2019
Paghanap ng Kapayapaan para sa Iyong Sarili at sa Iba sa Magugulong Panahon
Abril 2019


Paghanap ng Kapayapaan para sa Iyong Sarili at sa Iba sa Magugulong Panahon

Narito ang walong paraan para tulungan ang iyong sarili at ang iba na madama ang kapayapaan kapag naging mahirap ang buhay.

hands letting birds go

Background at paglalarawan mula sa Getty Images

Kung minsan ang buhay ay napakagulo at nakakalito. Maaaring nag-aalala ka tungkol sa mga problema sa pamilya, problema sa kalusugan, suliranin sa eskwela, o alinman sa nakapag-aalalang pangyayari sa mundo ngayon. Paano natin mahahanap ang personal na kapayapaan sa magulo na mundo? Nagmumula man ang iyong kawalan ng kapayapaan sa mga pangyayari na hindi mo kayang kontrolin o mula sa mga bagay na maaari mong maimpluwensiyahan o mabago, narito ang ilang mga ideya para tulungan kang makahanap ng pansariling kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

4 Paraan para Makahanap ng Kapayapaan para sa Iyong Sarili

  1. Magtuon sa walang hanggan

    Mahirap makadama ng kapayapaan kung nakatuon ka lamang sa mga panandaliang alalahanin. Ngunit kapag nagtuon ka sa mas malawak na pananaw, ang plano ng kaligayahan ng Diyos, makahahanap ka ng kapayapaan sa kaalaman na ang mga pasakit ngayon ay hindi magtatagal magpakailanman. Halimbawa, ang templo ay tumutulong sa atin na magtuon sa walang hanggan. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na sa templo ay “malalaman ninyo ang kapayapaan na hindi ninyo matatagpuan kahit saan man.”1

  2. Hayaan ang mga bagay na hindi mo makokontrol

    Kapag may isang bagay na hindi mo makontrol na tinanggal ang kapayapaan mo, madaling mawalan ng pag-asa o magalit. Ngunit hindi nakatutulong na magtuon sa mga bagay na hindi mo mababago. Sa halip, lumapit sa Tagapagligtas para makahanap ng kapayapaan ng kalooban kahit na tila hindi makatarungan ang buhay. Ipinangako Niya na ipadadala sa iyo ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo (tingnan sa Juan 14:26–27).

  3. Magpatawad sa iba

    Kadalasan, ang pinakamahirap na gawin ay pakawalan ang mga masasamang bagay na nararamdaman mo kapag may nagawang mali ang isang tao sa iyo. Pero itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Matatanggap natin ang kagalakan ng pagpapatawad sa ating sariling buhay kapag handa tayong ipadama ang kagalakang iyon sa iba. … Bunga nito, pupuspusin ng Espiritu ng Panginoon ang ating mga kaluluwa ng kagalakan na may kasamang katahimikan ng budhi (tingnan sa Mosias 4:2–3).”2 Ang pagbaling sa Tagapagligtas ay makatutulong sa iyo na maging malaya mula sa emosyonal na pasanin at mapuspos ng kapayapaan.

  4. Magsisi at umasa kay Cristo

    Ano man ang nangyayari sa iyong buhay, ang pagbuhat sa bigat ng kasalanan ay tatanggalin ang kapayapaan mo. Kung minsan, kailangan natin ang bishop para tulungan tayo na lubusang magsisi. Ngunit kailangan nating lahat na regular na magsisi at, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging malinis mula sa lahat ng humahadlang sa atin na maging mas katulad Niya.

4 Paraan para Tulungan ang Iba na Makahanap ng Kapayapaan

  1. Ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo

    Kung tayo ay nakahahanap ng kapayapaan para sa ating sarili sa pamamagitan ng pagtuon sa Tagapagligtas, maituturo natin ang iba tungo sa Kanya bilang “tagapagtatag ng kapayapaan” (Mosias 15:18). Halimbawa, subukang ibahagi ang isang talata mula sa banal na kasulatan o isang sipi mula sa pangkalahatang kumperensiya na nakatulong sa iyo na mas matutuhan ang tungkol kay Jesucristo.

  2. Maging tagapamayapa

    Tulungan ang iyong mga kaibigan o kapatid na ayusin ang mga di-pagkakasundo. Tulad ng mga Anti-Nephi-Lehi sa aklat ni Alma, maaari nating ibaon ang ating mga sandata sa digmaan—tulad ng sandata ng pagtsismis, pagnanais na maghiganti, o ng pagiging makasarili—at ipagpalit ang mga ito sa mga instrumento ng kapayapaan: pagsasalita nang mabuti, pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at pagpapatawad sa iba (tingnan sa Alma 24:19).

  3. Maging mabuting tagapakinig

    Kung minsan ang mga tao na naghihirap ay nangangailangan na hayagang makapagsalita tungkol sa kanilang mga iniisip at nararamdaman sa halip na kimkimin ang mga ito. Hindi natin kailangang lutasin ang mga suliranin para sa kanila, pero maaari tayong makinig lamang sa kanilang mga alalahanin at magbigay ng suporta para ipakita ang pagmamahal at pag-unawa na katulad ng kay Cristo.

  4. Maglingkod sa mga taong nasa iyong ward o komunidad

    Maaari kang magboluntaryo kung saan kinukupkop ang mga walang tirahan, o magdala ng mga makakain sa mga bagong pamilya sa komunidad ninyo. Tulungan ang mga tao na makahanap ng kapayapaan sa maliliit na bagay. Malaki ang magagawa ng pagkakaroon ng hindi pabagu-bagong lugar na makakainan at matutulugan, isang maaasahang guro, o maliit na katiyakang may isang taong nag-aalala sa iyo.

Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito ng kapanatagan para sa lahat ng mga nahihirapang makahanap ng kapayapaan: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). Kung ilalapit natin ang ating mga sarili at ang iba kay Jesucristo, makahahanap tayo ng kapayapaan kahit na maging mahirap man ang buhay.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, sa “Magalak sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Dis. 2002, 33.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 101.