Paggawa ng Desisyon: Kalayaang Pumili vs. Paghahayag
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Pagdating sa malalaking desisyon, gaano tayo dapat umasa sa Diyos na sabihin sa atin ang dapat nating gawin?
Araw-araw bawat isa sa atin ay nahaharap sa maraming desisyon. Ang ilan ay mas karaniwan, tulad ng “Ano ang dapat kong isuot?” “Ano ang kakainin ko sa tanghalian?” “Panahon na ba para bumili ng bagong kotse, o huwag ko munang palitan ang luma ko?” Pero madalas din tayong nahaharap sa malalaking desisyon—“Babalik na ba ako sa pag-aaral?” “Dapat ko bang tanggapin ang trabahong ito?” “Dapat ba akong lumipat sa isang bagong lungsod?” “Dapat ba akong bumili ng bahay?” “Dapat ko bang ideyt ang taong ito?” “Dapat ko bang pakasalan ang taong ito?” at iba pa.
Kapag nahaharap sa malalaking desisyon, tayo ay—sa angkop na paraan—gumugugol nang mas mahabang oras para gumawa ng isang pagpili. Sinusunod natin ang payong ibinigay kay Oliver Cowdery sa Doktrina at mga Tipan 9:8–9, kung saan sinabi ng Panginoon:
“Subalit, masdan, sinasabi ko sa iyo, na kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.
“Subalit kung ito ay hindi tama wala kang madaramang gayon, kundi ikaw ay magkakaroon ng pagkatuliro ng pag-iisip na magiging dahilan upang makalimutan mo ang bagay na mali.”
Bagamat totoong isang magandang payo ito, pagdating sa malalaking desisyon, kung minsan ay masyado tayong umaasa sa bahagi kung saan ay sinasabi sa atin ng Diyos kung ano ang tama at hindi sa bahagi kung saan ay sinasabi niya sa atin na pag-aralan ito sa ating isipan. Masyado tayong nakatuon sa paghihintay na kukumpirmahin ng Diyos ang ating mga desisyon na hinahayaan natin na lumampas ang mga napakagandang pagkakataon. Maaaring kinikilala natin ang papel na ginagampanan ng kalayaang pumili, pero natatakot tayong gumawa ng isang desisyon na maglalayo sa atin sa ating napagdesisyunang “plano” at sa huli ay isipin na ang anumang bagay maliban sa pag-aalab ng dibdib o isang tinig na mula sa langit ay nangangahulugan na ang ating desisyon ay mali. Para sa marami sa atin, ang hindi naipapahayag na tensyon na ito sa pagitan ng kalayaang pumili at personal na paghahayag ay humahantong sa isang mahalagang tanong: Ano ang papel ng Diyos sa pagtulong sa atin na gumawa ng mga desisyon?
Ang Papel ng Diyos sa Paggawa Natin ng mga Desisyon
Marahil ay pinakamainam na masagot ang tanong na ito sa pamamagitan ng kuwento ng kapatid ni Jared. Mayroong nakawiwiling huwaran ng paglago sa kuwentong ito na nagtuturo sa atin tungkol sa paraan na inaasahan tayo ng Panginoon na gumawa ng mga desisyon. Matapos lituhin ang mga wika sa Tore ni Babel, hiniling ni Jared sa kanyang kapatid na itanong sa Panginoon kung dapat nilang lisanin ang lupain, at kung oo, saan sila dapat pumunta (tingnan sa Eter 1:36–43). Nagtanong ang kapatid ni Jared, at inakay sila ng Panginoon sa tabing-dagat. Sa kanilang paglalakbay, nagsalita ang Panginoon sa kanila sa isang ulap at ginabayan ang bawat hakbang sa kanilang paglalakbay. Di naglaon ay narating nila ang tabing-dagat, kung saan sila nanatili ng apat na taon.
