Banal na Patnubay sa Pagkadisipulo
Mula sa mensahe na “God Will Use You, God Will Bless You,” na ibinigay sa debosyonal sa Brigham Young University noong Nobyembre 3, 2015.
Kung sisikapin ninyong maging tunay na mga disipulo ng ating minamahal na Tagapagligtas, papatnubayan ng Panginoong Diyos ng langit ang inyong mga landas.
Nais kong itanong sa inyo ang dalawang bagay na ako mismo ay ginusto kong masagot noong bata pa ako.
Una, kung ilalaan ninyo ang inyong buhay sa paglilingkod sa Diyos, papatnubayan ba Niya ang inyong mga ginagawa at gagamitin kayo para sa Kanyang matwid na mga layunin? Pangalawa, kung pipiliin ninyong sundin ang Tagapagligtas at lalakad sa landas ng pagkadisipulo, kayo ba ay babantayan, gagabayan, pagpapalain, at pupuspusin ng Panginoon ng isang diwa ng kagalakan at tagumpay habang ginagamit Niya kayo para sa Kanyang mga layunin?
Mahal kong mga kapatid, kung ibibigay ninyo ang inyong puso sa Tagapagligtas at magsisikap na lumakad nang may pananampalataya at habag sa landas na ipinatatahak Niya sa inyo, alam ko na gagamitin kayo ng Panginoon sa mga paraang hindi ninyo aakalain ngayon.
“Pero hindi naman ako espesyal,” ang sasabihin ninyo. “Karaniwang tao lang ako sa lahat ng bagay. Hindi ako gaanong ismarte, mahusay magsalita, maayos manamit, o kahit mabait. Paano ako gagamitin ng Diyos?”
Noon pa man, tinulungan na ng Ama sa Langit ang mga ordinaryong tao at ginamit sila para sa Kanyang mga layunin. Si Apostol Pablo ay sumulat sa inyo ngayon, tulad ng ginawa niya sa mga taga Corinto noon:
“Pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;
“At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:
“Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios” (I Mga Taga Corinto 1:27–29).
Nang panahon na para ipanumbalik ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan sa lupa, bakit kaya pinili Niya ang isang mapagpakumbabang batang lalaki na hindi gaanong nakapag-aral?
Bakit kaya sinabi ng Diyos kay Gedeon, na isang magsasaka, na pauwiin ang mga tao hanggang sa 300 kalalakihan na lamang ang matira para kalabanin ang napakaraming kaaway? (tingnan sa Mga Hukom 7:1–25).
Bakit kaya pinili ng ating Tagapagligtas ang isang mangingisda na maging Kanyang punong Apostol at pamunuan ang Simbahan pagkatapos Niyang pumanaw? (tingnan sa Mateo 16:18).
Una, dahil “hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka’t ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).
Pangalawa, dahil nagagamit ng Diyos ang pinakakaraniwang bagay tulad ng luwad at nakalilikha mula rito ng isang obra maestra. Tunay ngang “kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?” (Mga Taga Roma 8:31).
Pangatlo, pinipili ng Diyos ang mahihina upang walang sinuman ang magyabang at magsabing, “Nagawa ko ito dahil sa sarili kong kakayahan.”
Nang isama ni Pedro, na isang mapagpakumbabang mangingisda, ang isang maliit na grupo ng mga mananampalataya at pagkatapos ay pinamunuan sila at naging isang dakilang Simbahan, ang mga tao ay nagpuri at nagpasalamat sa Diyos.
Nang madaig ng 300 katao ang isang hukbo na may libu-libong kawal, nagpuri ang mga tao sa Diyos.
Nang iwanan ng isang batang lalaki ang araro at isinalin ang teksto na pinakainspirado at nagpapabago ng buhay tulad ng Biblia, hindi niluwalhati ng mga tao ang katalinuhan ng tao kundi ang kapangyarihan ng Diyos.
