Ang mga Pangangailangan ng Navy—at ng Aming Pamilya
Ang awtor ay naninirahan sa Virginia, USA.
Akala namin perpekto na ang plano namin kung kailan kami magkakaanak, pero nagbago ang mga bagay-bagay na hindi namin napigilan.
Ang pagpaplano ng pamilya ay malamang na hindi madali para sa halos lahat ng mag-asawa. Palaging libu-libong bagay ang isasaalang-alang at milyun-milyon ang nangyayari sa buhay. Kahit iniisip ninyo na maganda ang plano ninyo, maaaring dumating ang isang maliit na bagay at mabigo ang lahat.
Nasa militar ang pamilya namin! Nasa U.S. Navy ako, at lahat ng ginagawa namin ay batay sa “mga pangangailangan ng Navy.” Nagpupunta kami kung saan kami papuntahin ng Navy kapag sinabi nilang pumunta kami roon. Mga dalawang taon na ang nakararaan, isinilang ang panganay naming anak na babae ni Shanna na si Isabelle. Kahit malaking pagbabago iyon, dahil nasa flight school pa ako, medyo matatag pa ang buhay namin. Mga isang taon matapos isilang si Isabelle, nadama namin na panahon na para sumubok na magkaroon ng isa pang anak. Malapit na akong magtapos sa flight school at matatalaga ako sa una kong squadron.
Pagkatapos ay nalaman namin na ipadadala ako kaagad sa giyera nang mga pitong buwan. Kaya nakabuo kami ng perpektong plano. Pupunta ako sa giyera at pagkatapos ay susubukan naming mabuntis siya ulit pagbalik na pagbalik ko. Magkakaroon ng pagitan ang mga anak namin na siyang gusto namin, at napakalaki ng tsansa na hindi ako aalis kaagad. Ipinagdasal namin iyon at nadama namin na ito ang direksyong dapat naming tahakin.
Isang Lunes ng umaga nalaman ko na nagbago na ang “mga pangangailangan ng Navy” at mapupunta ako sa ibang squadron, na halos palaging naglalakbay nang mga isang taon at pagkatapos ay ipadadala sa giyera nang pitong buwan pa pagkatapos niyon. Biglang nagbago ang mga plano namin, at hindi namin alam kung ano ang gagawin. Inakala pa rin ni Shanna na ang plano namin ang pinakamainam para sa amin, pero panay ang sabi ko sa kanya na hindi puwede iyon sa iskedyul ko. Kailangan naming maghintay hanggang makauwi ako mula sa giyera, at mas malaki ang magiging pagitan ng mga anak namin kaysa gusto namin.
Mabuti na lang at nagtiwala si Shanna na magiging maayos ang lahat kung mananampalataya lang kami nang kaunti. Sinabi ko sa kanya na ayos lang sa akin iyon, pero tiniyak ko na alam niya na kung ipasiya naming mabuntis siya ayon sa plano, ipadadala ako kaagad sa giyera pagkatapos, at kailangan niyang manganak nang wala ako. Hindi lang iyon, kundi wala ako rito sa oras na iyon para alagaan si Isabelle. Alam kong matapang ang asawa ko, pero wala akong ideya kung gaano siya katapang.
Nagpasiya kaming ituloy ang aming plano, at pinalad kaming mabuntis siya kaagad. Nawala ako nang hindi kukulangin sa anim na buwan ng pagbubuntis ni Shanna. Noong pitong buwan na siyang buntis, ipinadala ako sa giyera, na hindi umaasang makabalik hanggang lima o anim na buwan na ang sanggol.
Isang araw na malapit nang manganak si Shanna, nakaiskedyul akong sumakay sa eroplano nang madaling-araw pero nakansela iyon, kaya bumalik ako sa higaan. Pagkaraan ng ilang oras, pinagreport ako kaagad ng commanding officer (CO) ko sa opisina niya. Pagdating ko roon, ipinakita niya sa akin ang isang email mula kay Shanna na nagsasabing manganganak na siya at pupunta na sa ospital. Mabuti na lang at naisipang mag-email ni Shanna sa aming dalawa dahil mas mabilis niyang nakukuha ang mga email kaysa sa akin. Ipinagamit sa akin ng opisyal ang cell phone niya, at natawagan ko si Shanna habang nanganganak siya, na naging mas mabilis at mas madali kaysa kay Isabelle. Nagawa iyon si Shanna na parang kampeon, nag-iisa at walang-takot sa delivery room. Isinilang si Alexis nang walang anumang problema. Kung hindi nakansela ang paglipad ko o hindi nag-email si Shanna sa CO ko, wala sana ako roon at hindi ko sana narinig ang mga unang iyak ni Alexis.
Hindi nagtagal nalaman namin na makakauwi ako nang ilang linggo para magbakasyon. Tuwang-tuwa kami pareho na makikita ko na si Alexis nang mas maaga kaysa inaasahan namin. Hindi kapani-paniwala na pababa na ako ng eroplano at makikita ko na lumaki na ang pamilya ko.
Pareho kaming natuto ni Shanna ng napakahalagang aral tungkol sa pananampalataya at pagpapaubaya ng mga bagay-bagay sa mga kamay ng Panginoon. Nakabuo kami ng isang plano na nadama namin na pinakamainam para sa aming pamilya at sitwasyon. Nagbago ang mga bagay-bagay na hindi namin napigilan, pero itinuro sa akin ni Shanna na kung madama namin ang pagpapatibay ng Espiritu Santo na tama ang isang plano, paninindigan namin iyon. Ang kailangan lang naming gawin ay bumuo ng isang plano na kasama ang Panginoon at manampalataya nang kaunti. Hindi iyon katulad mismo ng inasahan namin, pero nangyari iyon dahil nagbigay ng maraming “magiliw na awa” ang Panginoon habang daan (tingnan sa 1 Nephi 1:20).