2019
Paghahanap ng Kagalakan sa Pamamagitan ni Cristo sa Kabila ng Pag-uwi nang Maaga mula sa Aking Misyon
Hulyo 2019


Paghahanap ng Kagalakan sa Pamamagitan ni Cristo sa Kabila ng Pag-uwi nang Maaga mula sa Aking Misyon

Noong umuwi ako nang maaga mula sa aking misyon, inakala kong hindi na ako makakahanap ng kagalakan kailanman. Ngunit nagawa ko. At magagawa mo rin.

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Mahirap ang pagpunta sa isang misyon. Gayunman, kasinghirap nito ang pag-uwi mula sa isang misyon, lalo na kung mas maaga kang umuwi kaysa sa nakaplano. Nag-aalala ka tungkol sa kung ano ang sasabihin ng iba o kung paano sila kikilos sa paligid mo. Sila ba ay magiging mapanghusga? Madidismaya? Maaasiwa? Nag-aalala ka na baka maramdaman mo na tila hindi naging sapat ang iyong kakayahan o lakas. Iniisip mo kung may mali ba sa iyo o kung mali ba ang naging desisyon mo na pumunta sa misyon. Nag-alala ako tungkol sa lahat ng mga bagay na ito.

Noong nagdesisyon akong maglingkod ng isang misyon, sabik na sabik ako. Alam kong iyon ang nais ipagawa sa akin ng Panginoon. Ang sumunod na ilang buwan ay ilan sa mga pinakamamasayang bahagi ng aking buhay, at matapos ang masayang karanasan sa missionary training center, inakala kong magiging ganoon din kasaya ang nalalabing bahagi ng aking misyon sa Argentina. Ngunit hindi iyon naging masaya.

Nakibaka ako sa pagkabalisa, takot, at kawalan ng pag-asa sa aking misyon—mga bagay na hindi ko pa nararanasan noon, o marahil hindi sa paraang kasing-tindi ng naranasan ko noong panahong iyon. Sinubukan na ng aking mission president ang lahat ng bagay para matulungan ako. Kalaunan, nagdesisyon akong umuwi. Madali lang gawin ang desisyong ito noong sandaling iyon, ngunit pag-uwi ko, nagsimula akong magkaroon ng mga tanong na tulad ng binanggit ko kanina.

Gayunman, natutuhan ko na sa paglipas ng panahon, nagdudulot ang Tagapagligtas kapwa ng paggaling at pag-unawa kung taos-puso mong hahangarin ang mga ito. Matatag kong pinaniniwalaan na mayroong aral na matututuhan sa lahat ng mga karanasan sa buhay, mabuti man ito o masama. At sa itinakdang panahon ng Panginoon, tinuruan Niya ako ng ilang mahahalagang aral na pinahahalagahan ko ngayon.

Ang pagpunta sa isang misyon ay tamang desisyon para sa akin. Ngunit sa anumang dahilan, hindi ako nakatakdang manatili doon sa loob ng 18 buwan. Mayroong ibang plano ang Diyos para sa akin. Hindi ko pa lubos na nalalaman kung saan patungo ang aking buhay, ngunit ayos lang ito sa akin. Ang alam ko ay ginagawa ko kung ano ang gusto Niyang gawin ko ngayon. Sa loob ng apat na buwang namalagi ako sa Argentina, mas lumalim ang aking patotoo at pagbabalik-loob. May nakilala akong mga kahanga-hangang tao, at sigurado akong naimpluwensyahan ko ang mga taong nais Niyang maimpluwensyahan ko. Hindi ko na pinanghihinayangan ang aking karanasan o ninanais na sana ay naging iba ito. Iyon mismo ang kinailangan ko at naging sagrado iyon para sa akin.

Kamakailan lamang, may nabasa akong mensahe ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking karanasan. Sabi niya:

“Ang buhay ng isang tao . . . ay hindi maaaring kapwa puno ng pananampalataya at walang paghihirap. . . .

“Dahil dito, paano natin maiisip na magiging madali ang buhay, na parang sinasabing, ‘Panginoon, pahingi po ng karanasan, ngunit huwag ng pighati, lungkot, pait, oposisyon, pagtataksil, at lalong huwag po Ninyo akong pabayaan. Ilayo po ninyo, Panginoon, ang lahat ng karanasang humubog sa Inyo! At hayaan akong lumapit at manahan sa Inyong piling at makabahagi sa Inyong kagalakan!’” (“Lest Ye Be Wearied and Faint in Your Minds,” Ensign, Mayo 1991, 88).

Ang Tagapagligtas ay hindi naging kung sino Siya sa kabila ng mga pagsubok na naranasan Niya. Siya ay naging kung sino Siya dahil sa mga pagsubok na iyon. Nakatulong ang mga ito na mahubog ang Kanyang perpektong katauhan, at binigyan Siya ng mga ito ng kakayahang madama ang kagalakang nadarama Niya ngayon. Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng karanasang humubog sa aking katauhan. Hindi ito ang hiniling ko; at lalong hindi ito ang ninais ko; ngunit alam ng Diyos ang aking potensyal, at nais Niyang makibahagi ako sa Kanyang kagalakan. Ang kagalakang iyon ay hindi ko lubos na mauunawaan kung hindi ko naramdaman ang pighati, lungkot, pait, at oposisyon. Ang pag-uwi nang maaga ay isa sa pinakamahihirap na bagay na naranasan ko, ngunit sa pag-unawa at tulong ng Tagapagligtas, tila maliit na kabayaran lang ito kapalit ng natanggap ko.

Kaya manampalataya. Magtiwala sa iyong Tagapagligtas. At huwag mawalan ng pag-asa! Ang buhay ay hindi kailanman mangyayari sa eksaktong paraan na pinaplano mo. Hindi ito mawawalan ng pait o paghihirap. Kundi mayroong naghihintay sa iyo na kagalakan pagkatapos ng bawat libis ng lilim. Kagalakan ang nais Niya para sa iyo simula noong umpisa pa lamang.