Hindi kailangan ng Ama sa Langit na kayo ay maging makapangyarihan, matalino, o mahusay magsalita. Ang kailangan Niya ay ibaling natin ang ating puso sa Kanya at sikaping sundin Siya sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya at pagtulong nang may habag sa mga taong nasa paligid ninyo.
Mga Ministering o Paglilingkod ng Banal na Espiritu
Ang pangalawang bagay na nais kong itimo sa inyo ay kung susundin ninyo ang Diyos sa katotohanan at nang may buong katatagan, pagpapalain Niya kayo sa mga paraang hindi ninyo kayang maunawaan.
Noong 2006, ipinasiya ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) at ng Unang Panguluhan na dapat magkaroon ng templo sa San Salvador, El Salvador. Pinuntahan namin ang ilang lote o lugar, kabilang ang isang lugar na nasa gitnang bahagi ng lungsod. Nang puntahan namin ang bawat lote o lugar, tila walang angkop.
Sa huli, dumaan kami sa isang umuunlad na lugar sa kanlurang bahagi ng lungsod. Nadama ko ang isang bagay sa lugar na iyon at naglakad-lakad nang ilang kanto. Isang lote na naliligiran ng pader ang napansin ko. Kinontak ko ang mga may-ari at nalaman ko na hindi ipinagbibili ang lote na iyon, kaya umuwi na ako.
Ngunit sinabi ng propeta na isang templo ang itatayo sa San Salvador, kaya bumalik ako para maghanap pa sa ibang lugar. Natagpuan kong muli ang aking sarili sa lote na napaliligiran ng pader, at kinontak kong muli ang may-ari. Sinabi nilang muli na hindi ipinagbibili ang lote.
Umuwi ako pero nadama ko pa rin na doon dapat itayo ang templo. Kinontak ko ang pamilya at hiniling kung maaari silang makipagkita man lang sa akin. Pumayag sila. Muli akong nagpunta sa San Salvador, kasama si Robert Fox, isang kaibigan at empleyado sa real estate division ng Simbahan. Nang umagang iyon lumuhod kami sa aking silid at nanalangin bago simulan ang araw at hiniling ang tulong ng Panginoon.
Nang pumasok kami sa tarangkahan patungo sa kanilang tahanan, para bang pumapasok ka sa isang sagradong halamanan. Mayroong mga puno at mga bulaklak, at ang ingay mula sa labas ng tarangkahan ay hindi marinig sa loob. Naghihintay sa amin si Mr. Miguel Dueñas, ang kanyang kapatid, at dalawa sa mga anak na lalaki ni Miguel. Binati nila kami at sinamahan papasok sa kanilang ancestral home—na malaki at maluwang.
Sinabi namin sa kanila na naroon kami sa atas ng pangulo ng aming Simbahan at nais niyang pagpalain ang bansa at mga miyembro ng Simbahan sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang templo roon. Ipinakita ko ang mga larawan ng iba pang mga templo. Sinabi ko na nadama namin na ang kanilang lote, na kanilang ancestral home, ang angkop na lugar.
Hindi na nakapagtataka nang muli silang tumanggi, pero kailangan naming subukang kumbinsihin sila. Kaya sa loob ng halos isang oras sinubukan namin ang lahat ng paraan para makumbinsi sila, tulad ng agarang pagbili, palitan ng lote, at iba pang mga opsiyon na maisip namin. Ngunit matibay ang pasiya nila at hindi ang sagot sa lahat ng alok namin.
Ginawa na namin ang lahat ng makakaya namin. Naghanda kami. Ginawa na namin ang pinakamainam na paraan na alam namin. Ngunit hindi ito sumapat.
Kaagad nanalangin ang puso ko: “Ama, tulungan po ninyo kami na malaman kung ano ang sasabihin o gagawin namin.”
