PJS, Mga Taga-Roma 7:5–27 (ihambing sa Mga Taga-Roma 7:5–25)
(May kapangyarihan si Cristo na baguhin ang kaluluwa ng mga tao.)
5 Sapagkat nang tayo ay napasa laman, ang mga galaw ng kasalanan, na hindi alinsunod sa batas, ay nagsigawa sa ating mga bahagi upang magsipagbunga tungo sa kamatayan.
6 Subalit ngayon tayo ay nakalaya mula sa batas kung saan tayo nakagapos, na mga patay sa batas, na tayo ay kailangang maglingkod sa panibagong espiritu, at hindi sa kalumaan ng sulat.
7 Ano nga ang masasabi natin ngayon? Ang batas ba ay kasalanan? Huwag nawang itulot ng Diyos. Hindi, hindi ako nakakikilala ng kasalanan, kundi sa pamamagitan ng batas; sapagkat hindi ako nakakikilala ng pagnanasa, kundi sinabi ng batas, Huwag kang mag-imbot.
8 Datapwat ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon sa pamamagitan ng kautusan, ay gumawa sa akin ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang batas ang kasalanan ay patay.
9 Minsan ako ay nabubuhay nang walang paglabag sa batas, subalit nang dumating ang kautusan ni Cristo, ay muling nabuhay ang kasalanan, at ako ay namatay.
10 At nang ako ay hindi maniwala sa dumating na kautusan ni Cristo, na siyang inordenan sa buhay, ay nasumpungan ko itong humahatol sa akin tungo sa kamatayan.
11 Sapagkat ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay pinabulaanan ang kautusan, at dinaya ako; at sa pamamagitan nito ako ay pinatay.
12 Gayunpaman, nasumpungan ko na ang batas ay banal, at ang kautusan ay banal, at matwid, at mabuti.
13 Ang mabuti ba ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang itulot ng Diyos. Subalit ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan sa pamamagitan ng yaong mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan; ang yaong kasalanan, sa pamamagitan ng kautusan, ay maging lalong sala.
14 Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal; subalit nang ako ay nasa ilalim ng batas, ako ay makamundo pa, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15 Subalit ngayon ako ay espirituwal na; sapagkat ang yaong sa akin ay iniutos na gawin, ay ginagawa ko; at yaong sa akin ay iniutos na huwag gawin, ay hindi ko ginagawa.
16 Sapagkat ang nalalaman kong hindi tama, ay hindi ko ginagawa; sapagkat ang yaong kasalanan, ay aking kinapopootan.
17 Ngunit kung hindi ko ginagawa ang yaong hindi ko ibig, ay sumasang-ayon ako sa batas, na ito ay mabuti; at ako ay hindi parurusahan.
18 Kaya ngayon, hindi na ako ang yaong nagkakasala; kundi hinahangad ko na lupigin ang kasalanang yaon na nananahan sa akin.
19 Sapagkat nalalaman ko na nasa akin, samakatwid, sa aking laman, ay nananahan ang hindi mabuting bagay; sapagkat ang pagnanasa ay nasa akin, subalit ang gawin ang yaong mabuti ay hindi ko masumpungan, tanging kay Cristo lamang.
20 Sapagkat ang mabuti na gagawin ko sana sa ilalim ng batas, ay nasumpungan kong hindi mabuti; kaya nga, hindi ko ito ginawa.
21 Subalit ang masama na hindi ko gagawin sa ilalim ng batas, ay nasumpungan kong mabuti; kaya nga, aking ginawa.
22 Ngayon kung gagawin ko iyon, sa pamamagitan ng tulong ni Cristo, ay hindi ko gagawin sa ilalim ng batas, ako ay wala sa ilalim ng batas; at hindi na ako naghahangad pang gumawa ng mali, kundi lupigin ang kasalanan na nananahan sa akin.
23 Nasumpungan ko ngayon na sa ilalim ng batas, na kung ako ay gagawa ng mabuti ang masama ay nasa akin; sapagkat ako ay nalulugod sa batas ng Diyos alinsunod sa panloob na pagkatao ng isang tao.
24 At ngayon nakikita ko ang iba pang batas, maging ang kautusan ni Cristo, at ito ay nakakintal sa aking isipan.
25 Subalit ang aking mga bahagi ay nakikibaka laban sa batas na nasa aking isipan, at dinadala ako tungo sa pagkabihag sa batas ng kasalanan na nasa aking mga bahagi.
26 At kung hindi ko malulupig ang kasalanan na nasa akin, kundi sa laman paglilingkuran ang batas ng kasalanan; O abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin mula sa katawan ng kamatayang ito?
27 Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon, kaya nga, sa aking isipan ako na rin ay maglilingkod sa batas ng Diyos.