Sa mga Oras ng Panghihina ng Loob, Alalahanin ang Balo ng Nain
Lalo na kapag pakiramdam natin ay kinalimutan o kinaligtaan na tayo, kailangan nating tandaan: Pinuntahan ni Jesus ang balo at tinulungan siya sa eksaktong oras ng kanyang pangangailangan, at pupuntahan din Niya tayo.
Kung minsan sa mga kaligayahan at kalungkutan sa buhay, maaaring pakiramdam natin ay hindi gaanong aktibo ang Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Ang ating mga huwaran ay tila nakakapagod at nakakainip. Wala gaanong pagbabago, at kung minsa’y mahirap tumukoy ng isang aspeto kung saan direktang namagitan ang Diyos sa ating mga sitwasyon. Tuwing nadarama ko ang ganitong kawalan ng kabuluhan sa sarili kong buhay, madalas ay iniisip ko ang isang babae sa Bagong Tipan na maaaring nakadama rin ng ganito. Hindi binanggit ang kanyang pangalan sa mga banal na kasulatan ngunit kilala lamang siya batay sa pangalan ng kanyang bayan at sa kanyang katayuan sa pag-aasawa.
Ang babae ay ang balo ng Nain, at ang ebanghelistang si Lucas lamang ang nagtala ng kanyang kamangha-manghang kuwento. Para sa akin, siya ang kumakatawan sa diwa ng personal na ministeryo ng Tagapagligtas at kung paano Siya tumulong sa mga pinanghihinaan ng loob na mga karaniwang tao sa Kanyang lipunan. Malinaw na nilulutas ng salaysay na ito ang isyu kung kilala ba tayo ng Diyos at nagmamalasakit Siya sa atin.
Isang maikling buod ng himala mula sa Lucas kabanata 7 ang nagpapakita na sinalubong ni Jesus ang isang prusisyon ng libing at mahimalang binuhay ang isang binatang patay. Ngunit higit pa rito ang dapat maunawaan tungkol sa tagpong ito. Tulad sa lahat ng himala, ngunit lalo na sa isang ito, mahalaga ang konteksto sa pag-unawa sa pangyayaring ito. Dahil nagturo ako sa Brigham Young University Jerusalem Center, ibabahagi ko sa inyo ang ilang personal na kaalaman tungkol sa himalang ito.
Ang Nain ay isang maliit na nayon ng pagsasaka noong panahon ni Jesus, na matatagpuan malapit sa Bundok More, na tumutukoy sa silangang bahagi ng Jezreel Valley. Ang bayan mismo ay nasa isang lugar na nakabukod. Iisa lamang ang daan papunta roon. Sa panahon ni Jesus, maliit at maralita ang pamayanang ito, at nanatili itong gayon noon pa man. Kung minsan sa kasaysayan nito, ang bayan ay kinabibilangan lamang ng 34 na bahay at 189 na tao.1 Ngayon ay halos 1,500 na ang naninirahan doon.
Sinimulan ni Lucas ang kanyang salaysay sa pamamagitan ng pagsasabi na si Jesus ay nasa Capernaum kahapon at pinagaling Niya ang alipin ng Senturion (tingnan sa Lucas 7:1–10). Pagkatapos ay nalaman natin na “[kinabukasan]” (talata 11; idinagdag ang pagbibigay-diin), nagtungo ang Tagapagligtas sa isang lungsod na tinatawag na Nain, kasama ang isang malaking grupo ng mga disipulo. Napakahalaga ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayaring ito. Ang Capernaum ay matatagpuan sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea, 600 talampakan (183 m) ang baba mula sa lebel ng dagat. Ang Nain ay humigit-kumulang 30 milya (48 km) timog-kanluran ng Capernaum sa taas na 700 talampakan (213 m) mula sa lebel ng dagat, sa gayo’y mahirap umakyat papunta sa Nain. Upang makapaglakad mula sa Capernaum tungo sa Nain, kailangan ng di-kukulangin sa isa o dalawang araw. Kamakailan ay 10 oras na nilakad ng isang grupo ng mga kabataang estudyante ng BYU Jerusalem Center ang rutang ito sa sementadong kalsada. Nangangahulugan ito na marahil ay kinailangan ni Jesus na gumising nang napakaaga o maaari ring kinailangan Niya na maglakad noong gabi pa lamang upang maabutan ang prusisyon ng libing “[kinabukasan].”2
Habang papalapit na si Cristo sa lungsod matapos ang isang lubhang nakakapagod na paglalakbay, isang binatang marahil ay edad 20 pataas3 ang inilalabas na nakahimlay sa isang takip ng libingan. Sinasabi sa atin ni Lucas na ang binatang ito ay nag-iisang anak na lalaki ng isang balo, at ipinalagay ng ilang mga pantas na ang tekstong Griyego ay nagpapahiwatig na wala na siyang ibang anak.4 Sinamahan siya ng isang malaking grupo ng mga taganayon sa lubhang kapus-palad na trahedyang ito sa pamilya.
