2018
Tumingin at Mabuhay
January 2018


Tumingin at Mabuhay

Kapag bumaling tayo sa Diyos, lumilikha tayo ng palagiang mapagkukunan ng espirituwal na pagpapanibago.

young man standing by broken down car

Paglalarawan ni Paul Mann

Habang lumalaki ako, regular kaming naglalakbay ng pamilya ko sa pagitan ng Northern California at Utah, USA. Hindi ang paglalakbay sa disyerto ang ikinasiya namin; iyo’y ang pagdating sa destinasyon at ang kagalakang mabisita ang mga kapamilya namin doon.

Noong summer bago ako umalis para sa aking full-time mission, naglakbay akong muli para bumisita sa mga kamag-anak sa Utah. Pero sa pagkakataong ito, kami lang ng nakababatang kapatid kong si David ang naglakbay. Kami’y 16 at 18 taong gulang noon. Madalas kaming maglakbay nang 10-oras kasama ang aming pamilya kaya malaki ang kumpiyansa namin sa kakayahan naming maglakbay nang maayos.

Binisita namin sina Tito Kay, Tita Dianne, at ang pinsan naming si Michelle. Pagkatapos, pinahaba pa ni David ang kanyang pagbisita habang kinailangan ko namang bumalik mag-isa sa California para sa dental appointment ko.

Magtatakipsilim na nang umalis ako ng Spanish Fork, Utah, para magbiyahe nang magdamagan. Naging maayos ang lahat sa simula. Di-nagtagal ay umalis na ako ng highway na patimog at pahilaga at lumipat ako sa highway na pasilangan at pakanluran. Binuksan ko ang headlight at matulin kong ginaygay ang kanlurang bahagi ng Utah. Nang makaraan ang maraming milya at unti-unting nagdilim ang gabi sa disyerto, napansin kong unti-unti akong nahirapang makita ang daan. Sa huli, natanto ko na unti-unting lumalamlam ang headlights ko. Sa huli ay namatay na nga ito, huminto ang makina, at tumigil ang kotse sa gilid ng interstate.

Patay na ang baterya. Ayaw nang umandar ng kotse. Bagama’t maingat kong tiniyak na marami itong gasolina at ipinlano ko pa kung saan magpapagasolina, hindi ako naging handa na lubusang mawalan ng kuryente.

Ano ang Alternator?

Pinalaki ako ng isang ama na nagmamalaki na siya mismo ang nagkukumpuni ng mga kotse ng aming pamilya. Tinuruan niya kaming magmekaniko ng sasakyan, kaya alam ko na hindi mamamatay ang kargadong baterya habang tumatakbo ang kotse maliban kung may problema ang alternator. Ang alternator ay isang electrical generator na ginagawang electrical energy ang mechanical energy. Ginagamit nito ang kinetic energy ng tumatakbong makina para lumikha ng magnetic energy na nagiging electric current na patuloy na nagkakarga sa baterya. Dahil dito, gumagana nang walang tigil ang headlights, radyo, air conditioning, at iba pang electrical devices. Patuloy rin nitong pinatatakbo ang makina.

Ngayo’y may problema ang alternator ng kotse ko. Kailangan itong kumpunihin o palitan para makapagpatuloy ako sa paglalakbay.

Sa panahon bago nagkaroon ng mga cell phone, ang magagawa ko lang ay magsimulang maglakad. Sa huli, pinasakay ako ng isang lalaki at inihatid ako sa kasunod na bayan. Sa isang pay phone tumawag ako ng isang tow truck. Magkasama kami ng drayber sa trak sa isang-oras na biyahe pabalik sa kotse. Pagkatapos ay magkasama kaming muli sa trak pabalik sa munting bayan na hila-hila ang kotse ko. Sa huli, apat na oras pagkatapos kong unang iwanan ang kotse ko, nakasakay na ako rito at natutulog sa harap ng isang talyer hanggang sa magbukas ito.

Pagdating ng manedyer, natawa siya sa ideya na mabibili sa munting bayan nila ang piyesa ng kotse na kailangan ko. Maaari niyang orderin iyon, pero dalawa o tatlong araw pa bago ito dumating. Pagkatapos ay naawa siya sa akin. Sinabi niya sa akin na maaari niyang kargahan ang baterya ko sa isang charger nang mga tatlong oras. Baka makargahan iyon nang sapat para mapatakbo ko ang kotse hanggang sa kasunod na bayan. Marahil mayroon doon ng piyesa ng kotse na kailangan ko.

