May Natututuhan Ka Bang Bago Araw-araw?
Ang artikulong ito ay unang inilathala sa Self-Reliance Services Blog.
Ang pagpapalawak ng utak mo sa pagkatuto ng mga bagong bagay ay makabubuti sa kalusugan ng iyong isipan.
Kapag nag-iba ka ng routine at natuto ka ng bagong bagay, para iyang paggamit ng isang kalamnan na matagal mo nang hindi nagagamit. Kahit maaaring mahirap sa una, kapag nasanay kang matuto ng bago araw-araw, magiging mas mahusay ka roon, aakma ang utak mo sa araw-araw na hamon, mas magtitiwala ka sa sarili mo sa bawat tagumpay, at, higit sa lahat, magiging masaya ang pagkatuto!
Ang natututuhan mo ay hindi kasinghalaga ng pagkatuto mismo. At dahil sa mga laptop at cell phone at lahat ng impormasyon na abot-kamay mo, napakadali na nito. Mayroon pang apps na nagpapadala sa iyo ng “mga bagong bagay na matututuhan” bawat araw.
At hindi mo na kailangang gumawa ng detalyadong Google search o magbasa ng mahahabang artikulo sa Wikipedia. Ang pagpapaandar ng utak mo papunta sa bagong direksyon araw-araw ay maaaring maging kasingsimple ng pagbabasa ng aklat, pagsasaulo ng maikling tula, o pag-aaral ng bagong putahe. O maaari kang gumawa ng isang bagay na pangmatagalan: matutong tumugtog ng isang instrumento, pag-aralan nang husto ang isang bagong isport o ehersisyo, o maglakbay sa mga bagong lugar at kausapin ang mga tagaroon.
Kaya narito ang ilang pakinabang ng pagtulak sa sarili mo na matuto ng mga bagong bagay:
-
Nalalabanan nito ang pagkabagot.
-
Nagiging mas nakalilibang ka kaya mas masaya kang kausap.
-
Nagkakaroon ka ng mga bagong kaibigan (dahil sa ika-2 punto sa itaas).
-
Natututo kang pamahalaan ang paggamit ng oras mo.
-
Nagpapakita ka ng mabuting halimbawa sa mga anak mo—makikita nila kung gaano kasaya ang matuto at sumubok ng mga bagong bagay.
Narito tayong lahat sa lupa para personal na lumago. Kapag natutuhan natin kung paano matuto, mag-iibayo ang bilis ng ating paglago. Madaragdagan nito ang kahustuhan ng ating isipan, ang ating kakayahang magtuon sa mga gawain, at ang pasensya natin sa iba.
Walang katapusan ang mga dahilan para matuto ng bagong bagay araw-araw. Ang isang magandang dahilan ay nagmumula kay Alex Blackwell, na nagsabi na ang pagkatuto ng isang bagong bagay araw-araw ay “makakatulong para makita mo ang halaga ng mga bagay-bagay sa paligid mo. Kung minsa’y kaunting pananaw lang ang kailangan natin para magkaroon ng malaking pasasalamat at pagpapahalaga sa mga bagay na nasa paligid natin” (“The Benefits of Trying New Things,” Everyday Inspiration, Beliefnet, Mar. 2014).
Pagsisimula talaga ang mahirap, kaya narito ang isang lihim na paraan para makapagsimula: Itanong sa isang apat-na-taong-gulang kung ano ang nakikita niya. Seryoso, itanong mo lang. Maaari siyang tumingin sa iyo, tumingin sa paligid, tumingala sa langit o sa lupa. I-google ang anumang sinasabi ng mausisang bata na nakikita niya. Alamin ang lahat ng kaya mong alamin tungkol sa bagay na iyon. Halimbawa, kung binanggit ng bata ang mga dahon ng isang puno, alamin kung anong klaseng puno iyon, gaano kataas iyon lumalaki, at saan iyon nagmula. Matutuwa kang maniktik sa paligid, at mamahalin ka ng utak mo dahil doon.
Ngayon gamitin mo ang tuntuning iyon sa espirituwal na buhay mo. Kapag nagbasa ka ng mga banal na kasulatan, tumigil ka sandali at itanong mo sa sarili, “Ano ba talaga ang ibig sabihin nito?” Sundan ang mga cross-reference. Pagnilayan ang kahulugan. Ipagdasal na makaunawa. Kapag tumigil tayo sandali at pinayapa natin ang ating isipan, saka tayo tuturuan ng Espiritu, karaniwa’y sa maliliit na paraan, taludtod sa taludtod.
Habang parehong lumalago ang iyong isipan at espiritu araw-araw, makikita mo na mas masaya ka at mas produktibo.