2019
Paghahanap ng Isang Mental Health Professional na Tama para sa Iyo
Enero 2019


Paghahanap ng Isang Mental Health Professional na Tama para sa Iyo

Maraming opsiyon at tanong na isasaalang-alang kapag nagpapasiyang humingi ng tulong na kailangan mo.

Kung hindi ka pa nangailangang pumili ng mental health provider dati, maaaring hindi mo alam kung paano humanap ng aangkop sa iyong partikular na sitwasyon. Narito ang ilang bagay na isasaalang-alang kapag nagsimula kang humanap ng isang akma para sa iyo.

Anong klaseng mental health provider ang kailangan mo?

Sinusuri at ginagamot ng mga mental health professional ang mga sakit sa pag-iisip. Karamihan ay may master’s degree man lang o mas mataas na pinag-aralan, training, at kredensyal. Tiyakin na ang propesyonal na pinipili mo ay makapagbibigay ng serbisyo sa kalusugan ng pag-iisip.

Nakalista sa ibaba ang ilan sa pinaka-karaniwang klase ng mga provider. Ang ilan ay maaaring espesyalista sa partikular na mga sakit tulad ng depresyon, paggamit ng droga, o family therapy. Isaisip na hindi masasabi sa taas ng singil o taas ng pinag-aralan nila kung gaano sila kakwalipikado o gaano kalaki ang maitutulong nila.

Psychiatrist

Ang psychiatrist ay isang doktor ng medisina (MD o DO) na espesyalista sa pagrereseta ng gamot para sa mga sakit sa pag-iisip. Maaari din silang maging espesyalista sa panggagamot sa mga pasyenteng tulad ng bata, tinedyer, adult, o matanda.

Psychologist

Ang psychologist ay sanay sa panggagamot sa mga saloobin, emosyon, at kilos. Karaniwan, ang psychologist ay may doctoral degree (PhD, PsyD, EdD).

Psychiatric-mental health nurse

Ang psychiatric-mental health nurse ay isang registered nurse na may training sa pagrereseta ng gamot para gamutin ang mga sakit sa pag-iisip.

Lisensiyadong clinical social worker

Ang clinical social worker ay may training at karanasan partikular na sa panggagamot sa mga sakit sa pag-iisip. Karaniwan, ang social worker ay may master of social work degree (MSW).

Professional counselor

Ang professional counselor ay may training at karanasan sa panggagamot sa mga sakit sa pag-iisip. Karaniwan, ang professional counselor ay may master of science degree (MS).

Ano ang dapat mong isaalang-alang kapag namimili ka sa iba’t ibang klase ng mga mental health provider?

  • Ang iyong kalagayan. Karamihan sa mga mental health professional ay kwalipikadong manggamot ng halos lahat ng masusuring kalagayan, pero maaari mong piliin ang isang espesyalista sa partikular na problema mo.

  • Kapag kailangan mo ng mga gamot, payo, o pareho. Maraming problema sa pag-iisip na maaaring nasa dugo, sa utak, sa relasyon sa tao, at sa espirituwal. Dahil dito, maaaring hindi lang isang mental health provider ang kailangan mong konsultahin. Halimbawa, maaaring kailangan mong kumonsulta sa psychiatrist para maresetahan ka ng gamot at iba pang mental health provider para humingi ng payo.

Paano ka makakahanap ng mental health provider?

Marami kang opsiyon:

  • Humingi sa primary care doctor mo ng listahan ng mga provider na rekomendado niya.

  • Humingi ng referral o rekomendasyon mula sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, kapamilya, lider ng Simbahan, medical doctor, o LDS Family Services (kung may opisina sa inyong lugar).

  • Kumontak ng isang local o national mental health organization (sa telepono o online).

  • Maghanap sa internet ng mga samahan ng mga propesyonal na may direktoryo ng mga mental health provider sa inyong lugar.

Ano ang mga dapat ninyong itanong kapag pumipili ng mental health provider?

Isiping talakayin ang mga isyung ito:

  • Aktibong miyembro ba sila ng Simbahan? Kung hindi, magkapareho ba ang moralidad ninyo?

  • Ano ang kanilang pinag-aralan, training, at haba ng karanasan?

  • Saang mga area sila dalubhasa?

  • Anong mga insurance provider ang tinatanggap nila?

  • Hanggang anong oras bukas ang kanilang opisina, magkano ang singil nila, at gaano kahaba ang mga sesyon nila?

Kapag namimili ng mental health provider, huwag mag-atubiling magtanong ng marami. Maaari mong itanong ang mga ito bago ka makipag-appointment sa unang pagkakataon. Maraming provider ang may website na tumatalakay sa marami sa mga paksang binanggit sa itaas. Ang paghahanap ng akmang provider ay mahalaga sa pagkakaroon ng tiwala at para makinabang ka nang husto sa pagpapagamot mo. Habang iniisip mo nang may panalangin ang iyong mga opsiyon, ituturo ka sa tamang direksyon.