2019
Ang Ating Walang-Hanggang Identidad Bilang mga Magulang
Hunyo 2019


Ang Ating Walang-Hanggang Identidad Bilang mga Magulang

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ayon sa karaniwan at makamundong mga pamantayan, hindi ako isang ina, pero alam ng Diyos—at alam ko—ang aking walang-hanggang identidad.

Kung minsan iniisip ko kung magiging ina ba ako sa buhay na ito o kung kailangan kong hintaying matupad ang ipinangakong mga pagpapala ng Diyos sa kabilang-buhay. Sana masabi ko na hindi ako nagreklamo kailanman tungkol sa pananatiling dalaga. Pero sa totoo lang, may mga araw na mahirap talaga. Nalulungkot ako. Pinanghihinaan ako ng loob.

Pero hindi lang iyan, sa totoo lang, may mga araw na napakaganda talaga. May mga araw na nakadarama ako ng lubos na kapayapaan tungkol sa direksyong pinupuntahan ko at nasisiyahan ako sa lahat ng natututuhan ko. Sa isa sa magagandang araw na iyon na hindi pa natatagalan, naisip ko: “Bakit napakasuwerte ko? Bakit ko nararanasan ang lahat ng magagandang karanasang ito?”

Nakita ko ang sagot sa Aklat ni Mormon: “Ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito, na mga banal, na pinanatili niyang banal, at kanya ring iingatan at pangangalagaan para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi” (Alma 37:14; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kahit isinulat ang talatang iyon tungkol sa mga laminang tanso, may naituro sa akin ang mga salitang iyon na hindi ko naisip noon. Ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang mga karanasang ito para mapagpala ko ang darating na mga henerasyon. Para matulungan ko ang magiging mga anak ko, at lahat ng anak ng Diyos, na makilala Siya.

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “anuman ang inyong personal na kalagayan, kayo ay bahagi—mahalagang bahagi—ng pamilya ng Diyos at ng sarili ninyong pamilya, sa hinaharap man, sa mundong ito, o sa daigdig ng mga espiritu. Ang responsibilidad ninyo sa Diyos ay arugain ang marami sa Kanya at sa inyong mga kapamilya hangga’t kaya ninyo nang may pagmamahal at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”1

Pagpapasiyang Maghanda

May mga araw na gustung-gusto kong makasama ang aking makakatuwang sa kawalang-hanggan at mga anak ko. Parang alam ng isang bahagi ko na hindi ko pa nakikilala ang ilan sa pinakamahahalagang tao sa buhay ko, at sana maibigay ko sa kanila ang aking pagmamahal.

Pero ang totoo, kahit wala sila rito, at kahit parang malayong mangyari ang pangarap na iyon, makakapagpasiya ako ngayon para sa kapakanan nila.

May ikinuwento rin si Pangulong Eyring tungkol sa panahon na bishop pa siya at nagpunta sa opisina niya ang isang binata. Nakagawa ng malalaking pagkakamali ang binatang ito, pero gusto niyang magbago. Gusto niyang mabuklod ang kanyang magiging mga anak sa isang ama na maaaring gumamit ng kanyang priesthood. Handa siyang magpakahirap sa proseso ng pagsisisi para maibigay ang kaloob na iyon sa kanyang mga anak.

Sinabi ni Pangulong Eyring na, “nadama [ng lalaking ito] ang mga pangangailangan ng mga anak na pinangarap niya, at nagbigay siya nang maaga at kusa. Tinalikuran niya ang kanyang kapalaluan at katamaran at pagiging manhid. Natitiyak ko na parang hindi ito sakripisyo ngayon.”2

Ang Aking Identidad: Isang Ina

Nakita ko kamakailan ang isang larawan ng nanay ko noong bata pa siya. Napaka-cute niya sa kulot na buhok niya at munting damit na kulay-asul. Pero kapag tinitingnan ko ang larawang iyon, ang nakikita ko lang ay mukha ng nanay ko sa katawan ng isang batang babae. Alam ko na parang hindi iyon ganoon nang kunan ang larawan—pero noon pa ma’y siya na ang nanay ko.

Napaisip ako tungkol sa lahat ng kaloob na inihanda niya para sa akin bago pa ako isinilang. Naisip ko kung paano siya natutong bumuo ng isang magandang tahanan. Naisip ko kung paano siya nagsikap na mag-aral para maging nars, at paano niya pinag-aralan ang ebanghelyo para magkaroon ng sarili niyang patotoo. Naisip ko kung paano niya pinili na mapagpakumbabang isakripisyo ang lahat para alagaan ako at ang aming pamilya.

Pagkatapos ay napagtanto ko: Sa magiging mga anak ko, ako’y isang ina. At sa paningin ng Diyos, ang aking walang-hanggang identidad ay sa isang ina.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na “bawat babae ay isang ina dahil sa kanyang walang-hanggan at banal na tadhana.”3 Bawat babae ay isang ina, at bawat lalaki ay isang ama, may mga anak man kayo o wala. Ang ating mga inapo ay maaaring dumating sa buhay na ito o sa kabilang-buhay, pero hindi niyan binabago ang ating walang-hanggang identidad bilang mga magulang.

Ang Regalo Ko sa Darating na mga Henerasyon

Ngayon mismo, mahirap isipin. May mga araw na pakiramdam ko’y nag-iisa ako. May mga araw na nag-aalala ako kung talagang natutupad ko ang aking layunin o nakakagawa ako ng kaibhan para sa sinuman.

Ngunit maipapasiya ko ngayon mismo na maging mabuting impluwensya sa mga tao sa buhay ko. May mga batang maaari kong alagaan at turuan. May mga paraan na magagamit ko ang aking mga karanasan para mapagpala ang iba. At balang-araw, siguro titingnan ulit ng mga anak ko ang isang larawan ko at hindi nila maiisip na hindi ako ang kanilang magiging ina.

Mga Tala

  1. Henry B. Eyring, “Ang Kababaihan at ang Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2018, 59.

  2. Henry B. Eyring, “Gifts of Love” (debosyonal sa Brigham Young University, Dis. 16, 1980), 5–6, speeches.byu.edu.

  3. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68.