2019
Hindi Mo ba Taos-pusong Ipinamumuhay ang Ebanghelyo?
Abril 2019


Hindi Mo ba Taos-pusong Ipinamumuhay ang Ebanghelyo?

Ang ating mga saloobin tungkol sa ating mga tungkulin sa Simbahan ay tunay na nakagagawa ng kaibahan.

“Kailangan ko ba talagang gawin ito?”

Naisip mo na ba ito noon? Maraming beses na itong pumasok sa isip ko. At nalaman ko na ang tila hindi mahalagang ideyang ito ay isang mahalagang tagapagpahiwatig ng aking saloobin. Totoo na magagawa nating lahat na tumulong at maglingkod sa iba, magagawa nating tanggapin at gampanan ang ating mga tungkulin sa Simbahan, at magagawa nating dumalo sa mga miting natin sa Simbahan. Kahit hindi taos-puso ang paggawa natin sa mga ito, makagagawa ang mga ito ng isang kaibahan sa ating mga buhay. Pero nalilimitahan ba nito ang kakayahan ng Diyos na gamitin ka? Nalilimitahan ba nito ang kakayahan ng Diyos na baguhin ka? Para sa akin, sa tingin ko ay oo.

Ipinapaalala sa akin ng ideyang ito sina Laman at Lemuel, na lumisan sa Jerusalem, na bumalik para sa mga lamina, na tumulong sa paggawa ng sasakyang-dagat, na gumawa ng maraming pagsunod—pero ginawa nila ang mga bagay na ito nang nagrereklamo at hindi taos-puso. Hindi nila hinayaan na baguhin sila at gawing mas mabuti ng kanilang mga karanasan. Sa halip, palagi silang nagrereklamo at mayroong masamang saloobin sa bawat sitwasyong nararanasan nila. At pagkatapos kong mapagtanto iyon, ayoko talagang maging katulad ni Laman o ni Lemuel.

Maglaan ng ilang sandali upang mapag-isipang mabuti ang tungkol sa mga dahilan sa likod ng iyong mga ginagawa. Tumutulong ka ba sa iba habang nakatuon sa mga pagpapalang matatanggap mo? O tumutulong ka ba sa iba dahil taos-puso mong ninanais na magbahagi ng liwanag at pagmamahal sa kanila? Ginagawa mo ba ang lahat ng kailangang gawin para sa iyong tungkulin dahil ito ang inaasahan sa iyo? O ginagawa mo ba ito dahil gusto mong paglingkuran ang Panginoon at ang mga nakapaligid sa iyo?

Ito ang mga uri ng tanong na sinusubukan kong itanong sa aking sarili paminsan-minsan. Ginagawa ko ba ang lahat ng aking makakaya upang mamuhay na tulad ng isang tunay na disipulo ni Cristo nang may tapat na layunin? O hindi ko ito ginagawa nang taos-puso? Sa tingin ko ay sinabi ito ni Bishop Gérald Caussé, Presiding Bishop, sa pinakamagandang paraan: “Tayo ba ay aktibo sa ebanghelyo, o abala lamang tayo sa maraming gawain sa Simbahan?” (“Ito ay Tungkol sa mga Tao,” Liahona, Mayo 2018, 112).

Pagiging Aktibo bersus Pagiging Abala

Para sa akin, kapag “abala” lamang ako sa Simbahan, ang pagwawalang-bahala ay pumasok na sa aking isipan. Ang pagwawalang-bahala na ito ay maaaring magmula sa hindi masigasig na saloobin o maging sa pagpapahintulot na makasagabal sa tunay na mahahalagang gawain ang mga hindi gaanong mahahalagang gawain sa aking iskedyul. Pumapasok ang pagwawalang-bahala na ito kapag umuupo ako sa sacrament meeting at hindi nakatuon ang atensiyon ko dito, kapag nagdarasal ako sa gabi at nag-iisip ako ng mga ibang bagay, kapag nagmamadali akong magbasa ng mga banal na kasulatan nang hindi pinagninilayan ang mga ito, o kapag tumutulong ako sa iba para lamang masabi na nagawa ko ito sa halip na taos-pusong subukan na kaibiganin sila.

