2018
Isang Sagot para kay Lucia
January 2018


Isang Sagot para kay Lucia

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Nalito si Lucia sa sinabi ng kanyang guro. Sino ang makakatulong?

“Hilig kong laging binabasa, kasulatang banal. Espiritu’y dama, sa puso ko t’wina—nalalamang aklat ay tunay” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66).

An Answer for Lucia

Nagpahid ng luha si Lucia. Ayaw niyang makita ng ibang mga bata ang kanyang pagluha. Umalis na siya ng paaralan at nagmamadaling umuwi.

Si Lucia ay nakatira sa isang munting magandang isla. Siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa paaralan. Ang lahat ay miyembro ng ibang simbahan. Tinutukso nila si Lucia at ayaw makipaglaro sa kanya dahil iba siya.

Hindi lang iyan ang problema. Kung minsan hindi pinapansin ng mga guro si Lucia kapag nagtataas siya ng kamay.

“Ngunit pinakamatindi ngayon!” naisip ni Lucia. Sinipa niya ang isang bato sa daan. Sa klase, binasa ng guro ang ilang mga talata sa Biblia na hindi naiintindihan ni Lucia. Ginawa nila na magmistulang ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay iisang tao. At sinabi ng guro na may ilang simbahan na hindi naniniwala sa itinuturo ng Biblia. Tumingin siya nang diretso kay Lucia. Nagtawanan ang lahat sa klase.

Nalito si Lucia. Hindi ba’t ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay? Ano ba talaga ang nangyayari?

Bigla siyang may naisip na masaya. Maaari niyang tanungin ang mga missionary! Araw-araw silang nagpupunta sa nayon ni Lucia. “Alam nila kung paano tumulong!” naisip niya.

Pagkauwi ni Lucia sa bahay, nakita niya sina Sister Brown at Sister Ruiz. Tumutulong sila sa pagbomba ng tubig paakyat sa isang tangke na nasa bubong.

Kaagad na nagtanong si Lucia. “Bakit sinasabi ng Biblia na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay iisang tao?”

Ngumiti si Sister Brown. “Magandang tanong iyan. Pagkatapos ng tanghalian hahanapin natin ang ilang talata sa banal na kasulatan na makakatulong.”

Halos hindi natikman ni Lucia ang alinman sa masarap na ropa vieja stew na niluto ni Mama. Ang tanging gusto niya ay ang sagot!

Sa wakas ay natapos ang tanghalian. Si Lucia at ang mga missionary ay nagbuklat ng kanilang mga banal na kasulatan. Binasa nila ang tungkol sa pangitain ni Joseph Smith. Pagkatapos ay binasa nila ang tungkol sa binyag ni Jesus. Ipinakikita kapwa ng mga talatang ito sa banal na kasulatan na ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ay magkakahiwalay.

“Kung gayon, bakit sinasabi ng iba pang mga talatang iyon sa mga banal na kasulatan na iisa sila?” tanong ni Lucia.

Sinimulang buklatin ni Sister Brown ang mga pahina. “Basahin natin sa Juan 17. Diyan nagdarasal si Jesus sa Ama sa Langit tungkol sa Kanyang mga Apostol.”

Naghalinhinan sila sa pagbabasa. Sa mga banal na kasulatan, nagdasal si Jesus na ang Kanyang mga Apostol ay “maging isa” gaya Niya at ng Ama sa Langit na iisa. Nabilang ni Lucia ang tatlong magkakaibang pagkakataon na sinabi Niya ito.

“Ang mga Apostol ay hindi maaaring maging iisang tao,” sabi ni Sister Ruiz. “Ngunit sila ay maaaring maging isa sa kung paano sila naniniwala at kumikilos. Ganyan naging iisa ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo.”

Nagsimulang gumanda ang pakiramdam ni Lucia. Alam niyang iyon ay ang Espiritu Santo. Sinasabi Niya kay Lucia na ang sinabi ni Sister Ruiz ay totoo.

Ang Ama sa Langit at si Jesus ay hindi iisang tao. Ngunit magkatulad Sila sa sinasabi at ginagawa Nila. At alam ni Lucia na mahal Nila siya.