Ang Templo ay Nagbibigay sa Atin ng Mas Mataas na Pananaw
Tulad ng isang teleskopyong nakatuon sa mga bituing hindi natin abot-tanaw, binubuksan ng templo ang ating isipan sa mas mataas at mas malawak na pananaw.
Ang ilan sa pinakamalilinaw at mahahalagang alaala namin sa pagtira sa Midwestern United States noong bata pa kaming mga magulang ay tungkol sa mga taunang pagbisita sa templo sa Washington, D.C. Noong panahong iyon, iyon lamang ang nadadaluhang templo sa silangan ng Mississippi River. Ang kabatiran na kailangan ang mga ordenansa sa templo ng lahat ng anak ng Ama sa Langit ay nagpabilis sa aming mga pagsisikap.
Gaya ng marami sa inyo, pinaalagaan namin sa mga kaibigan ang aming maliliit na anak, magdamag kaming naglakbay sakay ng isang bus na puno ng mga kapwa miyembro, gumugol kami ng ilang mahahalagang araw sa paggawa ng napakaraming gawain sa templo hangga’t kaya namin, at pagkatapos ay magdamag kaming sumakay ng bus pauwi para makadalo sa aming mga miting sa Simbahan sa araw ng Linggo. Ang mga pagbibiyaheng iyon ay hindi nagmukhang mga sakripisyo; itinangi namin ang mga ito dahil sa espirituwal na siglang bumusog nang ilang buwan sa aming kaluluwa pagkatapos niyon.
Ilang taon kalaunan, natuwa kaming matanggap ang Chicago Illinois Temple, ang unang templong itinayo sa North America Central Area mula nang itayo ang Cardston Alberta Canada Temple 62 taon na ang nakararaan. Sa isang templo na 45 minuto lang ang layo sa bahay namin, isang kagalakan para sa amin ang dumalo nang mas madalas pa sa minsan sa isang taon at regular na mabusog sa espirituwal na pagkain.
Pero ngayon, bagama’t ang ilan sa atin ay mas malapit ang tirahan sa isang templo, maaari pa rin tayong mahirapang dumalo nang madalas. Maaaring nalilinlang tayo ng pagiging malapit ng templo na isipin na, “Bukas na lang, kapag mas marami na akong oras.” Madaling magambala sa mga kasalukuyang problema at palagpasin ang mas mahahalagang pagkakataon. Sabi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hinihikayat ko kayong magtakda ng sarili ninyong mithiin kung gaano kadalas kayo makalalahok sa mga ordenansa sa ating mga [madadaluhang] templo.”1
Kung palalagpasin natin ang pagkakataong dumalo na kasing-dalas ng kayang itulot ng ating sitwasyon, kung hindi natin pahahalagahan ang pagkakataong magpunta sa templo samantalang nasa likod-bahay lang natin ito, ika nga, maaaring mawala sa atin ang mga pagpapala at pagkakataong laan ng ating Ama at ng Kanyang Anak para sa atin sa hinaharap. “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10).
Kapag tila nagsasabwatan ang mga pangyayari para hadlangan tayong magpunta sa templo, maaari nating alalahanin ang pagtiyak ni Jesucristo: “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Kapag masigasig tayo at dumadalo sa templo sa kabila ng mga balakid, tutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang sanlibutan na ating tinitirhan. Minsan habang naghahanda kaming mag-asawa na magpunta sa templo, nagkapatung-patong ang mga problema. Sa huli, nang malapit na kaming lumabas ng pintuan, “nagtalo” kaming mag-asawa. Habang tahimik kaming naglalakad na mag-asawa papunta sa kotse, naririnig namin ang aming panganay na babae na pinapanatag ang kapatid niya, “Huwag kang mag-alala; palagi silang masayang umuuwi mula sa templo.” At tama siya!
Ang mga Templo ay Nagpapaalala sa Atin ng Lawak ng Kawalang-Hanggan
Magpunta man tayo sa templo na puspos ng kagalakan o kalungkutan ang ating puso, ang templo ang lugar para mapasigla at mapatatag ang bawat karapat-dapat na miyembro na bukas ang puso.