Kung minsan, nakadarama ako ng pagkabigo kapag wala akong nakikitang pag-unlad sa aking buhay—kapag nagwawalang-bahala lamang ako at “abala” sa ebanghelyo—at nananatili ang mga pakiramdam na ito hanggang sa mapagtanto ko kung ano ang problema. Kung minsan, kailangan kong huminto, muling kumonekta, at itanong sa sarili ko ang “Ibinibigay ko ba ngayon sa tungkuling ito o sa taong ito o sa panalanging ito o sa banal na kasulatang ito ang aking buong atensiyon at puso?”

Kapag nagkakaroon ako ng ganitong klase ng biglaang paghahayag, doon tunay na nagaganap ang pagbabago sa aking buhay. Kapag tapat akong nananalangin na makita ang ibang tao kung paano sila nakikita ng Ama sa Langit, kapag nananalangin ako para sa mga pagkakataon na makapag-minister, kapag nananalangin ako para sa patnubay sa aking tungkulin, sa aking trabaho, at sa aking pang-araw-araw na buhay, at higit sa lahat, kapag kumikilos ako ayon sa mga pahiwatig na ibinibigay Niya sa akin, kapag sumasalamin ang aking mga ikinikilos sa aking pagnanais na maging mas mabuti—doon ako nagiging aktibo sa ebanghelyo. Doon ako nakadarama ng totoong pagbabago sa aking saloobin, sa aking puso, at sa aking kaluluwa. Doon ako nakakakita ng mga mahimalang bagay na nangyayari. Doon ko nadarama na dumarating ang tunay na kaligayahan sa aking buhay. Doon ako tunay na nagsisikap na magbago para sa mas mabuti.

Mga Kilos bersus Mga Nadarama

Sa tingin ko, tayong lahat ay maaaring magbalik-tanaw sa ilang sandali sa ating buhay kung kailan magiting ang ating mga nagawa, ngunit ang ating mga nadarama sa paggawa ng mga ito ay hindi gaanong dakila. Kung minsan, totoong nagiging abala ang buhay, kung minsan, hindi tayo palaging nagiging lubusang masaya sa ating mga kalagayan, at kung minsan, maaaring hindi palaging nangyayari ang mga bagay ayon sa kagustuhan natin. Hindi tayo perpekto, pero kung hihilingin natin sa Ama sa Langit na tulungan tayong ibigay ang ating buong pagsisikap sa mga bagay na iniutos na gawin natin na kung minsan ay nakakapagod o nakauubos-oras, matututunan natin na gawin ang mga ito sa isang paraan na mas katulad ng kay Cristo.

Makaiisip ako ng mga pagkakataon kung kailan nag-atubili akong sumang-ayon na gawin ang isang proyekto ng paglilingkod, at pagkatapos ng karanasan ay napalambot at nabago ang aking puso. O kung kailan nagkaroon ako ng isang tungkulin at nagreklamo tungkol dito dahil napakalaki ng kinukuha nito sa aking oras, at nang ma-release ako ay humagulgol ako dahil napamahal na ito sa akin.

Makapagbabahagi tayo ng liwanag, magagampanan natin ang ating mga responsibilidad, at makatatanggap tayo ng mga sagot sa ating mga panalangin sa pinakaepektibong paraan kung tama ang ating mga intensiyon. Kung maglalaan tayo ng oras upang masuri ang ating mga saloobin at intensiyon sa likod ng ating mga ginagawa at gagawin ang lahat ng ating makakaya nang “may matapat na puso, [at] may tunay na layunin” (Moroni 10:4), mas makikilala natin ang patnubay ng Ama sa Langit, mas magiging maligaya tayo, at makagagawa ng mas marami pang pagbabago sa ating buhay at sa buhay ng iba.