Mensahe ng Unang Panguluhan
Ang Kaloob na Pagsisisi
“Responsibilidad nating umangat mula sa pagiging karaniwan lamang tungo sa pagiging mahusay, mula sa kabiguan tungo sa tagumpay,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson. Ang tungkulin natin ay maabot ang pinakamahusay nating [mararating].” Isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa atin ay ang kagalakang magsikap na muli, dahil hindi kailangang magwakas sa kabiguan ang lahat.”1
Kadalasa’y iniuugnay natin ang pagsisimula ng bagong taon sa mga pagpapasiya at mithiin. Nagpapasiya tayong magpakabuti, magbago, sumubok muli. Marahil ang pinakamahalagang paraan na maaari tayong sumubok muli ay sa pagtanggap sa tinatawag ni Pangulong Monson na “ang kaloob na pagsisisi.”2
Sa sumusunod na mga sipi mula sa kanyang mga turo mula nang siya ang maging Pangulo ng Simbahan, pinayuhan tayo ni Pangulong Monson na “gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang [tayo] ay makatanggap ng kapatawaran ng a[t]ing mga kasalanan, at ang a[t]ing mga puso ay maging dalisay.”3
Ang Himala ng Kapatawaran
“Tayong lahat ay nakagawa ng mga maling pasiya. Kung hindi pa natin naiwawasto ang mga pasiyang iyon, tinitiyak ko sa inyo na may paraan para magawa iyon. Ang proseso ay tinatawag na pagsisisi. Nakikiusap ako sa inyo na iwasto ang inyong mga pagkakamali. Namatay ang ating Tagapagligtas upang ibigay sa i[n]yo at sa akin ang pinagpalang kaloob na iyon. Kahit hindi madali ang landas, ang pangako ay totoo: ‘Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe’ [Isaias 1:18]. ‘At ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ [D at T 58:42]. Huwag ipagsapalaran ang inyong buhay na walang hanggan. Kung nagkasala kayo, kung mas maaga ninyong sisimulang bumalik, mas maaga ninyong matatagpuan ang tamis ng kapayapaan at kagalakang kaakibat ng himala ng pagpapatawad.”4
Bumalik sa Landas
“Bagama’t kailangan tayong pumili nang may katalinuhan, may mga pagkakataon na nagkakamali tayo sa pagpili. Ang kaloob na pagsisisi, na inilaan ng ating Tagapagligtas, ang nagtatama sa direksyon natin sa buhay, upang makabalik tayo sa landas patungo sa kaluwalhatiang selestiyal na hinahangad natin.”5
Ang Daan Pabalik
“Kung mayroon man sa inyo na nagkamali sa inyong paglalakbay, tinitiyak ko sa inyo na may daan pabalik. Ang proseso ay tinatawag na pagsisisi. Bagama’t mahirap ang landas na tatahakin, ang inyong walang hanggang kaligtasan ay nakasalalay dito. Ano pa ang mas karapat-dapat na pagsikapan ninyo? Nakikiusap ako na magpasiya kayo ngayon din na gawin ang mga hakbang na kailangan upang makapagsisi nang husto. Kung mas maaga ninyong gagawin ito, mas maaga ninyong madarama ang kapayapaan at katahimikan at ang katiyakang sinabi ni Isaias [tingnan sa Isaias 1:18].”6
Maaaring Magbago ang mga Tao
“Dapat nating isaisip na maaaring magbago ang mga tao. Maaari nilang talikuran ang kanilang masasamang bisyo. Maaari silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Maaari silang maging karapat-dapat na humawak ng priesthood. At maaari silang maglingkod sa Panginoon nang buong sigasig.”7
Maging Malinis Muli
“Kung may mali sa inyong buhay, may paraan para maitama ninyo ito. Itigil ang anumang kasamaan. Kausapin ang inyong bishop. Anuman ang problema, malulutas ito sa pamamagitan ng wastong pagsisisi. Maaari kayong maging malinis muli.”8
Ang Mahalagang Papel na Ginagampanan ng Tagapagligtas
“Napakahalaga sa plano [ng kaligtasan] ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kung wala ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat tayo ay maliligaw ng landas. Hindi sapat, gayunman, ang maniwala lamang sa Kanya at sa Kanyang misyon. Kailangan tayong gumawa at matuto, magsaliksik at magdasal, magsisi at magpakabuti pa. Kailangan nating malaman ang mga batas ng Diyos at ipamuhay ang mga ito. Kailangan nating matanggap ang Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa. Sa paggawa lamang nito natin matatamo ang tunay at walang-hanggang kaligayahan.”9