ikalawa, at gayundin ang huli; at nangabulok lahat ang mga ito.

40 At ang ligaw na bunga ng huli ay nadaig ang yaong bahagi ng puno na namunga ng mabuting bunga, maging sa natuyot ang sanga at namatay.

41 At ito ay nangyari na lumuha ang Panginoon ng olibohan, at sinabi sa tagapagsilbi: Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan?

42 Dinggin, alam ko na lahat ng bunga ng olibohan, maliban sa mga ito, ay nangabulok. At ngayon, ang mga ito na noong una ay namunga ng mabuting bunga ay nangabulok din; at ngayon, ang lahat ng puno sa aking olibohan ay walang silbi maliban sa ito ay putulin at ihagis sa apoy.

43 At masdan itong huli na natuyo ang sanga ay itinanim ko sa mainam na dako ng lupa; oo, maging sa yaong pinakamataba sa lahat ng dako ng lupa ng aking olibohan.

44 At namasdan mong akin ding pinutol ang yaong sumasagabal sa dako ng lupa na ito, upang maitanim ko ang punong ito bilang kapalit niyon.

45 At namasdan mo na isang bahagi niyon ay namunga ng mabuting bunga, at ang isang bahagi niyon ay namunga ng ligaw na bunga; at dahil sa hindi ko pinutol ang mga sanga niyon at itinapon ang mga ito sa apoy, masdan, dinaig ng mga ito ang mabuting sanga kung kaya’t natuyot ito.

46 At ngayon, dinggin, sa kabila ng lahat ng ating pangangalaga sa aking olibohan, ang mga puno niyon ay nangabulok, kung kaya’t walang ibinubungang mabuting bunga ang mga ito; at ang mga ito ang inasahan kong pangangalagaan, upang makapag-imbak ng bunga niyon para sa darating na panahon, para sa aking sarili. Subalit dinggin, naging katulad ang mga ito ng ligaw na punong olibo, at wala itong silbi kundi putulin at ihagis sa apoy; at ikinalulungkot kong mawala sa akin ang mga yaon.

47 Subalit ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan? Naging mahina ba ang aking mga kamay, na hindi ko ito naalagaan? Hindi, aking inalagaan ito, at aking binungkal ang palibot nito, at aking pinungusan ito, at nilagyan ko ito ng pataba; at iniunat ko ang aking kamay halos buong maghapon, at papalapit na ang katapusan. At ikinalulungkot ko na nararapat kong putulin ang lahat ng puno ng aking olibohan, at ihagis ang mga ito sa apoy upang ang mga yaon ay sunugin. Sino ang nagpabulok sa aking olibohan?

48 At ito ay nangyari na sinabi ng tagapagsilbi sa kanyang panginoon: Hindi ba sa kataasan ng inyong olibohan—hindi ba’t dinaig ng mga sanga niyon ang mga ugat na mabubuti? At dahil sa nadaig ng mga sanga ang mga ugat niyon, masdan, higit na mabilis ang pagtubo nito kaysa sa lakas ng mga ugat, kumukuha ng lakas para sa kanilang sarili. Dinggin, sinasabi ko, hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit nangabulok ang mga puno ng inyong olibohan?

49 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi: Halina’t humayo tayo at putulin ang mga puno ng olibohan at ihagis ang mga ito sa apoy, upang hindi na muling makasagabal pa ang mga ito sa lupa ng aking olibohan, sapagkat nagawa ko na ang lahat. Ano pa ba ang magagawa ko para sa aking olibohan?

50 Subalit, dinggin, sinabi ng tagapagsilbi sa Panginoon ng olibohan: Patagalin pa natin ito nang kaunti.

51 At sinabi ng Panginoon: Oo, patatagalin ko ito nang kaunti pa, sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan.

52 Anupa’t kunin natin ang mga sanga ng mga ito na itinanim ko sa mga pinakamalayong dako ng aking olibohan, at ating ihugpong ang mga ito sa punong kanilang pinagmulan; at ating putulin mula sa puno ang mga yaong sangang napakapait ang bunga, at ihugpong ang mga likas na sanga ng puno bilang kapalit niyon.

53 At gagawin ko ito upang hindi matuyot ang puno, na, baka sakali, mapangalagaan ko para sa aking sariling layunin ang mga ugat niyon.

