Mga Larawan ng Pananampalataya
Amanda Jiri
Cape Town, South Africa
Nang mahirapan sa buhay ang tinedyer na si Amanda, tumalikod siya sa Simbahan sa paghahanap ng mga bagong karanasan. Pagkaraan ng ilang taon, nakadama ng kahungkagan si Amanda. Sinimulan niyang maghanap ng kaligayahan sa isang mahalagang tanong.
Cody Bell, retratista
Nabinyagan ang pamilya ko noong 1993. Nagdiborsyo ang mga magulang ko makalipas ang ilang taon, at unti-unting tumalikod sa Simbahan ang tatlong kapatid ko. Noong 1998, nang nasa ika-11 grado ako, tumigil din akong magsimba.
Nangako ako sa sarili na magkakaroon ako ng mga bagong karanasan at sisiyasatin ko ang iba pang mga simbahan. Inanyayahan ako ng ilang kaibigan na dumalo sa kanilang simbahan, pero hindi ako nagpunta nang madalas. Hindi iyon dahil sa nadama ko na may koneksyon pa ako sa Simbahan. Kaya lang sa kung anong kakaibang dahilan, maraming naging hadlang. Ayaw kong gumising, o may iba akong plano, o nagdahilan ako.
Mga walong taon akong hindi aktibo. Sa panahong ito, napahalo ako sa mga maling kaibigan. Malubha ang karamdaman ng nanay ko. Talagang malungkot ako. Nakadama ako ng kahungkagan. Naisip ko, “Kailan ako huling naging masaya talaga?”
Kung nakita ninyo ang buhay ko mula sa labas iisipin ninyo, “Ang astig naman ng buhay niya!” Pinalibutan ko ang aking sarili ng mga tanyag na tao at nagmukhang maganda ang buhay ko. Pero hungkag pa rin at parang may kulang ang pakiramdam ko.
Pagkatapos ay naisip ko noong nasa Young Women ako. Natanto ko na noon ko huling nadama ang tunay na kaligayahan. Nagpasiya akong magsimbang muli nang sumunod na Linggo. Kinausap ko ang branch president at sinimulan kong magsisi.
Hindi naglaon, tinawag akong tumulong sa Young Women. Nang bigkasin namin ang tema ng Young Women, naalala ko iyon kaagad! Ngayon, tuwing bibigkasin ko ang tema, nakakatanggap ako ng patunay na sa Simbahan ako nabibilang.