Dumating ako sa templo na halos nakalutang sa alapaap sa malaking pasasalamat sa pagpapalang ipinagkaloob sa isang nahihirapang mahal sa buhay; tahimik din akong napaluha sa labis na kalungkutan sa sarili kong mga kabiguan. Nakatanggap ako ng mga panghihikayat at tagubilin, at maging ng mga pagkastigo mula sa Espiritu nang mag-proxy ako para sa isang taong tumatanggap ng mga ordenansa na magtutulot sa kanya na sumulong sa kawalang-hanggan. Lahat ng karanasang iyon ay nagpasigla at nagpatatag sa akin. At oo, naupo ako nang matagal sa loob ng templo dahil sa “tungkulin,” na tumutupad lamang sa aking obligasyon, at nakakatulog pa nga ako sa mga sesyon sa templo noong early-morning seminary teacher ako! Ngunit sa bawat pagkakataon na nakapunta ako sa templo, napagpala ako. Pagpalain man tayo kaagad o maipon ang ating mga pagsisikap at pagpalain tayo kalaunan, bawat sandaling ginugugol natin sa templo ay nagbubunga ng ilang personal na paglago.
Ang pagpunta sa templo ay nagpapaalala sa atin ng lawak ng kawalang-hanggan, kapwa sa paglingon sa ating mga ninuno at pag-asam sa ating mga inapo. Napapatatag din ang ating mga anak sa kanilang walang-hanggang pananaw kapag nakatuon sila sa templo. Paano natin sila pinakamainam na maihahanda para sa templo—isang mahalagang hakbang sa kanilang walang-hanggang pag-unlad? Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Dapat ituro ng mga magulang ang kahalagahan ng templo habang bata pa ang kanilang anak.”2 Pinayuhan ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ang mga magulang na maglagay ng larawan ng templo sa silid ng kanilang mga anak para makita nila ang sagradong paalalang iyon araw-araw hanggang sa maging bahagi nila ito.3 Maaari din ninyong ibahagi sa inyong mga anak ang mga pagpapalang natatanggap ninyo mula sa pagdalo sa templo gayundin ang inyong patotoo sa kagalakang inaasam ninyo sa walang-hanggang kaugnayan sa kanila. At masusuportahan ninyo ang inyong mga tinedyer sa hangarin nilang magpabinyag para sa mga patay. Tandaan na sa inyong mga family home evening lesson at mga sandali ng pagtuturo na “ang templo ang pakay ng bawat aktibidad, bawat lesson, bawat hakbang sa pagsulong sa Simbahan.”4
Habang kumakanta kayo ng inyong mga anak ng, “Templo’y ibig makita, Doon ay papasok, Sa Diyos ay mangangako, Sa Kanya’y susunod,”5 matutulungan ninyo silang makadama ng hangaring pumasok sa banal na bahay ng Panginoon. At ang sarili ninyong puso ay mapupuspos ng pasasalamat sa Ama sa Langit, sa Kanyang plano ng kaligtasan, sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, na nagawang posible ang makapiling ninyo ang inyong mga mahal sa buhay magpakailanman. Ang Tagapagligtas “ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”6 Ang daang iyon ay humahantong sa templo at sa pamamagitan ng templo!
Ang mga Templo ay Isang Kanlungan mula sa Sanlibutan
Maaari tayong hatakin palayo ng mga makamundong impluwensya mula sa templo. Isang mahal kong bata pang kaibigan ang nabagabag sa mga opinyon at haka-haka tungkol sa Simbahan na nabasa niya sa internet. Nagpasiya siyang tumigil sa pagdalo sa templo hanggang sa masagot ang kanyang mga tanong. Buong puso akong nakikiusap sa inyo na maaaring may mga tanong na nakakaapekto sa inyong patotoo na patuloy na manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan at patuloy na dumalo sa templo habang hinahanap ninyo ang mga sagot na maghahatid sa inyo ng kapayapaan. Manatiling nakatuon sa ebanghelyo para hindi kayo magambala ng tuso ngunit maling mga ideolohiya. Hindi hihingi ng payong medikal ang isang taong may pisikal na karamdaman sa isang star football player at lalong hindi masasagot nang tama ng isang taong limitado ang pagkaunawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ang mahahalagang espirituwal na tanong. Ang Espiritu Santo, na nagpapatotoo tungkol sa “katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5), ay “sasabihin … sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso” (D at T 8:2) kung ano ang walang-hanggang katotohanan.