54 At, masdan, buhay pa ang mga ugat ng mga likas na sanga ng puno na aking itinanim saan ko man naisin; anupa’t upang mapangalagaan ko ang mga yaon para sa sarili kong layunin, kukuha ako ng mga sanga sa punong ito, at ihuhugpong ko ang mga ito sa mga yaon. Oo, ihuhugpong ko sa mga yaon ang mga sanga ng kanilang inang puno, upang mapangalagaan ko rin ang mga ugat para sa aking sarili, na kapag sapat na ang kanilang lakas ay baka sakaling mamunga ang mga ito ng mabubuting bunga para sa akin, at magkakaroon pa rin ako ng kagalakan sa bunga ng aking olibohan.

55 At ito ay nangyari na kumuha sila mula sa mga likas na puno na naging ligaw, at inihugpong sa mga likas na puno na naging ligaw rin.

56 At kumuha rin sila mula sa mga likas na puno na naging ligaw, at inihugpong sa kanilang inang puno.

57 At sinabi ng Panginoon ng olibohan sa tagapagsilbi: Huwag mong putulin ang mga ligaw na sanga mula sa mga puno, maliban sa mga yaong napakapait; at sa mga yaon ay ihuhugpong mo ang alinsunod sa mga yaong aking sinabi.

58 At muli nating aalagaan ang mga puno ng olibohan, at ating pupungusin ang mga sanga niyon; at puputulin natin mula sa mga puno ang yaong mga sangang magulang na, na natuyot, at ihahagis ang mga ito sa apoy.

59 At gagawin ko ito na baka sakaling ang mga ugat niyon ay mabigyang-lakas dahil sa kanilang kabutihan; at dahil sa pagpapalit ng mga sanga, madaig ng mabuti ang masama.

60 At dahil sa inalagaan ko ang mga likas na sanga at mga ugat niyon, at aking muling inihugpong ang mga likas na sanga sa kanilang inang puno, at inalagaan ang mga ugat ng kanilang inang puno, na baka sakaling ang mga puno ng aking olibohan ay muling mamunga ng mabuting bunga; at upang muli akong magkaroon ng kagalakan sa bunga ng aking olibohan, at baka sakaling lubusan akong masiyahan na aking inalagaan ang mga ugat at sanga ng unang bunga—

61 Anupa’t humayo, at magtawag ng mga tagapagsilbi, upang masigasig tayong makagawa nang buong lakas sa olibohan, upang ating maihanda ang daan, upang muli akong makapagpabunga ng likas na bunga, na likas na bungang mainam at pinakamahalaga sa lahat ng iba pang bunga.

62 Samakatwid, halina’t humayo tayo at gumawa nang buong lakas natin sa huling pagkakataong ito, sapagkat dinggin, ang katapusan ay nalalapit na, at ito ang huling pagkakataon na pupungusan ko ang aking olibohan.

63 Ihugpong ang mga sanga; simulan sa huli upang ang mga ito ang mauna, at upang ang nauna ang mahuli, at bungkalin ang palibot ng mga puno, kapwa magulang at mura, ang una at ang huli; at ang huli at ang una, upang muling maalagaan ang lahat sa huling pagkakataon.

64 Anupa’t bungkalin ang kanilang palibot, at pungusan ang mga ito, at muling lagyan ng pataba ang mga ito, sa huling pagkakataon, sapagkat ang katapusan ay nalalapit na. At kung sakali mang tumubo ang mga huling hugpong na ito, at mamunga ng likas na bunga, doon ninyo ihahanda ang paraan para sa mga yaon upang ang mga ito ay tumubo.

65 At habang nagsisimulang tumubo ang mga ito ay tatanggalin ninyo ang mga sangang namumunga ng mapait na bunga, alinsunod sa lakas ng mabubuti at sukat niyon; at hindi ninyo tatanggalin kaagad ang lahat ng masasama, at baka maging labis na malakas ang mga ugat niyon para sa hugpong, at ang hugpong niyon ay matutuyot, at mawawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan.

66 Sapagkat ikalulungkot kong mawala sa akin ang mga puno ng aking olibohan; kaya nga, tanggalin ninyo ang masasama alinsunod sa pagtubo ng mabubuti, upang ang ugat at ang talbos ay maging magkasinlakas, hanggang sa madaig ng mabuti ang masama, at ang masama ay maputol at mahagis sa apoy, upang hindi makasagabal ang mga ito sa aking olibohan; at sa ganito ihihiwalay ang masama mula sa aking olibohan.

