Pagsuporta sa mga Missionary na Umuwi nang Maaga
Mga payo para sa pagsuporta sa paggaling ng mga missionary na umuwi nang mas maaga kaysa sa inaasahan.
Isa sa mga kawili-wiling kuwento mula sa Aklat ni Mormon ay ang 200 sa mga mandirigma ni Helaman na nangasugatan sa digmaan (tingnan sa Alma 57:25). Sa palagay ko, may malinaw na pagkakatulad sa pagitan ng 200 mandirigma na iyon at ng mga missionary ngayon na, sa anumang dahilan, umuwi nang mas maaga kaysa sa inaasahan.
Kahit na iniwan ng 200 ang kanilang mga tahanan nang may magigiting na layunin, kinailangan pa rin silang buhatin palayo sa labanan. Umaasa akong nakita nila ang kanilang mga sarili bilang magigiting na mandirigma, dahil ibinigay nila ang lahat ng kanilang makakaya, ngunit sa palagay ko ay nagkaroon sila ng mga pag-aalinlangan sa kanilang mga sarili pati na rin ng mga tanong kung bakit hindi sila pinrotektahan ng Panginoon tulad ng pagprotekta Niya sa kanilang mga kasamahan.
Tulad ng mga mandirigma ni Helaman, madalas hindi nakikita ng mga missionary na umuwi nang maaga mula sa kanilang mga misyon ang katotohanang kusang-loob silang sumabak sa “labanan,” magiting na ibinigay ang lahat ng kanilang makakaya. Naghanda sila para sa kanilang mga misyon at napuspos ng matinding pananampalataya at hangaring maglingkod sa Panginoon. Kapag sila ay “labis na nasusugatan” (halimbawa, nakakaranas ng problema sa pisikal na kalusugan o kalusugan sa pangkaisipan o maging ng pagkakasala), karaniwang nakatuon lamang sila sa kung ano ang hindi nila nagawa at nakadarama sila ng pagkabigo, kahihiyan, o panghihina ng loob. Maaaring mag-alinlangan sila sa inspirasyong nag-udyok sa kanila na maglingkod. Maaaring mag-alala ang mga returned missionary na ito kung ano ang pagtingin sa kanila ng ibang tao o maging kung ano ang pagtingin sa kanila ng Panginoon. Maaaring madama nila na nabigo sila o hindi na sila katanggap-tanggap at maaaring husgahan nila ang kanilang mga sarili nang negatibo.
Kailangan ng mga missionary na umuwi nang mas maaga kaysa sa inaasahan ang nagkakaisang pagsisikap ng pamilya, mga kaibigan, mga lider, at mga miyembro ng ward para matulungan silang “gumaling.” Narito ang ilang mga payo kapwa para sa mga returned missionary at sa kanilang mga kapamilya, mga lider sa Simbahan, mga kaibigan at mga kasamahan sa ward.
Para sa mga Mahal sa Buhay: 6 na Bagay na Maaari Mong Gawin upang Matulungan ang mga Returned Missionary na Gumaling
-
Tumulong nang may pagmamahal para aluin, hikayatin, at alagaan ang bawat returned missionary at ang kanyang pamilya tulad ng gagawin mo sa isang mandirigmang labis na nasugatan sa labanan. Pasalamatan sila sa serbisyong ibinigay nila at hikayatin silang pagtuunan ng pansin kung ano ang mga nagawa nila, hindi kung ano ang mga hindi nila nagawa.
-
Tawagin siya na isang “returned missionary” at hindi isang “missionary na umuwi nang maaga” o “napauwi nang maaga.” Maaaring makatulong ang mga sensitibong salita sa kinakailangang paggaling at pagbangon.
-
Pakinggan sila para malaman kung paano ka mas makakatulong.
-
Suportahan ang kanilang mga magulang. Maaaring isa iyon sa mga pinakamahalagang bagay na makakaapekto sa proseso ng paggaling ng missionary. Siguraduhin na hindi napapabayaan ang emosyonal na pangangailangan ng magulang ng isang returned missionary.
-
Kumunsulta sa isang propesyonal kung kinakailangan. Maaaring matulungan ng mga propesyonal sa kalusugan sa pangkaisipan ang mga returned missionary na masanay sa buhay sa tahanan at makabalik sa normal na pamumuhay. Kung saan mayroon, nagbibigay ang LDS Family Services ng hanggang anim na libreng sesyon ng pagpapayo kung hihilingin para sa mga missionary na umuwi nang maaga.
-
Maghangad ng espirituwal na direksyon. Huwag balewalain ang kapangyarihan ng panalangin. Manalangin para sa direksyon kung paano ka pinakamainam na makakatulong sa kanila at makakapagbigay ng kanilang mga pangangailangan.
Para sa mga Returned Missionary: 5 Katotohanan na Dapat mong Alalahanin habang Nagpapagaling Ka
-
Mahal ka ng Diyos. Lahat tayo ay nakakaranas ng kahirapan sa iba’t ibang pagkakataon sa ating buhay sa lupa. Hindi dahil may pananampalataya ka kay Jesucristo ay hindi ka na makakaranas ng kahirapan—ito ay isang alituntunin na makakatulong sa iyo upang malagpasan ito. Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, may kapangyarihan ni Cristo na hindi lamang linisin tayo mula sa ating mga kasalanan kundi pati na rin bigyan tayo ng kaginhawahan, pag-unawa, paggaling, at suporta. (Tingnan sa mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland sa pangkalahatang kumperensya, “Parang Basag na Sisidlan.”)
-
Nagtuturo ang mga banal na kasulatan tungkol sa paggaling. Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo, at isa sa mga paraan na maaari nating marinig ang Espiritu Santo ay sa pamamagitan ng taimtim na pag-aaral at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan. Basahin ang tungkol sa mga mandirigma ni Helaman, at iba pa na labis na nasugatan sa kanilang mga karanasan sa buhay, para maunawaan ito. Maghanap ng iba pang mga halimbawa kung paano pinaglingkuran at pinagaling ng Ama sa Langit ang mga taong naghangad na sundin Siya noong unang panahon.
-
Ang paglilingkod ay makakatulong sa iyo na gumaling. Nais ng Diyos na kayo ay maging “sabik sa paggawa” ng mabubuting bagay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:27) dahil iyon ang makakatulong sa inyo na gumaling. Pagtuunan ng pansin ang iba at manalangin para sa mga pagkakataon na makapaglingkod sa iba.
-
Matutulungan ka ng panalangin na makita ang mga ito. Magpasalamat sa Ama sa Langit. Gusto ka Niyang tulungan na gumaling. Hilingin sa Kanya na palakasin ka at tulungan kang makita ang mga bagay na ginagawa Niya upang pagpalain at pagalingin ka at bigyan ka rin ng lakas na maghanap ng mga paraan para pagpalain ang iba.
-
Maaaring hindi maunawaan ng iba. Hindi mauunawaan ng lahat ang iyong kalagayan, at maaaring may mga masabi sila dahil hindi nila nauunawaan. Ngunit huwag mong hayaan na panghinaan ka ng loob dahil dito! Pagtuunan ng pansin ang pagpapasalamat sa mga taong nagpapalakas sa iyo, at magdasal para sa tulong na patawarin ang iba kahit na hindi nila lubos na nauunawaan ang iyong sitwasyon.