Anim na Hakbang sa Pagkakaroon ng Trabaho
Ang awtor ay naninirahan ngayon sa Utah, USA.
Hindi tayo makaaasa sa ating sarili sa aspetong temporal kung kailangan natin ng trabaho at wala tayo nito. Narito ang anim na hakbang para magkaroon ng trabaho.
Kailangan mo ba ng trabaho o ng mas magandang trabaho? May kilala ka bang nangangailangan nito? Ang hamon ngayon sa napakaraming tao na kailangang-kailangan ng trabaho o ng mas magandang trabaho ay hindi sila sigurado kung paano makukuha ang trabahong gusto nila. Itinatanong nila, “Magsusulat ba ako ng résumé, ilalagay ang aking sarili sa internet, o gagawin ang dalawang ito, at paano?” “Ano ang tamang paraan sa pagsagot sa mga tanong na tulad ng ‘Ano ang iyong mga kahinaan?’ at ‘Bakit ikaw ang dapat kong kunin para sa trabahong ito?’”
Ang artikulong ito ay nagbabahagi ng napatunayan nang plano na may anim na hakbang na tungkol sa dapat mong malaman at gawin pagkatapos para makuha ang trabahong ninanais mo. Ang mga hakbang na ito ay nakabatay nang bahagya sa mga resulta ng ginawa kong survey sa mga pagsasagawa ng pagkuha ng mga empleyado ng 760 employer na nagre-recruit sa Brigham Young University. Ang mga hakbang ding ito ay nabuo mula sa impormasyong natanggap ko mula sa mga eksperto sa pagkuha ng empleyado at sa mahigit 30 taong pagbibigay ng pagsasanay tungkol sa pagtatrabaho at pagre-recruit sa libu-libong tao sa mahigit 20 bansa. At sa huli, kami ng asawa ko ay naglingkod kamakailan lang bilang mga senior missionary na inatasan na ipatupad ang Self-Reliance Services sa buong Europa. Ang aming mga karanasan ang nagpatunay sa amin na kailangan ng mga naghahanap ng trabaho ang partikular na tulong na ito. Saan ka man nakatira sa mundo, anuman ang iyong mga kasanayan sa trabaho, o anuman ang posisyon sa trabaho na gusto mong makuha, ang anim na hakbang na ito ay makatutulong sa iyo.
Ang prosesong ito ng pagkuha ng trabahong gusto mo ay maaaring maganap sa loob ng ilang araw o linggo o maging ilang buwan. Pero ang mabuting balita ay epektibo ito. Ang anim na hakbang na ito ay makatutulong sa mga naghahanap ng trabaho sa lahat ng antas na kabilang sa isa sa tatlong kategorya: (1) mga naghahanap ng kanilang unang trabaho, (2) mga gustong lumipat sa ibang trabaho o gustong ma-promote sa kanilang kompanya o organisasyon sa kasalukuyan, at (3) mga nais lumipat sa isang posisyon sa ibang organisasyon.
Hakbang 1. Tukuyin ang partikular na trabaho na nais mo ngayon.
Kailangan mong tukuyin ang isang makatotohanang trabaho na magagawa mo ngayon, na akma sa iyong kasanayan, background, tagumpay, o edukasyon na nauugnay sa iyong trabaho. Kapag nakapagpasiya ka na, isulat ang pangalan ng trabaho. Kung kailangan mo ng tulong, may ilang website na naglilista ng maraming iba’t ibang pangalan ng trabaho at mga paglalarawan. Para sa unang hakbang, hindi mo kailangang humanap ng bakanteng trabaho; tukuyin lamang ang uri ng trabaho na akma sa iyong kwalipikasyon at interes.