67 At ang mga sanga ng likas na puno ay muli kong ihuhugpong sa likas na puno;

68 At ang mga sanga ng likas na puno ay ihuhugpong ko sa mga likas na sanga ng puno; at sa ganito ko muling pagsasamahin ang mga ito, nang mamunga ang mga ito ng likas na bunga, at ang mga ito ay pag-iisahin.

69 At ang masasama ay itatapon, oo, maging sa labas ng lupain ng aking olibohan; sapagkat dinggin, tanging sa pagkakataong ito ko pupungusan ang aking olibohan.

70 At ito ay nangyari na isinugo ng Panginoon ng olibohan ang kanyang tagapagsilbi; at humayo ang tagapagsilbi at ginawa ang iniutos sa kanya ng Panginoon, at nagdala ng iba pang mga tagapagsilbi, at kakaunti sila.

71 At sinabi ng Panginoon ng olibohan sa kanila: Humayo at gumawa sa olibohan nang buong lakas ninyo. Sapagkat dinggin, ito ang huling pagkakataong aalagaan ko ang aking olibohan; sapagkat ang katapusan ay lubhang nalalapit na, at dagliang darating ang panahon; at kung gagawa kayo nang buong lakas na kasama ko, magkakaroon kayo ng kagalakan sa bunga na iimbakin ko para sa aking sarili para sa panahong malapit nang dumating.

72 At ito ay nangyari na humayo ang mga tagapagsilbi at gumawa nang buong lakas nila; at gumawa rin ang Panginoon ng olibohan na kasama nila; at sinunod nila ang mga kautusan ng Panginoon ng olibohan sa lahat ng bagay.

73 At nagsimula muling magkaroon ng likas na bunga sa olibohan; at ang mga likas na sanga ay nagsimulang tumubo at umusbong nang mayabong; at ang mga ligaw na sanga ay nagsimulang putulin at itapon; at pantay nilang pinanatili ang ugat at ang talbos niyon, alinsunod sa lakas niyon.

74 At sa gayon sila gumawa, nang buong pagsusumigasig, alinsunod sa mga kautusan ng Panginoon ng olibohan, maging hanggang sa maitapon ang masama sa labas ng olibohan, at pinangalagaan ng Panginoon sa kanyang sarili ang mga punungkahoy upang muling magkaroon ng likas na bunga; at naging tulad ang mga ito sa isang kumpol; at pantay ang mga bunga; at iniimbak ng Panginoon ng olibohan ang likas na bunga para sa kanyang sarili, na pinakamahalaga sa kanya mula pa sa simula.

75 At ito ay nangyari na nang makita ng Panginoon ng olibohan na mainam ang kanyang bunga, at na ang kanyang olibohan ay hindi na nangabubulok, tinawag niya ang kanyang mga tagapagsilbi, at sinabi sa kanila: Dinggin, sa huling pagkakataong ito ay inalagaan natin ang aking olibohan; at namamasdan ninyong ginawa ko ang alinsunod sa aking kalooban; at naiimbak ko ang likas na bunga, na mainam ito, maging hanggang sa matulad ito sa simula. At pinagpala kayo; sapagkat naging masigasig kayo sa paggawa na kasama ko sa aking olibohan, at sinunod ang aking mga kautusan, at naibalik muli sa akin ang likas na bunga, na hindi na nangabubulok ang aking olibohan, at itinapon ang masasama, dinggin, magkakaroon kayo ng kagalakan kasama ko dahil sa bunga ng aking olibohan.

76 Sapagkat dinggin, sa mahabang panahon ko iniimbak ang bunga ng aking olibohan para sa aking sarili sa darating na panahon, na madaling darating; at sa huling pagkakataon ay inalagaan ko ang aking olibohan, at pinungusan ito, at binungkal ang palibot nito, at nilagyan ng pataba ito; anupa’t mag-iimbak ako ng bunga para sa aking sarili, sa mahabang panahon, alinsunod sa yaong aking sinabi.

77 At kapag dumating ang panahon na muling magkakaroon ng masasamang bunga ang aking olibohan, doon ko pagtitipun-tipunin ang mabubuti at masasama; at ang mabubuti ay iiimbak ko para sa aking sarili, at itatapon ko ang masasama sa sariling lugar nito. At doon darating ang panahon at ang katapusan; at ipasusunog ko ang aking olibohan sa pamamagitan ng apoy.