Sa huli ay naging malinaw sa amin na nabigo kami sa aming pakay. Tila wala nang magpapabago sa kanilang pasiya. Ngunit nang papaalis na kami, mayroong nangyari. Ang Espiritu ng Panginoon ay pumasok sa silid. Damang-dama ito. Naramdaman ito ng lahat ng naroon sa silid. Isa ito sa pinakamatinding espirituwal na karanasan na nadama ko.
Si Miguel Dueñas, na hindi miyembro ng Simbahan, ay napaiyak. Bumaling si Mr. Dueñas sa kanyang kapatid at sinabing, “Kung hindi natin maaaring ipagbili ang ating ancestral home, hindi ba natin maaaring ipagbili ang pinakamagandang lote natin sa kabilang kalye?”
Pumayag ang kanyang kapatid. Pagkatapos ay pinag-usapan na namin ang isa pa nilang lote. Pag-aari nila ang ilang daang ektarya ng lupa sa kabilang kalsada mula sa kanilang ancestral home, na ang gitna ng ari-arian ay bahagyang nakausli kaya bawat sasakyang dumaraan sa kalsada ay makikita ang templo.
Iyon ang lote na inialok nila para sa templo ng Panginoon. Talagang isang himala iyon. Mula sa sandaling iyon, ang mga pagpapala ng Panginoon ay tumulong sa proseso ng pagtatayo ng templo. Noong Agosto 21, 2011, inilaan ni Pangulong Henry B. Eyring, na noon ay Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang templo sa paglilingkod sa Panginoon.
Pinatototohanan ko na ang isang magandang templo na makikita sa mga burol ng San Salvador ay hindi resulta ng anumang sinabi o ginawa namin ni Brother Fox. Nakatayo ito roon ngayon dahil sa makapangyarihang paglilingkod ng Banal na Espiritu ng ating Makapangyarihang Diyos.
Ang Ating Maawaing Ama sa Langit
Kung isinugo ng Panginoon ang Kanyang Espiritu at nagbigay-daan sa isang lugar para pagtayuan ng templo, hindi ba ninyo naiisip na isusugo Niya ang Kanyang Espiritu at ihahanda ang inyong puso at papatnubayan ang inyong mga ginagawa?
Kayo ay higit na mahalaga kaysa sa isang lote. Kayo ay minamahal na anak ng inyong Walang Hanggang Ama. Kayo ay mga anak ng Diyos ng sansinukob!
Hindi ba ninyo inaakala na nagmamalasakit Siya sa inyo? Hindi ba ninyo inaakala na gagamitin at pagpapalain Niya kayo sa mga paraang higit na maluwalhati kaysa posibleng iniisip ninyo?
Sinasabi ng mga banal na kasulatan sa atin na kung “[magtitiwala tayo] sa Panginoon ng buong puso [natin], at [hindi tayo mananalig] sa [ating] sariling kaunawaan,” kung sa lahat ng ating lakad ay ating “[ki]kilalanin siya, … kaniyang ituturo ang [ating] mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).
Mahusay na naibuod ni Haring Benjamin ang mensahe na nais kong iwan sa inyo. Sinabi niya: “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).
Itinataas ko ang aking tinig sa pagbibigay-papuri at pagpapatotoo sa katotohanang ito. Nagpapatotoo ako na nakita ko ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos na pault-ulit na natupad sa sarili kong buhay at sa buhay ng maraming tao.
Ipinapangako ko na kung ibabaling ninyo ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit, kung pagsisikapan ninyo bawat araw na mahalin at sundin nang mas lubos si Jesucristo, kung may pagkahabag at kabaitan na tutulong kayo na mapagaan ang mga pasanin at maitaas ang mga kamay ng mga yaong nahihirapan na nasa palagid ninyo, kung sisikapin ninyong maging tunay na mga disipulo ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Diyos ng langit, ay papatnubayan ang inyong mga landas. Gagamitin Niya kayo para sa Kanyang dakilang mga layunin. Pagpapalain Niya kayo sa mga paraang hindi ninyo aakalain.