Nang makargahan na ang baterya, pinatakbo ko na ang kotse nang hindi sinisindihan ang anuman para hindi masayang ang kuryente. Nakarating ako sa kasunod na bayan, pero wala rin sila ng piyesang kailangan ko. Nagpatuloy ang ganito—isang tatlong-oras na kargahan para sa dalawang-oras na biyahe mula sa isang bayan papunta sa kasunod na bayan. Matapos makakita ng mababait na tao sa mga bayang dinaanan ko, sa wakas ay dumating na rin ako sa garahe ng aking mga magulang, na pagod na pagod pagkaraan ng 30-oras na paglalakbay ngunit ligtas na nakauwi.

Espirituwal na Manna

May isang pagkakatulad ang aking paglalakbay sa paglalakbay ng mga Israelita sa disyerto sa panahon ng Lumang Tipan. Sa loob ng 40 taon ang mga Israelita ay patuloy na pinasigla ng pagkain mula sa langit na tinatawag na manna. (Tingnan sa Exodo kabanata 16 at Mga Bilang kabanata 11.)

gathering of manna

The Gathering of Manna, ni James Tissot

Sa ating panahon ganito rin ang pangangailangan natin sa pagkain mula sa langit, ang espirituwal na pagkain. Mabuti na lang, makakagawa tayo ng “espirituwal na alternator” na “lilikha” ng “espirituwal na manna” na kailangan natin. Dahil natutugunan ang espirituwal na mga pangangailangan natin sa pamamagitan ng pagpapanatili ng ugnayan natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, kung gayon tulad ng paggugol ng oras ng mga Israelita bawat araw sa pagtitipon ng pisikal na manna, kailangan natin ngayong magtipon ng espirituwal na manna sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng ebanghelyo, at pagsisikap na patuloy na mapatnubayan ng Espiritu Santo.

Kalaunan ay nagsawa ang mga Israelita sa katitipon ng pisikal na manna at “nahulog sa kasakiman” sa mga bagay na naiwan nila (Mga Bilang 11:4). Kung hahayaan nating magsawa tayo sa katitipon ng espirituwal na manna, baka asamin natin ang mga bagay na hindi para sa ating espirituwal na kapakanan. Tulad ng nainis na mga Israelita, nanganganib na malimutan natin ang ating orihinal na layunin—na makarating sa lupang pangako. Baka nga naisin pa natin na sana’y hindi na lang natin nilisan ang ating “Egipto” (tingnan sa Mga Bilang 11:5–6). Sa huli, tumitigil sa pag-andar ang ating espirituwal na alternator, at hindi tayo umuunlad. Makikita natin na tayo ay nalalagay sa kagipitan, nagugutom, at umaasam na masagip.

Pagkakita sa Himala

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na, “Kung minsan parang masyado nating binabale-wala ang mga banal na kasulatan dahil hindi natin lubusang pinahahalagahan ang bihirang pagkakaroon ng mga ito, at kung gaano tayo kapalad dahil mayroon tayo nito. Parang masyado na tayong komportable sa mga karanasan natin sa mundong ito at nasanay nang marinig ang ebanghelyong itinuturo sa atin kung kaya’t nahihirapan tayong isiping [maaaring ang kabaligtaran ang] nangyari.”1

Hindi natin dapat balewalain kailanman ang ating pangangailangang patuloy na mag-aral ng mga banal na kasulatan, manalangin, at sumunod dahil tinutulungan tayo ng mga ito na mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo. Kung kinaliligtaan natin ang mga aktibidad sa buhay na espirituwal na nakasisigla, mababagot tayo sa mga ito, o regular lang nating isasagawa ang mga ito, hindi gumagana nang lubusan ang ating espirituwal na alternator. Maaaring paunti-unti tayong espirituwal na madiskarga, marahil talagang paunti-unti lamang na halos hindi natin ito napapansin. Sa oras na iyon, ang tanging paraan para makabawi ng lakas ay ang bumaling kay Jesucristo at magsisi. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng taos-pusong pagsisisi, lahat ng bagay ay maibabalik.

