2019
14 na Paraan para Maibalik ang Iyong Emosyonal na Kalusugan
Enero 2019


14 na Paraan para Maibalik ang Iyong Emosyonal na Kalusugan

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Kapag pakiramdam mo ay emosyonal na pagod na pagod ka na, may ilang walang-mintis na paraan para sumigla kang muli.

Ang buhay ay talagang nakakapanghina ng damdamin kung minsan, ngunit kung tayo ay emosyonal na self-reliant, natutugunan natin ang ating emosyonal na mga pangangailangan at nakakayanan ang pang-araw-araw na mga kasiyahan at kalungkutan. Hindi ito nangangahulugan na hindi natin kailangan ng tulong kailanman. Sa halip, ang pagiging emosyonal na self-reliant ay pagkaalam kung kailan natin makakayanan ang emosyonal na mga pagsubok nang mag-isa at pagkaalam kung kailan natin kailangang humingi ng tulong at suporta mula sa iba.

Habang pinag-aaralan nating makadama at tumugon sa mga emosyon sa malusog na paraan, nagkakaroon tayo ng higit na kakayahan at kahandaang maglingkod sa kaharian ng Diyos. Maaaring makatulong ang ilan sa sumusunod na mga ideya sa pagsisikap mong pasiglahin ang iyong sarili.*

  1. Gawin ang mga simple ngunit mahahalagang bagay: manalangin, mag-aral ng banal na kasulatan, magsimba, at maglingkod. Magtuon sa pasasalamat.

  2. Alagaan ang iyong sariling katawan. Tiyakin na nakakakain kang mabuti, nakakatulog nang sapat, at nag-eehersisyo. Ang ating pisikal na kalusugan ay nakaiimpluwensya sa ating emosyonal na kalusugan.

  3. Gumawa ng journal. Bahagi ng pagpapasigla sa sarili ang pagiging sensitibo sa iyong mga emosyon. Ang paggawa ng journal ay isang mabuting paraan para maunawaan ang damdamin.

  4. Sabihin nang tapat sa mga kaibigan o kapamilya ang nadarama mo. Ang pagpapaalam sa iba ng nadarama mo ay isang malusog na paraan ng paghinga ng damdamin na makakatulong para manatiling balanse ang iyong emosyonal na kalusugan.

  5. Ipagdasal na tulungan kayo sa halip na lunasan ang iyong damdamin. Isiping palitan ang mga pariralang gaya ng “Nawa po, Ama sa Langit, ay balansehin Ninyo ang aking mga emosyon” ng iba na gaya ng “Nawa po, Ama sa Langit, ipakita Ninyo sa akin kung ano ang kailangan kong malaman at gawin mismo para mabalanse ko ang aking mga emosyon.”

  6. Suriin ang balanse mo sa buhay. Tingnan ang oras at lakas na ibinibigay mo sa pamilya, sa sarili, sa paglilingkod, sa trabaho, at sa paglilibang. Kapag napupunta sa isang bagay ang oras at lakas na dapat nauukol sa ibang bagay, kinukulang ka sa tulog, nawawalan ng lakas, at hindi makatuon. Ibig sabihin, oras na para muling suriin ang iyong mga prayoridad at muling balansehin ang iyong buhay.

  7. Huwag magpaliban. Ang pagpapaliban sa mga bagay-bagay ay maaaring humantong sa depresyon. Hatiin ang malalaking gawain at isa-isa itong gawin. Magsimula, na ipinapaalala sa iyong sarili na, “Ang kailangan ko lang gawin ngayon mismo ay _____” o “Gagawin ko lang ito nang ilang minuto at magpapahinga ako sandali kung gusto ko.”

  8. Isipin na magtatagumpay ka. Ang pag-aalala ay maaaring isang paraan para masanay kang isipin na mabibigo ka. Sa halip na paulit-ulit na isipin kung ano ang maaaring maging problema o palaging mag-alala tungkol sa “paano kung,” isipin na magiging maganda ang mga resulta at planuhing makamtan ang mga ito. Kung hindi mangyari ang iyong inaasahan, isipin na natututo ka mula sa kabiguan at patuloy kang sumulong.

  9. Magtuon sa ginagawa mong tama, at iwasang ikumpara ang iyong sarili sa iba. Ang mga taong napakataas ng inaasahan sa sarili ay mahilig na magtuong masyado sa kanilang mga kahinaan at kabiguan. Pagkatapos, sa halip na magpakahusay, maaari silang mawalan ng pag-asa. Ilista ang inyong mga pinahahalagahan, talento, karanasan, at kaloob. Planuhin kung paano mo magagamit ang mga kalakasang iyon sa malikhaing paraan sa linggong ito.

  10. Hayaan ang mga bagay na hindi ninyo makokontrol. Ang nakaraan, ang kalayaan ng iba, ang klima, ang inyong mga limitasyon, o ang personalidad ng ibang mga tao ay hindi ninyo makokontrol. Magtuon sa mga bagay na may magagawa pa kayo, tulad ng inyong kilos, pakikitungo sa iba, kasalukuyan ninyong mga pagpapasiya, at inyong ugali.

  11. Tanggapin na may ilang nakakainip na karaniwang gawain. Hindi buong buhay ay lubhang makabuluhan at nakakatuwa. Iwasang magdrama o gumawa ng di-magandang bagay, magdulot ng pinsala, o kaguluhan para solusyunan ang pagkabagot. Sa halip, magpasalamat at masiyahan sa mabubuting bagay sa paligid mo, at maghanap ng mga paraan para maging mas mabuti at makapaglingkod.

  12. Huwag pasiklabin ang galit mo. Mas malamang na magalit ang mga tao kapag pinipili nilang ituring ang iba na (1) mapanganib, (2) hindi makatarungan, o (3) walang galang. Sa halip, tingnan kung may maiisip kang mas maunawaing paliwanag sa ikinikilos nila. Halimbawa, siguro pagod sila, hindi nasabihan, walang tiwala, o akala nila ay nakakatulong sila. Piliing huwag pasiklabin ang galit.

  13. Paglabanan ang hilig na sisihin o pahiyain ang iba o ang sarili mo. Sa halip, alamin kung ano ang problema at magpatulong sa ibang tao sa paglutas nito, kahit sino pa ang nagkamali.

  14. Makinig sa Espiritu, huwag sa negatibo. Kung naiisip ninyong manghamak, manlait, magalit, mangutya, bumulung-bulong, mamintas, o mang-insulto, hindi iyan nagmumula sa Panginoon. Huwag pansinin ang mga ito. Kumanta ng isang himno, bumigkas ng isang talata sa banal na kasulatan, o magdasal para pabalikin ang Espiritu.

  • Mula sa “Resources for Managing Emotional Demands,” Adjusting to Missionary Life (2013), 29–34; “Becoming Emotionally Self-Reliant,” Self-Reliance Blog, Peb. 21, 2017, srs.lds.org.