PJS, Juan 1:1–34 (ihambing sa Juan 1:1–34)
(Ipinangaral na mula pa sa simula ang ebanghelyo ni Jesucristo. Isang Elias [Juan Bautista] ang maghahanda ng landas para kay Cristo, at isa pang Elias [Cristo] ang magpapanumbalik sa lahat ng bagay.)
1 Sa simula ang ebanghelyo ay ipinangaral sa pamamagitan ng Anak. At ang ebanghelyo ay salita, at ang salita ay sumasa Anak, at ang Anak ay sumasa Diyos, at ang Anak ay nasa Diyos.
2 Ito rin nang pasimula ay sumasa Diyos.
3 Ang lahat ng bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala siya.
4 Nasa kanya ang ebanghelyo, at ang ebanghelyo ang siyang buhay, at ang buhay ang siyang ilaw ng mga tao;
5 At ang ilaw ay lumiwanag sa sanlibutan, at hindi ito naunawaan ng sanlibutan.
6 May isang tao na isinugo mula sa Diyos, na ang pangalan ay Juan.
7 Siya rin ay naparito sa daigdig bilang saksi, upang magpatotoo sa ilaw, upang patotohanan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Anak, sa lahat, nang sa pamamagitan niya ay maniwala ang mga tao.
8 Hindi siya ang ilaw na yaon, subalit pumarito upang patotohanan ang ilaw na yaon,
9 Na siyang tunay na ilaw, na nagbibigay-liwanag sa bawat tao na pumaparito sa daigdig;
10 Maging ang Anak ng Diyos. Siya na nasa daigdig, at ang daigdig ay ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanlibutan.
11 Siya ay naparito sa sariling kanya, at hindi siya tinanggap ng sariling kanya.
12 Datapwat kasindami ng tumanggap sa kanya, sa kanila ay ipinagkaloob niya ang kapangyarihan na maging mga anak ng Diyos; sa kanila lamang na naniniwala sa kanyang pangalan.
13 Siya ay isinilang, hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos.
14 At ang siya ring salita ay nagkatawang-tao, at nanahan sa atin, at nakita natin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian gaya sa Bugtong na Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.
15 Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, sinasabing, Ito yaong aking sinasabi; Siya na pumaparitong nasa hulihan ko, ay inihandang una sa akin; sapagkat siya ay una sa akin.
16 Sapagkat sa pasimula ang Salita, maging ang Anak, na ginawang laman, at isinugo sa atin sa kalooban ng Ama. At kasindami ng maniniwala sa kanyang pangalan ay makatatanggap ng kanyang kaganapan. At dahil sa kanyang kaganapan ay natanggap nating lahat, maging ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng kanyang biyaya.
17 Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang batas, subalit ang buhay at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo.
18 Sapagkat ang batas ay alinsunod sa kautusang ukol sa laman, tungo sa paggagawad ng kamatayan; subalit ang ebanghelyo ay alinsunod sa kapangyarihan ng buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama.
19 At walang taong nakakita kailanman sa Diyos, maliban sa siya ay nagpatotoo sa Anak; sapagkat maliban sa pamamagitan niya ay walang taong maliligtas.
20 At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin ng mga Judio ang mga saserdote at Levita mula sa Jerusalem, upang siya ay tanungin; Sino ka ba?
21 At kanyang ipinahayag at hindi ikinaila na siya si Elias; kundi nagpahayag, sinasabing; Hindi ako ang Cristo.
22 At kanilang tinanong siya, sinasabing; Paanong ikaw ay si Elias? At sinabi niya, Hindi ako ang yaong Elias na magpapanumbalik sa lahat ng bagay. At kanilang tinanong siya, sinasabing, Ikaw ba ang propetang yaon? At sumagot siya, Hindi.
23 Sa gayon sinabi nila sa kanya, Sino ka ba? nang sa gayon ay maibigay namin ang kasagutan sa kanila na nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?
24 Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, tulad ng sinasabi ni propeta Esaias.
25 At sila na mga isinugo ay buhat sa mga Fariseo.
26 At kanilang tinanong siya, at sinabi sa kanya; Kung gayon ay bakit nagbibinyag ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias na magpapanumbalik sa lahat ng bagay, ni ang propetang yaon?
27 Sinagot sila ni Juan, sinasabing; Ako ay nagbibinyag sa pamamagitan ng tubig, datapwat sa inyo ay may nakatayo, na hindi ninyo nakikilala;
28 Siya itong aking pinatototohanan. Siya ang propetang yaon, maging si Elias, na, pumaritong kasunod ko, ay inihandang una sa akin, na sa panali ng kanyang pangyapak ay hindi ako karapat-dapat magkalag, o maaaring pumalit man sa kanyang kinalalagyan; sapagkat siya ay magbibinyag, hindi lamang sa pamamagitan ng tubig, kundi sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo.
29 Kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabing; Masdan ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
30 At nagpatotoo si Juan hinggil sa kanya sa mga tao, sinasabing, Siya yaong aking sinasabi; Sa hulihan ko ay dumarating ang isang lalaki na inihandang una sa akin; sapagkat siya ay una sa akin, at nakikilala ko siya, at na siya ay ipahahayag sa Israel; samakatwid naparito akong nagbibinyag sa pamamagitan ng tubig.
31 At nagpatotoo si Juan, sinasabing; Nang siya ay mabinyagan ko, nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit na tulad ng isang kalapati, at ito ay nanahan sa kanya.
32 At nakilala ko siya; sapagkat siya na nagsugo sa akin upang magbinyag sa pamamagitan ng tubig, siya rin ang nagsabi sa akin; Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa kanya, siya ang yaong magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
33 At nakita ko, at pinatotohanan na ito ang Anak ng Diyos.
34 Ang mga bagay na ito ay naganap sa Betabara, sa dako pa roon ng Jordan, kung saan nagbibinyag si Juan.
PJS, Juan 1:42 (ihambing sa Juan 1:42)
(Ang kahulugan ng cefas ay “tagakita” o “bato”.)
42 At kanyang dinala siya kay Jesus. At nang mamasdan siya ni Jesus, kanyang sinabi, Ikaw ay si Simon, na anak ni Jona, tatawagin kang Cefas, na, ang kahulugan, isang tagakita, o isang bato. At sila ay mga mangingisda. At kaagad nilang iniwanan ang lahat, at sumunod kay Jesus.