Tumingin at Mabuhay

Nang magreklamo ang mga Israelita, nawalan sila ng pasasalamat para sa pagpapala ng pangangalaga. Bilang parusa, “ang Panginoon ay nagsugo ng mababangis na ahas sa gitna ng [mga tao], at kanilang kinagat ang [mga tao]: at maraming tao sa Israel ay namatay” (Mga Bilang 21:6).

Sa huli, “ang [mga tao] ay naparoon kay Moises, at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka’t kami ay nagsalita laban sa Panginoon, at laban sa iyo; idalangin mo sa Panginoon, na kaniyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang [mga tao].

“At sinabi ng Panginoon kay Moises, Gumawa ka ng isang mabagsik na ahas at ipatong mo sa isang tikin: at mangyayari, na bawa’t taong makagat, ay mabubuhay pag tumingin doon.

“At si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin: at nangyari, na pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso” (Mga Bilang 21:7–9).

brazen serpent

Detalye mula sa The Brazen Serpent, ni James Tissot, ang Jewish Museum, New York/Art Resource, NY

Mga Makabagong Ahas na Tanso

Ang ahas na tanso, o yari sa tanso, ay simbolo ni Cristo na itinataas sa krus (tingnan sa Juan 3:14–15). Habang nakatingin tayo sa payo ng mga propeta sa makabagong panahon, nakatingin tayo kay Cristo dahil ibinabalik nito ang ating tuon sa plano ng ating Ama at sa mahalagang papel ni Jesucristo. Tulad ng mababait na tao na pinayagan akong kargahang muli ang aking baterya, ang mga buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag ay muli tayong kinakargahan sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpapaalala sa atin na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit at na ito ang Kanyang “gawain at … kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Partikular nila tayong pinayuhan na habang mas epektibo tayong sumasamba sa araw ng Sabbath, mapapalakas natin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligayahan, at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Ang kuwento ni Moises at ng ahas na tanso ay tinukoy rin sa Aklat ni Mormon, kung saan sinabihan tayo na “marami ang tumingin at nabuhay” (Alma 33:19; tingnan din sa mga talata 20–22). Gayunman, ayaw tumingin ng iba. “Ang gawaing dapat nilang tupdin ay tumingin; at dahil sa kagaanan ng paraan, o kadalian nito, marami ang nangasawi” (1 Nephi 17:41). Masasabi ba tungkol sa atin balang-araw na tumanggi tayong umasa sa mga propeta at sa kanilang payo dahil sa kadalian ng paraan?

“Kung kayo ay mapagagaling sa pamamagitan lamang ng pagbaling ng inyong mga mata upang kayo’y gumaling, hindi ba kayo mabilis na titingin[?] …

“… Samakatwid ibabaling ninyo ang inyong mga mata at magsisimulang maniwala sa Anak ng Diyos” (Alma 33:21, 22).

Nagpapasalamat ako sa mga pagpapalang dumarating sa atin habang patuloy tayong tumatahak sa ating “landas paakyat sa langit” at hinihikayat ang iba na gawin din iyon. Nagpapasalamat din ako sa pagkakataon, kapag naliligaw tayo, na magsisi, talikuran ang masasamang gawi, at magbalik sa tamang landas. Hindi masusukat ang mga pagpapala.

Nagtapos ang isa pang talata sa Aklat ni Mormon tungkol sa karanasan ng mga Israelita sa, “At kung gaano karami ang tumingin sa ahas na yaon ay nabuhay, gayon din kasindami ng titingin sa Anak ng Diyos na may pananampalataya, nang may nagsisising espiritu, ay mabubuhay, maging sa yaong buhay na walang hanggan” (Helaman 8:15).

Sinasanay ng pagsunod sa payo ng mga makabagong propeta ang ating puso na sumampalataya. Pinalalakas tayo nito upang madaig ang mga balakid sa ating paglalakbay, tulad noong kailanganin kong magpatuloy sa paglakad sa disyerto ng gabing iyon ng tag-init. Pinatototohanan ko na kapag tumingin tayo sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, makasusumpong tayo ng kahulugan at layunin sa ating paglalakbay.

Makakakita kayo ng mga ideya sa family home evening para sa artikulong ito sa lds.org/go/11811.

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 76–77.