Mas Maagang Umuwi Kaysa Nakaplano
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.
Maraming paraan para patuloy na mapaglingkuran ang Panginoon at makahanap ng kabuluhan pagkatapos umuwi nang maaga mula sa misyon.
Nagmisyon pareho ang mga magulang ko. Sa murang edad narinig ko ang mga kuwento nila tungkol sa kanilang misyon at pinangarap ang araw na makapaglingkod ako sa Panginoon bilang full-time missionary.
Ang paghahanda para sa aking misyon ay naging isa sa pinakamahahalagang sandali ng buhay ko. Naging mas malapit ako sa Panginoon nang higit kaysa rati. Natanggap ko ang aking mission call na maglingkod sa Budapest Hungary Mission at pumasok ako sa Provo Missionary Training Center (MTC), na determinadong ibigay ang lahat sa aking Ama sa Langit.
Ang pamamalagi sa MTC ay isang kakaibang espirituwal na karanasan para sa akin. Habang lalo akong napapalapit sa Panginoon, taos-puso kong ipinagdasal na maging handa akong gawin ang anumang hilingin Niya at ipinangako na buong-puso kong mamahalin ang mga Hungarian.
Nang malapit nang matapos ang paglagi ko sa MTC, nagkasakit ako. Pagkatapos ng maikling panahon sa bahay para magpagaling, binigyan ako ng pagkakataong ipagpatuloy ang aking misyon sa Hungary. Ibinigay ako sa isang napakahusay na trainer, si Sister Sunshine Nestor, na nagturo sa akin kung paano kilalanin ang magigiliw na awa at mga himala ng Panginoon araw-araw.
Pagkaraan ng ilang buwan, muli akong nagkasakit. Kahit patuloy kaming nagtrabaho nang husto ni Sister Nestor, kinailangan kong umuwing muli.
Naisip ko na binigo ko ang Panginoon dahil hindi ako nakapaglingkod ng isang “buong” misyon. Kumbinsido ako na mayroon pang mga Hungarian na “dapat sana” ay naturuan ko kung hindi ako nagkasakit. Naisip ko na baka hindi sapat ang pananampalataya ko para gumaling dahil pinoprotektahan naman ng Panginoon ang Kanyang mga missionary. Hindi ko kailanman inisip na ang sakripisyo ko sa Panginoon ay hindi ang ibigay ang isa’t kalahating taon ng aking buhay, kundi ang isakripisyo ang uri ng misyon na inasam ko.
Ang Paghahanap Ko ngKabuluhan sa Pag-uwi
Habang pababa ako ng eroplano pauwi, hindi ko maubos maisip na iniwan ko ang pinakamahalagang gawain ng buhay ko sa mission field. Nagtagal ito, ngunit natutuhan ko na may gawain ako sa aming lugar na magbibigay rin ng kabuluhan sa aking buhay.
Anuman ang dahilan ng mas maaga mong pag-uwi mula sa iyong misyon, magpasiya ngayon na gawing hakbang ang karanasang ito pasulong sa iyong pag-unlad, hindi hakbang paurong. Umuwi ako sa kadahilanang medikal, ngunit ang iba ay umuuwi sa iba’t ibang dahilan, kabilang na ang pagkakasala. Dahil diyan, maaaring hindi angkop sa iyong sitwasyon ang ilan sa sumusunod na mga ideya. Manalangin sa Panginoon na makahanap ng mga paraan na mapaglingkuran Siya mula sa inyong lugar. Halimbawa, kung umuwi ka dahil may nagawa kang kasalanan at hindi ka pa karapat-dapat na dumalo sa templo, maaari ka pa ring makahanap ng kabuluhan sa regular na paglalakad sa paligid ng templo at pangangako na balang-araw ay babalik ka sa Kanyang banal na tahanan.
Bukod sa pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagsisimba, bawat isa sa sumusunod na mga hakbang sa aking paglalakbay ay mahalaga sa aking paggaling.
1. Pananatiling Konektado
Ang unang hakbang ko sa paghahanap ng kabuluhan sa buhay ay ang palaging kumonekta sa mga Banal at mga missionary sa Hungary. Matagal-tagal din akong nabuhay para sa mga preparation day kung kailan nakakatanggap ako ng mga email mula kay Sister Nestor at sa mga kompanyon ko sa MTC. Inaamin ko; kung minsan ay hindi madaling basahin ang tungkol sa mga misyon ng mga kompanyon ko o kausapin ang mga Hungarian na labis kong pinangungulilahan. Ngunit kapag ginugunita ko ngayon, natatanto ko na napakahalaga sa aking paggaling na mabalitaan ang mga himalang nangyayari doon.