Sa pagtatapos ng ikaapat na taon, sinabi ng Diyos sa kapatid ni Jared na gumawa ng mga gabara at maghandang tawirin ang karagatan. Nang maisip ni Jared na ang mga barko ay walang hangin, sinunod niya ang parehong huwaran ng paglapit sa Diyos para itanong kung ano ang dapat gawin. Gaya ng inaasahan, tumugon ang Panginoon sa pamamagitan ng pagdedetalye sa kanya ng mga tagubilin na gumawa ng mga butas sa ibabaw at ilalim ng mga barko. Pansinin ang huwaran ng paghahayag rito: binigyan sila ng plano ng Diyos, nagtanong sila tungkol sa paraan kung paano isakatuparan ang plano, at tumugon ang Diyos nang may detalye at tiyak na mga sagot.
Pero pagkatapos niyang gumawa ng mga butas sa mga barko, naisip ng kapatid ni Jared na ang mga barko ay walang ilaw. Muli siyang nagtanong sa Diyos kung ano ang dapat gawin. Gayunman, sa halip na sumagot, nagtanong ang Diyos, “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:23). Sa halip na magbigay ng detalyadong tagubilin tulad ng ginawa Niya noong una, sa pagkakataong ito ay hinintay ng Panginoon ang kapatid ni Jared na magpasya kung ano ang dapat gagawin.
Ang ganitong uri ng sagot mula sa Panginoon marahil ang pinakamahirap maunawaan kapag gumagawa tayo ng isang desisyon. Tinuruan tayo na magdasal at maghintay para sa sagot, kaya natural lang na mag-alala tayo kapag wala tayong narinig na sagot. Madalas ay iniisip natin kung ang kawalan ng malinaw na sagot ay isang “pagkatuliro ng pag-iisip” na nangangahulugang mali ang ating pinili. Sa ibang pagkakataon ay iniisip natin kung ang ibig sabihin nito ay hindi sapat ang ating kabutihan para marinig ang sagot o hindi tayo nagtatanong nang may “tunay na layunin” (tingnan sa Moroni 10:4). Pero may pangatlong opsiyon na dapat nating isaalang-alang—siguro, tulad ng kapatid ni Jared, hinihintay ng Diyos na tayo ang gumawa ng ating sariling desisyon.
Paggawa ng Desisyon
Kamakailan ay naharap ako sa isang sitwasyon na humamon sa paraan ng pag-unawa ko tungkol sa kalayaang pumili at personal na paghahayag. Nang malapit na akong magtapos sa graduate school, may mga nag-alok sa akin ng ilang trabaho sa iba’t ibang lungsod at hindi ako makapagdesisyon kung ano ang tatanggapin ko. Tulad ng kapatid ni Jared, naranasan ko na ang maraming pagkakataon kung saan ay nagdasal ako tungkol sa isang malaking desisyon at sumagot ang Diyos nang may tumpak na tugon. Nakabatay sa mga nakalipas na karanasang iyon, nagsimula akong magdasal at humiling sa Diyos na tulungan akong magdesisyon kung anong trabaho ang dapat kong tanggapin. Ginagawa ko rin ang bahagi ko na alamin ang tungkol sa bawat oportunidad na magtrabaho at nakipagsanggunian sa maraming tao. Pero gaano man ako nagdasal at nag-ayuno, nanatiling tahimik ang langit, at wala akong natanggap na sagot.
Malapit nang umabot ang huling araw sa paggawa ng desisyon, at nagsimula na akong mataranta. Tiyak na isa itong uri ng desisyon na inaalala ng Panginoon, pero bakit hindi Siya sumasagot? Siguro ay hindi mahalaga sa Kanya kung anong trabaho ang pipiliin ko, pero mahalaga para sa Kanya kung saang lungsod ako dapat lumipat dahil magkakaroon ito ng malaking epekto sa aking buhay. Inalala ng Panginoon ang aking mga desisyon noon, pero bakit kaya hindi Siya nag-aalala para sa desisyon ito?
Subalit sa kabila ng anumang pagsisikap ko, walang sagot na dumating. Nagsimula akong magtanong kung napalayo na ba ako sa Diyos kaya hindi ko na naririnig ang Kanyang sagot. Napaisip din ako kung hindi ako nakakarinig dahil sa hindi ko lamang namamalayan na hindi ko gusto na marinig ang sagot. Sa wakas, isang araw bago ang huling araw ng pagdedesisyon, alam kong kailangan kong gumawa ng pagpili, kaya ginamit ko ang aking paghatol at gumawa ng desisyon. Noong gabing iyon humiling lang ako sa panalangin na sabihin Niya sa akin kung mali ang aking sagot. Wala pa ring dumating na tugon, kaya tumuloy ako at tinanggap ang trabaho.
