2019
8 Mungkahi sa Pagbalanse ng mga Pangangailangan sa Buhay
Enero 2019


Walong Mungkahi sa Pagbalanse ng mga Pangangailangan sa Buhay

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1987.

May ilan akong mungkahi na sana ay maging kapaki-pakinabang sa mga taong nababahala sa pagbabalanse ng mga pangangailangan sa buhay.

balancing life’s demands

Paglalarawan at mga icon mula sa Getty Images

  • Una, isipin ang iyong buhay at magtakda ng mga priyoridad. Mag-ukol ng tahimik na sandali nang madalas upang makapag-isip-isip kung saan ka patungo at kung ano ang kailangan mong gawin upang makarating doon. Si Jesus, na ating huwaran, ay madalas na “pumunta sa mga ilang, at manalangin” (Lucas 5:16). Dapat din nating gawin ang gayon paminsan-minsan upang muling mapasigla ang ating mga sarili sa espirituwal (na aspeto) gaya ng ginawa ng Tagapagligtas. Isulat ang mga gusto mong maisagawa sa bawat araw. Unahing isaisip ang mga sagradong tipan na ginawa mo sa Panginoon habang isinusulat mo ang iyong iskedyul sa araw-araw.

  • Pangalawa, magtakda ng mga mithiin na kaya mong abutin sa maikling panahon. Magtakda ng mga mithiin na talagang balanse—hindi napakarami ni napakakaunti, at hindi napakataas ni napakababa. Isulat ang iyong mga mithiin na kaya mong abutin at sikaping gawin ang mga ito batay sa kahalagahan ng mga ito. Ipanalangin ang patnubay ng langit sa pagtatakda mo ng mga mithiin.

  • Pangatlo, sa pamamagitan ng matalinong pagbabadyet, kontrolin ang mga tunay mong pangangailangan at ikumparang maigi ang mga ito sa mga bagay na gusto mo sa buhay. Napakaraming mga indibiduwal at mga pamilya ang nababaon sa utang. Mag-ingat sa mga nakakaakit na alok na manghiram ng pera. Mas madaling manghiram ng pera kaysa sa bayaran ito. Walang madaling landas patungo sa pinansiyal na seguridad. Hindi magiging balanse ang ating buhay hangga’t hindi natin napamamahalaan nang maayos ang ating mga pera.

    Tandaan na palaging magbayad ng buong ikapu.

  • Pang-apat, manatiling malapit sa iyong mga magulang, kamag-anak, at mga kaibigan. Tutulungan ka nilang mapanatiling balanse ang iyong buhay. Bumuo ng mabuting samahan sa iyong pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng bukas at tapat na komunikasyon.

    Ang magandang buhay may-asawa at magandang ugnayan ng pamilya ay mapananatili sa pamamagitan ng magalang, mapagmahal, at maalalahaning pakikipag-ugnayan. Tandaan na kadalasan ang isang sulyap, kindat, tango, o haplos ay mas maraming nasasabi kaysa sa mga salita. Ang pagiging masayahin at pakikinig nang mabuti ay mahahalagang bahagi rin ng mabuting komunikasyon.

  • Panglima, pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Isa ito sa pinakamaiinam na paraan na mapapasaatin ang Espiritu ng Panginoon. Isa sa mga paraan na nagkaroon ako ng tiyak na kaalaman na si Jesus ang Cristo ay sa pamamagitan ng aking pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Hiniling ni Pangulong Russell M. Nelson sa bawat miyembro ng Simbahan na mapanalanging basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw.

  • Pang-anim, kailangan tayong magtakda ng oras sa ating pang-araw-araw na kalendaryo para sa sapat na pahinga at ehersisyo upang maging malusog at balanse ang ating buhay. Ang magandang kaanyuang pisikal ay nakadaragdag sa ating dignidad at paggalang sa sarili.

  • Pangpito, magdaos ng lingguhang family home evening. Hindi dapat mawala sa atin ang espesyal na pagkakataong ito na “turuan ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian” (D at T 88:77), na aakay sa mga pamilya tungo sa buhay na walang-hanggan.

    Palaging kumikilos si Satanas para sirain ang ating patotoo, ngunit hindi siya magkakaroon ng kapangyarihang tuksuhin o gambalain tayo nang higit sa ating makakaya kapag pinag-aaralan natin ang ebanghelyo at ipinamumuhay ang mga kautusan nito.

  • Ang huli kong mungkahi ay magdasal palagi. Malalaman ninyo ang mga tamang desisyon na gagawin sa bawat araw sa pamamagitan ng palagian at taimtim na panalangin. Kapag nakaayon ang aking espiritu, nakikita kong mas madali kong nababalanse ang lahat sa aking buhay.

Napagtatanto ko na may iba pang mga mungkahing maidaragdag sa mga ito. Gayunman, naniniwala ako na kapag nakatuon tayo sa ilang mga pangunahing mithiin, mas malamang na makakaya natin ang mga pangangailangan sa buhay na ito. Tandaan, na anumang labis sa buhay na ito ay maaaring magdulot sa atin ng hindi balanseng buhay. Kasabay nito, ang sobrang pagkakaunti ng mahahalagang bagay ay lilikha ng gayon ding resulta. Ipinayo ni Haring Benjamin “na ang lahat ng bagay na ito ay dapat gawin sa karunungan at kaayusan” (Mosias 4:27).

Kadalasan ang kawalan ng malinaw na direksiyon at mga mithiin ay umuubos sa ating panahon at lakas at umaambag sa kawalan ng balanse sa ating buhay. Ang dapat maging pangunahin nating mithiin ay hangarin ang “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39). Kung ito ang ating mithiin, bakit hindi natin alisin sa ating buhay ang mga bagay na gumugulo at umuukopa sa ating isipan, damdamin, at lakas na hindi nakatutulong para maabot natin ang mithiing iyon?

Basta gawin ninyo ang lahat ng magagawa ninyo sa bawat araw. Gawin ang mahahalagang bagay at, bago pa ninyo mamalayan, ang inyong buhay ay mapupuno ng espirituwal na pang-unawa na magpapatunay sa inyo na mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Kapag alam ito ng tao, ang buhay ay magkakaroon ng tunay na layunin at kabuluhan, kaya’t mas madali itong mapananatiling balanse.