Malinaw na ang pagkamatay ng isang anak na lalaki ay isang trahedya para sa sinuman, ngunit isipin ang mga pahiwatig para sa balong ito. Ano ang kahulugan sa sosyal, espirituwal, at pinansyal na aspeto ng pagiging balo na walang tagapagmana sa sinaunang Israel? Sa kultura ng Lumang Tipan, pinaniniwalaan na kapag namatay ang asawang lalaki bago ang katandaan, tanda ito ng parusa ng Diyos para sa kasalanan. Sa gayon, naniwala ang ilan na pinarurusahan ng Diyos ang naulilang balo. Sa aklat ni Ruth, nang mabalo si Noemi sa murang edad, nanangis siya, “Laban pala sa akin ang Panginoon, at pinarusahan ako ng Maykapal” (Ruth 1:21, International Standard Version).5
Hindi lamang espirituwal at emosyonal na pasakit ang naranasan ng balong ito ng Nain, kundi nagkaroon din siya ng problema sa pinansyal—marahil ay kinailangan niyang magtiis ng gutom dahil dito.6 Matapos makasal, inaatasan ang pamilya ng lalaki na suportahan ang pinansyal na pangangailangan ng kanyang asawa. Kung mamatay ang lalaki, ang pangangalaga sa kanya ay iaatas sa kanyang panganay na anak na lalaki. Ngayong patay na ang panganay at nag-iisang anak na lalaki ng balo, wala nang susuporta sa kanyang pinansyal na pangangailangan. Kung ang kanyang anak na lalaki ay nasa edad 20 pataas, marahil ay nasa katandaang edad na siya, nakatira sa isang maliit at liblib na bayan ng sakahan, at ngayo’y naghihirap sa espirituwal, sosyal, at pinansyal na aspeto.
Mismong sa maikling panahon kung kailan buhat-buhat ng mga taganayon ang anak ng babaeng ito upang ilibing, nasalubong ni Jesus ang prusisyon at “siya’y kinahabagan” (Lucas 7:13). Sa katunayan, maaaring ito ang pinakamatinding pagbabalewala ni Lucas. Kahit paano’y nadama ni Jesus ang napakadesperadong sitwasyon ng balong ito. Marahil ay ginugol na niya ang gabi na nakahilata sa kanyang sahig na lupa, nagmamakaawa sa Ama sa Langit na ipaalam sa kanya kung bakit. Marahil ay hayagan pa niyang itinanong kung bakit kailangan pa niyang mabuhay sa mundong ito. O marahil ay natakot siya sa nakaambang kalungkutang mararanasan niya. Hindi natin alam. Ngunit alam natin na pinili ng Tagapagligtas na lisanin kaagad ang Capernaum at maaaring kinailangan Niyang maglakad sa buong magdamag upang maabutan ang prusisyon ng libing ilang sandali bago nila ilagak ang bangkay sa libingan.
Oo, nang makita Niya ang kanyang mukhang may bahid ng luha habang lumalakad siya sa likod ng prusisyon, labis na nahabag si Jesus sa babaeng ito—ngunit mukhang ang Kanyang habag ay nagmula sa nadama Niya bago pa “nangyari” na naabutan Niya ang mga nakikipaglibing. Dumating siya roon sa eksaktong sandali ng kanyang pangangailangan.
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa balo na “huwag kang tumangis” (talata 13). Walang takot sa karumihan ng ritwal, Kanyang “hinipo ang kabaong,” at “tumigil” ang prusisyon. Pagkatapos ay iniutos Niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.
“At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya’y ibinigay [ni Jesus] sa kanyang ina” (mga talata 14–15). Mangyari pa, nagulat ang grupo ng mga taganayon at mga alagad ni Jesus at nauwi sa dalisay na kagalakan ang kanilang pagdadalamhati. “Niluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta” (talata 16). Ngunit ang himalang ito ay tungkol din sa pagsagip sa isang desperadong kaluluwa. Batid ni Jesus na may malaking problema ang babaeng ito—isang hamak na taong itinuturing na hindi mahalaga sa kanilang kultura. Ang sitwasyon niya ay nangailangan ng Kanyang agarang pansin, kahit kinailangan pa Niyang maglakbay nang malayo upang makarating doon sa tamang sandali. Alam Niya ang kanyang desperadong sitwasyon, at pumaroon Siya kaagad. Hindi maikakailang totoo ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) nang sabihin niyang, “Balang araw, kapag pinag-isipan nating muli ang mga pangyayaring tila nagkataon lamang sa ating buhay, matatanto natin na marahil ay talagang hindi lamang nagkataon ang mga ito.”7
Ngayon, nagpapasigla man ang pangyayaring ito, kailangang maging higit pa ito sa isang nakakatuwang kuwento sa Biblia para sa atin. Tinitiyak nito nang walang pag-aalinlangan na alam ni Jesus ang tungkol sa balong ito na maralita, kinalimutan, at dukha. Lalo na kapag pakiramdam natin ay kinalimutan o kinaligtaan na tayo o wala na tayong halaga, kailangan nating tandaan: Pinuntahan ni Jesus ang balo sa oras ng kanyang desperadong pangangailangan, at pupuntahan din Niya tayo. Dagdag pa rito, ang pangalawang aral na matututuhan natin mula sa halimbawa ng ating Tagapagligtas ay ang kahalagahan ng pagtulong na mapagpala ang iba sa paligid ninyo. Marami sa inyong mga kakilala ang panghihinaan ng loob paminsan-minsan. Kung maikukuwento ninyo sa kanila ang tungkol kay “Sister Nain” at kung paano nalaman nang husto ng Panginoon ang kanyang panghihina ng loob at malaking personal na krisis, makagagawa ito ng malaking pagbabago. Alalahanin ang matinding obserbasyon ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.”8
Sa lahat ng himala ni Jesus noong nabubuhay Siya sa lupa, para sa akin, kakaunti lamang ang may katumbas na pagmamahal at habag na tulad ng sa Kanyang paglilingkod sa balo ng Nain. Ipinaaalala nito sa atin na mahalaga tayo sa Kanya at na hinding-hindi Niya tayo kalilimutan. Hindi natin maaaring kalimutan iyon.