Pagkaraan ng ilang buwan, kinukwestiyon ko pa rin ang aking desisyon, kaya humingi ako ng isang babas ng priesthood para makatanggap ng katiyakan. Sa basbas, sinabi sa akin na hindi ako nakatanggap ng sagot sa aking panalangin dahil masaya ang Panginoon sa anumang desisyon na ginawa ko. Ang basbas na ito ay nagpatibay ng payo na ibinigay sa akin ng aking mission president, na nagsabi sa akin na madalas ay hindi mahalaga kung ano ang magiging desisyon natin. Gusto ng Diyos na malaman natin kung paano tumayo sa ating sariling mga paa at magdesisyon kung paano tayo mamumuhay. Ipinaalala rin sa akin ng aking mission president na ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, ay hindi magpaparusa sa atin o mag-aalis ng mga ipinangakong pagkakataon kung matapat nating sinusubukang isipin kung ano ang dapat gawin.
Ang kapatid ni Jared ay makapagmumungkahi ng kahit anong solusyon para ilawan ang mga gabara, at tatanggapin lamang ito ng Panginoon. Ang mahalaga sa karanasang ito ay hindi lamang ang palakasin ang pananampalataya ng kapatid ni Jared kundi ang matutuhan din kung paano gumawa ng isang desisyon.
Paggamit ng Kalayaang Pumili
Sa walang-hanggang pananaw, ang paggamit ng kalayaang pumili ay kinakailangang bahagi sa personal na paglago. Kung wala nito, hindi tayo makagagawa ng mga uri ng desisyon na tutulong sa atin na maabot ang buong potensiyal natin. Ang paglago, tulad ng iba pa sa ebanghelyo, ay dumarating “ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Nais ng Diyos na tayo ay maging mga taong handa, hindi mga taong takot kumilos, at inaasahan Niya tayo na gamitin ang ating kalayaang pumili para mamuhay sa pinakamabuting paraan na kaya natin.
Kapag natutuhan na natin na balansehin ang kalayaang pumili at paghahayag, makararanas tayo ng tunay na espirituwal na paglago. Ito ang nangyari sa kapatid ni Jared. Matapos itong pag-isipan, nagtrabaho siya para tunawin ang 16 na maliliit na bato mula sa isang bato at humiling sa Diyos na hipuin ang mga ito at pakinangin sila (tingnan sa Eter 3:1–5). Sa pagkakataong ito, nang tumugon ang Diyos, nagbago ang lahat. Sa halip na marinig ang tinig ng Diyos sa isang ulap, tunay na nakita ng kapatid ni Jared ang Panginoon, na hindi lang nagpakita nang personal kundi ipinakita rin sa kapatid ni Jared ang mga kamangha-manghang pangitain ng mundo at ng lahat ng mga bagay na darating (tingnan sa Eter 3:6–26). Posible na hindi magiging espirutuwal na handa ang kapatid ni Jared na magkaroon ng ganoong pangitain kung hindi niya muna naranasan ang personal na paglago na nagmula sa paggawa ng sariling desisyon.
Sa ating pagdedesisyon, tiyak na dapat nating sundin ang payo ni Alma na “makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng [ating] mga gawain” (Alma 37:37). Kapag kalooban ng Panginoon na gumawa tayo ng isang partikular na desisyon, ipapaalam Niya sa atin ito at tutulong Siya na makaiwas tayo sa lihis ng landas. Pero kailangan nating maging handa na tumayo at sumulong nang may pananampalataya, mayroon o wala mang sagot na dumating. Hangga’t tinutupad natin ang ating mga tipan at nananatili tayong tapat sa ebanghelyo ni Jesucristo, makadarama tayo ng kumpiyansa sa ating matwid na mga desisyon at kapayapaan na ang Panginoon ay nalulugod sa ating mga pagsisikap.