Ang isa sa mga lugar kung saan ninyo madarama nang husto ang Espiritung iyon ay sa loob ng templo. Kung karapat-dapat kayong pumasok sa bahay ng Panginoon (ayon sa pasiya ninyo at ng bishop), magpunta lamang sa templo at dalhin ang inyong mga tanong at tumanggap ng katiyakan na kahit hindi ninyo nauunawaan ang lahat ng bagay ngayon, nauunawaan iyon ng Panginoon. Tandaan ang lahat ng talagang alam at nauunawaan ninyo. Ang mga bagay na talagang alam ninyo at espirituwal na napatotohanan sa inyo ang aakay sa inyo sa “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, [at] magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus” (Mga Taga Filipos 4:7). Pinatototohanan ko na ang pag-unawa at kapayapaang hangad ninyo ay darating kapag patuloy kayong mananampalataya na aakayin at gagabayan kayo ng inyong Ama sa Langit sa katotohanan.
Ipinapaalala sa atin ni Isaias na ang templo ay isang “kanlungan … sa bagyo” (Isaias 4:6). Nakapagpapasigla rin ang sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kapag pumasok tayo sa mga pintuan ng templo, tinatalikuran natin ang mga panggagambala at kaguluhan ng mundo. Sa loob ng sagradong santuwaryong ito, nakakakita tayo ng kagandahan at kaayusan. May kapahingahan para sa ating kaluluwa at kapanatagan mula sa mga problema natin sa buhay.”7
Habang nadaragdagan ang mga suliranin sa mundo at dumarami ang mga problema sa buhay araw-araw, kailangan nating manatiling nakatuon sa mga bagay na talagang mahalaga. Madaling magtuon sa negatibo at sa mga makamundong pighati, na para bang tinitingnan natin sa microscope ang ating mga kabiguan at problema. Ang pagpunta sa templo ay nagpapaalala sa atin na magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Tulad ng isang malaking teleskopyong nakatuon sa mga bituing hindi natin abot-tanaw, binubuksan ng templo ang ating isipan sa mas mataas at mas malawak na pananaw. Tinutulutan tayo nitong makita, maasam, at magsikap na maging katulad ng lahat ng nilayon ng Ama sa Langit na marating natin. Tinutulungan tayo nitong magtuon sa mga walang-hanggang katotohanan—sa mga Magulang sa Langit na nagmamahal sa atin at hangad tayong tulungan, sa ating tunay na kahalagahan bilang Kanilang mga anak, at sa kaya nating marating bilang “mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:17). Sa templo, itinuturo ang plano ng Diyos at ginagawa ang mga walang-hanggang tipan. Sa templo, binibigyan tayo ng mga kasangkapan upang maging pinakadakila at pinakamabuti nang walang hanggan.
“Sa pagpunta natin sa templo,” pagpapayo ni Pangulong Monson, “maaaring madagdagan ang ating espirituwalidad at makadarama tayo ng kapayapaan na higit pa sa anumang damdaming maaaring dumating sa puso ng tao. Mauunawaan natin ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niyang: ‘Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. … Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man’ [Juan 14:27].”8
Ang Paglilingkod Ninyo sa Templo ay Aantig sa Iba
Ang espiritung matatamo ninyo dahil sa paglilingkod sa templo ay aantig sa maraming taong kahalubilo ninyo—na ang ilan ay mga hindi ninyo inaakala. Sa pagtatapos ng isa sa aming mga pagbisita sa templo sa Washington, D.C., nagbahagi ng patotoo ang mga miyembro habang umaandar ang bus pauwi. Sunud-sunod na ibinahagi ng mga dumalo ang kanilang kagalakan at pasasalamat para sa agaran at walang-hanggang mga pagpapala ng templo. Sa huli ay hindi na ito nakayanan ng drayber ng bus namin na hindi miyembro. Sinunggaban niya ang mikropono at nagpasalamat na kasama namin siya. Pagkatapos ay sinabi niyang, “Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa inyo, pero iba ang pakiramdam ko rito.” Siyempre pa, kinuha ng isang ward mission leader na nasa bus ang kanyang contact number at ibinigay ito sa mga missionary kalaunan.
Inaanyayahan ko kayong samantalahin ang kaloob na templo na malapit sa inyo at dumalo kayo nang madalas kung itinutulot ng inyong sitwasyon. Makasusumpong kayo ng lakas at kayapaan sa bahay ng Panginoong Jesucristo, sapagkat Siya ang ilaw at ang buhay at ang pag-asa ng mundo. Habang sumusulong ang mga huling araw na ito tungo sa pagbabalik na Kanyang ipinangako, nawa’y matanggap ninyo ang Kanyang ilaw at madama ang pag-asang iniaalay sa Kanyang mga banal na templo.