Ang dalawa sa pinakamalalaking pagkakamaling nagagawa ng mga naghahanap ng trabaho ay ang hindi pagpapasiya kung ano ang partikular na trabahong talagang gusto nila o ang pagkuha ng posisyon na hindi sila kwalipikado. Kung hindi ka sigurado sa partikular na trabaho na dapat mong hanapin o ipagpatuloy, maaaring ang kahinatnan mo ay ang hindi magkaroon ng anumang trabaho. Ang pagsasabi ng tulad ng “Kailangan ko lang ng trabaho, kahit anong trabaho” ay hindi nakatutulong. Ang pagsasabi nito ay hindi nakapagpapabilib sa mga maaaring maging employer at nakasisira sa mga pagsisikap mo na makahanap ng trabaho. Kaya pumili ng isang partikular na trabaho na magagawa mo ngayon, at pagkatapos ay magpokus sa pagkuha ng trabahong iyon.
Hakbang 2. Maghanap ng job description ng trabahong gusto mo.
Ang ginawa kong survey sa 760 na mga employer na nagre-recruit sa Brigham Young University at ang mga taon ng aking karanasan sa trabaho sa maraming bansa ay nagpapakita na ang mga recruiter at mga manager na kumukuha ng mga empleyado ay halos madalas na isinasaalang-alang lamang ang mga kandidato para sa isang partikular na trabaho na mayroong tamang mga kasanayan, karanasan, tagumpay, o edukasyon na nauugnay sa trabahong iyon. Higit na totoo ito para sa mga middle at upper-level na posisyon. Sa maingat na pagsasaalang-alang nila sa mga kandidato, ang mga recruiter na ito ay gumagamit ng outline o listahan na tinatawag na job description para maalaala ang pinakamahahalagang requirement ng bawat bakanteng trabaho. Inihahambing ng taong namumuno sa pagtanggap ng empleyado ang lahat ng kandidato sa partikular na deskripsyon na iyon ng posisyon.
Kailangan mong mahanap ang job description para sa trabahong gusto mo. Makatutulong din ito sa iyo sa pagpapasiya kung ikaw ay tunay na magandang kandidato para sa trabahong iyon. Makatutulong din ito sa iyo na magpasiya kung ano ang dapat at hindi dapat sabihin tungkol sa iyong sarili sa iyong résumé, sa mga cover letter, at sa mga interbyu sa mga employer. Kadalasan ay inililista ng mga employer ang job description para sa bawat bakanteng trabaho sa kanilang website, sa mga ad sa diyaryo, at sa mga job search website. Maaari ding masabi sa iyo ng mga kasalukuyang empleyado na nakakaalam ng trabaho ang tungkol sa deskripsyon at mga requirement ng bakanteng trabaho.
Ang kailangan mong gawin sa pangalawang hakbang ay hanapin ang partikular na mga requirement na nakalista sa job description na gusto mo. Pagkatapos ay gagamitin mo ang mahalagang impormasyong ito sa ika-3 hanggang ika-6 na hakbang.
Hakbang 3. Tukuyin ang iyong mga kasanayan, karanasan, resulta ng trabaho, at edukasyon na akma sa trabahong napili mo.
Dito mo tutukuyin ang iyong mga personal na kasanayan at mga tagumpay na nauugnay sa trabaho na nagpapakita na ang iyong background ay talagang tugma sa mga kritikal na requirement ng trabahong gusto mo, tulad ng nasa job description na natuklasan mo sa hakbang 2.
Kapag ginawa mo ang listahang ito ng iyong mga kasanayan at tagumpay na nauugnay sa trabaho, maihahambing mo ang iyong background sa trabaho sa mahahalagang kwalipikasyong ipinapakita sa job description na natuklasan mo sa ika-2 hakbang. Kung ang iyong listahan ay nagpapakita na tugmang-tugma ang iyong mga kasanayan sa mga kinakailangan sa trabahong napili mo sa unang hakbang, tumungo na ngayon sa hakbang 4–6. Gayunman, kung ang iyong mga kasanayan at tagumpay na inilista sa hakbang 3 ay hindi masyadong tumugma sa job description na natuklasan mo sa hakbang 2, kailangan mo talagang pag-isipang pumili ng ibang trabaho sa pagkakataong ito, isang trabaho na mas tugma sa iyong mga kasalukuyang kasanayan at kakayahan.
