2019
Ang Ebanghelyo: Isang Walang Hanggang Paraan para Maging Madali ang Buhay
Enero 2019


Ang Ebanghelyo: Isang Walang-Hanggang Paraan para Maging Madali ang Buhay

Si Lori Fuller ay isang editor o patnugot sa Friend na magasin. Mahilig siyang maghanap ng mga bagong banda, makinig ng balita sa radyo, at magluto ng pagkain mula sa iba’t ibang bansa. Minsan ay nagsusulat siya.

Naisip mo na ba kung paano napapadali ng pagsunod sa mga kautusan ang buhay?

life icons

Noong isang buwan, ako at ang ilan sa aking mga kaibigan ay nagkumustahan kung ano ang nangyari sa amin sa buong linggo. Ibinahagi ng isang kaibigan na pasan niya ang pagpapagaling ng nanay niya mula sa alkoholismo. Mas bata siya kaysa sa akin, at parang napakahirap ng gawain na iyon.

Kinalaunan ng gabing iyon, ang usapan ay napunta sa kung gaano na kamahal ang paninigarilyo at kung paanong ang isa sa mga kakilala namin ay nakakaubos ng isang kaha ng sigarilyo sa isang araw. (Kuwentahin mo; napakaraming pera noon!) Sinusubukan niyang tumigil at dumadanas siya ng withdrawal. Masayang-masaya ang kanyang anak na tumitigil na siya. Namatay ang kanyang ama dahil nasobrahan sa droga, kaya mas nakakatakot ang paggamit ng anumang gamot o droga para sa batang ito.

Sa huli, natapos ang aming pag-uusap sa kape—kung gaano karami ang iniinom ng mga tao tuwing umaga (at sa hapon at minsan sa gabi) at kung paanong ngayon ay nami-miss nila ang kanilang mga latte dahil hindi na nila ito kayang bilhin araw-araw.

Habang nagmamaneho ako pauwi, iniisip ang mga pag-uusap na ito, naisip ko “Ang Word of Wisdom ang pinakamagandang paraan para maging madali ang buhay.” (Kung hindi mo alam, ang “paraan para maging madali ang buhay” ay isang paraan upang gawing mas mabuti ang iyong buhay, mamuhay nang mas kapaki-pakinabang, atbp. Tulad ng paglalarawan ng isang tao online, ang paraan para maging madali ang buhay ay kilala noon na “mabuting ideya.”) Para bang sinabi ng Diyos na, “Heto ang paraan upang makapag-ipon ka ng pera, matulungan kang maging malusog, maprotektahan ang iyong mga anak, at makaiwas sa napakahirap na emosyonal na pasanin, kabilang na ang pagkagumon mo at ng ibang tao.” Para bang alam na ng Diyos ang lahat ng problemang kakaharapin natin at binigyan tayo ng paraan para maiwasan ang kalahati sa mga ito. …

Alinman sa mga kautusan ng Diyos, makapipili tayong sundin ito o balewalain ito. Pero nang maisip ko ang Word of Wisdom bilang isang set ng mga gabay mula sa Diyos na parehong nagpapakita at nagpoprotekta sa atin laban sa napakaraming mga pagsubok, naisip ko “Paano kung lahat ng kautusan ng Diyos ay ganoon din?” Paano kung ang mapagmahal na Ama sa Langit, na nakaranas na ng buhay na ito at ng mga pagsubok nito, ay nagbigay sa atin ng aklat na gabay upang tulungan tayong lakbayin ang mundo nang hindi nasasaktan hangga’t maaari? At paano kung ibinigay Niya ito sa atin dahil mahal Niya tayo at nais Niya tayong protektahan?

Nais mo bang maging kontento sa kung ano ang meron ka, maging masaya at mapagpasalamat? “Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa” (Exodo 20:17).

Nais mo bang umiwas sa pagkakasala, pagkakabilanggo, pagbabayad ng piyansa at pagbabayad sa korte? Nais mo bang panatilihin ang tiwala at respeto ng mga tao—at ang iyong trabaho? “Huwag kang magnanakaw” (Exodo 20:15).

Nais mo bang mapalapit sa Diyos upang magabayan ka Niya at matulungan ka sa iyong mga pinapasan? “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo” (Mateo 22:37).

Marami pang nakalista. Bawat isang kautusan ay magpoprotekta sa atin mula sa mga kabiguan, gagawin nitong madali ang ating buhay, maglalayo sa atin sa gulo, o di kaya’y makatutulong sa atin na mahanap ang kapayapaan. At lahat ng ito ay may kapalit lamang na kakaunting kabayaran o abala. (At walang mga nakatagong bayarin!)

Tiyak na ayaw kong maliitin ang mga kautusan ng Diyos bilang mga gabay lamang o tulong para maging madali ang buhay. Mas higit pa ang mga ito roon. Pero napakasimple lang din nito. Hindi tayo mapoprotektahan ng Ama sa Langit laban sa lahat ng bagay. Ngunit bilang mapagmahal na magulang, gusto Niyang ihanda tayo at protektahan tayo mula sa kabayaran ng ating mga pinili—sa pamamagitan ng paggabay sa atin na piliin ang mas nakabubuti.

Siyempre, maaaring may masasamang bagay pa rin na mangyayari kahit sundin natin ang mga kautusan. Kaya bakit pa kailangan pang sumunod?

Dahil hindi natin malalaman kung mula saan tayo pinoprotektahan sa pamamagitan ng ating pagsunod. Dahil natutulungan tayo nitong makalaya mula sa buhay na puno ng pasakit sa sarili. Dahil ang pagiging masunurin ay tumutulong sa atin na manatiling malapit sa Diyos. Dahil inilalagay tayo nito sa katayuan na magsisi kapag nagkamali tayo. Dahil nagtitiwala tayo na alam ng Diyos kung paano Niya tayo pagpapalain at poprotektahan.

Marami pang nakalista. Mas mahaba pa sa listahan ng mga dahilan para huwag sundin ang mga kautusan.

Sa ikabubuti man o hindi, hinahayaan ako ng Diyos na pumili kung gaano ko gustong maging masunurin. Ako ang pipili kung gaano ko gustong buksan ang aking sarili sa mga pagpapala Niya para sa akin. Kaya bakit kailangang sundin ang mga kautusan? Dahil nais kong maging bukas ang buhay ko sa tulong na sinusubukang ibigay ng Diyos.