2. Indexing Online
Kinumbinsi ako ng nakababata kong kapatid na lalaki, na magiliw na sinabihan ng magaling kong nanay, na magsimula sa indexing. Sa una ay gumawa lang ako ng mga batch ng mga pangalan para mapayapa siya, ngunit isang araw ay biglang lumitaw sa screen ko ang isang registry ng mga pangalang Hungarian. Damang-dama ko ang Espiritu at tinuruan ako nito kaya nakatulong pa rin akong dalhin ang mga kaluluwa ng mga Hungarian kay Cristo—na nasa kabila lamang ng tabing!
3. Pagtatakda ng mga Mithiin
Pagkatapos ng misyon, lahat ng mithiin ko sa buhay bago ako nagmisyon ay tila mahirap abutin dahil sa naging kalagayan ng aking kalusugan. Ngunit sa paglipas ng panahon, natanto ko na may mga mithiin na kaya kong gawin habang nakahiga. Tinawag ko ang mga mithiing tulad ng pagbabasa ng Jesus the Christ na “mga mithiing makakamtan habang nakahiga” at araw-araw kong ginawa ang mga ito.
4. Pagbalik sa Pag-aaral
Isa sa mga mithiin ko sa buhay bago ako nagmisyon ang makatapos sa kolehiyo. Dahil nahirapan akong pumasok sa klase dahil sa aking karamdaman at palagi akong nagpapatingin sa doktor, hinikayat ako ng tatay ko na kumuha ng mga online class mula sa Brigham Young University Independent Study. Hindi lamang makakamit ang mithiing ito habang nakahiga, kundi natanto ko rin na marahil ay kaya kong gumawa ng iba pang mga mithiin kaysa inakala kong makakaya kong gawin.
5. Paglilingkod sa Isang Online Mission
Isang araw sa simbahan, isang sister ang lumapit sa aking nanay at nagsabing, “Alam mo ba na maaaring maglingkod si Destiny sa isang online indexing mission?” Ang di-inaasahang tanong na ito ay sagot sa aking mga dalangin. Nakapaglingkod ako sa Panginoon nang siyam na buwan bilang indexing support Church-service missionary. Ito ay isang misyon na makakaya kong gawin!*
6. Pagtuturo ng Mission Preparation
Nang gumanda ang kalagayan ng aking kalusugan, nag-aral na ako sa isang community college habang ginagawa ko ang aking online mission. Hinilingan akong magturo ng mission preparation sa kalapit na institute. Tinulungan ako ng pagtuturo na matanto na ang aking pananabik sa gawaing misyonero ay hindi nabawasan at maging ang aking maikling misyon ay naglaan ng maraming karanasan na magiging mahalaga sa aking mga estudyante.
7. Pagboboluntaryo sa MTC
Matapos ang matagumpay na pag-aaral sa loob ng isang semestre sa kolehiyo malapit sa aming tahanan, lumipat ako sa Utah, USA, para mag-aral sa BYU. Noong una, halos hindi ako makalakad sa Provo MTC nang hindi ako biglang nakadarama ng magkakahalong damdamin. Ngunit nagsimula akong magboluntaryo nang lingguhan sa MTC at natuklasan ko na nakapagpapagaling ang makilala ang kahanga-hangang mga missionary na ipinadadala sa aking minamahal na Hungary.
8. Pagsasagawa ng Gawain sa Templo
Hinilingan ako ng Hungarian sister na si Edit, na nakapaghanda ng halos 150,000 pangalan para sa templo, na dalhin ko ang ilan sa mga pangalang iyon sa templo. Nagalak akong maisagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa mga Hungarian na ito!
Unti-unting Paggaling sa Pamamagitan ng Kanyang Gawain
Pagmimisyon ang pinakamahalagang pangarap ko sa buhay at, mangyari pa, nadama ko na may nawala sa akin nang umuwi ako nang mas maaga kaysa inaasahan. Matagal-tagal din akong nahirapang pag-usapan ang tungkol sa aking misyon. Kinailangan kong labanan ang damdamin ng kabiguan. Kinailangan kong matutuhan kung paano pahalagahan ang aking misyon batay sa hangarin kong maglingkod sa halip na sa haba ng panahon ng paglilingkod. Bagama’t hindi ko ito natanto noon, bawat isa sa mga hakbang na ito tungo sa pagkakaroon ng kabuluhan sa buhay ay naghatid din ng paggaling.
Ilang taon akong nangamba na ang pagbabalik sa Hungary ay magiging mahirap sa akin. Nang magpunta ako roon, sa pangalawang araw ko lamang natanto na hindi lamang sa wala akong nadaramang anumang pait, kundi naroon din ang damdamin ng nag-uumapaw na kagalakan na makabalik. Noon ko nalaman na binigyan ako ng pagkakataon ng Ama sa Langit na maranasan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Alam ko na ngayon na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang lahat ng bagay ay magiging maayos sa huli.