Si Lucas at ang Bully
Maganda ang naging pakiramdam ni Lucas sa sinabi niya … hanggang sa makita niya ang hitsura ng mukha ni Pedro.
“Tayo nang mag-usap nang marahan sa bahay o kahit saan” (Mga Himno, blg. 143).
“Naku po!” Heto na si Pedro!”
Alam ng lahat sa paaralan na si Pedro ay isang bully. Malaki siya, at salbahe siya! Tinatawag niya sa ibang pangalan ang mga bata, kinukuha ang kanilang baon sa tanghalian, at hinahabol sila sa bakuran ng paaralan. Walang gustong makasama siya.
Dinaanan ni Pedro si Lucas at ang kanyang kaibigan na si Arthur. Tinawag niya silang “mga talunan” at itinulak si Arthur.
Pagod na si Lucas sa pagiging salbahe ni Pedro. Hindi na nag-isip pa, sumigaw siya, “Tama na ‘yan, Pedro!”
Hindi makapaniwala si Lucas. Nanindigan siya sa pinakamatinding bully sa paaralan!
Pagalit na lumapit si Pedro kay Lucas at hinatak ang kanyang kamiseta. “Ano’ng sinabi mo?” Bumilis ang tibok ng puso ni Lucas na para bang lalabas ito mula sa kanyang dibdib! “Binabalaan kita,” sabi ni Pedro. “Kaya’t mag-iingat ka!” Itinulak niya si Lucas at lumakad na palayo.
Pagkatapos niyon, ginawa ni Lucas ang lahat para iwasan si Pedro, ngunit lagi siyang nahahanap ni Pedro. Binawalan niya si Lucas na maglaro sa duyan o swing, itinulak siya habang naglalaro sila, pinatid siya sa kantina, at palaging nagsasalita ng hindi maganda.
Isang araw naglalaro sina Lucas at Arthur gamit ang bola ng football ni Arthur. Tumalon si Pedro mula sa likod ng isang puno at inagaw ito.
“Ibalik mo ‘yan,” sabi ni Arthur.
“Sinong makakapilit sa akin?” Itinulak ni Pedro si Lucas sa isang puno at tumawa.
Nakadama ng galit si Lucas. Galit na galit siya! “Alam mo, Pedro?” sabi ni Lucas. “Ikaw ang pinakasalbaheng bata na nakilala ko! Walang may gusto sa iyo. Gusto ng lahat na mawala ka na habampanahon!”
Tumigil sa pagtawa si Pedro. Maganda ang naging pakiramdam ni Lucas sa sinabi niya … hanggang sa makita niya ang hitsura ng mukha ni Pedro. Iiyak ba siya? Mabilis na tumungo si Pedro at lumakad palayo.
Biglang naging hindi maganda ang pakiramdam ni Lucas. Sa buong maghapon, kahit ano ang gawin niya, hindi maalis ni Lucas ang hindi magandang pakiramdam niya. Nang gabing iyon, hindi makatulog si Lucas. Lagi niyang naiisip kung gaano kalungkot ang hitsura ni Pedro.
“Paanong nasaktan si Pedro?” naisip ni Lucas. “Wala siyang pakialam kung salbahe siya sa iba pang mga bata. Kailangang may sabihin ako, tama?” Habang lalong iniisip ito ni Lucas, lalo niyang nadarama na tama lamang na ipagtanggol niya ang kanyang sarili at ang kanyang kaibigan. Ngunit mali siya sa pagsasabi ng hindi maganda.
Lumuhod si Lucas sa tabi ng kanyang kama at hiniling sa Ama sa Langit na patawarin siya. Sinabi niya sa Ama sa Langit na ayaw na niyang masaktan pang muli ang damdamin ng kahit sino. Gusto niyang maging mabait. Nang sabihin ni Lucas na “amen,” alam na niya kung ano ang dapat niyang gawin.
Pagkatapos ng tanghalian kinabukasan, nakita ni Lucas si Pedro na nakasandal sa isang pader nang mag-isa. Kinabahan si Lucas. Ano ang gagawin ni Pedro? Bumuntung-hininga si Lucas at lumapit.
“Mm, sorry sa nangyari kahapon.”
Mukhang nagulat si Pedro. “Nagso-sorry ka!”
“Oo. May sinabi ako sa iyong mga bagay na hindi maganda, at hindi ko dapat ginawa iyon. Pasensya na.”
Tumingin si Pedro sa kanyang sapatos. “OK lang ‘yun.”
Tumunog ang bell. Nagsimulang maglakad si Lucas pabalik sa klase. Gumanda na ang pakiramdam niya. Pero may isa pa sana siyang gustong sabihin. Muli siyang lumingon. “Puwede tayong maglaro ng football sa oras ng reses bukas kung gusto mo.”
Medyo napangiti si Pedro. “Magandang ideya ‘yan.”
Pagkatapos niyon, naging mas maayos na ang bagay-bagay kay Pedro. Kung minsan ay bully pa rin siya, pero hindi na ganoon kasalbahe. Ilang beses din siyang nakipaglaro kay Lucas sa oras ng reses. At talagang masaya iyon! Sa pagtatapos ng klase, sinabi ni Pedro kay Lucas na aalis na siya. At may sinabi siyang talagang ikinagulat ni Lucas.
“Salamat sa pagiging kaibigan ko,” sabi ni Pedro. “Kahit noong hindi ako mabait.”
Ang mainit na pakiramdam sa puso ni Lucas ay nagsasabi sa kanya na ang pagiging mabait ang palaging tamang piliin.