Hakbang 4. Sumulat ng isa o dalawang pahinang résumé na customized o ibinagay sa trabaho.
Ang pangunahing layunin ng iyong résumé, na tinatawag ding curriculum vitae, ay ang makakuha ng interbyu sa recruiter o taong tumatanggap ng empleyado na naghahanap ng taong pupuno sa bakanteng posisyon. Nagagawa ito ng iyong résumé sa pamamagitan ng pagpapakita sa taong tumatanggap ng empleyado na ang iyong mga kasanayan, karanasan, tagumpay, o edukasyong nauugnay sa trabaho ay akma sa sinasabi sa job description ng employer na pinakamahahalagang katangian ng isang perpektong kandidato para sa trabahong iyon.
Ang isinusulat mong résumé para sa bawat bakanteng trabaho ng iba’t ibang employer ay kailangang customized. Hindi mo kailangang palitan ang magkakatulad na pangunahing impormasyon na isinasama mo sa lahat ng iyong mga résumé, tulad ng iyong employment history, impormasyon hinggil sa mga pinasukan mong paaralan, at ang iyong kasalukuyang contact information. Ang mga detalyeng iyon ay magiging magkatulad sa lahat ng résumé mo. Pero kung nag-a-apply ka ng trabaho sa higit pa sa isang employer, ang bawat employer ay mayroong ilang naiiba o lubos na naiibang job description para sa kanilang trabaho. Kaya kailangan mong piliin kung anong mga kasanayan at tagumpay ang mahalaga para sa bawat job description. Ilagay sa iyong résumé ang maiigsi at malalaman na pahayag na nagsisimula sa isang pandiwang naglalarawan, tulad ng “nagsaliksik,” “bumuo,” “nakagawa,” “nangasiwa,” at iba pa.
Halimbawa, kung mayroon kang karanasan sa pagtatrabaho sa sales at maging sa marketing at ikaw ay nag-a-aplay sa dalawang magkaibang trabaho—ang isa ay nakapokus sa sales at ang isa naman ay sa marketing—kung gayon ay gagawa ka ng dalawang résumé, ang isa ay mas nagbabahagi ng iyong mga aktibidad at tagumpay sa sales at ang isa naman ay mas nagbabahagi ng iyong mga aktibidad at tagumpay sa marketing. (Kung wala ka pang masyadong karanasan, bisitahin ang lds.org/go/71939 para mas malaman pa kung paano gamitin ang karanasan sa iyong paglilingkod sa Simbahan sa iyong résumé.)
Hakbang 5. Maghanap ng mga employer na tumatanggap ngayon ng mga tao para sa trabahong gusto mo.
Palaging mayroong mga trabahong kailangang punan, kahit na sa napakahihirap na panahon. Ang mga empleyado ay nagreretiro, nagpapalit ng trabaho, napo-promote o nade-demote, o lumilipat. Palaging mayroong ilang negosyong lumalago at nangangailangan ng mas maraming empleyado. Ang lahat ng sitwasyong ito ay dahilan para magkaroon ng mga bakanteng trabaho na kailangang mapunan ng mga kwalipikadong kandidato. Kung minsan ay nagaganap ito nang paunti-unti at kung minsan ay bumabaha ng mga bakanteng trabahong kailangang mapunan. Kaya huwag panghinaan ng loob kung hindi ka pa nakahahanap ng trabaho. Basta patuloy ka lang maghanap ng trabahong para sa iyo.
Tingnan ang mga website ng mga employer, career websites, mga ad sa diyaryo, at iba pang mga source para sa trabahong gusto mo. Isa rin sa mga pinakamainam na paraan para makahanap ng mga bakanteng trabaho ay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan o networking—pagkontak sa maraming tao araw-araw, tulad ng mga kapit-bahay at mga miyembro sa ward, pagsasabi sa kanila ng partikular na trabahong hinahanap mo at pagtatanong kung mayroon silang nalalaman na ganoong bakanteng trabaho o kung may kakilala sila na maaaring nakakaalam sa ganoong bakanteng trabaho. Tiyaking ibigay ang iyong contact information sa lahat ng tao sa iyong araw-araw na pakikipag-ugnayan.
Hakbang 6. Pag-aralan ang mabuting pagsagot sa interbyu bago ipadala ang iyong mga résumé sa mga employer.
Bago mo simulan ang pagpadala ng maaayos na résumé sa mga maaaring maging employer, kailangan mo munang matutuhan kung paano sumagot nang maayos sa interbyu. Napakaraming tao ang nagpapadala kaagad ng mga résumé bago maghanda na sumagot nang maayos sa mga interbyu. Ang problema dito ay maaaring anyayahan kaagad ang mga naghahanap ng trabaho para sa isang interbyu. Nasasabik ang mga kandidatong ito, nagpupunta sa interbyu bago pa man maging handa para dito, hindi sila nakasasagot nang maayos, kaya nga hindi nila nakukuha ang trabaho. Kapag nagawa mo na ito, hindi ka na makababalik sa kompanya o sa nag-iinterbyung iyon at humiling ng isa pang interbyu, sinasabi na natutuhan mo na ngayon kung paano sumagot nang tama sa mga tanong!
Ang paraan ng pagsagot mo sa bawat tanong sa interbyu ay napakahalaga para magtagumpay sa pagkuha ng trabahong gusto mo. Bagama’t kailangan mong maging lubos na matapat, mayroon pa ring tama at maling paraan ng pagsagot sa bawat tanong sa isang interbyu. Tatanungin ka ng tulad ng mga ito:
-
Ano ang iyong mga kalakasan at ang iyong mga kahinaan?
-
Ano ang naging problema mo sa nakaraan mong trabaho na masosolusyunan mo na ngayon?
-
Magkano ang inaasahan mong sahod?
-
Ano ang nais mong maging pagkatapos ng limang taon?
Bilang kandidato, ang sagot na ibibigay mo sa bawat tanong sa iyo ay kailangang paghandaan at planuhin nang maaga. Maaaring hindi mo makuha ang trabaho dahil lamang sa isang hindi magandang sagot. Pagtuunan sa iyong mga sagot ang maiikling isa hanggang dalawang minutong halimbawa na nagpapakita ng iyong background, mga kasanayan, at mga tagumpay na tugma sa job description. Saliksikin ang organisasyon bago ang unang interbyu para maiangkop mo ang iyong mga sagot sa kanilang mga pangangailangan.
Sa katapusan ng karamihang interbyu, magkakaroon ka ng pagkakataong tanungin ang employer ng ilang tanong. Ang pinakamagandang maitatanong mo ay tungkol sa bakanteng trabaho. “Ano ang kailangang maisagawa o mabago sa trabahong ito?” Makatutulong ito sa iyo sa mga interbyu sa hinaharap kung ikaw ay pababalikin. Sa pangkalahatan ay maaari mong ipagpaliban ang mga tanong tungkol sa layunin ng organisasyon, kultura sa pagtatrabaho, sweldo (maliban na lang kung tinanong ka tungkol dito), haba ng oras ng pagtatrabaho, at mga benepisyo para sa mga interbyu sa hinaharap.
Ngayon ay alam mo na ang anim na hakbang sa pagkuha sa trabahong gusto mo. Hindi ka makakaasa sa iyong sarili sa aspetong temporal kung kailangan mo ng trabaho at wala ka nito. Kung kailangan mo ng trabaho, ng mas mabuting trabaho, o may kilala kang nangangailangan ng trabaho, mangyaring gamitin o ibahagi ang mabisa at napatunayan nang mga kasangkapan sa paghahanap ng trabaho na ito. Gumagana ang mga ito! Pagpalain ka nawa ng Panginoon sa mga pagsisikap mong makuha ang trabahong gusto mo.